Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Unang Kabanata: Pagriripaso sa Kasaysayan ng Pilipinas



Read in English

Amado Guerrero
July 30, 1970


6. Ang Papet na Rehimeng Marcos, 1966-

Ang paglipat ni Magsaysay sa Partido Nacionalista mula Partido Liberal para kumandidatong presidente noong 1953 ay ginawa rin ni Ferdinand Marcos noong 1965, nang hindi ipinapaliwanag kung nagkaroon ng anumang pagbabago sa mga prinsipyong pampulitika, at sa gayo'y minsan pang nalantad na walang anumang saligang pagkakaiba ang dalawang papet na reaksyonaryong partido. Si Marcos pa man din ang presidente ng partidong iniwan niya at matalik siyang kasamahan ni Macapagal.

Tinalo ni Marcos si Macapagal noong eleksyon ng 1965 at naging ikaanim siyang president ng papet na republika. Pagkaraan ng panunungkulan ni Marcos, kumandidato siya uli noong 1969 at tinalo niya si Sergio Osmena, Jr. ng Partido Liberal. Sa dalawang eleksyong presidensyal na ito, ang nakaharap niya ay mga kalaban na nagsasabing mas magaling silang tuta ng imperyalismong EU. Sa kabilang banda, ang gusto ng imperyalismong EU ay isang papet na kapareho ni Marcos, na pinakaepektibong makakagamit ng kontrarebolusyonaryong dalawahang taktika sa panahong tampok ang pagsulong ng rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran at kanayunan.

Habang ang papet na rehimeng Marcos ay nagpapanggap na "makabansa" na interesado sa kalayaang pang-ekonomya ng bansang Pilipino at nangangakong tatapusin ang Kasunduang Laurel-Langley sa 1974, laluna ang karapatang pariti, pinagtibay ng rehimen noon pa mang 1967 ang Batas na Pang-engganyo sa Pamumuhunan na nagdedeklarang patakaran ng estado na akitin ang dayuhang pamumuhunan at nagsasabing "Pilipinong nasyonal" ang korporasyong may maksimum na dayuhang sosyong apatnapung porsyento (40%). Sa pakahulugang ito, pwedeng lumikha ang mga imperyalista ng EU ng sistema ng magkakawing na mga korporasyon. Sa sistemang ito, ang "Pilipinong nasyonal" na mayroon nang apatnapung porsyentong (40%) sosyo na itinatago nito ay namumuhunan sa isa pang korporasyon, kaya ang nangyayari ay humigit sa apatnapung porsyento (40%) ang dayuhang sosyo ng nasabing korporasyon. Gayunman, malinaw na pinapayagan ng batas na lumampas sa apatnapung porsyento (40%) ang dayuhang sosyo sa dati o bagong korporasyong nakarehistro sa Lupon ng Pamumuhunan (Board of Investments o BOI), at manatiling ganoon nang walang taning hanggat hindi binibili ng mga "Pilipinong nasyonal" ang mga sosyong ibebenta sa pamilihan ng sosyo sa ikalabing-isang taon pagkaraang magrehistro ang korporasyon. Hindi lamang ginagarantyahan ng Batas sa Pag-eengganyo sa Pamumuhunan ang karapatan sa ari-arian ng mga dayuhang mamumuhunan, kundi ginagarantyahan pa ang karapatang hindi kunin ang nasabing ari-arian at inilalantad ang pangingibabaw ng dayuhang pamumuhunan sa anumang soberanyang pinagsasabi ng kasalukuyang papet na estado. Ang mga "pag-eengganyo" na ibinibigay ng batas ay wala pang kapantay sa pag-abuso sa soberanya ng sambayanang Pilipino at ang layunin ng mga iyon ay palalain ang kolonyal na katayuan ng Pilipinas.

