Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Unang Kabanata: Pagriripaso sa Kasaysayan ng Pilipinas



Read in English

Amado Guerrero
July 30, 1970


IV. Ang Rebolusyong Pilipino ng 1896

Noong siglong 1800 ay sumidhi at nahinog ang kolonyal at pyudal na sistema ng pagsasamantala. Ang kolonyal na gubyernong Espanyol ay napilitang kumuha ng mas maraming ganansya sa pyudal na base nito sa Pilipinas para makabawi sa pagkalugi ng lumulubog na kalakalang galyon at para makaangkop sa tumitinding panggigipit at pangangailangan ng mga bayang kapitalista. Ang tagumpay ng Britanya sa Pitong Taong Gera, ang mga gera noong panahon ni Napoleon at pananakop ng Pransya sa Espanya, ang mga maniobra ng Estados Unidos para magpalawak sa Amerikang Latina at ang pag-iibayo doon ng mga kilusan para sa pambansang independensya, at ang masidhing tunggalian ng mga "liberal na republikano" at "absolutong monarkista" sa Espanya ay nagkaroon ng kabuuang epektong nag-udyok sa kolonyal na Espanya na lalo pang pagsamantalahan ang sambayanang Pilipino.

Dahil sa gumagraheng pagsasamantala, sumidhi ang pambansa-demokratikong adhikain ng malawak na masa ng mamamayan. Habang tumitindi ang pag-aapi, umiigting naman ang mapanlabang diwa ng mga pinaghaharian, laluna ng masang magsasaka, hanggang sumiklab ang Rebolusyong Pilipino ng 1896.

Naging maunlad na maunlad ang pyudalismo noong naghahari ang kolonyal na Espanya. Hindi lamang pinipilit na hingan nang hingan ng sarplas na mga pangunahing pananim ang masang magsasaka para mapakain at mapaginhawa ang kolonyal at pyudal na mga linta, kundi pinilit din silang hingan ng parami nang paraming pananim na hilaw na matiryales na pang-eksport sa iba't ibang bayang kapitalismo. Dahil sa malawakang pagtatanim ng tubo, abaka, tabako, niyog at iba pa sa ilang lugar, kinailangan naman ang produksyon ng mas malaking sarplas na mga pangunahing pananim na pagkain sa ibang lugar para sustinihan ang maraming taong nakakonsentra sa produksyon ng mga pananim na pang eksport. Kapag sa buong bayan ay nagkakaroon ng kakulangan sa bigas, nag-iimport nito.

Sa gayon, kinailangang pabilisin ang kalakalang panloob at pawiin ang natural na ekonomyang nakakasapat sa sarili at gawin itong ekonomyang pangkalakal (ekonomyang nakabatay sa produksyon ng kalakal) para mapalawak ng mga kolonyalistang Espanyol ang kalakalang panlabas. Kinailangang pahusayin ang transportasyon at komunikasyon para magkaroon ng palitan ng mga produktong pang-agrikultura sa kapuluan, makapaghatid ng mga pang-eksport na pananim sa Maynila at iba pang pwerto ng kalakalan, at maipamahagi ang mga imported na kalakal na pinakikinabangan ng mayayaman.

Parte ng pagpapasidhi sa pyudal na pagsasamantala ang pagtatatag ng kinamumuhiang sistemang asyenda, ang laganap na pangangamkam ng mga sakahan, at ang di makatwirang pagtataas ng upa sa lupa at mga buwis na ipinapataw ng mga panginoong maylupa at burukrata. Ang pagmomonopolyo, na ibig sabihin ay naididikta ang presyo ng mga pananim, ay lalong nagpalala sa kahirapan ng mga magsasaka at lalong nagpayaman sa mga burukrata. Nalaman na lamang ng mga maylupang magsasaka na bangkrap na sila o walang katwirang naipaloob na ang mga lupain nila sa ligal na hangganan ng malalaking asyenda ng mga panginoong maylupa. Mula 1803 hanggang 1892, naglabas ng walumpu't walong (88) dikreto para maayos daw ang pagmamay-ari ng lupa, pero dahil sa mga dikretong iyon ay naging ligal na sa mga pyudalista ang malawakang pangangamkam ng lupa.

