Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Unang Kabanata: Pagriripaso sa Kasaysayan ng Pilipinas



Read in English

Amado Guerrero
July 30, 1970


VIII. Ang Kasaluluyang Papet na Republika ng Pilipinas

Sa paglunsad ng Partido Komunista ng Pilipinas ng digmang bayan at pagtatayo ng hukbong bayan laban sa mga pasistang Hapones at papet nito, ang Partido ay naging makapangyarihang instrumento ng sambayanang Pilipino at nakaganap ng makabuluhang papel sa kasaysayan ng Pilipinas. Bago pa man ibinaba sa Luzon ang mga tropa ng imperyalismong EU, napalaya na ng Hukbalahap, sa pamumuno ng Partido, ang halos buong rehiyon ng Gitnang Luzon, nakapagtatag na ng gobyerno sa mga probinsya at munisipalidad, at nakapagpadala na ng mga armadong yunit sa Maynila at Timog Luzon.

Gayunman, hindi nagkaroon ng pang-ideolohiya at pampulitikang preparasyon laban sa pagbabalik ng imperyalismong EU at pagpataw uli ng pyudalismo sa kanayunan. Habang sa loob ng Partido ay patuloy na nagpapagamit sa imperyalismong EU ang reaksyonaryong pangkating burges nina Lava at Taruc, paulit-ulit nilang sinasabing tapat sila sa gobyerno ng EU at sa papet na gobyernong komonwelt, at umaasa silang makakalahok sa parlamentaryong pakikibaka na may basbas ng mga halimaw na ito. Pero determinado ang imperyalismong EU at mga lokal na mapagsamantalang uri na salakayin ang Partido, hukbong bayan at mamamayan sa pamamagitan ng bala at matatamis na pananalita.

Malugod na tinanggap ng Hukbalahap, na iniligaw ng reaksyonaryong pangkating burges nina Lava at Taruc, ang mga tropa ng imperyalismong EU na dumaan sa Gitnang Luzon mula Lingayen noong 1945. Lumaban ang ilang yunit ng hukbong bayan kasama ng mga tropa ng imperyalismong EU para itaboy ang mga tropa ng Hapones mula sa paliparan ng Floridablanca, pero nabigla sila nang tutukan at disarmahan din at itinaboy ng EU pagkatapos ng labanan. Sa Maynila, dinisarmahan din at itinaboy ng mga imperyalistang agresor ang mga yunit ng Hukbalahap na mas unang dumating sa Maynila kaysa kanila. Pagkaraang disarmahan ang Iskwadron 77, isang yunit ng Hukbalahap na mas unang dumating sa Maynila kaysa kanila, minasaker ito sa Malolos, Bulacan habang papauwi mula sa Maynila.

Para masupil ang sambayanang Pilipino, pinagsama ng imperyalismong EU sa ilalim ng Military Police Command nito ang mga papet na sundalo ng USAFFE at ang dating maka-Hapones na Konstabularya ng Pilipinas. Sinulsulan ng imperyalismong EU ang mga traydor na panginoong maylupa na kontrolin uli nang ganap ang mga lupang iniwan nila noong gera, singilin ang magsasaka ng di nabayarang upa at organisahin ang mga pribadong armadong pangkat na noo'y kilalang mga gwardyang sibilyan para maipataw ang paghahari ng uri nila sa tulong ng pulisyang militar. Nagsagawa ng kampanya sa pananakot sa mamamayan ang mga imperyalistang EU at panginoong maylupa sa tangkang buwagin ang gobyerno na itinatag ng Partido at hukbong bayan sa mga probinsya at munisipalidad. Nireyd ng US Counter-Intelligence Corps ang pangkalahatang himpilan ng Hukbalahap sa San Fernando, Pampanga. Sa buong Gitnang Luzon, pinag-aaresto at pinagkukulong ang mga kadre ng Partido, Pulang mandirigma at karaniwang mamamayan. Ang mga masaker, asasinasyon, tortyur at iba pang porma ng kalupitan ay ginawa ng mga pulisyang militar at gwardyang sibilyan.

