Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Ikalawang Kabanata: Mga Pundamental na Suliranin ng Sambayanang Pilipino



Read in English

Amado Guerrero
July 30, 1970


3. Huwad na Reporma sa Lupa

Sa buong panahon ng direkta at hindi direktang paghahari ng imperyalismong EU sa Pilipinas, may mahaba nang listahan ng mga huwad na hakbang sa reporma sa lupa. Kabilang dito ang mga batas sa titulo sa lupa, disposisyon ng mga lupang publiko, resetelment, "pagkuha" sa malalaking lupain, "makatwirang" partihan sa ani, pagpapautang at hakbang "laban sa usura", at "makatwirang pagpapasahod" sa mga manggagawang bukid. Inaaprubahan ang mga batas na ito sa mga panahon lamang na takot na takot ang mga reaksyonaryo sa dumadaluyong na armadong pakikibaka ng magsasaka, at gusto nilang lokohin ang masang tagabukid. Mula pa noong panahon ng Komisyong Taft hanggang sa kasalukuyang papet na rehimen, ang mga reaksyonaryong hakbang kaugnay ng problema sa lupa ay lagi nang ginagamitan ng matatayog at "maaamong" pananalita, pero ang nagiging resulta lamang ay ang mas masahol na pangangamkam at pagsasamanatala sa masang taga-bukid. Ang paglalahad sa istorya ng reaksyonaryong reporma sa lupa sa ating bayan ay paglalahad ng istorya ng pandaraya't panloloko, na gumagamit sa pangalan ng uring magsasaka para payamanin ang uring panginoong maylupa.

a. Resetelment at Pangangamkam ng Lupa. Ang kauna-unahang batas sa lupa na inaprubahan ng mga imperyalista ng EU sa Pilipinas ay ang Batas sa Rehistrasyon ng Lupa ng 1905 na magpapadali daw sa pagbibigay ng mga titulo sa lupa. Kinilala ng batas na ito ang tatatlong titulo sa ari-arian na mairerehistro: ang Informacion Poseseria, rehistrasyon ayon sa Batas ng Espanya sa Pagsasangla, at depektibong titulo o pagmamay-ari mula noong 1894. Ang sasandakot na nangungunang taksil sa rebolusyong Pilipino, Amerikanong ispekulador sa lupa, panginoong maylupa at burukrata mula sa antas ng munisipalidad pataas ay nagmadaling lahat para iparehistro sa kanilang pangalan ang mga lupang walang titulo, kabilang na ang lupa ng mga magsasaka at pambansang minorya na hindi tinuruan kung paano magpaparehistro ng lupa noong panahon ng kolonyal na rehimeng Espanyol at pati noong panahon ng kolonyal na paghahari ng EU.

Para sa mga imperyalista ng EU, ang pangunahing layunin ng batas na ito ay tiyakin ang hangganan ng mga pribadong lupa, at ikategorya ang nasa labas ng mga ito bilang lupang publiko na basta na lamang nila madidisposisiyonan at makokontrol. Inaprubahan ang Batas Kadastral ng 1970 para lalong makapang-agaw ng lupa ang mga imperyalista ng EU at hindi para ituwid ang mga dating pagkakamali sa pagtititulo ng lupa. Hanggang ngayon, ginagamit pa ring pangunahing paraan ng pangangamkam ng lupa ang mga sarbey na kadastral.

Sunud-sunod na pinagtibay ang mga batas sa lupang publiko noont 1903, 1919 at 1929 para himukin daw ang mga magsasakang inagawan ng lupa na kumuha ng limitadong sukat ng lupang publiko sa pamamagitan ng paghohomisted, pagbili o pag-upa. Sa katunayan, ang panawagan lumipat ng tirahan sa tinatawag na mga prontera ay panakip lamang para ang malalawak na lupang publiko ay makuha ng mga Amerikano, mga korporasyong pang-agrikultura ng EU at mga panginoong maylupa at burukratang Pilipino. Ang mga magsasakang inagawan ng lupa ay inakit sa mga lugar na ito para magkaroon ng lakas-paggawang hahawan sa lupa at magsilbing panangga ng mga imperyalista ng EU at panginoong maylupa laban sa mga katutubong tagaroon na inagawan ng lupa at karaniwa'y kabilang sa mga di Kristiyanong nasyonalidad.