Dahil sa pagpapahusay sa transportasyon at komunikasyon, naging grabe ang pyudal na pagsasamantala sa mamamayan. Ginagamit ng mga Espanyol ang kanilang kolonyal na kapangyarihan para utusan ang parami nang paraming mamamayan na gumawa ng mga daan, tulay at pwerto sa napakababang sahod. Dinadala sa malalayong lugar ang malalaking pangkat ng kalalakihan para magtrabaho. Kasabay nito, ang pagpapahusay sa transportasyon at komunikasyon ay nagbigay-daan sa mas malawak na ugnayan ng pinagsasamantalahan at inaaping mamamayan, sa kabila ng suhetibong kagustuhan ng mga naghahari na gamitin ang transportasyon at komunikasyon para sila lamang ang makinabang. Isa pa, sa pagbubuo ng proletaryadong Pilipino ay malaki ang naitulong ng pagpapasok ng bapor at tren kaugnay ng panlabas at panloob na kalakalan.

Noong siglong 1800 naging malinaw na nagbinhi na ang proletaryadong Pilipino. Sila ang mga manggagawa sa perokaril, barko, daungan, asukarera, pabrika ng tabako at sigarilyo, imprenta, distilerya, pandayan, bahay-kalakal at iba pa. Lumitaw ang proletaryado noong nagiging malapyudal na ang pyudal na ekonomya.

Bahagyang nakakuhang parte ang prinsipalya, laluna ang mga gubernadorsilyo, sa kasaganaang pang-ekonomya na ang pangunahing nagtatamasa ay ang mga kolonyal na naghahari. May sariling lupa ang mga lokal na pinunong papet o nagiging malalaking nangungupahan sa mga asyenda ng prayle o upisyal na Espanyol. Nangangalakal sila at sa pamamagitan ng nakukuhang ganansya ay bumibili ng mas maraming lupa para lalong makapangalakal. Sa Maynila at iba pang prinsipal na pwerto ng kalakalan, nagkaroon ng lokal na uring kumprador kasabay ng mga istablisimyento sa pagbabarko, pangangalakal at pagbabangko na itinatag ng mga dayuhang empresang kapitalista kabilang ang sa Estados Unidos, Britanya, Alemanya at Pransya.

Lalong naging malinaw na umuusbong ang burgesyang Pilipino habang lumalaki ang produksyong pang-agrikultura at dumarami ang eksport. Noong 1834, pormal na binuksan ang pwerto ng Maynila sa mga dayuhang barkong hindi sa Espanya kahit ang totoo'y mas maaga pang inumpisahan ang pakikipagkalakalan sa mga bayang kapitalista. Mula 1855 hanggang 1873, anim pang pwerto ang binuksan sa buong kapuluan. Nang buksan ang Kanal Suez noong 1869, umikli ang distansya sa pagitan ng Pilipinas at Europa at sa gayo'y bumilis ang pang-ekonomya at pampulitikang ugnayan ng mga ito.

Noong ikalawang hati ng siglong 1800, naging kapansin-pansin ang pagdami ng mga katutubong istudyanteng pumapasok sa Universidad Real y Pontifica de Santo Tomas at iba pang kolehiyong kleriko at kolonyal. Kahit kaya nilang mag-aral sa kolehiyo, naging tampulan pa rin sila ng rasistang diskriminasyon ng kanilang mga kaklaseng Espanyol at gurong prayle. Pinagtiisan nilang matawag na "unggoy" habang ang mga magulang naman nila ay sinasabing mga "hayop na kargado ng ginto". Naipit ang mga mestiso sa sitwasyong nag-aalimpuyo sa rasistang antagonismo ng mga indyo at Espanyol. Ang rasistang antagonismong ito ay walang iba kundi manipestasyon ng kolonyal na relasyon. Kahit sa mga Espanyol mismo, kakatwang itinuturing pang magkaiba ang mga Espanyol na ipinanganak sa Pilipinas at ang mga ipinanganak sa Espanya; ang mga ipinanganak sa Pilipinas ay pakutyang tinatawag na Pilipino ng mga ipinanganak sa Espanya.