Sa tindi ng galit ng mamamayan ay gusto nilang lumaban at ipagpatuloy ang digmang bayan. Pero ipinagpilitan ng reaksyonaryong pangkating burges nina Lava at Taruc ang linyang sawa na sa gera ang mamamayan at kailangang magkampanya para sa "demokratikong kapayapaan". Sa hangarin ng mga lihim na traydor sa loob ng Partido na umokupa ng matataas na pusisyon sa reaksyonaryong papet na gobyerno, ipinagbunyi nila ang huwad na independensyang ipinangako ng imperyalismong EU. Kaya mula sa kanayunan ay inilipat sa syudad ang punong-himpilan ng Partido. Binuo ng mga traydor na ito ang Demokratikong Alyansa para matulungan ang imperyalismong EU na maitayo ang isang huwad na republika. Ginawa nilang Liga ng mga Beteranong Huk (Huk Veterans' League) ang Hukbalahap, at sa gayo'y inilagay ang mamamayan sa kamay ng kaaway. Ang mga komite ng mamamayan, na napanday sa gerang antipasista, ay ginawang mga sangay na lamang ng isang ligal na samahan ng magsasaka, at ginamit para maikalat ang ilusyon na parang grasyang mangagaling sa kamay ng kaaway ang reporma sa lupa.

Itinuturing ng reaksyonaryong pangkating burges nina Lava at Taruc na pangunahing punto sa kanilang adyenda sa parlamentaryong pakikibaka ang usaping ikabit na lamang sa Partido Nacionalista o sa Partido Liberal ang Partido Komunista, sa pamamagitan ng Demokratikong Alyansa sa eleksyon ng 1946. Pinili ng reaksyonaryong pangkating burges nina Lava at Taruc na pakampihin ang Demokratikong Alyansa sa Partido Nacionalista laban sa Partido Liberal na hindi pa nagtatagal ay isa lamang paksyon ng Partido Nacionalista. Walang saligang pagkakaiba ang Partido Liberal at ang partidong pinagmulan nito.

Si Osmena, na kandidato ng Partido Nacionalista sa pagka-presidente, bilang presidente ng papet na gobyernong komonwelt ay may kinalaman sa pagkakaabswelto kay Roxas, ang nagtatag sa Partido Liberal, na inakusahang nakipagkolaboreyt sa mga Hapones. Sa utos ng mga imperyalista, pinulong ni Osmena ang konggresong binuo bago magkagera na ang mayorya ng mga myembro ay nakipagkolaboreyt sa mga Hapones noong gera. Si Roxas, ang dating punong tagakulekta ng bigas para sa hukbong imperyal na Hapones, ay inihalal ng pulutong na ito ng mga traydor bilang presidente ng Senado, isang pusisyong nagamit niya para hamunin ang papet na liderato ni Osmena. Naningil pa ng bakpey ang papet na konggresong ito para sa serbisyo nila sa mga pasistang Hapones.

1. Ang Papet na Rehimeng Roxas, 1946-48

Tulad ng itinakda ng malaking suportang pampinansya at pampropaganda na ibinuhos ng imperyalismong EU sa kampanya ni Manuel Roxas para sa eleksyon, nahalal siyang huling presidente ng papet na gobyernong komonwelt noong Abril 1946. Awtomatiko siyang naging unang presidente ng papet na republika ng Pilipinas nang iproklama ang umano'y independensya noong Hulyo 4, 1946. Pinapaburan siya ng mga amo niyang imperyalista dahil pwede nilang takutin siya na isasakdal sa pakikipagkolaboreyt sa mga Hapones, at kung gayo'y maaasahang magtaguyod ng mga di pantay na tratadong gustong makuha ng mga imperyalista kapalit ng pangkalahatang amnestiya na magpapawalang-sala sa kanya at iba pang kabilang sa mga naghaharing uri sa paratang na pagtataksil sa bayan.

