Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Ikalawang Kabanata: Mga Pundamental na Suliranin ng Sambayanang Pilipino



Read in English

Amado Guerrero
July 30, 1970


II. Imperyalismong EU

1. Ang Kahulugan ng Imperyalismo

Nang magdesisyon ang Estados Unidos na agawin ang Pilipinas kasama ng iba pang kolonya ng Espanya noong nag-uumpisa ang siglong 1900, umabot na ang kapitalismong EU sa tinatawag ni Lenin na huling yugto ng kapitalismo - ang monopolyong kapitalismo o imperyalismo. Ang malayang kompetisyon ay nagbigay-daan na sa konsentrasyon ng produksyon at kapital sa kamay ng iilan. Kung hindi maglulunsad ng imperyalistang pagpapalawak ang naghaharing uring monopolyong kapitalista ng EU, hindi nila malulutas, kahit pansamantala, ang krisis sa sobrang produksyon. Imperyalismo ang huling paraan ng mga monopolyong kapitalista para ipagpaliban ang rebolusyonaryong pagbabagsak sa kanila. Ang ibig sabihin ng imperyalismo ay pinaaabot sa ibang bansa at sambayanan ang makauring pang-aapi't pagsasamantala sa loob ng Estados Unidos sa pamamagitan ng pag-eeksport ng sobrang mga produkto at kapital.

Ibinigay ni Lenin ang pinakaeksaktong depinisyon ng modernong imperyalismo nang sabihin niyang ito ang monopolyong yugto ng kapitalismo at tukuyin ang lima sa mga saligang katangian nito: (1) ang konsentrasyon ng produksyon at kapital na umabot na sa yugtong nakalikha na ito ng mga monopolyong gumaganap ng mapagpasyang papel sa pang-ekonomyang buhay; (2) ang pagsasanib ng kapital ng bangko at kapital ng industriya, at ang pagkakalikha ng oligarko sa pinansya batay sa "pinansyang kapital" na ito; (3) ang katangi-tanging importansya ng pag-eeksport ng kapital na iba sa pang-eeksport ng kalakal; (4) ang pagbubuo ng mga internasyonal na grupo ng mga monopolyong kapitalista na naghahati-hati sa mundo; at (5) ang pagkumpleto sa paghahati-hati sa teritoryo ng buong mundo sa pagitan ng pinakamalalaking kapitalistang kapangyarihan.

Hindi maiiwasang sumiklab ang Digmaang Espanyol-Amerikano noong 1898 dahil sagabal ang kolonyal na Espanya sa imperyalistang pagpapalawak ng EU. Napalaganap na ng imperyalismong EU ang hegemonya nito sa hilagang parte ng Timog Amerika at sa buong Gitnang Amerika. Determinado itong agawin sa kolonyal na Espanya ang Puerto Rico at Cuba, at monopolisahin at gawing sariling bakuran ang buong Amerika Latina. Nakita ng imperyalismong EU na mabuti pang magdeklara ng gera sa nabubulok nang kapangyarihang kolonyal nang sa gayo'y magkaroon nang dahilan na agawin ang Pilipinas at makakuha ng importanteng balwarte para sa matagalang agresyon laban sa Tsina at sa buong Asya. Para sa Estados Unidos, na noo'y bagong-sibol na kapangyarihang imperyalista, isang pitik lamang ang kaaway.

Ang ibig sabihin ng imperyalismo ay gera. Ang mga gera sa pagpapalawak mismo ay malaking negosyo na pinakikinabangan ng mga monopolyong kapitalista ng EU, pero sa bandang huli'y napapahamak din sila kung nabibigo ang mga gerang iyon. Ang di-makatarungang mga gerang iyon ang pinakamasamang klase ng pang-aapi at pagsasamantala sa mamamayang Amerikano at pati sa ibang sambayanan. Habang nagkukunwari ang imperyalistang estado na sinusunod nito ang "guhit ng tadhana", o wika nga nitong bandang huli'y idinidepensa ang "mundong malaya", pinipilit ang milyun-milyong manggagawang Amerikano na pag-ibayuhin ang monopolyong produksyon at magsundalo para lumaban sa ibang bayan. Layunin ng mga imperyalista na palawakin ang larangan ng monopolyong pamumuhunan sa ibang bayan, gawing posible ang pagdidispatsa ng tambak-tambak na yaring kalakal at agawin ang mga mapapagkunan ng hilaw na materyales. Layuning pigain ang mas malaking ganansya sa ibang bayang kolonya at malakolonya.

