Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Ikatlong Kabanata: Ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan



Read in English

Amado Guerrero
July 30, 1970


Rebolusyonaryo ang sinumang pumanig sa rebolusyonaryong sambayanan. Kontrarebolusyonaryo naman ang sinumang pumanig sa imperyalismong EU, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Rebolusyonaryo sa salita ang sinumang pumanig sa rebolusyonaryong sambayanan sa salita lamang pero iba ang ginagawa. Rebolusyonaryo sa buong kahulugan nito ang sinumang pumanig sa rebolusyonaryong sambayanan sa salita pati sa gawa.-Mao Zedong

I. Ang Saligang Katangian ng Rebolusyong Pilipino

Dahil sa malakolonyal at malapyudal na kalikasan ng lipunang Pilipino, di maiiwasan na maging pambansa-demokratiko ang katangian ng kasalukuyang yugto ng rebolusyong Pilipino. Isa itong pambansa-demokratikong rebolusyon, isang rebolusyong naghahangad ng paglaya ng sambayanang Pilipino sa pang-aapi't pagsasamantalang dayuhan at pyudal. Ang prinsipal na dahilan kaya pambansang rebolusyon ito ay hinahangad nitong igiit ang pambansang soberanya laban sa imperyalismong EU at mga lokal na tuta nito. Ang prinsipal na dahila kaya demokratikong rebolusyon ito ay hinahangad nitong isagawa ang pakikibaka ng magsasaka para magkaroon ng lupa, pakikibaka sa katutubong pyudalismon, at isa pa'y hinahangad nitong itaguyod ang mga demokratikong karapatan ng malawak na masa ng mamamayan laban sa pasismo. Ang mga saligang kontradiksyon sa lipunang Pilipino ay ang kontradiksyon ng bansang Pilipino at ng imperyalismo, at ang kontradiksyon ng malawak na masa ng mamamayan at ng pyudalismo. Sa saligan, ang pasismong tumitindi ngayon ay ang militar na panunupil ng kasalukuyang kontrarebolusyonaryong estado sa sambayanan sa ngalan ng mga imperyalista at pyudal na amo ng estado.

Dahil prinsipal na layunin ng kasalukuyang yugto ng rebolusyong Pilipino na palayain ang sambayanang Pilipino sa pang-aapi't pagsasamantalang dayuhan at pyudal, masasabing karugtong at pagpapatuloy ang rebolusyong ito ng Rebolusyong Pilipino ng 1896 at ng Digmaang Pilipino-Amerikano, na parehong nabigo sa pamumuno ng lokal na burgesya, laluna sa pamumuno ng liderationg liberal-burges ng gobyernong Aguinaldo.

Gayunman, may saligang pagkakaiba ang kasalukuyang pambansa-demokratikong rebolusyon at ang rebolusyong tinalo ng imperyalismong EU. Bagong tipo ang kasalukuyang pambansa-demokratikong rebolusyon. Bagong tipo ito dahil mula noong Rebolusyong Oktubre at mula nang lumitaw ang unang estadong sosyalista sa guho ng gera ng mga imperyalista (ang Unang Digmaang Pandaigdig), di maiiwasang maging parte ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo ang mga pambansa-demokratikong pakikibaka sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo sa mga kolonya at malakolonya. Mula noon, nawala na ang obhetibong kundisyon para sa lumang tipo ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa Pilipinas. Ang pandaigdigang rebolusyong burges ay hindi nakakapagbigay ng tamang oryentasyon sa pambansa-demokratikong rebolusyon. Higit kailanma'y hating-hati ang lumang lideratong ilustrado sa tatlong saray: malaking burgesyang komprador, pambansang burgesya at petiburgesya na malinaw na may iba't ibang aktitud sa pulitika. Nasa yugto tayo ngayon ng bagong tipo ng pambansa-demokratikong rebolusyon, ang demokratikong rebolusyon ng bayan.