Sa pagdami ng indyong nakapag-aral o ilustrado, dumating ang panahong nag-alala na ang mga kolonyal na awtoridad, at natakot silang matuligsa batay sa mga kolonyal na batas na ang ideyalistang retorika ay hinding-hindi nila isinasagawa. Ang kilusan ng mga pari para sa sekularisasyon ang inakala ng mga kolonyal na naghahari na unang sistematikong kilusan ng mga katutubong ilustrado para tuligsain ang paghahari ng mga Espanyol sa lipunan at pulitika. Mga indyo at mestiso ang higit na nakakarami sa mga lumahok sa kilusang ito at iginiit nilang sila ang mamahala sa mga parokyang noon ay hawak ng mga ordeng relihiyoso na ang higit na nakakaraming myembro ay Espanyol.

Nang mangyari ang Pag-aalsa sa Cavite noong 1872, sina Padre Burgos, Gomez at Zamora na mga pinakatahas magsalitang lider ng kilusang sekularisasyon, ay inakusahang nagsasabwatan para ibagsak ang kolonyal na rehimeng Espanyol at ginarote sila. Sa esensya, ang pag-aalsang iyon ay pagrerebelde ng masang api na inumpisahan ng mga manggagawang pinasasahod nang mababa at dumaranas ng iba't ibang porma ng kalupitan sa pagtatrabaho nila sa daungan ng Cavite. Tinortyur at pinatay ang marami sa mga nagrebeldeng manggagawa at mga tunay na sumusuporta sa kanila. Hanggang kamatayan ay naggiit ng kawalang sala ang tatlong paring kinundena ng gubernador-heneral na Espanyol at mga prayle. Mula noon, naging gawi na ng mga ilustrado ang igiit na wala silang kinalaman sa pulitika.

Gayunman, kahit masang anakpawis ang pangunahing pumapasan sa bigat ng kolonyal na pang-aapi, ang prinsipalya ay dumaranas ng pampulitika't pang-ekonomyang pang-aapi sa kamay ng mga kolonyal na tirano. Nagsasamantala rin sa masang anakpawis ang prinsipalya pero nakapailalim naman ito sa mga mapang-aping kagustuhan ng gubernador-heneral, alkalde-mayor ng probinsya at mga prayle na patuloy na nagpapaliit sa nakukuhang parte ng prinsipalya sa pagsasamantala. Walang katwirang itinataas ng mga kolonyal na tiranong ito ang kota sa kuleksyon ng tributo, ang buwis sa pribilehiyong makapangalakal, ang upa sa lupa, ang kota sa produksyong pang-agrikultura at ang interes sa pautang. Dahil hindi makabayad ng pataas nang pataas na buwis ang prinsipalya, nababangkrap sila, laluna ang mga kabesa de baranggay. Karaniwang ginagamit ang mga guwardya sibil para mangumpiska ng ari-arian at magpatupad ng mga kolonyal na batas. Noong matatapos na ang siglong 1800, nagalit nang husto ang prinsipalya nang sapilitang silang palayasin sa lupang inuupahan nila sa mga prayle dahil mas gusto ng mga ito na ipamahala ang lupa nila sa iba't ibang dayuhang korporasyon.

Makikita sa napakadalas na pagpapalit ng gubernador-heneral sa Pilipinas noong siglong 1800 ang masidhing tunggalian ng mga "liberal na republikano" at "absolutong monarkista" sa Espanya. Ang naging pangkalahatang epekto nito ay ang mas grabeng paghihirap ng sambayanang Pilipino. Kinailangang samantalahin nang husto ng bawat gubernador-heneral ang maili niyang panunungkulan na karaniwa'y mahigit nang kaunti sa isang taon para palakihin ang upisyal pati na ang personal niyang pondo.