Sa reaksyunaryong eleksyon, ang bagong tatag na Partido Liberal ay nanalo sa Partido Nacionalista, pero sa kabila ng pandaraya at terorismo ng mga pulisyang militar at gwardyang sibilyan ay nanalo pa rin ang pitong kandidato sa pagkakonggresman ng Gitnang Luzon at tatlong kandidato sa pagkasenador na pare-parehong tumakbo sa ilalim ng alyansang Demokratikong Alyansa-Partido Nacionalista at kilalang tumututol sa mga di pantay na tratadong inihanda ng imperyalismong EU. Sapat ang kanilang bilang para mahadlangang ang pagkakaroon ng tatlong kapat na mayorya na kailangan sa pagpapatibay ng mga tratado sa Konggreso, at kung gayo'y hindi sila pinaupo sa Konggreso noong unang araw pa lamang ng sesyon dahil sa gawa-gawang paratang na nandaya sila at nanakot sa eleksyon sa Gitnang Luzon.

Noong araw mismo na ibinigay ang huwad na independensya ng Pilipinas at ginawa ang inagurasyon ng papet na republika ayon sa proklamasyon ng isang dayuhang gobyerno, ang papet na presidenteng si Roxas ay pinapirma sa Tratado ng EU at RP sa Pangkalahatang Relasyon na nagpapawalang-bisa sa independensya ng Pilipinas. Batay sa tratadong ito, pinananatili ang pinakamataas na awtoridad ng gobyerno ng EU sa malalawak na base militar na pwede pa nilang palawakin kung gusto; ginagarantyahan ang karapatan ng mga korporasyon at mamamayan ng EU na magkaroon ng ari-arian na kapantay ng karapatan ng mga korporasyon at mamamayang Pilipino; at ipinapailalim sa gobyerno ng EU ang ugnayang panlabas ng Pilipinas.

Sa ilalim ng papet na rehimeng Roxas, ginawa ang iba pang importanteng tratado at kasunduang nagdiditalye sa saligang kolonyal na pagkaalipin ng Pilipinas sa imperyalismong EU. Ang mga ito ay ang Batas sa Ari-arian, Batas Bell sa Kalakalan, Tratado ng EU at RP sa mga Base Militar at Kasunduan ng EU at RP sa Tulong Militar. Itinatakda ng Batas sa Ari-arian na di pakikialaman ang lahat ng lupa't gusali at iba pang ari-ariang nakuha ng gobyerno ng EU o ng mga ahenya nito bago mag-Hulyo 4, 1946 at pagkaraan nito. Malinaw na hinihingi ng Batas Bell sa Kalakalan na ilagay sa kolonyal na konstitutsyon ang Susog Pariti (parity amendment) para mapayagan ang mga monopolyo ng EU na mandambong ng likas na yaman ng Pilipinas hanggang gusto at magpatakbo ng mga gamit publiko, pinatatagal ang malayang kalakalan ng Pilipinas at Estados Unidos, at ipinapailalim sa pagdidikta ng EU ang taripa at pera ng Pilipinas. Ang Tratado ng EU at RP sa mga Base Militar ay nagbibigay sa imperyalismong EU ng karapatang ekstrateritoryal sa loob ng siyamnapu't siyam (99) na taon sa mga base militar ng EU na nasa mahigit dalawampung (20) istratehikong lugar sa Pilipinas. Itinatakda ng Kasunduan ng EU at RP sa Tulong Militar ang patuloy na kontrol ng EU sa lokal na reaksyonaryong armadong pwersa, sa pamamagitan ng Magkasanib na Grupong Tagapayong Militar ng EU (joint US Military Advisory Group o JUSMAG) na magpapayo rito at magpapahiram o magbebenta ng sandata at iba pang kagamitan.