Sa pagtatangkang kontrahin ang kilusang magsasaka sa Gitnang Luzon at iba pang parteng bayan, ang Pambansang Pangasiwaan sa Resetelment (National Land Resettlement Administration) ay ipinaorganisa ng panginoong maylupang si Quezon noong 1939 para paandarin ang dalawang proyekto sa setelment sa timog-kanlurang Mindanao at isa sa Lambak ng Cagayan, na ginagawang distiyeruhan ng mga magsasakang mapanghimagsik.

Sa kainitan ng gerang magsasaka noong 1950, inorganisa ang Korporasyon sa Pagpapaunlad ng Setelment (Land Settlement Development Corporation o Lasedeco) para ilipat ang mga magsasakang nawalan ng lupa. Sa tatlong taong itinagal ng Lasedeco, hindi lalampas sa apat na raang (400) pamilya ng magsasaka ang nailipat nito. Pagkaraan, ang reaksyonaryong militar na pinamumunuan ng ahente ng CIA at malaking panginoong maylupang si Ramon Magsaysay ay nagtayo ng mga proyekto sa resetelment sa ilalim ng Kwerpo sa Pagpapaunlad ng Ekonomya (Economic Development Corps o Edcor). Hindi lalampas sa sanlibong (1,000) pamilya ng magsasaka ng nailipat. Ang kahuli-hulihang proyekto sa resetelment ay ginawa sa ilalim ng Pambansang Pangasiwaan sa Resetelment at Rehabilitasyon (National Resettlement and Rehabilitation Administration o NARRA) noong 1954. Hindi napabuti ang lahat ng proyektong ito sa resetelment ang katayuan ng kahit ikasampung parte ng isang porsyento ng mga magsasakang nawalan ng lupa sa Pilipinas. Ipinagtatapon na lamang sa gubat ang mga setler, at doo'y dumanas sila ng kapabayaan ng gobyerno at naging biktima ng dati nang mga kasamaaan ng pyudalismo. Ang pangunahing layunin ng mga reaksyonaryo ay gumawa lamang ng pakitang-taong "reporma sa lupa" na magagamit sa kanilang mapanlinlang na propaganda. Ang mga proyekto sa resetelment ay ginamit lamang na kontra-insureksyong hakbang ng mga adbayser na militar ng EU at ng reaksyuanryong armadong pwersa.

Sa pagsunod ng mga panginoong maylupa, kasama ang mga komprador at burukratang kapitalista, sa sarili nilang mga panawagan sa resetelment nitong nakaraang pitong dekada, pinaabot nila ang pyudalismo at ang kapitalistang pagsasaka sa mga bundok at burol. Ginagamit nila ang kanilang surplus sa produksyong pang-agrikultura at ganansyang komprador para kumuha ng dagdag na lupa, o kaya't ginagamit nila ang kanilang lupa para makapangutang nang malaki at makakuha pa uli ng dagdag na lupa. Ikinukuha nila ng titulo ang malalawak na lupang publiko, inaakit ang mga setler na hawanin at bungkalin iyon, saka pinalalayas ang mga ito o pinananatili bilang kasama. Para makasunod sa Artikulo 13, Seksyon 2 ng Konstitusyon ng Pilipinas, umuupa sila ng malalawak na sakahan mula sa lupang publiko, na umaabot ng dalawang libong (2,000) ektarya bawat isa, at pinalalabas nilang pastulan o rantso ang mga ito. Pagkatapos ay nagiging kanila nang pribadong lupang pang-agrikultura ang mga ito. Kinakamkam nila pati ang mga bundok, burol at ilog. Nagiging konsesyonero rin sila ng trosohan at pagkatapos ay nakukuha na nila ang lupang pinagputulan ng troso. Hindi lamang nila pinalalawak ang sakop ng kanilang pagsasamantalang kapitalista at pyudal, kundi nililikha rin nila ang kondisyong nagiging dahilan ng baha at pagkaagnas ng lupa, na pumipinsala sa masang anakpawis sa mababang lugar.