Lalong hindi nakuntento sa kolonyal na rehimen ang mga ilustrado at ilan sa kanila ang tumakas papuntang Espanya at doo'y umasang makakuha ng mas mataas na edukasyon at higit na simpatya sa mga liberal na sirkulong Espanyol para sa makitid nilang simulain na baguhin ang kolonyal na katayuan ng Pilipinas at gawin itong regular ng probinsya ng Espanya. Hinangad nilang magkaroon ng representante sa parlamento ng Espanya at magtamasa ng mga karapatang sibil ayon sa Konstitusyon ng Espanya. Sa paglulunsad nila sa kilusang reporma, itinatag nila ang dyaryong La Solidaridad. Dito sumentro ang mga aktibidad ng Kilusang Propaganda, na ang pangunahing mga propagandista ay sina Dr. Jose Rizal, M. H. del Pilar, Graciano Lopez Jaena at Antonio Luna.

Nabigo ang Kilusang Propaganda at kinundena itong "subersibo" at "erehe" ng mga kolonyal na awtoridad. Sa pagsisikap ni Rizal na magpropaganda sa Pilipinas mismo, inorganisa niya ang di tumagal na La Liga Filipina, na nanawagan sa sambayanang Pilipino na maging pambansang komunidad pero hindi naman niyon tahasang sinabing kailangang maglunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka para makahiwalay sa Espanya. Nagtiwala si Rizal sa kaaway, at pagkatapos ay inaresto siya at idinistyero sa Dapitan noong 1892. Nang sumiklab ang rebolusyong Pilipino noong 1896 sa kanya ito ibinintang ng mga kolonyal na tirano, pero ipinagkanulo niya ang rebolusyon nang manawagan siya sa sambayanan na isuko ang kanilang armas ilang araw bago siya ipinapatay.

Ang malinaw na rebolusyonaryong panawagang humiwalay sa Espanya ay ginawa ng Kataas-taasang Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK). Lihim itong tinatag sa proletaryong distrito ng Tondo ng lider nitong si Andres Bonifacio pagkatapos na pagkatapos arestuhin si Rizal noong 1892. Sa unang taon nito, dalawang daan (200) lamang ang myembro na pangunahing nagmumula sa masang anakpawis. Nang sumunod na ilang taon, sadya itong nagrikrut ng mga myembrong makakapag-umpisa ng rebolusyonaryong pakikibaka sa iba't ibang parte ng bayan para makapaglunsad ng gera sa pambansang pagpapalaya. Nagrikrut din ito ng mga myembro na pangunahing nagmumula sa masang api para masiguradong magkakaroon ng demokratikong katangian ang rebolusyon. Pagkaraan ng Sigaw sa Pugad Lawin noong Agosto 23, 1896, na naging sinyal ng pag-uumpisa ng armadong pakikidigma sa mga kolonyalista, lumaki ang Katipunan at umabot sa ilampung libo ang mga myembro nito, at nanawagan itong magkaisa ang lahat ng mamamayang Pilipino para mag-alsa.

Ang Rebolusyong Pilipino ng 1896 ay lumang tipo ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Kahit nagmula sa uring manggagawa si Bonifacio, hindi niya taglay ang ideolohiyang proletaryo. Ang ideolohiya ng liberal na burges ang pumatnubay sa rebolusyong iyo. Ang klasikong modelo niyon ay ang Rebolusyong Pranses at ang mga ideya nito ang pangunahing nagbigay ng inspirasyon kay Bonifacio. Sa ano't anuman, iginiit ng rebolusyon ang soberanya ng sambayanang Pilipino, ang pagtatanggol at pagtataguyod sa mga kalayaang sibil, ang pagkumpiska sa mga asyenda ng prayle, at ang pagbuwag sa teokratikong paghahari.

Sa Kumbensyon ng Tejeros noong 1897, dinisisyunan ng mga ilustradong karamiha'y taga-Cavite na itatag ang rebolusyonaryong gubyernong papalit sa Katipunan at inihalal nilang presidente si Emilio Aguinaldo, kaya napalitan si Bonifacio bilang lider ng rebolusyon. Nang mariing tutulan ng isang ilustrado ang pagkakahalal kay Bonifacio bilang ministrong pangloob dahil mahirap siya at hindi nakapag-aral ng abugasya, idineklara ni Bonifacio na walang bisa ang kumbensyon ayon sa dating kasunduan na kailangang respetuhin ang bawat disisyon ng kumbensyon. Makikita sa kumbensyong ito ang makauring liderato ng liberal na burges at pati ang mapanghating epekto ng rehiyonalismo. Ang pagsisikap ni Bonifacio na magtatag ng isa pang rebolusyonaryong kunseho ay nauwi sa pag-aresto at pagbitay sa kanya ng liderato ni Aguinaldo.

