Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Ikalawang Kabanata: Mga Pundamental na Suliranin ng Sambayanang Pilipino



Read in English

Amado Guerrero
July 30, 1970


5. Ang Kapangyarihang Pampulitika ng Uring Panginoong Maylupa

Hindi kusang susuko ng uring panginoong maylupa ang pagmamay-ari nila sa malalawak na lupain. Hindi rin nila papayagang magwakas ang mapagsamantalang relasyon sa kanayunan. Pirmi nilang gagamitin ang kanilang kapangyarihang pampulitika para magsilbi sa sariling interes. Sa una pa lamang tanda ng paglaban ng mga magsasaka sa awtoridad nila, hindi sila nag-aatubiling gumamit ng armadong pwersa para supilin ang mga iyon. Kawawa ang hangal na umaasa na lamang sa upisina ng Abugadong Agraryo at sa Korte sa Relasyong Agraryo. Sa lahat ng batas sa "reporma sa lupa" na pinagtibay ng reaksyonaryong gobyerno, hindi kinakalimutan ng uring panginoong maylupa na magsingit ng mga probisyong kapaki-pakinabang sa kanila, at nagpapagrabe naman sa kalagayan ng uring magsasaka. Naglilingkod sa uring panginoong maylupa ang hukbo, pulisya, mga korte at bilangguan. Nagtatayo sila ng mga pribadong hukbo para sa sarili nilang kagyat na pangangailan, hindi lamang para magbunsod ng mga paksyonal na sigalot sa loob ng kanilang uri, kundi para salakayin din ang lumalakas na rebolusyonaryong kilusang masa. Patuloy na lumalakas ang mga panginoong militar sa probinsya.

May direktang mga representante ang uring panginoong maylupa sa bawat antas ng reaksyonaryong gobyerno, mula sa antas ng baryo hanggang sa antas na pambansa. Ang mga panginoong maylupa mismo ay mga upisyal ng reaksyonaryong gobyerno. Umaabot ang kanilang kapangyarihan sa bawat ahensya nito, laluna sa mga mapamilit na aparato ng estado. Dahil malaki at laganap ang pagpipinansya nila sa mga kampanya sa eleksyon, matatagpuan sila sa mga mapagpasyang pusisyon sa lahat ng reaksyonaryong partidong pampulitika.

Tuwing babanggitin ng reaksyonaryong gobyerno ang pagpapalaki sa produktibidad sa agrikultura o ang pagbibigay ng pang-engganyo sa pag-eeksport, ang uring panginoong maylupa lamang ang gustong bigyan ng benepisyo. Hanggat patuloy na nagmamay-ari ng mga asyenda ang mga panginoong maylupa at hanggat patuloy nilang kinokontrol ang relasyon sa produksyon sa kanayunan, ang uring panginoong maylupa at ang malaking burgesyang-komprador lamang ang pwedeng makinabang sa lahat ng pinahusay na kalsada, tulay, daungan, patubig, sistema ng kontrol sa ilog at kahit sa mga serbisyong suporta sa agrikultura na maisasagawa ng reaksyonaryong gobyerno sa pamamagitan ng mabibigat na pautang mula sa dayuhan at matataas na buwis.

May iba't ibang tipo ng organisasyon ang uring panginoong maylupa na nagagamit nang direkta at hindi direkta para bantayan ang interes nila sa lahat ng paraang posible sa loob ng kasalukuyang sistema. May asosasyon ng mga miller at prodyuser, at mayroon ding mga organisasyon ng komersyante. May tinatawag na mga organisasyong sibiko at pangkawanggawa, na ginagamit para bigyan ng publisidad ang "kabaitan" at "kabutihang loob" ng mga panginoong maylupa at para itago ang kawalang-budhi at karahasan ng kanilang paghahari. Nagtatayo ng mga huwad na kooperatiba para manipulahin ang iba't ibang saray ng uring magsasaka. May mga bangkong nagsisilbing sentro ng mga alyansa ng panginoong maylupa at komprador.

Sa lahat ng tipo ng organisasyon, ang Simbahang Katoliko ang pinakamatanda at pinakamaaasahang tagapagtanggol ng uring panginoong maylupa. Sa lahat ng salik sa pagpapaunlad at pagpapanatili ng pyudalismo sa loob ng mahigit apat na siglo, ito ang pinakamapagpasya at pinakamabagsik. Ang simbahang ito mismo ay malaking panginoong maylupa, na hindi nababawasan ang pyudal na pribilehiyong noon pa'y tinatamasa sa sistemang kolonyal ng mga Espanyol. Isa itong parasitikong institusyong nagtatamasa ng materyal na suporta ng uring panginoong maylupa. Sandata ito sa ideolohiya at pulitika, na gumagamit ng lahat ng klase ng taktika para itaguyod ang pagiging "sagrado" ng karapatan ng mga panginoong maylupa na panatilihin ang kanilang ari-arian. Nagtayo ang simbahan ng maraming organisasyong sibil na nakalaang panatilihin ang pamamanginoong maylupa pero kunwari'y mga tagapagtaguyod ng reporma sa lupa. Kahit ang mga obispo at pari ng simbahan, at ang mga anak ng panginoong maylupa na nag-aaral sa mga iskwelahang sektaryan ay nakikisali na rin sa laro ng repormismo para lamang marahas na kondenahin ang mga nagtataguyod sa rebolusyong agraryo at ipamigay sa inaaping masang magsasaka ang lumang reseta ng pananalig at kumpyansa sa reaksyonaryong gobyerno at sa uring panginoong maylupa.