Ayon sa Batas Tydings tungkol sa Rehabilitasyon, kailangan munang pagtibayin ang Batas sa Kalakalan, kasama ang Susog Pariti, bago ibigay ng gobyerno ng EU ang bayad sa napinsala ng gera na hihigit sa limang daang dolyar ($500). [milyon?] Isa pa, ayon sa Tratadong Vogelback na nagpapasa ng mga surplus na ari-ariang panggera ng EU sa papet na gubyerno ng Pilipinas, obligasyon nito na tanggapin ang Batas Bell sa Kalakalan at iba pang di pantay na tratado. Nang ibigay ang bayad sa napinsala ng gera, napunta lamang ang karamihan nito sa mga monopolyo ng EU, malaking burgesyang komprador, uring panginoong maylupa, mga burukratang kapitalista at organisasyong panrelihiyon. Sa pagdidispusisyon ng surplus na ari-ariang panggera ng EU, naging laganap ang katiwalian kapareho ng nangyari nang mamahagi ng relip (relief) noong panahon ng papet na rehimeng Osmena.

Kagagawan ng papet na rehimeng Roxas ang pagpapataw ng mga di pantay na tratado sa bansang Pilipino, at kagagawan din ng rehimeng ito ang napakabangis na mga pagsalakay sa masang magsasaka na ang layunin ay palakasin ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa sa kanayunan. Ang mga masaker sa Maliwalu at Masico ay ilan lamang sa napakasamang mga krimeng ito. Gayunman, ipinagpipilitan pa rin ng reaksyonaryong pangkating burges nina Lava at Taruc ang linyang parlamentarismong burges. Pinilit nila na magharap ang Pambansang Kaisahan ng mga Magbubukid ng isang memorandum kay Roxas na nagmamakaawa na ipatupad ang reporma sa lupa, alisin ang mga gwardyang sibilyan at kilalanin ang karapatan ng mga magsasaka na magkaroon ng armas para idepensa ang sarili. Imbis na ipatupad ang matatag na patakarang pukawin at mobilisahin ang mamamayan sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka, ginamit ng pangkatin sa isang buhay-at-kamatayang pakikibaka ang mga salamangka ng taong walang prinsipyo.

Naging pinakalantad ang pagiging sunud-sunuran ng burges na pangkatin nina Lava at Taruc nang suportahan nila ang kampanya ng rehimeng Roxas na "payapain" ang Partido, hukbong bayan at mamamayan. Pinabantayan ang mga kadre ng Partido sa pulisyang militar at pinalibot sila para manawagan sa mamamayan na isuko ang kanilang armas. Dahil sa pananabotaheng ito, maraming namatay na mamamayan, kadre at Pulang mandirigma. Nagsinungaling sina Lava at Taruc sa mga kadre at pinalabas nila na ang kampanya sa "pagpapayapa" ay pagtatalumpati lamang sa iba't ibang lugar. Ang totoo'y isa itong kampanya ng pananakot sa mamamayan, Partido at hukbong bayan. Naging biktima ng kampanyang ito ang mga manggagawa sa kalunsuran at mga magsasaka sa kanayunan.

Hindi nagawang takutin ang mamamayan. Gustung-gusto nilang idepensa ang sarili at sa katunaya'y kusa silang nagdepensa laban sa pagsalakay ng kaaway. Pero tuwing igigiit nila ang armadong rebolusyon, ang inisyatiba sa loob ng Partido Komunista ay inaagaw ng reaksyonaryong pangkatin nina Lava at Taruc at nagkukunwari silang tinutugunan ang kagustuhan ng mamamayan. Noong 1947, inalis ng pangkatin si Pedro Castro bilang pangkalahatang kalihim dahil sa mungkahi niyang gawing hayag na partidong masa ang Partido Komunista kapareho ng Partido Nacionalista at Partido Liberal. Pero ang ipinalit ay si Jorge Frianeza na mas masahol pa kay Castro dahil lantaran niyang itinataguyod ang puspusang pakikipagtulungan sa papet na rehimeng Roxas sa kabila ng garapal na pamamasista nito sa Partido, hukbong bayan at mamamayan.