Noong 1897, dumanas ng sunud-sunod na pagkatalo ang rebolusyonaryong gubyerno. Ipinakita ng mga ilustrado na hindi nila kayang pamunuan ang rebolusyon. Ang liberal na lideratong burges ay tuluyang napasang-ayon sa pangkalahatang amnestya na inialok ng kolonyal na gubyerno sa pamamagitan ng buhong na si Pedro Paterno. Pinirmahan ang Kasunduan sa Biak-na-Bato para maisakatuparan ang pagsurender ni Aguinaldo at ang pagbibigay ng apat na raang libong piso (P400,000) bilang paunang bayad sa kanyang kunseho ng mga lider.

Sa kabila ng kontrarebolusyonaryong kataksilang ito, ipinagpatuloy ng masang Pilipino ang pakikipaglaban sa mga Espanyol. Ito ang unang katibayan ng pagtutol ng mga Pilipino sa mga taksil na pakana ng mga ilustradong pinamumunuan ni Aguinaldo.

Habang nakadistyero si Aguinaldo sa Hongkong, nilapitan siya ng mga ahente ng EU at iminungkahi sa kanya na samantalahin ang nalalapit na pagsiklab ng Digmaang Espanyol-Amerikano. Nagkunwari ang mga ahente na tutulungan ang sambayanang Pilipino na makalaya sa kolonyal na paghahari ng Espanya. Nagpakana ang mga imperyalista ng EU na gamitin si Aguinaldo para mapadali ang pag-agaw nila sa Pilipinas. Sa gayon, ibinalik si Aguinaldo sa Cavite sakay ng isang maliit na armadong bapor ng EU pagkaraang pasukin ng iskwadrong pandagat ni Dewey ang Look ng Maynila para lipulin ang plotang Espanyol. Inagaw uli ni Aguinaldo ang pamumuno sa rebolusyon.

Sinamantala ng sambayanang Pilipino ang Digmaang Espanyol-Amerikano at pinaigting nila ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kolonyal na paghahari ng Espanya. Bumagsak ang kapangyarihang Espanyol sa buong kapuluan pwera sa Intramuros at ilang di importanteng garison. Kumampi sa rebolusyong Pilipino kahit ang mga sundalong Pilipino na nagseserbisyo sa militar ng Espanya. Noong Mayo 1898, napapaligiran na ng rebolusyonaryong pwersang Pilipino ang Intramuros, na sentro ng kolonyal na kapangyarihan, at nakagwardya naman sa Look ng Maynila ang plota ng EU. Habang naghihintay ng dagdag na tropa mula sa EU ang imperyalistang hukbong dagat, isinagawa ng mga rebolusyonaryong Pilipino ang patakarang mangubkob para gutumin ang kaaway hanggang sumurender.

Noong Hunyo 12, 1898, iprinoklama ni Aguinaldo sa Kawit ang independensya, na may masaklap na pasubaling ito ay "pinoprotektahan ng Makapangyarihan at Makataong Bansang Norte-Amerikano". Hindi niya namalayan na idineklara niyang protektorado lamang ng imperyalismong EU ang tinatawag na Unang Republika ng Pilipinas.

Nag-umpisang dumating ang dagdag na mga tropa ng EU nang matatapos na ang Hunyo. Sa kung anu-anong dahilan ay ibinaba sila para agawin ang mga pwestong okupado ng rebolusyonaryong pwersang Pilipino sa paligid ng Intramuros. Ang mga pwesto ay sunud-sunod na isinurender ng mahinang si Aguinaldo sa mga imperyalista ng EU hanggang mawalan ng pwesto ang buong rebolusyonaryong pwersa.