Kontra sa idealistang pananaw na napilitan lamang ang Estados Unidos na maging tagapag-alaga ng Pilipinas dahil sa isang "biro ng kapalaran" tulad ng nangyaring pagsabog ng barkong Maine na naging mitsa raw ng Digmaang Espanyol-Amerikano, ang pagsakop ng Estados Unidos sa Pilipinas - na hindi lamang nakatuon sa mga kolonyalistang Espanyol kundi pati sa mga rebolusyonaryong Pilipino - ay matagal nang itinakda ng mga panloob na batas ng paggalaw ng kapitalismong EU. Ang katakawan ng mga imperyalista sa sobra-sobrang ganansya ang nagdala sa mga agresor ng EU sa Pilipinas at Asya. Ang pagpapalawak ng imperyalismong EU ay patakaran na buong lupit na dinesisyunan ng monopolyong kapitalistang interes na nasa likuran ng estado ng EU.

Naipataw ng imperyalismong EU ang kapangyarihan nito sa sambayanang Pilipino sa paggamit, unang-una na, ng kontrarebolusyonaryong dahas at, ikalawa, sa pamamagitan ng panlilinlang. Noong una, sumingit ito sa mga usapin ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagtulong kunwari sa lideratong burges-liberal ng Pilipinas na labanan ang Espanya. Sumunod na ang pagsupil sa rebolusyonaryong gobyerno ng Pilipinas at sa rebolusyonaryong masa sa pamamagitan ng pwersang militar. Hinding-hindi binitiwan ng imperyalismong EU ang kontrerebolusyonaryong dalawahang taktika; inalok ng negosasyon, kapayapaan, yaman at parte sa poder ang burges na liderato ng lumang demokratikong rebolusyon, habang buong bagsik namang ipinanghahagupit sa rebolusyonaryong masa ang imperyalistang lakas.

Pagkapanalo sa gerang agresyon, saka lamang naipailalim ng imperyalismong EU ang Pilipinas sa direktang kolonyal na paghahari. Noong panahong iyon ng direktang kolonyal na paghahari, mahigpit na hinawakan ng imperyalismong EU ang materyal na basihan ng lipunang Pilipino. Sinigurado ang pagtatayo ng mga asukarera, repinerya ng langis ng niyog, pagawaan ng lubid at minahan nang sa gayo'y maitali ang Pilipinas sa produksyon ng hilaw na materyales para sa mga monopolyong empresa ng EU. Hindi pinaunlad nang husto ang lokal na pagmamanupaktura dahil sobra-sobra na ang ganansyang nakukuha sa direktang pamumuhunan sa kalakalang kolonyal at sa ilang pabrikang bahagyang nagpoproseso ng mga lokal na hilaw na materyales, at dahil sobra-sobra na rin ang ganansyang nakukuha sa pagdidisposisyon ng mga pautang na kapital at lokal na buwis na pangunahi'y para sa mga obras publikas na makakapagpadali sa kolonyal na palitan ng hilaw na materyales mula sa Pilipinas at yaring produkto mula sa Estados Unidos. Dahil sa malayang kalakalan na pinormalisa ng Batas Payne-Aldrich ng 1909 at ng Batas Underwood sa Taripa ng 1913, nagawang maging masyadong palaasa ang Pilipinas sa pag-eeksport ng hilaw na materyales at pag-iimport ng mga yaring produkto.

Katugon ng pagkontrol ng imperyalismong EU sa materyal na sistema ng produksyon sa lipunang Pilipino, mahigpit na hinawakan ng imperyalismong EU ang super-istruktura. Ang pampulitikang aktibidad ng mga Pilipinong papet nito ay nakapailalim sa sunud-sunod na mga batas na pinagtibay sa labas ng bansa, tulad ng Batas ng Pilipinas ng 1902, Batas Jones ng 1915, at Batas Tydings-McDuffie ng 1934. Ang mga lokal na galamay ng imperyalismo ay binibigyan ng responsibilidad sa administrasyon ng kolonyal na gobyerno ayon sa naabot na pagsasanay sa kanila sa sistemang pangkultura at pang-ekonomya ng EU. Laging nakakasa ang baril ng imperyalismong EU para supilin ang anumang kilusang tunay na nakikipaglaban para sa pambansang independensya't demokrasya. Sa buong lipunan, inaasahan ng imperyalismong EU ang kolaborasyon ng malaking burgesya komprador, uring panginoong maylupa at mga burukrata-kapitalista.