Dahil sa walang hanggang pagkamuhi ng papet na rehimeng Roxas sa mamamayan, idineklara nitong iligal ang Hukbalahap at Pambansang Kaisahan ng mga Magbubukid sa isang utos nito noong Marso 6, 1948. Hinding-hindi nag-atubili ang papet na rehimeng Roxas na salakayin ang mamamayan sa ngalan ng imperyalismong EU at mga lokal na uring reaksyonaryo.

2. Ang Papet na Rehimeng Quirino, 1948-53

Pagkaraang mamatay si Roxas noong Abril 1948, tinapos ng kanyang bise-presidenteng si Elpidio Quirino ang natititrang panahon ng panunungkulan niya. Sa takot ni Quirino sa pagdaluyong ng rebolusyonaryong kilusang masa, kumilos siya para lokohin ang mamamayan at nag-alok ng amnestiya sa Hukbalahap saka nangakong pauupuin at babayaran ang backpay ng mga konggresman ng Demokratikong Alyansa na pinatalsik noong 1946. Ang prinsipal na kundisyong itinakda sa pagbibigay ng ganoong mga konsesyon ay ang pagsurender ng armas at pagrerehistro ng mga Pulang mandirigma ng Hukbalahap.

Kahit inalis noong Mayo 1948 ang liderato ng Partido na kinatawan ni Jorge Frianeza dahil sa maka-Kanang suporta nito sa papet na rehimeng Roxas, ang traydor na si Luis Taruc ay pinayagan ng liderato ng Partido, na kinatawan ni Jose Lava, na makipagdiskusyon sa papet na rehimeng Quirino noong Hunyo 1948 tungkol sa pagkakanulo sa rebolusyon. Ang mababaw na dahilan na ibinigay sa Partido ay gagamitin lamang ni Taruc ang negosasyon para makapagpropaganda.

Lumabas sa propagandang pabor sa kaaway ang negosasyon sa pagsurender. Nang mapagkasunduan ang amnestiya at paupuin uli si Taruc sa reaksyonaryong Konggreso, ang mga tropa at lihim na ahente ng PC ay pinahalubilo sa mga Pulang mandirigma ng Hukbalahap at nagkaroon ng kalayaang maglibot sa mga baryo ng Gitnang Luzon. Ang pinakamaaasahang mga kadre ng Partido ay nalantad sa kaaway na pumunta doon para pangasiwaan ang pagsusurender ng armas at pagrerehistro ng mga Pulang mandirigma.

Wala pang dalawang buwan ang itinagal ng kasunduan nina Taruc at Quirino sa amnestiya. Habang buong bangis na sinasalakay na naman ng reaksyonaryong armadong pwersa ang mamamayan, niyurakan uli ng liderato ni Jose Lava ang rebolusyonaryong dangal ng Partido nang ihanda nito noong Disyembre 1948 ang isang memorandum para sa Komite sa mga Aktibidad na Di Maka-Pilipino (Committee on Un-Filipino Activities o CUFA) na binasa ni Mariano Balgos, na nagkunwaring pangkalahatang kalihim ng Partido. Ang paghaharap ng memorandum na ito ay isa na namang pagtanggap sa awtoridad ng mga reaksyonaryo. Isa pa, nasa memorandum ang mga kontrarebolusyonaryong pananaw, tulad ng isinasaad na laging susuportahan ng Partido ang kolonyal na konstitusyon ng reaksyonaryong gobyerno at magkakaroon ng batayang kapitalista ang bagong demokratikong rebolusyon.