V. Ang Digmaang Pilipino-Amerikano

Nang napapaligiran na nang husto ang Intramuros ng mga tropang pandagat at katihan ng EU, sikretong nagdaos ng mga negosasyong diplomatiko si Admiral Dewey at ang gubernador-heneral na Espanyol sa pamamagitan ng konsul ng Belgium. Humantong ang mga negosasyong ito sa kasunduang maglabanan kunwari para mabigyan ng dahilan ang mga kolonyalistang Espanyol na ipasa ang Maynila sa mga imperyalista ng EU; kasabay ang mga negosasyong ito ng mga negosasyong idinaos sa ibang bayan para sa pangkalahatang kalutasan ng Digmaang Espanyol-Amerikano, sa pamamagitan ng gubyernong Pranses.

Noong Agosto 13, 1898, kunwari'y naglabanan sa Maynila ang mga imperyalista ng EU at mga kolonyalistang Espanyol. Pagkaraan ng ilang putok na palabas lamang, ang mga kolonyalistang Espanyol ay sumurender sa mga imperyalista ng EU. Sinigurado ng mga imperyalista ng EU na hindi makakapasok ang mga tropang Pilipino sa Intramuros. Sa ganitong paraan, tuluyang ipinagkait sa rebolusyonaryong pwersang Pilipino ang tagumpay na dapat ay sa kanila. Gayunman, mula noon ay lalong lumaganap sa masang Pilipino at sa mga makabayang tropa nila ang pagkamuhi sa imperyalismong EU.

Noong Setyembre, dahil sa inaasahang pagtindi ng agresyon ng imperyalismong EU ay inilipat ng rebolusyonaryong gubyernong Pilipino ang hedkwarter nito sa Malolos, Bulakan mula sa Cavite. Doon idinaos ang Konggreso ng Malolos para maglabas ng isang konstitusyong ipinareho sa mga konstitusyong burges-demokratiko. Noong ding panahong iyon ay patuloy na iginiit ng mga imperyalista ng EU, sa diplomatikong pananalita, na kailangang umatras pa ang mga tropang Pilipino mula sa pinagtabuyan sa kanila. Nagmaniobra ang mga agresor ng EU para makaokupa ng mas marami pang teritoryo sa paligid ng Maynila.

Nawalan ng saysay ang mga pagsisikap ng gubyerno ni Aguinaldo na makipagdiplomasya sa ibang bayan para maigiit ang mga soberanong karapatan ng sambayanang Pilipino. Noong Disyembre 10, 1898, pinirmahan ng Estados Unidos at Espanya ang Tratado ng Paris na nagsusuko ng buong Pilipinas sa EU sa halagang dalawampung milyong dolyar ($20,000,000), at gumagarantya sa mga karapatan sa ari-arian at negosyo ng mamamayang Espanyol sa kapuluan. Noong Disyembre 21, inilabas ni Presidente McKinley ng EU ang proklamasyon ng "mapagpalang asimilasyon" para magdeklara, sa matamis na pananalita, ng gerang agresyon laban sa sambayanang Pilipino.

Noong Pebrero 4, 1899, biglang sinalakay ng mga tropa ng EU ang rebolusyonaryong pwersang Pilipino sa mga lugar sa malapit sa Maynila. Sa mga sumunod na labanan sa loob ng Maynila ay di kukulangin sa tatlong libong (3,000) Pilipino ang napatay samantalang dalawang daa't limampung (250) tropa lamang ng EU ang nalagas. Ganoon nag-umpisa ang armadong labanan ng imperyalismong EU at sambayanang Pilipino. Magiting na tumindig ang sambayanang Pilipino para maglunsad ng rebolusyonaryong gera para sa pambansang pagpapalaya.