Kalahok ang mga monopolyo ng EU sa pang-aagaw ng lupa sa mamamayan sa pamamagitan ng pagtatayo ng sarili nilang mga plantasyon tulad ng sa Del Monte, Dole, Stanfilco, Firestone Rubber at iba pa, at pagbubukas ng mga minahan tulad ng sa Benguet Consolidated, Lepanto, Atlas Consolidated at napakarami pang iba. Dahil sa mga minahang ito, direktang naaagawan ng lupa ang mga magsasaka at pambansang minorya, at nasisira rin ang malalawak na sakahan sa pag-agos sa ilog ng mga duming mineral at kemikal. Sa kasalukuyan, marami pang ibang minahan na inaapurang buksan ng mga imperyalistang EU at Hapon sa iba't ibang lugar ng bayan.

Habang mas mabilis na itinatayo ng mga imperyalista ng EU at mga lokal na alipuris nila ang mga empresang nangangailangan ng malalawak na lupain tulad ng mga minahan, plantasyon at rantso, hanggang katapusan ay mabagsik na lalaban at lalaban ang malawak na masa ng mamamayan. Ang kinamkamang uring magsasaka at ang mga pambansang minoryang itinataboy ngayon mula sa mga lugar ng resetelment at sa mga reserbasyon ay nag-umpisa nang lumaban nang buong lakas sa imperyalismong EU, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

b. Mga Limitasyon sa Pag-aari ng Lupa at Bogus na Pagkuha ng Gobyerno ng Lupa. Sa lahat ng batas sa pagkuha ng gobyerno ng lupa, laging itinatakda ng mga reaksyonaryo ang "ligal na proseso" (ibig sabihi'y ang burukratang kuskos-balungos at magastos na hablahang hindi makayanan ng mga maralitang magsasaka) at ang "makatwirang bayad" (ibig sabihi'y mataas na presyo para sa tigang na mga lupang binili ng reaksyonaryong gobyerno sa mga panginoong maylupa para magpakitang-tao lamang. Kung ano ang taas ng ibinabayad sa panginoong maylupa, gannon din kataas ang ibinabayad ng magsasaka kapag ipinapamahagi uli ang lupa. Dahil dito'y mga panginoong maylupa at malalaking burukrata lamang ang nakapagmay-ari ng lupang kinuha ng gobyerno, o kaya'y nananatili ang mga lupang ito sa walang taning na pangangasiwa ng gobyerno.

Tinutulungan ng reaksyonaryong gobyerno ang uring panginoong maylupa sa ispekulasyon sa lupa. Sa laki ng ibinabayad sa mga panginoong maylupa kapag gusto nilang magbenta, madali silang makabili ng lupa sa ibang lugar o makakuha ng lupang publiko bilang kapalit. Pagkaraan ng maikling panahon, hindi na mapondohan ng reaksyonaryong gobyerno ang programa nitong "reporma sa lupa".

Sa tangkang lokohin ang malawak na masa ng mamamayang nagngingitngit sa pananatili ng malalawak na lupain ng mga prayle - na naging tampok na usapin noong Rebolusyong Pilipino ng 1896 - binili ng Komisong Taft sa mga korporasyong relihiyoso ang ilan sa mga lupaing ito. Ibinayad ang napakalaking halagang mahigit pitong milyong dolyar ($7,000,000) para sa sandaa't animnapu't dalawang libong (162,000) ektarya. Pagkaraan, ipinagbili uli ang maliliit na piraso ng lupa sa animnapung libong (60,000) kasama at ibinigay ang mas malalaking piraso sa mga nangungunang taksil sa rebolusyong Pilipino bilang suhol para makipagkolaboreyt sa imperyalismong EU. Hindi nagtagal, ang mga nakatanggap na maliliit na piraso ng lupa ay napilitang magbenta dahil nahirapan silang maghulog sa mataas ng presyo ng lupa at lalo silang nababaon sa utang.

