Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Ikalawang Kabanata: Mga Pundamental na Suliranin ng Sambayanang Pilipino



Read in English

Amado Guerrero
July 30, 1970


III. Pyudalismo

1. Ang Kahulugan ng Pyudalismo

Pagdating sa yugto ng imperyalismo, ang kapitalismo, bilang isang istorikong pehomenon sa mundo, ay naghihingalo, parasitiko at bulok na. Hindi nag-eeksport ang imperyalismong EU ng sobrang kapital sa mga kolonya at malakolonya para itaas ang ekonomya ng mga ito sa antas ng kaunlarang kapitalista kundi para lamang magkamal ng sobra-sobrang ganansya sa pagsasamantala sa murang lokal na lakas-paggawa at sa paghakot ng murang hilaw na materyales. Limitado ang pagtatayo ng mga empresa ng EU na nagpoproseso ng hilaw na materyales sa lugar mismo na pinagkukunan nito. Ang lawak at kalidad ng monopolyong kapital na EU na ipinapasok sa ekonomya ng Pilipinas mula nang mag-umpisa ang siglong 1900 ay naging dahilang ng pagkakapailalim ng katutubong pyudalismo sa imperyalismong EU. Likas sa imperyalismong EU na maging dahilan ng tagibang at pasumpung-sumpong na pag-unlad, magmantini ng ilang syudad na pinaghaharian ng uring komprador, at magpanatili ng malawak na kanayunang pinaghaharian ng uring panginoong maylupa.

Nananatili pa rin ang pyudalismo sa Pilipinas kahit may ipinasok nang bahagyang kapitalistang pag-unlad ang imperyalismong EU. Inalagaan ng monopolyong kapital ng EU ang binhi ng kapitalismong nasa sinapupunan ng katutubong pyudalismo, pero hinahadlangang ding umunlad nang ganap sa pambansang kapitalismo ang binhing ito. Sa pagsusuri lamang sa kasaysayan maiintindihan kung bakit nananatili ang pyudalismo at limitado ang pag-unlad ng kapitalismo.

Ang pyudalismo ay isang paraan ng produksyon na ang pangunahing pwersa sa produksyon ay ang mga magsasaka at ang lupang binubungkal nila, at ang mga saligang katangian ng relasyon sa produksyon ay ang pang-aapi at pagsasamantala ng uring panginoong maylupa sa uring magsasaka. Ang pinakakagyat na manipestasyon ng pyudalismo ay ang pagmamay-ari ng iilang panginoong maylupa ng malalawak na sakahang hindi sila mismo ang bumubungkal, kundi ipinapabungkal nila sa maraming kasama. Ang esensya ng relasyong pyudal ng palamuning uring panginoong maylupa at produktibong uring magsasaka ay nasa pagkikil ng uring panginoong maylupa sa uring magsasaka ng napakataas na upa sa lupa, sa porma ng pera o produkto. Ang ganitong saligang relasyon ang dahilan ng paghihirap ng mga magsasakang kasama, dahil ang kadalasa'y kulang pa. Bukod dito'y biktima rin sila ng mga pyudal na pamamalakad tulad ng usura, sapilitang pang-aalila at iba pang porma ng tributo. Kontento na sa atrasadong paraan ng agrikultura ang lumang uring panginoong maylupa na sa sariling luho't pagpapasarap ginagamit ang upa sa lupa, dahil sobra pa para sa sariling pangangailangan ang nakukuha nila sa pagbabanat lamang ng buto ng maraming kasama, na gumagamit ng simpleng mga kagamitang pansaka. Sa kabilang banda, ang kasama na sa takdang pwesto lamang nakakapagsaka ay lalong naghihirap dahil sa mababang antas ng teknolohiya.

Hindi mga kolonyalistang Espanyol ang unang naglatag ng pundasyon ng pyudalismo sa Pilipinas. Nauna sa mga kongkistador na Espanyol nang di kukulangin sa isang siglo ang mga sultanato sa Mindanao, laluna ng Sulu at Magindanaw. Sila ang unang nagpairal sa pyudal na paraan ng produksyong lumilikha ng surplus na agrikultura para suportahan ang marami-rami ring myembro ng maylupang nobilidad, mga mandirigma, mga guro ng relihiyon at mga mangangalakal. Ang pagyabong ng pyudalismo sa ilalim ng relihiyong Islam ay pinabilis ng masiglang kalakalang nakasentro sa Sulu. Nang magtagal, lalo pang nakonsolida ang lipunang pyudal sa determinadong paglaban nito sa kolonyalistang Espanyol. Kinakatawan ng mga sultanato ng Mindano ang isang porma ng organisasyong panlipunan na mas mataas kaysa umiiral sa iba pang parte ng kapuluan, kaya mas epektibo nilang nalabanan ang mga kolonyalistang Espanyol na hindi naman kumakatawan sa anumang mas mataas na porma ng organisasyong panlipunan at madaling naituring na dayuhang kaaway dahil matagal na noong naglalabanan ang Islam at Kristiyanismo.