Bago mapagpasyang naipanalo ng imperyalismong EU ang Digmaang Pilipino-Amerikano noong 1902, sandaa't dalawampu't anim na libo, apat na raa't animnapu't walong (126,468) tropa ng EU ang pinakawalan laban sa pitong milyong (7,000,000) mamamayang Pilipino. Hindi kukulangin sa apat na libo (4,000) ang napatay sa mga dayuhang agresor at halos tatlong libo (3,000) ang nasugatan. Halos dalawang daang libo (200,000) namang Pilipinong pangkombat at di pangkombat ang napatay. Sa madaling sabi, sa bawat sundalo ng EU na napatay, limampung (50) Pilipino naman ang napatay. Mahigit sangkapat na milyong Pilipino (250,000) ang namatay na direkta at hindi direktang resulta ng mga labanan. Sa tantya pa nga ng isang heneral ng EU ay aabot sa anim na raang libo (600,000) ang napatay na Pilipino, o ika-anim na parte ng populasyon noon ng Luson.

Malahalimaw ang henosidyong isinagawa ng mga imperyalistang agresor ng EU. Iba't ibang porma ng kalupitan ang ginawa nila, tulad ng pagmasaker sa mga nahuhuling tropa at inosenteng sibilyan; pagtampalasan sa kababaihan, tahanan at ari-arian; at walang awang pagtortyur gaya ng pagputul-putol ng katawan at tortyur na ginagamitan ng tubig at lubid. Nagsosona at gumagamit ng konsentreysyon kamp para masuheto ang mga sibilyan at tropang pangkombat.

Habang pinipilit ng imperyalismong EU na umatras ang gubyerno ni Aguinaldo, sinamantala niyon ang mga kahinaan ng ilustradong liderato ng rebolusyon. Ipinadala ng imperyalistang pinunong si McKinley ang Komisyong Schurman noong 1899 at ang Komisyong Taft noon 1900, at inutusan silang "payapain" ang Pilipinas at lokohin ang mga palasukong traydor.

Napatunayan naman na walang kakayahan, lampa at mapagkompromiso ang liberal na lideratong burges ng lumang demokratikong rebolusyon. Hindi epektibong napamunuan ni Aguinaldo ang rebolusyon. Nagtraydor siya sa mga anti-imperyalistang tulad nina Mabini at Luna, at umasa nang umasa sa mga palasukong tulad nina Paterno at Buencamino. Nakapuslit sa rebolusyonaryong gubyerno at doo'y nang-agaw ng kapangyarihan ang dalawang traydor na ito na noong nakaraang mga taon ay ang isang pangkat ng mga traydor na nagayuma nang husto sa awit-adarna ng "kapayapaan", "awtonomya" at "mapagpalang asimilasyon" na kinakanta ng mga imperyalista ng EU habang kinakatay nila ang mamamayan.

Sa bawat munisipalidad na inokupahan ng mga imperyalistang tropa ng EU, nagdadaos ng mga papet na eleksyong munisipal na pinaghaharian ng lumang prinsipalya. Ipinepwera ng mga papet na eleksyong ito ang masa na hindi nakakatugon sa mga rikisito sa ari-arian at sa kakayahang bumasa at sumulat. Pangunahing ginagamit ang mga huwad na eleksyon para ilayo sa rebolusyon ang prinsipalya at gawing tuta ang mga myembro nito, tulad ng ginawa ng mga kolonyalistang Espanyol.

Nang mahawakan ng mga imperyalista ng EU ang mga traydor na pinamumunuan nina Paterno at Buencamino, ginamit agad ang mga ito sa imperyalistang propaganda, pangunahin para manawagang sumurender ang mamamayan. Sa panunulsol ng mga agresor, laluna ng ahensya sa paniniktik ng hukbo ng EU, inorganisa ni Trinidad Pardo de Tavera ang Partido Federal noong 1900 para itaguyod na gawing parte ng Estados Unidos ang Pilipinas. Kasabay nito, ang mga imperyalista ay gumawa ng mga batas na nagpaparusa sa mga nagtataguyod ng independensya.

Inuusig, ibinibilanggo, o ipinapatapon sa Guam ang mamamayan at ang mga rebolusyonaryong lider nila na tumatangging manumpa ng katapatan sa EU. Sinusupil ang mga organisasyong masa, laluna ang sa mga manggagawa at magsasaka, tuwing lumilitaw ang mga iyon.