Ang islogang "hustisyang panlipunan" ay ginawang bukambibig ni Quezon noong dekadang 1930, nang mariing ipinapahayag ng masang magsasaka ang kanilang adhikaing makalaya sa paghaharing imperyalista at pyudal. Pero nakiayon siya sa mga panginoong maylupang delegado sa Kumbensong Konstitusyonal ng 1935 na isingit sa konstitusyong kolonyal ang probisyon sa "makatwirang bayad" sa lupang pwedeng kunin ng gobyerno sa mga panginoong maylupa, at ipinahiwatig din na may karapatang manatili ang pagsasamantalang pyudal hanggat di kayang bilhin ng reaksyonaryong gobyerno ang lahat ng propriedad ng mga panginoong maylupa. Noong panahon ni Quezon, hindi naitakda't naipatupad ng batas ang paglilimita sa pribadong pagmamay-ari ng lupang pang-agrikultura, tulad ng sinasabi ng konstitusyon.

Direktang itinatakda ng kolonyal na konstitusyon ang mga limitasyon sa paghawak ng pampublikong lupang pang-agrikultura. Walang pribadong korporaasyon o asosasyon na pinapayagang magkaroon, umupa o humawak ng pampublikong lupang pang-agrikultura na lampas sa sanlibo't dalawampu't apat (1,024) na ektarya. Walang sinuman na pinapayagang bumili ng ganoong lupa na lampas sa sandaa't apatnapu't apat (144) na ektarya, o umupa ng lupang lampas sa 1,024 ektarya. Gayunman, pwedeng magpaupa sa sinuman, sa pribadong korporasyon o asosasyon, ng maksimum ng dalawang libong (2,000) ektaryang pastulan. Dahil sa taas ng mga limitasyong ito, labis-labis nang mapapalawak ng mga panginoong maylupa ang propriedad nila. Pero hindi naging istrikto ang reaksyonaryong gobyerno sa pagpapatupad ng mga limitasyong ito. Ang lahat ng lupang publiko ay lagi nang nakatiwangwang para mapalawak ang propriedad ng mga Pilipinong komprador-panginoong maylupa at malaking burukrata, at pati ang mga agrokorporasyon ng EU.

Noong 1936, pinagtibay ang Batas Komonwelt Blg. 21 na nagbigay ng awtoridad kay Quezon na bumili ng loteng residensyal sa malalaking asyenda para ibenta naman sa mga naninirahan dito, at naglaan ang batas na ito ng kakarampot na halagang isang milyong piso (P1,000,000). Pero noong 1939 lamang itinatag ni Quezon ang Administrasyon sa Kaunlarang Pambukid (Rural Progress Administration) para bumili at mangasiwa ng mga ari-arian ayon sa nasabing batas. Nang buwagin ang pangasiwaang ito noong 1950, umabot lamang sa tatlumpu't pitong libo, pitong daa't apatnapu't anim (37,746) na ektarya ang nabili nitong lupa, na katumbas ng kakatiting na parte lamang ng isang porsyento ng kabuuang lupang pag-aari ng mga panginoong maylupa noong 1948.

Ang Batas sa Reporma sa Lupa ng 1955 ay isa pang panlolokong pinalabas ng panginoong maylupa't ahente ng CIA na si Ramon Magsaysay, na nagkunwaring "patron ng reporma sa lupa" sa tangka niyang agawin sa armadong pakikibaka ng magsasaka ang inisyatiba sa pulitika. Nilikha ng batas na ito ang Administrasyong Agraryo (Land Tenure Administration) na ang idinedeklarang layunin ay kunin ng gobyerno ang mga asyendang lampas sa maksimum na limitasyong tatlong daang (300) ektaryang magkakatabi na itinakda para sa mga pribadong indibidwal, at anim na raang (600) ektaryang magkakatabi na itinakda para sa mga korporasyon. Kalabas-labas, ang tunay na layunin ng batas na ito ay bendisyunan ang pagmamay-ari ng mga indibidwal ng lupang 300 ektarya ang laki at pagmamay-ari ng mga korporasyon ng lupang 600 ektarya ang laki; layunin ding gawing pormal na patakaran ng estado ang pananatili ng Pilipinas bilang pang-agrikulturang dependyente ng Estados Unidos. Noong panahon ng mga papet na rehimen nina Magsaysay, Garcia at parte ng kay Macapagal, hindi lalampas sa tatlumpung (30) asyenda (kabilang ang mga lupa't gusali sa syudad) ang kinuha ng gobyerno. Ang pagkuha ng gobyerno sa iilang lupaing ito ay naging pagkakataon para tiwaling magsabwatan ang negosyador ng gobyerno at ang panginoong maylupang nagpapasobra sa presyo ng kanyang lupain.