Nasa proletaryado na ngayon ang makauring pamumuno sa rebolusyong Pilipino, at wala na sa burgesya o sa alinmang saray nito tulad ng nangyari noon sa lumang tipo ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Hindi maibabagsak ang imperyalismong EU, pyudalismo at burukratang kapitalismo kung ang malawak na masa ng mamamayan ay hindi pamumunuan ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado, ang Partido Komunista ng Pilipinas, sa kataas-taasang patnubay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Ang mga rebolusyonaryong hangarin at mithiin ng uring manggagawa, uring magsasaka, petiburgesya at pambansang burgesya ay wastong maisusulong at matutupad lamang sa pamamagitan ng makauring pamumuno ng proletaryado at partido nito.

Itinatag ang Partido Komunista ng Pilipinas noon pang 1930. Pero dahil sa grabeng sakit na suhetibismong burges sa ideolohiya, oportunismo sa pulitika at mga paglabag sa demokratikong sentralismo sa buhay ng organisasyon, hindi lamang nabigong tuparin ng Partido ang mga rebolusyonaryong tungkulin nito kahit paborableng-paborable ang obhetibong kundisyon sa ilang panahon, laluna noong panahon ng antipasistang pakikibaka at pagkaraan niyon, kundi nabigo rin itong manatiling buo sa loob ng halos dalawampung (20) taon bago ito itinatag uli noong Disyembre 26, 1968. Ang pangunahing dahilan ng pagkabigong ito ay ang pangingibabaw sa loob ng Partido ng kontra-rebolusyonaryong linya nina Lava at Taruc hanggang itakwil ang linyang ito ng kilusang pagwawasto na binigyan ng inspirasyon ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong.

Nasa panahon tayo na tumutuloy ang imperyalismo sa ganap na pagbagsak at sumusulong ang sosyalismo sa pandaigdigang tagumpay. Ang Kaisipang Mao Zedong, ang Marxismo-Leninismo ng kasalukuyang panahon, ay itinataguyod ng Dakilang Proletaryong Rebolusyon sa Kultura at ginawa nitong bakal na muog ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo ang Republikang Bayan ng Tsina. Ang aping mamamayan ng mundo ay mayroon nang di magagaping sandatang pang-ideolohiya na magbabagsak sa imperyalismo, rebisyonismo at lahat ng reaksyon, at makakasama na sila sa kinabukasang sosyalista na ngayo'y isa nang realidad sa makabuluhang parte ng mundo. Ang unibersal na katotohanan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong ang di magagaping sandata ng direktang hawak ng mga rebolusyonaryong partidong proletaryo na namumuno sa aping mamamayan ng mundo.

Mayroon na ngayong Partido Komunista ng Pilipinas na puspusang nagsisikap na gamitin ang unibersal na katotohanan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong sa kongkretong kundisyon ng Pilipinas. Mayroon na ngayon Bagong Hukbong Bayan na kinukumand ng Partido, para magpalasap ng nakakamatay na mga dagok sa armadong kontrarebolusyon at magtayo ng mga bakal na muog ng rebolusyon sa kanayunan bago agawin ang kapangyarihan sa kalunsuran. Mayroon na ngayong nagkakaisang prente na maglulunsad ng digmang bayan at maghihiwalay sa mga pusakal na kaaway. Nakabatay ang nagkakaisang prenteng ito sa alyansa ng proletaryado at uring magsasaka na mahigit siyamnapung porsyento (90%) ng mamamayan, at isa pa'y sumasaklaw ito sa petiburgesya, pambansang burgesya at iba pang makabayan. Mabilis na bumabagsak ang mga lokal na alyado ng imperyalismong EU - ang malaking burgesya, ang uring panginoong maylupa at ang mga burukratang kapitalista.

Sa kasalukuyang kongkretong kundisyon na malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino, kailangang ilunsad ng Partido Komunista ang bagong tipo ng pambansa-demokratikong rebolusyon, ang demokratikong rebolusyon ng bayan. Kahit proletaryo ang liderato ng rebolusyong Pilipino, hindi pa ito proletaryong rebolusyong sosyalista. Huwag nating ipagkamali ang pambansa-demokratikong yugto sa sosyalistang yugto ng rebolusyong Pilipino. Kapag nakumpleto na ang pambansa-demokratikong yugto, saka lamang mailulunsad ng rebolusyonaryong lideratong proletaryo ang rebolusyong sosyalista bilang yugto papunta sa komunismo.


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.