Gayunman, ang kolonyalismong Espanyol ang nagpatatag sa pyudalismo sa pinakamalawak na saklaw sa kapuluan. Sa administrasyon nito, lubusang pinaunlad ang pyudal na paraan ng produksyon. Sa mahigit tatlong daang (300) taong paghahari ng mga kolonyal na awtoridad, gumawa sila ng dalawang pangunahing hakbang para palakasin ang pyudalismo sa Pilipinas. Una ang pagkakaloob ng mga engkomyenda bilang premyong kapalit ng serbisyo o katapatan sa hari ng Espanya, at ikalawa ang sapilitang pagpapatanim ng ilang produktong pang-eksport mula noong huling parte ng siglong 1700.

Ang enkomyenda ay ibinibigay ng hari sa mga ordeng relihiyoso, mga institusyon sa kawanggawa at mga indibidwal. Malawak ang sakop nito at ilang baranggay ang binubuklod sa iisang yunit ng ekonomya at administrasyon. Ang mga pinuno ng baranggay ay ginawang pangunahing tuta sa bawat lokalidad, bilang kolektor ng tributo, tagapagpatupad ng sapilitang pagpapatrabaho at prinsipal na deboto ng dayuhang relihiyon. Ang esensyal na layunin ng enkomyenda ay padaliin nga ang pangungulekta ng tributong pera o kalakal na pang-agrikultura, ang sapilitang pagpapatrabaho at ang indoktrinasyon ng mamamayan sa pyudal na ideolohiya ng Katolisismong Romano. Ginamit ng mga kolonyalista ang Kristiyanismo nang sa gayo'y maging masunurin at parang alila ang mga tao.

Lumilikha ng surplus sa produksyong pang-agrikultura pero para lamang suportahan at pakainin ang mga Espanyol na administrador, pari at sundalo at ang katutubong nobilidad. Naniningil ng tributo para suportahan ang mga naghaharing dayuhan, laluna para pakainin sila at buhayin sa luho. Sapilitang pinagtatrabaho ang mga tao para mapalawak ang mga sakahan, maitayo ang mga gusali ng gobyerno at simbahan, at mapahusay ang komunikasyon ng mga baryo at ng kabayanang tinitirhan ng kura.

Sa loob ng enkomyenda, ang mga batas ng Espanya tungkol sa pribadong pagmamay-ari ng lupa ay basta na lamang inumpisahang ipatupad ng mga kleriko at sibil na enkomendero. Binuwag ang komunalismo sa mga lugar na kolonisadong-kolonisado. Ang Espanyol na enkomendero. Pinayagan din ang katutubong nobilidad na mang-agaw ng lupang pang-agrikultura at kasabay nito'y hinikayat sila na direktang magbigay ng lupa sa Simbahang Katoliko. Kapag tumututol ang mamamayan, buong lupit na kinakamkam ng mga kolonyalista ang lupa nila sa pamamagitan ng armadong pwersa. Itinuturing na pag-aari ng hari ng Espanya ang lahat ng lupang nasasakop na basta na lamang madidisposisyonan ng mga awtoridad na kolonyal. Sistematikong ginagamit ang sapilitang pagpapatrabaho para magbukas ng bagong lupain, o kung ang mga tao ay kusa namang nagbubukas ng bagong lupang sakahan para sa sariling pangangailangan, sinasabihan na lamang sila na ang lupa ay hindi sa kanila kundi sa hari o kung sinong enkomendero na nagkatitulo roon.