Ang Kodigo sa Reporma sa Lupang Pang-agrikultura (Agricultural Land Reform Code) na pinagtibay noong 1963 sa ilalim ng rehimeng Macapagal ang pinakahuli sa mga huwad na hakbang sa reporma sa lupa.23 Pinupuri ito ng mga reaksyonaryo bilang ligal na instrumento na sa wakas ay magpapalaya sa masang kasama sa mga palayan at maisan. Pero tulad ng lahat ng naunang huwad na batas sa reporma sa lupa, idindeklara nito na ang pagkuha ng reaksyonaryong gobyerno sa lupa ng mga panginoong maylupa ay gagawin lamang sa pamamgitan ng "makatwirang bayad" at kailangang magbayad ang masang kasama para sa mga piraso ng lupang ipapamahagi sa kanila. Kahit sa hulugan, walang maralitang magsasaka, manggagawang bukid o nakakababang panggitnang magsasaka na kayang magbayad kapag ipinapamahagi uli ang lupa. Napakamahal nito dahil kasama na ang pasobra sa presyo na karaniwang ginagawa kapag bumibili ng lupa ang reaksyonaryong gobyerno. Isa pa, mayroon ding mga gastos sa pangangasiwa, bayad sa interes at buwis na sinisingil sa kasamang nagsisikap magbayad.

Itinatakda ng Kodigo sa Reporma sa Lupang Pang-agrikultura ang prayoridad sa pagkuha ng gobyerno ng lupa, at ito ay ang sumusunod: (1) lupang tiwangwang o iniwan; (2) lupang mahigit sanlibo't dalawampu't apat (1,024) na ektarya; (3) lupang mahigit limang daang (500) ektarya pero hidi lalampas sa 1,024 ektarya; (4) lupang mahigit sandaa't apatnapu't apat (144) na ektarya pero hindi lalampas sa 500 ektarya; at (5) lupang mahigit pitumpu't limang (75) ektarya pero hindi lalampas sa 144 ektarya. Katangahan na unahing kunin ng gobyerno ang mga lupang tiwangwag o iniwan dahil napakadaling kumpiskahin ang mga ito o ibalik sa pagiging lupang publiko. Karaniwang di maganda at mahirap sakahin ang mga lupang tiwangwang o iniwan. Itinuturing ng mga panginoong maylupa mismo na hindi kapaki-pakinabang ang mga lupang ito at gustung-gusto pa nga nilang ipagbili, sa pinasobrahang presyong pinagsabwatan nila at ng reaksyonaryong gobyerno. Matatali at mauubos ang pinansya ng Bangko sa Lupa (Land Bank) sa pagbili ng ganitong tipo ng lupa, at hindi makakayanan ng masang kasama ang presyong itinatakda kapag ipinapamahagi uli ang lupa at ang gastos sa pagpapaunlad ng lupa.

Hindi mangyayaring maipapatupad ng reaksyonaryong gobyerno ang limitasyong pitumpu't limang (75) ektarya, na ipinapahiwatig lamang naman ng Kodigo sa Reporma sa Lupang Pang-agrikultura sa sistema ng prayoridad sa pagkuha ng gobyerno ng lupa. Kahit ipatupad ang limitasyong ito, malaki pa rin ang 75 ektarya para makalarga ang uring panginoong maylupa. Pwedeng ipamahagi lamang ng isang panginoong maylupa ang sobrang lupa sa malalapit niyang kamag-anak, o kaya'y ibenta ito para makabili ng lupa sa ibang lugar. Sa katunayan, inuudyukan ng Kodigo ang uring panginoong maylupa na ibenta ang kanilang ari-arian saanman naliligalig ang mga magsasaka, at kumuha ng lupang publiko o bumili ng lupa sa ibang lugar.