Isang nakakapinsalang kampanyang propaganda na sumusuporta sa pananatili ng interes ng mga monopolyo ng EU sa Pilipinas ang inilunsad ng mga kontrarebolusyonaryo, laluna ng CIA at ng mga Heswitang Amerikano sa pamamagitan ng pangkatin nina Manglapus at Manahan. Iwinasiwas ng Christian Social Movement o CSM, Movement for the Advancement of Nationalism o MAN, Upisina ng Konggreso sa Pagpaplano ng Ekonomya (Congressional Economic Planning Office o CEPO) at iba pang grupong repormista ang mga islogan nilang "mapayapang rebolusyon", "repormang konstitusyonal", at "partihan sa ganansya", at pinalaganap ang mapanlinlang na linya na maisusulong ang nasyonalisasyon ng ekonomya sa pamamagitan ng lehislasyon at pamilihan ng sosyo. Sinasabi sa mga manggagawa na pwede silang maging kapitalista at pwedeng sumosyo sa mga dayuhang mamumuhunan kung bibili sila ng sosyo at isasangla ang sahod na hindi pa man nila natatanggap. Kapareho ito ng dating kasinungalingan na paulit-ulit na sinasabi sa mga magsasakang walang lupa na pwede silang magkaroon ng lupa kung bibili ng lupa sa mga panginoong maylupa.

Marami nang pag-iingay tungkol sa isa pang kolonyal na Kumbensyong Konstitusyonal. Pinalalaganap na isa itong paraan para baguhin ang umiiral na kondisyon. Gayunman, ang tunay na layunin ng Kumbensyong Konstitusyonal ay iakma ang pagkakasulat ng kolonyal na konstitusyon sa mga batas na kapareho ng Batas sa Pang-eengganyo sa Pamumuhunan at ng inihahanda ngayong tratado sa pagkakaibigan, komersyo at nabigasyon ng Estados Unidos at Pilipinas. Sa tuwi-tuwina'y ipinapaalala sa malawak na masa ng mamamayan na kailangan nilang akitin at tanggapin nang mabuti ang mga "turistang may dolyar", ibig sabihin, ang mga monopolyo ng EU. Ang bawat munisipalidad o baryo ay pinaaasang magiging puntahan ng mga turista ayon sa pakanang kontrahin ang tumitinding damdamin ng bayan laban sa imperyalismong EU.

Ganap na pinawalan ng saysay ng papet na rehimeng Marcos ang repormistang pananaw na makukuha ng reaksyonaryong gobyerno o ng mga negosyanteng Pilipino ang mga interes na pang-ekonomya ng imperyalismong EU ayon sa "ligal na proseso" at "makatwirang pagbabayad" at buong katapatang sinunod ng papet na rehimeng ito ang dikta ng imperyalismong EU na ubusin ang pera ng reaksyonaryong gobyerno at pahirapan ang mamamayan sa pamamagitan ng implasyon at paulit-ulit na debalwasyon. Sa kabila ng pagtaas ng mga buwis, umabot sa di kukulangin sa anim na bilyong piso (P6,000,000,000) ang panloob na utang ng reaksyonaryong gobyerno dahil gastos ito nang gastos sa mga proyektong lalo lamang nagpapatingkad sa malakolonyal at malapyudal na katangian ng ekonomya. Dagdag sa panloob na utang na ito, mahigit isang bilyon, siyam na raang milyong dolyar ($1,900,000,000) ang naging panlabas na utang, pangunahin sa imperyalismong EU. Sa gayon, ang bansa ay nahirapan nang husto sa wala pang katulad na krisis sa pinansya.4 Naghihirap ang malawak na masa ng mamamayan sa mabilis na tumataas na mga presyo dahil mabilis na umuunti ang mabibili ng piso sa loob at labas ng bansa.

Sinamantala ng imperyalismong EU ang kagipitan sa pinansya ng papet na gobyernong Pilipino, at sa pamamagitan ng IMF ay idinikta ang debalwasyon ng piso kahit mapinsala ang malawak na masa ng mamamayan. Noong mag-umpisa ang 1970, bumaba ang halaga ng piso at naging mahigit anim na piso bawat dolyar ng EU mula sa tatlong piso at nubenta sentimos bawat dolyar. Ikalawang beses na ito sa loob lamang ng walong taon na ang debalwasyon ay ipinataw sa mamamayan nang walang katugong dagdag sa kanilang kita. Mula 1962 ay mahigit sandaa't limampung porsyento (150%) na ang itinaas ng presyo ng maraming pangunahing kalakal. Wala kahit isang kalakal sa Pilipinas na hindi naapektuhan ng tumataas na gastos ng pag-iimport ng panggatong, kagamitan, pyesa, hilaw na materyales at iba pa. Araw-araw na nahaharap sa pagkabangkrap ang pambansang burgesyang Pilipino dahil naalis sa lokal na pamilihan ang kanilang mga produkto at hindi sila makakuha ng sapat na utang sa bangkrap na papet na gobyerno.

