Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Unang Kabanata: Pagriripaso sa Kasaysayan ng Pilipinas



Read in English

Amado Guerrero
July 30, 1970


VII. Ang Pakikibaka ng Sambayanan sa Imperyalismong Hapones

Pagkatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig, ibinigay ng imperyalismong EU at Britaniko sa Hapon ang tungkuling maging ispesyal na tanod nila sa pinto sa likuran ng unang estadong sosyalista at maging prinsipal na Asyanong kolaboreytor sa kolonisasyon ng mamamayang Asyano. Ibinigay sa Hapon ang pribilehiyong panatilihin ang mga dating kolonya nito at magkaroon pa ng mga bago, bastat hindi nito hahamunin ang hegemonya ng EU at Britanya. Sa Pilipinas, hinikayat ng imperyalismong EU ang mga empresang Hapones na lumahok sa pagsasamantala sa mamamayang Pilipino, laluna sa Mindanao. Gayunman, noong mga taon ng dekadang 1930 ay niyanig ng pandaigdigang krisis ng kapitalismo ang balanse ng kapangyarihan sa pagitan at sa loob ng mga bayang imperyalista, at nanaig ang pasismo sa ilang bayang kapitalista, kabilang ang Hapon na naging peligro sa mga mamamayan ng mundo.

Kapareho ng lahat ng iba pang kapangyarihang pasista, nagdisisyon ang imperyalismong Hapones na maglunsad ng gera para hatiin uli ang mundo sa desperadong hakbang na iligtas ang sarili sa paghina ng ekonomya nito. Ambisyon nitong monopolisahin ang Asya kahit ayaw ng mga dating among Briton at Amerikano. Naglunsad ang imperyalismong Hapones ng malakihang pagsalakay sa Tsina noong mga taon ng dekadang 1930 bago niyon sinalakay ang iba pang bayan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Noong Disyembre 7 at 8, 1941, biglang sinalakay ng mga eroplano ng Hapon ang mga base militar ng EU sa buong Karagatang Pasipiko at Dagat ng Tsina, kabilang ang mga nasa Pearl Harbor at Pilipinas. Sinunod kaagad ng papet na gobyernong komonwelt ang mga awtoridad na militar ng EU at idineklarang "open city" (hindi lalaban) ang Maynila noong Disyembre 26, at inokupa ito ng mga Hapones noong Enero 2, 1942. Noong umpisa pa lamang, malinaw nang ang istratehiyang militar ng EU ay asikasuhin muna ang Europa at pabayaang kumalat nang husto sa Asya ang mga Hapones.

Tulad ng inaasahan ng mga mananalakay na Hapones, buong katangahang ikinonsentra ni MacArthur sa Bataan at Corregidor ang Armadong Pwersa ng EU sa Dulong Silangan (US Armed Forces in the Far East o USAFFE) na binubuo ng mga tropa ng EU at boluntir na Pilipino. Mula sa ilang lugar ay buong layang sinalakay ng mga tropa ng imperyalismong Hapones ang Pilipinas. Sa gayon, napaligiran nila ang USAFFE na sumurender sa Bataan noong Abril 9 at sa Corregidor noong Mayo 7. Wala gaanong saysay ang paglaban sa Bataan, at ginamit lamang ito para protektahan ang pagtakas ng mga kolonyal na opisyal ng EU at papet na gobyernong komonwelt sa Corregidor. Isinurender ng mga heneral ng EU ang kanilang pwersa at sapilitang napasama ang mga ito sa "death march" mula Bataan hanggang sa concentration camp sa Capas, Tarlac.

Namili sa dalawang bagay ang mga burukratang kapitalistang pinatataba ng mga imperyalistang EU: manatiling tapat sa imperyalismong EU o ibaling ang katapatan sa imperyalismong Hapones. Ganoon din ang pinagpilian ng malaking burgesyang komprador at malaking panginoong maylupa. Hinding-hindi nila isinaalang-alang na ang pasistang pagsalakay na resulta ng mga kontradiksyon ng mga bayang imperyalista ay pagkakataon na para igiit ang soberanya ng sambayanang Pilipino laban sa imperyalismong Hapones at imperyalismong EU. Nahati sa dalawang paksyon ang Partido Nacionalista ng mga komprador at panginoong maylupa na nagmonopolisa sa papet ng burukrasya; nagsilbi sa imperyalismong EU ang isang paksyon, at ang isa nama'y sa imperyalismong Hapones. Ang mga burukratang kapitalista na nagdesisyong kumampi sa imperyalismong EU ay tumakas papuntang Washington o sumama sa USAFFE, ang mas kinalaban pa ay ang taumbayan kaysa mga pasistang Hapones at mga papet nito.

Pumarito ang imperyalismong Hapones dala ang islogang "lugar ng sama-samang kasaganaan sa Kasilangangang Asya" (East Asia Co-prosperity Sphere) tulad din ng pagparito ng imperyalismong EU dala ang islogang "mapagpalang asimilasyon" (benevolent assimilation). Ang Pilipinas ay ginawang kolonya ng mga pasistang mananalakay at itinayo nila ang sarili nilang papet na gobyerno sa pamumuno ng malaking traydor na si Jose Laurel. Sinuportahan ng malaking burgesyang komprador at uring panginoong maylupa ang papet na gobyernong ito. Noong Oktubre 14, 1943, ibinigay ng mga imperyalistang Hapones ang "independensya" at itinayo ang isang papet na republika sa malinaw na tangkang unahan ang mga imperyalistang EU, na nangako na ring gagawa ng ganoong panloloko pagdating ng Hulyo 4, 1946.