Nang pinag-iisipan na ng imperyalismong EU na bigyan ng huwad na independensya ang Pilipinas noong mga taon ng dekadang 1930, inaasahan niyon na lalakas uli ang rebolusyonaryong kilusang masa para sa pambansang independensya't demokrasya sa Pilipinas. Malinaw na namimiligro ang pag-iral mismo ng imperyalismong EU dahil sa krisis ng imperyalismo na humantong sa gerang pandaigdig at dahil sa mabilis na paglaganap ng Marxismo-Leninismo bilang tanglaw sa paglawa ng lahat ng aping sambayanan. Sa gayon, kinakailangan ng imperyalismong EU na mangakong ibibigay kunwari ang independensya na sa katunaya'y maipaglalaban lamang ng soberanong mamamayang Pilipino.

Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, lalong luminaw sa imperyalismong EU na dapat nang madaliin ang pagbibigay ng huwad na independensya sa Pilipinas. Kung hindi, nanganganib iyong malunod sa umaalimpuyong agos ng kilusan sa pambansang pagpapalaya tulad ng nangyari na sa ibang kapangyarihang kolonyal sa ibang bayan. Sa anu't anuman, kahit nanghina na ang buong sistemang kapitalista sa mundo dahil sa gera ng mga imperyalista, sa paglakas ng unang estadong sosyalista at sa kumakalat na apoy ng mga kilusan sa pambansang pagpapalaya, ang imperyalismong EU ang lumabas na pinakamalakas sa lahat ng imperyalistang kapangyarihan na gumuho noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa gayon, tusong nagamit pa rin ng imperyalismong EU ang dalawahang taktika ng pamumwersa at panloloko sa pagharap nito sa iginigiit ng mamamayan na independensya para sa Pilipinas. Isa pa, matagal nang nakuha ang pangako ng burges na reaksyonaryong pangkatin nina Lava at Taruc na susuportahan nila ang huwad na independensyang handang ibigay. Kung gayon, ang imperyalistang EU ay mayroon nang tagasabotahe sa loob ng rebolusyonaryong kilusang masa.

2. Ang Bogus na Independensya at Di-Pantay na mga Tratado

Ibinigay nga ng imperyalismong EU ang "independensya" ng Pilipinas. Pero ganap na pinairal ang Konstitusyon ng Pilipinas nang walang malinaw na pagbabawal sa imperyalismo, kolonyalismo at neokolonyalismo. Noong araw mismo na ibinigay ang bogus na independensya, pinirmahan ng papet na presidente ang Tratado ng EU at RP sa Pangkalahatang Relasyon na kumikilala sa pagpapanatili ng mga karapatan ng EU sa ari-arian at ng mga base militar nito sa Pilipinas. Sumunod ang mainit na tunggalian tungkol sa Batas Bell sa kalakalan at sa Susog Pariti at humantong ito sa gerang sibil. Hindi pa nasiyahan ang imperyalismong EU sa isa nang kolonyal na probisyon sa papet na konstitusyon ng Pilipinas na pumapayag sa apatnapung porsyento (40%) pagsosyo ng dayuhan sa mga korporasyong gumagamit sa likas na yaman ng Pilipinas at nagpapatakbo ng mga gamit-publiko rito; diniktahan pa ang papet na gobyerno ng Pilipinas na baguhin ang kolonyal na konstitusyon para payagan ang mga mamumuhunan ng EU na patuloy na kontrolin ang ganoong mga korporasyon nang walang anumang limitasyon sa laki ng kanilang isososyo. Pinalala ng susog na ito, na tinatawag na Susog Pariti, ang sitwasyong hindi na nga makatarungan, na pinapayagan ng konstitusyon ang mga mamumuhunan ng EU, pati ang iba pang dayuhan, na kontrolin hanggang gusto nila ang mga lokal na negosyo at korporasyon sa malalawak na larangang hindi kasama sa mahihinang limitasyong itinakda sa Artikulo 13 at Seksyon 8 ng Artikulo 14. Sa gayon, ang konstitusyon ay naging walang kwentang kapirasong papel na lubusang kumokontra sa prinsipyo ng pambansang soberanya at pambansang mana na ipokrito pa nitong ipinapahayag. Ang Susog Pariti ay idinikta ng Batas Bell sa Kalakalan na komprehensibong nagtakda sa pagpapatuloy ng pang-ekonomyang pang-aalipin ng imperyalismong EU sa sambayanang Pilipino. Bukod sa pagpapataw ng Susog Pariti, pinatagal pa ng Batas Bell sa Kalakalan ang panahon ng malayang kalakalan at itinakda ang pagpapailalim ng piso sa dolyar ng EU.