Dahil sa debalwasyon ng piso, awtomatikong tumaas ang halaga ng mga ari-arian ng EU sa Pilipinas, pati na ang halaga ng panlabas na utang ng Pilipinas. Walang saysay at istupido na asahan na ang mga monopolyo ng EU ay mabibili ng reaksyonaryong gobyerno at ng mga pribadong Pilipinong mamimili ng sosyo. Sa kabilang banda, masahol pa kaysa dati ang reaksyonaryong gobyerno na namamalimos ng mapang-usurang dayuhang pautang, at ang mga empresang pag-aari ng Pilipino ay mas madaling makuha, maasimila o madurog ng mga monopolyo ng EU kung ikukumpara sa dati. Dahil sa debalwasyon, lalo lamang umasa ang Pilipinas sa dolyar ng EU at lalo lamang lumala ang malakolonyal at malapyudal na katangian ng ekonomya.

Kahit buong kayabangang idineklara ng papet na rehimeng Marcos na saklaw ng reporma sa lupa ang maraming munisipalidad laluna sa Gitnang Luzon, ang totoo'y walang pera ang reaksyonaryong gobyerno para maisagawa ang tinatawag nitong programa daw sa reporma sa lupa. Sa kanayunan ng Pilipinas, naging napakalinaw na sa paglulunsad lamang ng digmang bayan maisasagawa ng uring magsasaka ang rebolusyong agraryo. Sa kalunsuran, nagigipit nang husto ang proletaryado dahil sa maramihang pagtatanggal sa trabaho at implasyong kagagawan ng imperyalismo sa loob at labas ng Pilipinas.

Ang mga reaksyonaryong uri lamang sa lipunang Pilipino ang may parte sa mga mapagsamantalang pribilehiyo at pakinabang na tinatamasa ng imperyalismong EU. Ang malaking burgesyang komprador at uring panginoong maylupa ang napapaburan anang husto ng awtomatikong pagtaas ng pisong katumbas ng dolyar na kinikita nila sa pag-eeksport ng hilaw na materyales. Sila ang prinsipal na nakikinabang sa iba't ibang proyekto sa obras publikas na nagpapadali sa paghahakot ng inieeksport na hilaw na materyales at iniimport na yaring produktor. Tumatanggap sila ng iba't ibang porma ng "pang-eengganyo" sa pag-eeksport. Sila ang binibigyan ng pinakamalalaking pautang para magtayo at magtayo uli ng mga pasilidad sa pagmamanupaktura. Kasabwat ang papet na rehimeng Marcos sa salamangka ng imperyalismong EU na gawing suki ang Pilipinas sa pagbili ng asukal para magkaroon ng dagdag na pribilehiyo dito sa bayan. Alinsunod dito'y ibinigay ng papet na rehimen ang pinakamalalaking pautang para makapagpatayo ng mga bagong asukarera sa maraming lugar. Sa pagdidiposisyon sa pondo ng gobyerno at pag-aapruba ng gobyerno sa mga proyektong pangnegosyo, ang krisis sa ekonomya ay pinalalala ng mga burukratang kapitalista, na pinangungunahan ni Marcos, sa pamamagitan ng pangingikil ng kickback sa lahat ng klase ng kontrata sa gobyerno.

Bilang masugid na papet ng imperyalismong EU, dinaig ni Marcos si Macapagal sa pagpapadala ng mga mersenaryong tropang Pilipino para lumahok sa gerang agresyon ng EU sa Byetnam at buong Indotsina. Kahit lumalala ang pagkabangkrap ng reaksyonaryong gobyerno, ipinadala pa rin ni Marcos ang Philcag sa Timog Byetnam. Hanggang ngayon, may mga mersenaryong Pilipino roon na iba lamang ang tawag tulad ng Philcon, Operation Brotherhood at mga kumpanya sa inhinyera. Garapal na ginagamit ng imperyalismong EU ang mga base militar nito, at ang himpapawid at karagatan ng Pilipinas, para maglunsad ng mga gerang agresyon sa Asya. Sa mga base militar, ang mga tauhang militar ng EU ay patuloy na pumapatay, nanggagahasa at gumagawa ng lahat ng klase ng pang-aabuso sa mamamayang Pilipino, pero ang papet na rehimeng Marcos, tulad ng lahat ng naunang papet na rehimen, ay nakikipagsabwatan sa mga imperyalistang EU sa "pakikipagnegosasyon" na humahantong lamang sa pagtataguyod sa mga karapatang ekstrateritoryal ng mga imperyalistang EU. Imbis na ipaglaban ang soberanya ng sambayanan, pinakakawalan ng reaksyonaryong gobyerno ang pulisya at mga tropa nito para salakayin ang mga anti-imperyalistang aksyong protesta ng mamamayan.