Hindi kailangang umalis ang panginoong maylupa. Pinapayagan siya ng kodigo na gumamit ng napakaraming garapal na salamangka para maiwasang kunin ng gobyerno ang lupa, bukod sa simpleng pamamahagi ng sobrang lupain sa malalapit niyang kamag-anak. Pwede niyang pilitin o lokohin ang kanyang mga kasama na pumirma o tumestigo sa isang deklarasyon na siya mismo ang nagsasaka sa lupa. Pwede siyang gumamit ng ilang makina, o kaya'y talagang magmekanisa. Pwede niyang pairalin ang sistemang sahuran imbis na sistemang kasama. Pwedeng iba ang ipatanim niya imbis na palay o mais. Pwede niyang dayain sa kwentahan ang kanyang mga kasama at tambakan sila ng utang para hindi sila maging "may-aring naghuhulog sa lupa". Pwedeng basta palabasin na ang lupa niya ay nakaalaan sa edukasyon, paninirahan o komersyo. Ayon sa kodigo, tahasang hindi kinukuha ng gobyerno ang mga lupang ginagamitan na o gagamitan pa ng makina, o kaya'y natatamnan ng ibang produkto bukod sa palay at mais. Sa gayon, hindi sakop ang mga lupang tinatamnan ng tubo, niyog, sitrus at iba pa. Hindi rin sakop ang mga lupang ikinakategoryang lugar na nakalaan sa relihiyon, edukasyon, paninirahan o industriya.

Ang pinakaimportanteng salik sa pananatili sa ating bayan ng pamamanginoong maylupa ay ang kapangyarihang pampulitikang nasa likod ng huwad at pakitang-taong operasyon ng pitong ahensya sa "reporma sa lupa" na nilikha ng kodigo. Imposibleng kontrahin ng reaksyonaryong gobyerno ang mga among pyudal nito. Dinidiktahan ng uring panginoong maylupa ang Pambansang Konseho sa Reporma sa Lupa (National Land Reform Council) at ang Pangasiwaan sa Lupa (Land Authority), ang prinsipal na mga ahensyang gumagawa ng patakaran. Sa katunayan, mas marami pa ngang lupang publiko ang kinamkam ng mga panginoong maylupang nanunungkulan sa mga ahensyang iyon kaysa lupang naipamahagi nila sa mga walang lupa.

Sa pag-iral ng Kodigo sa Reporma sa Lupang Pang-agrikultura, wala kahit isang asyendang nabili sa uring panginoong maylupa ang papet na rehimeng Macapagal para ipamahagi uli. Mula nang pagtibayin ang kodigo, tatlong taon pa ang nakaraan bago itinatag ang Bangko sa Lupa, na siyang magpipinansya sa pagkuha ng gobyerno ng mga asyenda. Noong 1966-69, ang talagang tinanggap ng Bangko sa Lupa ay ang kakarampot na halagang labintatlong milyon, anim na raang libong piso (P13,600,000) samantalang apat na raang milyong piso (P400,000,000) ang dapat inilaan. Samantala, ilandaang beses na mas malaki (kalahating bilyong piso taun-taon) ang pondong ibinibigay ng gobyerno sa reaksyonaryong armadong pwersa para pamalagiin ang sambayanan sa pagka-aliping pyudal. Ang adbentura ng Philcag sa Byetnam na tumagal ng isang taon ay ginastusan ng tatlumpu't limang milyong piso (P35,000,000).

Ayon sa kodigo, dapat isa't kalahating bilyong piso (P1,500,000,000) ang kapital ng Bangko sa Lupa, na siyam na raang milyong piso (P900,000,000) ang sasagutin ng gobyerno at ilalabas na natatanging sosyo. Ngayong mas bangkrap pa kaysa dati ang reaksyonaryong gobyerno, mas mahihirapan itong magpalabas ng pondo para sa bogus na programa nito sa pagkuha ng lupa.