Noong 1949, inulit ng liderato ni Jose Lava ang kontrarebolusyonaryong gawi ng direktang lumahok sa papet na eleksyon, sa pamamagitan ng pagkampanya para sa isang partikular na reaksyonaryong paksyon at pagbuntot dito. Sinuportahan nila si Laurel laban kay Quirino, ibig sabihin, ang Partido Nacionalista laban sa Partido Liberal. Hindi nila inilabas ang maruming rekord ni Laurel bilang pangunahing papet ng imperyalismong Hapones at inilako siyang isang makabayan at demokratiko. Samantalang nangangampanya si Quirino ayon sa plataporma na lubos siyang magiging tapat sa imperyalismong EU, ikinatwiran na lamang ni Laurel na ang pagkapapet niya sa imperyalistang Hapones, kapareho kay Roxas, ay isang porma rin daw ng katapatan sa imperyalismong EU na may lihim na basbas ni Quezon. Sa anu't anuman, gumamit si Quirino ng pandaraya at terorismo para masigurado ang pagkatalo ni Laurel sa eleksyon.

Pagkatapos ng eleksyon ng 1949, sinunod ng liderato ni Jose Lava ang linya na pwedeng agawin ang kapangyarihan sa loob ng dalawang taon, at sa layuning ito'y inihanda ang isang programa sa operasyong militar at mabilisang pagririkrut sa Partido. Itinuring ng liderato ni Jose Lava na mga saligang salik sa pagtatagumpay ng rebolusyong Pilipino ang panlabas na kondisyon tulad ng "katiyakan" ng ikatlong digmaang pandaigdig, pagbulusok ng ekonomya sa Estados Unidos at paglaya ng sambayanang Tsino. Hindi nila pangunahing inasahan ang lakas ng Partido at hukbong bayan, at hindi iwinasto ang mahabang panahon ng pakikipagkasundo sa imperyalismong EU at mga lokal na reaksyonaryo, pakikipagkasundong di nakabatay sa prinsipyo. Sa loob ng Pilipinas, sobra ang pagtantya nila sa tunggalian nina Quirino at Laurel bilang saligang salik sa pagpapasulong ng rebolusyonaryong kilusang masa. Noong Enero 1950, ang adbenturistang linya na magkamit agad ng tagumpay militar ay pormal na iniharap ng liderato ni Jose Lava sa pamamagitan ng mga resolusyon ng Kawanihang Pampulitika ng Partido.

Iniatas sa lahat ng yunit ng hukbong bayan na salakayin nang sabay-sabay ang mga kabisera ng probinsya, syudad at kampo ng kaaway noong Marso 29, Agosto 26 at Nobyembre 7, 1950. Isinagawa ang mga pagsasalakay noong Marso 29 at Agosto 26. Pero dahil dito'y sobrang nabatak ang lakas ng hukbong bayan. Noong Oktubre 18, gumanti ang kaaway sa pamamgitan ng pagrereyd sa lahat ng sentral na upisina ng Partido sa Maynila at pag-aresto sa Politburo-in, na pinamumunuan ni Jose Lava, at sa iba pa. Kasunod nito, sa kanayunan ay naglunsad ng mga kampanya sa pagkubkob at pagsupil sa nakakalat na maliliit na grupo ng hukbong bayan. Madaling natarget ng reaksyonaryong armadong pwersa ang batak na batak na linya ng suplay at komunikasyon ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan o HMB. Dahil sa putsistang oryentasyon ng liderato ni Jose Lava, dinanas ng Partido at hukbong bayan ang pinakamatinding pagkatalo.

Ang prinsipal na serbisyong ginawa ng papet na rehimeng Quirino sa imperyalismong EU at mga lokal na uring mapagsamantala ay ang napakatinding dagok na ipinalaganap nito sa Partido at hukbong bayan. Pormal na sinuspindi ang kasulatan sa habeas corpus para magawa ng pasistang militar, na pinamumunuan ni Ramong Magsaysay, ang walang karenda-rendang pang-aabuso sa mga demokratikong karapatan. Paborableng-paborable ang obhetibong kondisyon para sa paglulunsad ng matagalang digmang bayan, pero pinili pa rin ng liderato ni Jose Lava, ayon sa adbenturistang patakaran nila, na pagurin at pakalatin nang husto ang rebolusyonaryong pwersa. Pinigilan ang pagsulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan dahil sa paglabag nila sa mga pundamental na prinsipyo ng Marxismo-Leninismo.