Ginagaya ng papet na rehimeng Marcos ang bawat "bagong" patakaran ng imperyalismong EU at sinusunod ang bawat "bagong" hakbang nito. Sinusunod ng rehimen ang "bagong patakaran sa Asya" ni Nixon na "Asyano ang palabanin sa kapwa Asyano". Masugid na sinusuportahan ang sosyohan ng EU at Hapon sa Pasipiko at ang panggugulo ng sosyohang ito sa Asya. Yumuyuko ang rehimen sa patakaran ng mga imperyalista ng EU na buhayin uli ang militarismong Hapones at gawin itong punong-tanod ng imperyalismong EU sa Asya. Ang militarismong Hapones na nagbabangon uli ay itinataguyod na "panrehiyong lider" ng Asya sa pamamagitan ng ADB, Konseho ng Asyano sa Pasipiko (Asian Pacific Council o ASPAC), Asosasyon ng mga Bansa sa Timog-Silangang Asya (Association of Southeast Asian Nations o ASEAN), Konsehong Pang-ekonomya ng mga Ministro sa Timog-Silangang Asya (Southeast Asian Ministers' Economic Council o SEAMEC), "Porum na Asyano" at iba pa.

Bago pa man pagtibayin ang di pantay na Kasunduan ng Hapon at RP sa Pagkakaibigan, Komersyo at Nabigasyon, hinihimok na ng papet na rehimeng Marcos ang mga monopolyong Hapones na lusubin ang Pilipinas. Sila ngayon ang pangalawang pinakamalaking dayuhang mamumuhunan. Itinatambak dito ang mga kalakal ng Hapon at pinapasok ng mga puhunang Hapones ang bawat importanteng larangan ng negosyo. Ang Hapon ay pangalawa lamang sa Estados Unidos sa pagkuha ng tanso, troso, pulot at bakal. Mahigit tatlumpung porsyento (30%) ngayon ang parte ng Hapon sa kalakalang panlabas ng Pilipinas. Hindi nirerespeto ng mga sasakyang militar at plotang pangingisda nito ang karagatang nasa teritoryo ng Pilipinas. Sa desperadong tangka ng papet na rehimeng Marcos na lokohin ang mamamayang Pilipino tungkol sa Hapon, pinalalaganap ang kasinungalingan na mabait ang Hapon para makautang kapalit ng pandarambong sa likas na yaman ng Pilipinas at pagsasamantala sa mamamayan. Pinalalabas pang kabutihang-loob sa mamamayan ang ibinabayad ng Hapon sa napinsala ng gera na ibinubulsa naman ng mga lokal na reaksyonaryo. Ang istratehikong Pan Philippine Highway ay tiklop-tuhod na tinawag na "Japanese Friendship Highway".

Unti-unti ring inuumpisahan ng papet na rehimeng Marcos ang pakikipagkalakalan at relasyong diplomatiko sa sosyal-imperyalismong Sobyet at iba pang bayang rebisyonista ayon sa patakaran ng imperyalismong EU na panatilihin ang pandaigdigang pakikipag-alyansa sa Unyong Sobyet laban sa Tsina, mamamayan, rebolusyon at komunismo. Sa bigong tangka ng imperyalismong EU na huwag itong mapagtuunan ng atensyon, itinataguyod nito ang sama-samang pang-aapi at pagsasamantala ng Estados Unidos, Hapon at Unyong Sobyet sa sambayanang Pilipino. Kaugnay nito, may pakana ang mga imperyalista na palakasin ang napakasamang hangin ng modernong rebisyonismo sa loob ng bayan. Ang mga lokal na ahente ng modernong rebisyonismo, ang reaksyonaryong pangkating burges ayon sa imperyalistang pakanang isabotahe ang rebolusyonaryong kilusang masa.