Noong 1966-69, nakabili ang Bangko sa Lupa ng sampung (10) asyendang umaabot sa siyam na raan, siyamnapu't pito tuldok anim (997.6) na ektarya sa kakarampot na halagang tatlong milyon, apat na raang libong piso (P3,400,000). Planong ibenta sa tatlong daan't animnapu't tatlong (363) kasama ang mga lupaing ito. Malinaw na makikita sa rekord na ito na hindi makakayanang bilhin ng reaksyonaryong gobyerno ang kahit isang porsyento ng ari-ariana ng panginoong maylupa.

At kahit pa man sa iilang lugar na nagkaroon nga ng pakitang-taong pagbili ng ari-arian ng panginoong maylupa ang reaksyonaryong gobyerno, tulad ng dati'y hindi mababayaran ng mga maralitang magsasaka ang presyong itinatakda kapag ipinapamahagi uli ang lupa. Ang karaniwang halaga ng lupang nabili ng Bangko sa Lupa ay tatlong libo, apat na raa't walong piso (P3,408) bawat ektarya. Kung ipapamahagi uli ang mga lupang ito sa mga kasama, tig-tatatlong ektarya ang dapat nila talagang makuha. Kapang kinuwenta ay agad makikita na hindi makakaipon ng sapat na halaga ang kasama para mabayaran ang prinsipal na sampung libo, dalawang daa't dalawampu't apat na piso (P10,224) at ang gastos sa administrasyon, interes at buwis, kahit dalawampu't limang (25) taong huhulugan ang lupa. Alam na alam natin na ang isang maralitang magsasaka ay hindi makakaipon ng apat na raa't siyam na piso (P409) taun-taon, para mabayaran ang isa lamang sa 25 parte ng prinsipal na halaga ng lupang inilaan sa kanya.24

Sa loob ng anim na taon pagkaraang pagtibayin ang Kodigo sa Reporma sa Lupang Pang-agrikultura, nakakuha ng mga lupaing publikong pang-agrikultura ang mga imperyalistang EU na puminsala sa mga naghohomisted. Bago pa man makuha ng gobyerno ang kahit isang asyenda, sampu-sampung libong ektarya na ang naibigay sa mga agrokorporasyong EU tulad ng Philippine Packing Corporation, United Fruit, Dole at Standard (Philippines) Fruit Corporation, at malaya silang palawakin pa ang mga iyon para matamnan ng pinya, saging at iba pa. Ang mga korporasyon ng gobyerno - tulad ng Pambansang Korporasyon sa Pagpapaunlad (National Development Corporation o NDC) at Pangasiwaan sa Pagpapaunlad ng Mindanao (Mindanao Development Authority) - at ang mga nasabing agrokorporasyon ng EU ay gumawa ng mga "kasunduang magtanim" sa kabila ng tuntunin sa konstitusyon na mga korporasyong Pilipino lamang, na di kukulangin sa animnapung porsyento (60%) ang sosyo ng mga Pilipino, ang pwedeng humawak ng mga lupang publikong pang-agrikultura at kahit ang mga korporasyong ito'y hindi makakahawak ng lupang sobra sa sanlibo't dalawampu't apat (1,024) na ektarya. Inialok din sa mga agrokorporasayong ito ng EU, laluna sa United Fruit Corporation na may napakasamang reputasyon, ang limampung libong (50,000) ektarya mula sa Pambansang Reserbasyong Parke sa Bundok Apo.

Hindi tumitigil ang uring panginoong maylupa sa pagkamkam ng lupang binubungkal na mga pambansang minorya at maliit na setler. Ang totoo'y inaakit pa ng reaksyonaryong gobyerno ang mga panginoong maylupa na kumuha ng mas malalawak na lupang publiko, laluna sa Mindanao, kapalit ng lupa nilang nasa mga mataong lugar. Pero ang kapansin-pansin sa lahat, mula nang pagtibayin ang Kodigo sa Reporma sa Lupang Pang-agrikultura ay mabilis na ginagawang tubuhan ang mga palayan at maisan, at lumalawak-lawak din ang malakihang pagsasakang kapitalista at paggamit ng makina sa sakahan. Itinataboy ang mga magsasaka mula sa kanilang mga sakahan sa pamamagitan ng buldoser, baril at utos ng korte.