Sa kanayunan ngayon, marami-rami rin ang repormista at kontra-rebolusyonaryong mga asosasyon ng magsasaka, unyon ng manggagawang bukid, ahensya sa "pagpapaunlad ng nayon" o "rural development" at proyektong "kooperatiba". Ang nag-oorganisa sa mga ito ay mga ahensya ng EU para sa kontrainsureksyon o kaya'y mga burukratang kapitalista, organisasyong relihiyoso, kontrarebolusyonaryong taksil na rebisyonista, karaniwang manggagantso o mga panginoong maylupa na rin mismo. Ang ilan sa mga ito ay ang Kilusang sa Rekonstruksyon ng Kanayunan sa Pilipinas (Philippine Rural Reconstruction Movement o PRRM), Katulong ng Presidente sa Pagpapaunlad ng Komunidad (Presidential Arm on Community Development o PACD), Pederasyon ng Malayang Magsasaka (Federation of Free Farmers o FFF), Pinagsanib na Kilusan para sa Hustisyang Panlipunan at mga Reporma (Federated Movement for Social Justice and Reforms o FMSJR), Malayang Samahang Magasasaka (paksyong Lava), Kaisahang Magsasaka (Kasaka) at iba pa. Nagkakaisa sila sa kontrarebolusyonaryong layuning lokohin ang mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid para maniwala ang mga ito na makakahon sila sa pang-aapi at pagsasamantala sa pamamagitan ng pagtitiwala sa programa sa "reporma sa lupa" ng reaksyonayrong estado ng mga komprador at panginoong maylupa. Bigo nilang inaasahang ilayo ang mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid sa rebolusyong agraryo na walang pagod at buong tapang na ipinaglalaban ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Pangunahin para sa imperyalismong EU ang pangangailangang panatilihin ang pyudalismo sa Pilipinas. Kung bumagsak ang mga panginoong maylupa sa kapangyarihan, wala nang sasalalayan ang imperyalismong EU at kailangan itong humarap sa pwersang ubod ng lakas na magtataboy sa kanya mula sa Pilipinas. Kaya ginagawa ng imperyalismong EU ang lahat ng klase ng hakbang para pigilin ang rebolusyong agraryo. Mayroon itong programa sa kontrainsureksyon para supilin ang rebolusyonaryong kilusan ng magsasaka sa kanayunan. Parte ng programang ito sa kontra-insureksyon ang mga huwad na hakbang sa reporma sa lupa, "aksyong sibiko", mga organisasyong repormista, at mga gang ng mamamatay-tao tulad ng "Monkees", "BSDU", "provincial strike forces" at "special forces". Patuloy na ginagamit ng imperyalismong EU ang lumang mga taktika ng kontrarebolusyon at binago lamang ang tawag sa mga ito. Tiyak na palalabasin ang sarili nitong mga tropang agresor mula sa mga base militar para salakayin ang mamamayan sa sandaling manghina ang mga reaksyonaryong papet na tropa at pulis, o kaya'y mabigong supilin ang mamamayan.

Kamakaila'y pinalaki ng imperyalismong EU ang direktang interes nito sa agrikultura ng Pilipinas. Nagbukas ng malalawak na plantasyon ang mga agrokorporasyon ng EU, laluna sa Mindanao. Itinayo ng monopolistang grupong Rockefeller ang pinakamalaking planta ng abono, ang Esso-Standard Fertilizer and Agricultural Chemical Co., Inc. (ESFAC),26 at itinayo rin ang Pandaigdigang Surian sa Pananaliksik sa Palay (International Rice Research Institute o IRRI) para dumiskubre ng mga bagong klase ng palay na nangangailangan ng maraming abono. Sa ngayon, direktang naitatakda ng ESFAC ang presyo ng lahat ng kalakal na pang-agrikultura sa pamamagitan ng pagkontrol nito sa abono, pestisidyo at lahat ng kemikal na ginagamit sa agrikultura. Ang Kodigo sa Reporma sa Lupang Pang-agrikultura ay iginigiit ng imperyalismong EU bilang isang maniobra para mapilitan ang mga panginoong maylupa na bumili ng mas maraming kagamitang pansaka mula sa mga kumpanya ng EU at para din gawin nang tubuhan ang kanilang mga palayan at maisan, ganoon din lamang at mainam na dahilan ang mekanisasyon at pagtatanim ng tubo para hindi makuha ng gobyerno ang kanilang lupa. Ang Dow Chemical na kilala sa kasamaan na nagmamanupaktura ng mga defoliant (kemikal na nakakalagas sa dahon ng halaman) at iba pang sandatang kemikal o bayolohikal para sa gerang agresyon ng EU sa Indotsina, ay may negosyo na ngayon sa Pilipinas at hibang na nananaliksik kung paano sisirain ang mga halaman sa Pilipinas kapag may lumitaw nang mga rebolusyonaryong base.

Nakikipagsabwatan ang mga monopolyo ng EU sa mga monopolyo ng Hapon para gawing tagabili ng kagamitang pansaka ang Pilipinas, at para makapamuhunan sa mga plantasyon. Pinagbibigyan ngayon ng imperyalismong EU ang pangangailangan ng Hapon sa mga pang-agrikulturang kalakal ng Pilipinas Para masigurado ng imperyalismong EU na magiging alalay lamang nito ang Hapon sa agrikultura ng Pilipinas, pinabibilis ang sariling direktang pamumuhunan sa larangang ito. Matagal nang naghahanda ang mga monopolyo ng Hapon para magpatakbo uli ng mga plantasyon sa Pilipinas tulad noong bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

__________________________

26 Nasa kamay na ngayon ni Marcos at ng kanyang pangkatin ang mga sosyong kumokontrol sa ESPAC, na Planters Products na ang tawag ngayon.

__________________________

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.