Sa pagsasagawa ng mga reaksyonaryong patakaran, di maiiwasan ng papet na rehimeng Marcos na malantad ang pasistang katangian nito. Dahil hindi na makaya ang krisis sa pulitika at ekonomya na pinagbagsakan nito sa bansa at dahil hindi na rin maloko ang mamamayan sa pamamagitan ng mga ipokritong islogan tulad ng "pwede uling maging dakila ang bansang ito" o "bagong Pilipinismo", buong bangins na ginagamit ng papet na rehimeng Marcos ang makinarya ng estado para supilin ang malawak na masa ng mamamayan sa pamamagitan ng terorismo, paisa-isa man o malawakan. Sa paglulunsad ng kampanyang anti-demokratiko, pakutya pang iwinawasiwas ang bandera ng "liberal na demokrasya".

Sa pamamagitan ng JUSMAG, nagsusuplay ang imperyalismong EU ng mas maraming kagamitang militar sa reaksyonaryong armadong pwersa at nag-uudyok dito na maglunsad ng mga kampanyang kontra-insureksyon, ibig sabihin, salakayin ang malawak na masa ng mamamayan. Sa pamamagitan ng Ahensya sa Internasyonal na Pagpapaunlad (Agency of International Development o AID), ang imperyalismong EU ay nagbibigay din ng kagamitan sa komunikasyon at kagamitang anti-riot para salakayin ang mga organisasyong masa at lansagin ang mga aksyong protesta. Nagpupunta pa nga sa larangan ang mga tauhang militar ng EU para pangasiwaan ang mga operasyon ng pulisya at militar. Ang malinaw na layunin ng pagpapatindi ng imperyalismong EU sa lokal na pasismo ay supilin ang lumalaking rebolusyonaryong kilusang masa na pinag-aalab ng mabilis na pagbulusok ng naghaharing sistema.

Habang tumitindi ang pasismo, ang mga pribadong hukbo at mga upisyal na yunit ng mamamatay-tao kapareho ng "Monkees", "BSDU" (Barrio Self-Defence Unit), "Home Defense Forces", "Ispesyal na Pwersa" (Special Forces), "pansagupang pwersa ng probinsya" (Provincial Strike Forces) at iba pa ay garapal na gumagawa ng brutalidad laban sa mamamayan. Kahit malinaw nang lumilitaw ang tiranikong katangian ng reaksyonaryong gobyerno, ang mga kontrarebolusyonaryo ay nagtatayo ng mga grupong repormista para palakihin ang kumpyansa sa reaksyonaryong gobyerno at siraan ang rebolusyonaryong kilusang masa.

Katangian ng papet na rehimeng Marcos ang mga masaker, maramihang pag-aaresto, pangingidnap, asasinasyon, panggagahasa, panununog, pangingikil, at pandarambong sa mga bahay. Ang mga masaker sa Culatingan at Corregidor, ang masaker sa Lapiang Malaya, ang mga masaker sa Capas, Mendiola at Tarlac ay malilinaw na katibayan ng pasistang katangian ng papet na rehimen at ilang halimbawa lamang ng marami pang brutalidad sa mga manggagawa, magsasaka, istudyante, intelektwal at pambansang minorya.5 Sa nakaraang eleksyong presidensyal, ang papet na rehimeng Marcos ay gumamit ng wala pang katulad na pandaraya at terorismo para siguraduhing mananatili ito sa kapangyarihan. Sa paraang wala pang katulad ay ginamit ang pondo at pasilidad ng gobyerno, at ang reaksyonaryong armadong pwersa ng gobyerno at mga pangkatin ng mga panginoong militar, para panatilihin sa kapangyarihan ang pasistang pangkating Marcos.

Sa ilalim ng papet na rehimeng Marcos, umabot sa bagong kasukdulan ang rebolusyonaryong kilusang masa. Noong 1966, ang sunud-sunod na mga protestang masa laban sa pagkakasangkot ng Pilipinas sa gerang agresyon ng EU sa Byetnam ay humantong sa kasukdulan noong Oktubre 23 at 24 nang mariing tuligsain ng napakaraming manggagawa, magsasaka't istudyante ang miting na idinaos sa Maynila, at dinaluhan ng pinuno ng mga imperyalista ng EU na si Johnson at ng mga papet na pinunong Asyano. Noong 1967, kinundena sa malalakas na demonstrasyon ang pang-ekonomyang pang-aalipin ng mga monopolyo ng EU sa sambayanan, ang mga base militar ng EU at mga brutalidad dito, at ang gerang agresyon sa Byetnam. Noong 1968, sumiklab sa buong kapuluan ang mga militanteng demonstrasyon laban sa negosasyon ng Estados Unidos at Pilipinas na naghahandang patagalin ang "tratong nasyonal" sa mga monopolyo ng EU nang lampas sa 174, laban sa mga base militar ng EU, laban sa ibayong Amerikanisasyon ng Unibersidad ng Pilipinas at buong sistemang pang-edukasyon, at laban sa suporta ng mga Briton at Amerikano sa "Malaya".