Ipinakita nito ang mapaminsalang impluwensya ng mga ahente ng imperyalismong EU, sa pamumuno nina Lava at Taruc, na nagmaniobrang ituon ang pansin ng liderato ng Partido sa parlamentarismong burges, pasipismo at mga kalayaang sibil.

Gayunman, ang digmaang bayan ay patuloy na sinabotahe ng reaksyonaryong pangkating burges nina Lava at Taruc sa loob ng Partido. Ikinalat nila ang linya na sa mga Hapones lamang ituon ang pakikibakang bayan at tanggapin ang pagbabalik ng imperyalismong EU at papet na gobyernong komonwelt nito. Nong kaigtingan ng gerang antipasista, pinagtiby nila ang duwag na linyang "umatras para magdepensa" na walang pagkakaiba sa patakaran ang USAFFE na "magtago at maghintay". Nilabag ng reaksyonaryong pangkating burges nina Lava at Taruc ang linya ng Ikatlong Internasyunal na makipagkaisa at makipagtunggalian sa loob ng nagkakaisang prente sa lahat ng oras, at gamitin ang antipasistang prenteng popular para maitatag ang demokratikong gobyernong bayan.

Napatunayan ng mga pangyayari na mali ang patakarang "umatras para magdepensa", at ang pagbuwag sa mga iskwadron ng Hukbalahap3 para maging napakaliliit na yunit na may tatlong hanggang limang tao. Pinigilan nito ang paglaki at pagsulong ng hukbong bayan. Sa paggigiit ng mga rebolusyonaryong kadre at masa, itinakwil ng Komite Sentral ng Partido ang patakarang ito pero noon na lamang Setyembre 1944. Tiyempong-tiyempo na itinakwil ang patakaran para mabigyan ng daan ang matagumpay na pagsulong ng Hukbalahap kahit man lamang sa Gitnang Luzon at ilang parte ng Timog Luzon. Noong Oktubre, ang Pilipinas ay sinusubok nang bawiin ng pwersa ng imperyalismong EU.

Sa kabila ng pagpipilit ng mga ahente ng imperyalismong EU na pahinain ang Partido at ang Hukbalahap, namukod-tangi silang pinakamabagsik at pinakaepektibong mandirigma laban sa pagkuha ng pagkain, laluna ng bigas mula sa Gitnang Luzon. Pagkaraan ng gera, naging tampok sila bilang pinakamalakas na pwersang gerilya na may pinakamalawak na suporta ng bayan at pinakamalaking teritoryo.

Nang ang mga tropang Hapones ay maramihan nang nililipol ng bawat kilusan sa pambansang pagpapalaya sa Asya, laluna sa malawak na parte ng Tsina, saka lamang nakipaglaban sa Hapones ang imperyalismong EU sa dagat at himpapawid, sa masamang pakana na sakupin uli ang dating mga kolonya at manakop pa ng mga bago. Ang mga pinakamapagpasyang pagkatalo ng imperyalismong Hapones sa buong gerang antipasista sa Asya ay ipinalasap ng Partido Komunista ng Tsina at Hukbo sa Pagpapalaya ng Bayan na pinamumunuan ni Kasamang Mao Zedong. Ang Tsina ang umubos sa pinakamaraming tropang agresor na Hapones na kumalat nang husto sa malawak na teritoryo ng Tsina mula pa noong 1937. Utang ng mamamayan ng Asya sa dakilang sambayanang Tsino ang pagbago sa agos ng gera laban sa imperyalismong Hapones pagdating ng 1945. Hangal, asal-maton at rasista ang paggamit ng imperyalismong EU ng bomba atomika laban sa mamamayang Hapones, sa pagpipilit ng EU na angkinin ang tagumpay laban sa Hapon.

Ang pagbago ng agos ng buong gerang pandaigdig laban sa pasismo ay utang ng lahat ng mamamayan ng mundo, laluna ng mamamayan ng Europa, sa Unyong Sobyet na nasa dakilang pamumuno ni Kasamang Stalin. Ang labanan sa Stalingrad ang nagpahina sa pinakaubod ng kapangyarihang Axis. Mula noon, walang tigil na sumulong ang Pulong Hukbong Sobyet, at nalipol at nalansag ang pwersang pasista.

Higit sa lahat ay utang ng sambayanang Pilipino sa sarili ang paglaya nila sa imperyalistang mananalakay na Hapones. Ang kabuuang pagpupunyagi ng Partido Komunista ng Pilipinas, Hukbalahap at iba pang makabayang pwersang gerilya sa buong bayan ang bumali sa gulugod ng mapanalakay at papet na pwersang Hapones. Sila ang nagtaboy sa mga Hapones mula sa mga garison sa mga syudad at kabayanan, at tumupok sa kaaway sa pakikidigmang gerilya sa kanayunan. Hindi imperyalismong EU ang nagpalaya sa Pilipinas. Bumalik lamang ang imperyalismong EU para ipataw muli ang kolonyal na paghahari nito. Sa katunayan, ikinonsentra nito ang pagbomba at pagkanyon sa mamamayang Pilipino at mga bahay nila noong huling parte ng 1944 at unang parte ng 1945 para mapadali ang pagsakop uli sa kanila. Nakipagkumpitensya ang mga imperyalistang hapones sa mga imperyalistang EU sa dami ng mga ipinapatay na mamamayang Pilipino. Pagkabalik na pagkabalik ng imperyalismong EU, nagmaniobra ito para salakayin at lansagin ang Hukbalahap at iba pang pwersang gerilya na hindi kasama ng USAFFE.

__________________________

3 Ang iskwadron ng Hukbalahap, humigit-kumulang, ay katumbas ng regular na pormasyong kumpanya.

__________________________

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.