Nang sa katagala'y itaguyod ng mga prayle ang pagbubuwag sa sistemang enkomyenda, hindi ang pagpawi sa pang-aabusong pyudal ang talagang gusto nila. Ang pangunahing intensyon nila ay hingin na ipatupad nang mas mahigpit ang mga batas ng Espanya sa loob ng mas maayos na sistema ng administrasyon para hindi na masyadong madalas magbanggaan ang mga panginoong maylupang kleriko at sibil sa pangangamkam nila ng lupa. Ang puna ng mga prayle sa sistemang enkomyenda ay humantong lamang sa paglikha ng mga probinsya sa sentral na pangangasiwa ng Maynila. Malalim na ang ugat ng sistemang enkomyenda. Nakapangamkam na ng malalawak na lupain ang mga ordeng relihiyoso.

Dalawa ang pinagpilian ng sibil na mga Espanyol na enkomendero. Lumalagi sa kapuluan ang ilan para maglahi ng sunud-sunod na henerasyon ng mga insulares at mestiso. Ipinagpabili naman ng iba ang lahat ng kanilang ari-arian sa mga komersyante at ibang panginoong maylupa, at nag-uwi sila ng ginto sa Espanya at nanatiling peninsulares o taga-Espanya. Sa loob ng uring panginoong maylupa, may sariling saray ang mga katutubong panginoong maylupa. Naging panginoong maylupa ang ilan sa kanila, pero napinsala naman ang kapwa nila indiyong nawalan ng ari-arian dahil lantaran palang kinamkaman ng lupa, o nabangkrap dahil sa mga ligal na proseso ng pyudalismo. Nagsipag-asawa naman ng mga katutubong babae ang mga komersyanteng Tsino na ang pinili ay mamalagi sa Pilipinas para lumahok sa kalakalan ng mga kabayanan at baryo. Ginawa nila ito para ligal na maibili ng lupa ang perang kinikita nila sa pakikipagkalakalan at pagpapautang. Ito ang paliwanang kung bakit tunog-Tsino ang apelyido ng maraming panginoong maylupa, bukod sa tunog-Espanyol.

2. Ang Sistemang Asyenda

Nagdesisyon ang mga kolonyalistang Espanyol na patindihin ang pyudal na pagsasamantala sa mamamayan nang papalubog na ang kalakalang galyon noong huling parte ng siglong 1700. Ang kalakalang galyon ang prinsipal na pinagkakakitaan noong ng sentral na administrasyon sa Maynila. Habang paliit nang paliit ang kita rito dahil sa mga pangyayari sa mundo na pangunahi'y resulta ng tulak ng kapitalismo, bumaling ang kolonyal na mga awtoridad sa malawakang pagtatanim ng komersyal na produktong pang-eksport. Isinagawa ang mga "reporma sa ekonomya" para makasapat daw ang Pilipinas sa sarili, ibig sabihi'y para mabigyan ng ibang pagkakakitaan ang mga kolonyalista.

Ang Samahang Pang-ekonomya ng mga Kaibigan ng Bayan (Sociedad Economica de los Amigos de Pais) ay itinatag ng Espanyol na gobernador-heneral noong 1781 para pasiglahin ang pagtatanim ng ilang komersyal na produktong pang-eksport. Pagkatapos ay binigyan ng prangkisya ng Kumpanya ng Kaharian sa Pilipinas (Compania Real de Filipinas) para monopolisahin ang kalakalan sa mga pananim na ito. Iniutos ang pagtatanim ng tabako, indigo, tubo, abaka at iba pa. Sinisikap ng Espanya na umangkop sa tulak ng kapitalismo, laluna ng kapitalismong Britaniko at Pranses, noong huling parte ng siglong 1700 at unang parte ng siglong 1800. Bago pa man pormal na buksan ang pwerto ng Maynila sa mga barkong hindi Espanyol, nag-umpisa nang dumaong sa Maynila ang mga ito noong huling parte ng siglong 1700.

Ang malawakang pagtatanim ng mga komersyal na produkto ang nagpasimula sa sistemang asyendang umiiral pa rin ngayon. Ang naging resulta nito ay ang mas masahol pang pagsasamantala sa sambayanang Pilipino. Nagdikta ang kolonyal na gobyerno ng mapangamkam na presyo para sa mga komersyal na pananim. Isa pa, ang mga nagtatanim ng mga produktong ito ay nangangailangang kumuha ng makakain nilang bigas o mais mula sa ibang lugar. Sa gayon, nagsimulang magkaroon ng ispesyalisasyon sa agrikultura at inumpisahang guluhin ng produksyong pangkalakal ang natural na ekonomya ng lipunang pyudal.