Nangyari noong 1969 ang mga rebelyon ng mga istudyante at titser laban sa reaksyonaryong sistema ng edukasyon, mga demonstrasyon sa Maynila ng mga magsasaka laban sa mga panginoong maylupa at pasistang paghahari sa kanayunan at mga welga ng mga manggagawa na sinuportahan ng mga aktibistang istudyante. Buong bagsik na sinalubong ng mga militanteng demonstrasyon ang pagdating dito ng mga pinunong imperyalista ng EU na sina Nixon at Agnew sa magkahiwalay na okasyon. Samantalang nagngangalit ang mga militanteng aksyong masa sa Maynila at iba pang syudad, mas marami kaysa dati ang mga rebolusyonaryong manggagawa, istudyante at intelektwal na nagpunta sa kanayunan para magsarbey doon at lumahok sa gawaing masa sa hanay ng magsasaka. Mabilis na sumulong ang bagong demokratikong tipo ng rebolusyon sa kultura na pinamumunuan ng muling tatag na Partido Komunista ng Pilipinas.

Taun-taon, sa kabila ng pasistang brutalidad ay lumalakas ang rebolusyonaryong kilusang masa, dumadalaw, lumalaki, lumalaganap sa mga probinsya at naghahatid ng mas malinaw na rebolusyonaryong mensahe sa mamamayan. Noong 1970, nangyari ang wala pang katulad na mga aksyong masa na sa tuwina'y direktang nilahukan ng limampung libo hanggang isang daang libong (50,000 - 100,000) mamamayan, isang dakilang paglalagom ng rebolusyonaryong pagpupunyagi sa nakaraang dekada at senyal ng unos sa kabuuan ng kasalukuyang dekada. Nag-umpisa ang mga aksyong masang ito sa mga demonstrasyon ng mga manggagawa, magsasaka, istudyante at intelektwal noong Enero 26 at Enero 30-31. Ang pagtatangka ng mga reaksyonaryo na ibandera ang kontrarebolusyonaryong islogang "mapayapang rebolusyon" ay nilunod ng rebolusyonaryong islogan ng masa na "matagalang digmang bayan" na sagot sa pasistang brutalidad sa kanila, at sagot din sa paulit-ulit na banta ng papet na rehimeng Marcos na pormal na idedeklara ang batas militar. Inihudyat ang Sigwa ng Unang Kwarto ng 19706 na hinog na ang rebolusyon sa kultura na pinangungunahan ng mga rebolusyonaryong kabataang may oryentasyong Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong at mulat sa demokratikong rebolusyon ng bayan. Ang esensya ng rebolusyon sa kultura ay malinaw na lumitaw na kilusang propaganda para sa pambansa-demokratikong pakikibaka sa imperyalismong EU, pyudalismo at burukratang-kapitalismo.

Dahil nahaharap ang papet na rehimeng Marcos sa bumabagsik na paglaban ng rebolusyonaryong masa, inulit-ulit nito na pormal na idedeklara ang batas militar sa kabila ng katotohanang walang taros itong nagsasagawa ng pasistang pananakot sa kalunsuran at kanayunan, laluna sa kanayunan na ang masang magsasaka ay pinagbubuntunan ng galit ng mga unipormadong tropa at katulong nilang maton. Sa paggamit ng papet na rehimeng Marcos ng higit pang kontrarebolusyonaryong karahasan, pinagngnangalit nito ang sambayanan at pinabibilis ang pagbagsak ng malakolonyal at malapyudal na sistema.