Nang matapos na ang dekadang 1940, nauubos na ang pondong nakuha ng papet na republika mula sa bayad sa napinsalasng gera at sa rehabilitasyon, relip, pagbebenta ng surplus na materyales na panggera, gastos ng mga tauhang militar ng EU at bayad sa mga beterano, dahil sa walang limitasyong pag-iimport ng mga kalakal na pangkonsumo at panluho, dahil sa obras publikas, dahil sa pagtatayo uli ng mga kiskisang pang-agrikultura, upisina at palasyo ng mga komprador-panginoong maylupa, at dahil sa laganap na katiwalian. Kinailangang ipataw ang kontrol sa pag-iimport noong 1949 para tipirin ang reserbang dolyar ng reaksyonaryong gobyerno. Noong 1953, gumamit ng isang buong sistema ng pagkontrol sa dayuhang pera para lalong mapigilan ang pagkasaid ng pinansya ng papet na gobyerno.

Sa pagsasamantala ng gobyerno ng EU sa kagipitang pampulitika't pang-ekonomya ng Pilipinas, ipinadal rito ang Misyong Bell para gumawa ng sarbey sa ekonomya at magharap ng mga rekomendasyon sa papet na rehimeng Quirino. Binigyang-daan ng Misyong Bell ang pagpapataw ng Kasunduan sa Tulong Pang-ekonomya at Teknikal noong 1951 na nagtakda sa paglalagay sa mga adbayser ng EU sa mga istratehikong upisina ng papet na gobyerno para masigurado na magpapatuloy ang kolonyal na patakaran. Ang bagong tatag na Bangko Sentral, na kapos na kapos sa dolyar, ay naging alaga ang Bangko sa Eksport-Import ng EU (US Export-Import Bank o Eximbank) at iba pang bangko ng EU.

Sa pagkukunwari ng papet ng rehimang Quirino na sinusugan nito ang mga resolusyon ng Mga Pangsang Nagkakaisa (United Nations o UN) na kontrolado ng EU, nagpadala iyon ng pwersa sa Gera sa Korea noong 1950 para tulungan ang imperyalismong EU sa gerang agresyon nito laban sa mamamayang Koreano. Pinirmahan ng representante ng papet na presidente ang Tratado ng San Francisco noong 1951 ayon sa kagustuhan ng imperyalismong EU na buhayin uli ang militarismong Hapones bilang prinsipal na kasosyo nito sa Asya. Noong panahong iyon, mabilis na binubuhay uli ang monopolyo-kapitalismong Hapones sa pamamagitan ng mga kontrata na direktang kaugnay ng Gera sa Korea.

Noong 1951, pinagtibay ng papet na rehimeng Quirino ang Tratado ng EU at RP sa Pagdadepensahan sa pumapayag na basta na lamang makialam ang Estados Unidos sa mga usapin sa Pilipinas dahil kailangan daw nilang protektahan ang isa't isa. Noong 1953, pinirmahan ni Quirino ang kasunduan na walang taning na nagpatagal sa bisa ng Kasunduan ng EU at RP sa Tulong Militar na unang pinirmahan noong 1947. Noong 1953 din pinirmahan ang Kasunduan sa Pagpasok ng mga Mangangalakal at Mamumuhunan ng EU, kasunduang nagpapadali sa pagpasok ng kapital ng EU sa Pilipinas, at mga tagapangasiwang Amerikano. Hanggang sa huling araw ng panunungkulan ni Quirino, nanatili siyang masugid na papet na imperyalismong EU kahit ang totoo'y interesado ang Sentral na Ahensya sa Paniniktik (Central Intelligence Agency o CIA) na ipalit sa kanya si Magsaysay bilang papet na presidente.


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.