Noong 1901, si Aguinaldo mismo ay hinuli ng mga imperyalista sa tulong ng mga mersenaryong Pilipino. Mula noon, sistematikong inorganisa at ginamit ang mga traydor na kontrarebolusyonaryong ninuno ng Armadong Pwersa ng Pilipinas para tumulong sa ganap na paglupig ng mga imperyalista sa sambayanang Pilipino. Puspusang ginamit ang mga unang papet na konstable sa mga operasyong "paglilinis" laban sa mga nagpupursiging rebolusyonaryong mandirigma sa Luson at Kabisayaan, at pati sa pagsakop sa Mindanaw.

Kahit noong natalo na ang mga pangunahing ditatsment ng gubyerno ni Aguinaldo, nagpatuloy pa rin ang armadong paglaban sa imperyalismong EU sa halos lahat ng munisipalidad sa buong kapuluan. Nagpatuloy sa armadong pakikibaka ang mamamayan ng Bikol hanggang 1903 nang magtraydor ang lider nilang si Simeon Ola sa pamamagitan ng pagsurender. Sa Kabisayaan, laluna sa Cebu, Samar, Leyte at Panay, buong bagsik na lumaban ang Pulahanes sa mga tropang agresor ng EU at papet na konstabularya. Ganoon din ang ginawa ng masa ng Cavite, Batangas, Laguna at Quezon kahit naglabas na ng pangkalahatang amnestya. Sa Gitnang Luson, naglunsad din ng armadong paglaban ang isang organisasyong panrelihiyon, ang Santa Iglesia. Sa Ilocos, ang mga asosasyon na Bagong Katipunan ang tawag sa sarili ay naglunsad ng digmaang gerilya para sa pambansang independensya laban sa imperyalismong EU. Hanggang 1907 ay hindi makapagdaos ng mga papet na eleksyon sa Isabela dahil sa paglaban ng mamamayan. Mula 1902 hanggang 1906, pinamunuan ni Macario Sakay sa Bulakan, Pampanga, Laguna, Nueva Ecija at Rizal ang pinakatampok sa mga huling pagpupunyaging ituloy ang rebolusyonaryong pakikibaka sa Luson. Noon lamang 1911 lubusang natapos ang digmang gerilya sa Luson. Gayunman, isinulong ng mamamayan ng Mindanaw hanggang 1916 ang pinakamabagsik na armadong paglaban pagkaraan ng 1902.

Matagal-tagal ding naloko ng mga imperyalista ng EU ang Sultan ng Sulu na kinikilala nila ang kanyang pyudal na soberanya ayon sa Tratadong Bates ng 1899 na pinirmahan sa kanilang administratibong kontrol ang tinatawag nilang "Probinsyang Moro", kinailangan nilang harapin ang pag-aalsa ni Hassan noong 1903 hanggang 1904, ang rebelyon ni Usap noong 1905, ang pag-aalsa ni Pala noong 1905, ang pag-aalsa ni Bud Dajo noong 1906, ang labanang Bud Bagsak noong 1913 at marami pang iba. Buong lupit na sinupil ang magiting na paglabang ito ng mamamayan.

Pinagtibay ng imperyalismong EU ang Batas sa Sedisyon ng 1901, ang Batas sa Panunulisan ng 1902 at ang Batas sa Rekonsentrasyon ng 1903 para palabasin na ang mga operasyong militar laban sa mamamayan ay mga operasyon lamang ng pulisya laban sa mga "karaniwang kriminal". Tinatawag na bandido ang mga makabayan. Ang mamamayan sa malalawak na lugar ay tinitipon sa mga kampo militar para ihiwalay sila sa mga makabayang gerilya.

Ang sambayanang Pilipino mismo ang nagbayad sa mga gastos sa gera ng imperyalismong EU para lupigin ang Pilipinas. Pinilit silang magbayad ng buwis sa kolonyal na rehimen ng EU para sagutin ang malaking parte ng gastos at interes sa mga bonong ibinenta sa pamamagitan ng mga bangko sa Wall Street sa ngalan ng gubyerno ng Pilipinas. Syempre, ang sobra-sobrang ganansyang nakukuha sa matagalang pagsasamantala sa sambayanang Pilipino ang magiging saligang pakinabang ng imperyalismong EU.


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.