Habang ang pyudal na pagsasamantala sa mamamayan ay pinatitindi ng mga kolonyalistang Espanyol, laluna ng mga prayle, limampu't isang (51) di Espanyol na dayuhang istablisimyento sa pagbabarko at komersyo ang naitayo sa Maynila noong kalagitnaan ng siglong 1800. Labindalawa (12) sa mga ito ay istablisimyento ng mga Amerikano at Europeong di Espanyol, na halos nagmonopolisa sa kalakalang import-eksport. Pagkatapos ay nagbukas ng sangay ang mga ito sa iba't ibang lugar sa kapuluan tulad ng Sual, Cebu, Zamboanga, Legaspi at Tacloban, na nagbukas ng pwerto sa kalakalang panlabas.

Ang produksyon ng mga pananim na pang-eksport ay pinalakas ng operasyon sa pinansya ng mga dayuhang istablisimyentong ito. Tumaas sa sandaa't walong milyong piso (P108,000,000) noong 1870 ang buong halaga ng eksport na produktong pang-agrikultura, mula limang daang libong piso (P500,000) noong 1810. Lalo pang bumilis ang pagtaas na ito noong sisiklab na ang reboluyong Pilipino ng 1896. Pinasigla ang pagtatanim ng abaka at tubo, at ang mga ito ang naging prinsipal na eksport ng Pilipinas. Noong kalagitnaan ng siglong 1800, tatlong libong (3,000) pikul ang produksyon ng asukal; umabot ito sa dalawang milyong (2,000,000) pikul pagkaraan ng apatnapung (40) taon. May ispesyal na interes sa asukal ang mga asukarera ng EU (na kontrolado ng dambuhalang American Sugar Refining Company), kaya noong 1885, sila na ang kumukuha ng dalawang-katlo ng produktong ito o dalawang daa't apat na libo, pitumpu't limang (204,075) metrikong tonelada. Noong 1898, nakakapagyabang ang konsul na Amerikano sa Maynila na ang halaga ng kalakal na pinangangasiwaan niya ay katumbas ng sa dalawampu't isang (21) kakumpitensya nilang pinagsama-sama.

Sa pagbilis ng panlabas na kalakalan sa mga produktong pang-agrikultura, bumilis din ang kalakalan sa loob ng bayan. Naging mas makabuluhan ang paglitaw ng lokal na burgesyang komersyante sa kalakalang panloob. Gayunman, nakita nila na ang kanilang oportunidad na pang-ekonomya ay limitado sa paggamit ng ganansya nila para makabili ng lupa, o sa pag-upa sa lupain ng mga prayle. Parte ng ganansya nila ay napupunta sa pagpapaaral sa mas maraming istudyante sa unibersidad, dito sa ibang bayan. Sa gayon, ang burgesyang komersyante ang nagsilbing batayang panlipunan ng katutubong intelihensya.

Nang sa kasakiman ng mga imperyalista'y agawin ng Estados Unidos ang Pilipinas, alam na alam niyon na kailangang mapanatili ang pyudalismo para patuloy na makakuha ng hilaw na materyales tulad ng asukal, abaka, niyog at iba pang produktong pang-agrikultura. Sa paggamit ng EU ng kontrarebolusyonaryong dalawang taktika para lokohin ang ilustradong liderato ng rebolusyong Pilipino, alam niyon ang katangian ng mga panginoong maylupa at komersyante ng Kanang panig ng nasabing liderato, at kumilos iyon para asimilahin ang sariling interes. Ginamit ng EU ang nasabing taktika para maihiwalay ang Kaliwang panig na kinakatawan ni Mabini, ang panig na sa ideolohiya'y mas malapit sa rebolusyonaryong masang magsasaka at nagtataguyod sa pagsasauli sa mamamayan ng mga lupang inagaw sa kanila ng kolonyal na gobyernong Espanyol at ng mga prayle.