Hindi na pwedeng salakayin ng papet na rehimeng Marcos ang rebolusyonaryong masa nang hindi lumalasap ng ganting salakay. Itinatag uli ang Partido Komunista ng Pilipinas na binibigyan ng makapangyarihang inspirasyon ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong at tinatahak nito ang landas ng armadong rebolusyon para ipaglaban ang pambansang paglaya at demokrasyang bayan. Ang Bagong Hukbong Bayan, na pinamumunuan ng Partido, ay masigasig na nagtatayo ng mga rebolusyonaryong base sa kanayunan at patuloy na nagtatagumpay sa matagalang digmaang bayan. Ginagamit ngayon ng Partido Komunista ng Pilipinas ang istratehikong prinsipyo ni Tagapangulong Mao na kubkubin ang kalunsuran mula sa kanayunan.

Noong matapos ang 1969, wala pa mang isang taong naitatatag ang Bagong Hukbong Bayan, nang magkaroon ng makabuluhang pagtaas ang antas ng armadong paglaban ng mga gerilyang magsasaka kung ikukumpara sa antas na naabot noong mga sinundang taon, ang bilang ng kaaway na napatay ng Bagong Hukbong Bayan ay mahigit isang daa't limampung porsyento (150%) ang taas sa karaniwang bilang ng kaaway na napapatay taun-taon mula 1966 hanggang 1968. Mula Marso 29, 1969 hanggang Marso 29, 1970, di kukulangin sa dalawang daang (200) tropang kaaway, ispiya, lokal na tirano at masasamang elemento ang nalipol ng Bagong Hukbong Bayan.7 Kahit sa Partido at Bagong Hukbong Bayan nakakonsentra ang salakay ng kaaway, matagumpay na natagalan nila ang mga asolt ng kaaway, at nakapagkamit ng ibayong lakas. Ang dahilan nito ay nagsasagawa sila ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka para idepensa ang malawak na masa ng mamamayan.

__________________________

4 Noong Pebrero 1972, ang panloob na utang ng reaksyonaryong gobyerno ay pitong bilyon, sandaang milyong piso (P7,100,000,000) at ang panlabas na utang ay labing-apat na bilyon, apat na raa't limampung milyong piso (P14,450,000,000) o dalawang bilyon, sandaa't tatlumpu't apat na milyong dolyar ($2,134,000,000) sa palitang anim na piso pitumpu't pitong sentimo bawat dolyar ng EU.

5 Idagdag pa sa listahan ng mga masaker na isinagawa ng papet na rehimeng Marcos ang masaker sa Maynila, masaker sa Tacub, unang masaker sa Plaza Miranda, masaker sa Cabugao at marami pang iba. Ang ikalawang masaker sa Plaza Miranda noong Agosto 21, 1971 ay sinundan, pagkaraan lamang ng ilang oras, ng suspensyon ng kasulatang habeas corpus sa buong bayan. Binawi lamang ang utos sa pagsususpindi pagkaraang makakuha sa reaksyonaryong Korte Suprema ang pangkating EU-Marcos ng desisyong umaayon dito. Pero mayroon man o walang pormal na suspensyon ng kasulatang habeas corpus, ang pangkating EU-Marcos at mga armadong alipuris nito ay talagang nagmamantini na ng kalagayang batas militar sa malalawak na lugar sa Pilipinas.

6 Ang unang Sigwa ng 1970 ay isang dakilang pangyayari sa kasaysayan at dito'y lumitaw ang maraming organisasyong masang sumasaklaw sa mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan at aktibista sa kultura.

7 Noong Marso 3, 1972, nakalipol na ang Bagong Hukbong Bayan ng mga walong daang (800) tropa ng kaaway; mga siyam na raang (900) impormer, despotikong panginoong maylupa at masasamang elemento; at dalawampu't dalawang (22) upisyal na militar ng EU. Nareyd na nito ang ilang malalaking kampo ng kaaway, kabilang ang hedkwarter ng Task Force "Lawin" at ang Akademyang Militar ng Pilipinas (Philippine Military Academy o PMA). Nakawasak o malubhang nakapinsala na rin ito ng anim na sasakyang panghimpapawid ng kaaway, kabilang ang limang helikopter at iba't ibang tipo ng sasakyang panlupa at kagamitan sa komunikasyon. Sa loob ng wala pang tatlong taon, dumami nang walong beses ang mga pultaym na iskwad-panlaban, bukod pa sa mas maraming partaym na lokal na gerilya at milisyang bayan.

__________________________

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.