Dahil sa patakarang dekontrol at sa paulit-ulit na debalwasyon ng piso, ang mga komprador-panginoong maylupa ay nagkakaroon ng pagkakataong makapagmay-ari ng mas maraming lupa at makapagdagdag ng pasilidad sa kiskisan. Ang mga panginoong maylupa ay ispesyal na pinapaburan ng papet na gobyerno ang lahat ng kailangang suportang dolyar para sa pagtatayo ng labingwalong (18) bagong asukarera sa iba't ibang lugar sa Pilipinas. Pinaplanong magtayo ng apatnapu (40) pang asukarera. Alinsunod ito sa patakaran ng mga imperyalista ng EU na bago pa pormal namatapos ang Kasunduang Laurel-Langley ay ubusin na ang pinansya ng papet na gobyerno sa mga proyektong lalong nagpapatibay sa kolonyal na katangian ng ekonomya.

__________________________

23 Noong 1971, sinusugan ng papet na rehimeng Marcos ang Kodigo sa Reporma sa Lupang Pang-agrikultura at tinawag naman itong Kodigo sa Repormang Agraryo. Sa batas na nagsusog, ang batas ng Republika Blg. 6389, ang kahulugang ibinibigay sa "makatwirang kabayaran" sa mga panginoong maylupa ay ang pagbabayad ng "makatwirang halaga sa pamilihan" kapag kinukuha ng gobyerno ang kanilang lupa; at sa paliguy-ligoy na paraan ay pinasasali muna sa "kooperatiba" ang magsasakang kasama bago siya makapagpetisyong bilhin sa panginoong maylupa ang lupang binubungkal niya. Ang Batas ng Republika Blg. 6390, na lumikha ng "ispesyal na pondo sa repormang agraryo", ay nagbibigay ng diin sa pagtatayo ng mga "kooperatiba" na galamay lamang naman ng mga bangkong rural ng mga panginoong maylupa at ng ACA.

24 Mula 1965 hanggang 1971, sa loob ng buong panahong umiral ang Kodigo sa Reporma sa Lupang Pang-agrikultura bago ito tawaging Kodigo sa Repormang Agraryo, ang talagang natanggap ng iba't ibang ahensya sa "reporma sa lupa" ay tatlong daa't siyamnapu't siyam na milyon, dalawang daa't apatnapung libong piso (P399,240,000) lahat-lahat, mula sa kabuuang inilaang isang bilyon, tatlong daang milyong piso (P1,300,000,000). Ibinigay sa Bangko sa Lupa (Land Bank) ang kakarampot na halagang tatlumpu't anim na milyon, tatlong daa't dalawampung libong piso (P36,320,000), at gumastos naman ito ng labing-anim na milyon, dalawang libo't siyam na raang piso (P16,002,900)lamang para bilhin ang tatlumpu't dalawang (32) asyendang may kabuuang sukat na tatlong libo, walong daa't pitumpu't anim (3,876) na ektarya at sumasaklaw sa dalawang libo, dalawang daa't animnapu't walong (2,268) kasama. Ang laki ng lupang kinuha ng gobyerno para ipamahagi uli ay wala pang isang patak sa malawak na karagatan ng mga ari-arian ng mga panginoong maylupa. Pero isa mang kasamang mahirap ay hindi kayang magbayad, kahit sa hulugan, ng buong presyo ng maski isang ektarya ng lupang ipinapamahagi uli. Sa ngayon, karaniwang apat na libo, sandaa't apatnapu't siyam na piso (P4,149) bawat ektarya ang ibinabayad ng reaksyonaryong gobyerno. Dagdag pa sa lahat ng ito, kumukubra ang reaksyonaryong gobyerno para sa gastos sa administrasyon at interes.

__________________________

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.