Sa gayon, hindi nag-atubili ang imperyalismong EU na garantyahan, sa Tratado ng Paris ng 1898, ang mga karapatan sa ari-arian ng uring panginoong maylupa na tinamasa nila sa ilalim ng kolonyal na rehimeng Espanyol; isinauli kahit sa pinakadespotikong mga kleriko't sibil na panginoong maylupang Espanyol ang mga lupaing kinumpiska sa kanila ng rebolusyonaryong masa. Dahil sa pagpapatuloy ng mga karapatang pyudal, nasigurado ng gobyernong kolonyal ng EU ang suportang pampulitika ng mga nagtaksil sa rebolusyon at ang patuloy na suplay ng hilaw na materyales para sa mga industriya ng EU. Ayon sa Batas Payne-Aldrich ng 1909, libre sa taripa ang mga produkto ng Pilipinas, karamiha'y pang-agrikultura, na ipinapasok sa Estados Unidos. Noong 1910, nagtayo ang mga imperyalista ng EU ng isang asukarera para ipakita kung anong tipo ng pamumuhunan ang pinakagusto nilang gawin. Noong 1913, inalis ng Batas Underwood sa Taripa ang lahat ng limitasyon sa kota sa mga produktong pang-agrikultura ng Pilipinas na pang-eksport sa Estados Unidos. Lahat ng hakbang na ito ay nagkaroon ng iisang epekto, ang itali ang Pilipinas sa ekonomyang kolonyal at agraryo, na labis na umaasa sa iilang pananim na pang-eksport. Noong unang tatlumpung (30) taon ng paghahari ng imperyalismong EU, ang pang-agrikulturang produksyong pang-eksport ay pinalawak nang mas mabilis pa kaysi dati. Noong 1932, mahigit nang siyamnapu't siyam na porsyento(99%) ng pang-eksport na asukal ang napupunta sa Estados Unidos.

Sa pagsakop ng imperyalismong EU sa Pilipinas, nalikha ang mga kondisyong hindi gaanong malikha sa pamamagitan lamang ng komersyal na pagpipinansya ng mga empresa ng EU sa eksport-import at sa pagbabarko noong panahon ng kolonyal na paghaharing Espanyol. Pinatingkad ang malapyudalismo sa kanayunan sa pamamagitan ng lalong pagpapasigla sa kapitalistang pagsasaka, korporadong pag-aari ng lupain at komersyal na pang-uusura. Nagtayo ng mga asukarera, pahagutan ng abaka at repinerya ng niyog na korporasyon ang nagmamay-ari at batayan ng pagkakaorganisa ng mga panginoong maylupa. Bukod sa mga hakbang na ito na direktang isinagawa sa kanayunan, nagtambak dito ng mga yaring produkto ang imperyalismong EU para matali ang ekonomya sa produksyon ng iilang pananim na pang-eksport at sa pamilihan ng kalakal.

Walang saligang ipinagbago ang kasalukuyang sistema ng ekonomya at ng produksyong pang-agrikultura na pinasigla ng imperyalismong EU noong panahon ng direktang paghaharing kolonyal nito. Noong 1957, mga dalawampung porsyento (20%) (isa't kalahating milyong [1,500,000] ektarya) ng kabuuang lupang pang-agrikultura ang natatamnan ng produktong pang-eksport. Mga walumpung porsyento (80%) (lima't kalahating milyong [5,500,000] ektarya) ang lupang nakalaan sa mga pananim na pagkain. Sa kabila ng kapansin-pansing pagtatangka noong dekadang 1960 na palawakin ang pagtatanim ng mga produktong pang-eksport, mga dalawampu't walong porsyento (28%) (dalawa't kalahating milyong [2,500,000] ektarya) ng kabuuang lupang pang-agrikultura ang natatamnan ng produktong pang-eksport noong 1980. Mga pitumpu't dalawang porsyento (72%) (anim na milyon, apat na raang libong [4,600,000] ektarya) ang lupang nakalaan sa mga pananim na pagkain. Kitang-kita ang mga kapitalistang paraan ng pagsasamantala sa mga lupang tinatamnan ng produktong pang-eksport at umiiral naman ang mga pyudal na paraan ng pagsasamantala sa mga lupang tinatamnan ng produktong makakain, pwera sa ilang lugar na inumpisahan na ng mga panginoong maylupa ang mekanisasyon.

Hindi lahat ng maylupang magsasakang nababangkrap, at kasamang napapatalsik sa mga lupang ginagawang kapitalistang sakahan, ay nabibigyan ng trabaho bilang manggagawa sa industriya o regular na manggagawang bukid. Kulang ang mga empresang itinayo ng mga monopolyo ng EU at ng mga pambansang kapitalista para mabigyan silang lahat ng trabaho. Dahil limitadong-limitado ang mga oportunidad sa industriya at agrikultura, sobra ang kumpetisyon sa iilang trabahong industriyal, na lalong nagpapababa sa sahod, at sobra rin ang pagsisiksikan sa lupa.


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.