Hanggang ngayon, may mga di pantay na tratado at kaayusang sumasalamin sa di nababawasang kontrol ng imperyalismong EU sa Pilipinas. Ito ang mga kadenang gumagapos sa bansa, na ang taway ay "espesyal na relasyon". Repasuhin natin ang mga ito.

a. Kasunduang Laurel-Langley (nirebisang Batas Bell sa Kalakalan), 1954. Sinasalamin nito ang pang-ekonomyang pagkaalipin ng Pilipinas sa imperyalismong EU. Hindi lamang nito inuulit ang Susog Pariti, kundi nilalabag din ang konstitusyon sa pagbibigay ng "magkapantay na karapatan" sa lahat ng klase ng negosyo, kabilang ang pagmamay-ari at paggamit sa pribadong lupaing pang-agrikultura. Pundamental pa ring pinasisigla ng nirebisang listahan ng taripa at ng sistemang kota ang pag-eeksport ng hilaw na materyales sa Estados Unidos. Samantalang sa kasunduang ito'y pormal na binitiwan ng Estados Unidos ang kontrol sa sistema ng pananalapi ng Pilipinas, ganoon na lamang ang kalagayan ng ekonomya ng Pilipinas kaya masyadong nakaasa ito sa dayuhang pautang, naipapalit sa dolyar ang napakaraming pisong kinikita ng mga empresa ng EU sa Pilipinas, at dolyar ang ginagamit sa lahat ng transaksyon sa pag-eeksport at pag-iimport. Dahil sa aktwal na kolonyal na kontrol ng imperyalismong EU s a ekonomya ng Pilipinas, bumababa ang halaga ng piso tuwing nawawalan ng sapat na dolyar ng EU ang Bangko Sentral. Hindi nababaligtad ang katotohanan dahil lamang sa paliguy-ligoy na ligalistang pananalita.

b. Kasunduan ng EU at RP sa mga Base Militar, 1947. Ayon sa kasunduang ito, nananatili ang kontrol ng imperyalismong EU sa buong teritoryo ng Pilipinas. Talaga ngang nakakulong sa malaking preso ang mamamayang Pilipino at sa mga istratehikong lugar ay napapaligiran ng pangkatihan, panghimpapawid at pandagat na mga base ng EU. Buong layang pumapatrulya sa karagatan ng Pilipinas ang Hukbong Dagat ng EU. Nong 1969, di kukulangin sa limampung libong (50,000) tropa ng EU ang iniulat na nakadestino sa mga base militar na ito, bukod pa sa mga tropang paroo't parito sa gera sa Byetnam. Sa ngayon, mahigit dalawampung (20) base militar ang inookupoahan ng imperyalismong EU na sumasakop sa halos dalawang daang libong (200,000) ektarya.11 Sa mga baseng ito, may mga karapatang ekstrateritoryal ang mga tauhang militar ng EU. Sa labas ng mga base, hindi rin sila sakop ng batas ng papet na gobyerno, dahil sasabihin lamang nila na sila'y "tumutupad ng partikular na tungkuling militar". Ang mga sundalong Amerikano ay pwedeng gumawa ng anumang krimen laban sa mamamayan at pwede nilang balewalain ang anumang subpoena ng papet na gobyerno. Ayon sa Kasunduan ng EU at RP sa mga Base Militar, pwede pa ngang palawakin ng imperyalismong EU ang mga base kung sa tingin nito'y kailangan. Sa anu't anuman, ang laki ng mga baseng ito at ang dami ng tropa rito ay sapat para patunayan na hawak ng imperyalismong EU ang Pilipinas sa pamamagitan ng armadong pwersa. Ang mga base militar na ito ng EU ay lunsaran ng agresyon laban sa mamamayang Asyano. Mayroon ditong mga sandatang nukleyar, kemikal at bakterolohikal na ginagamit sa henosidyo.

k. Kasunduan ng EU at RP sa Tulong Militar, 1947. Lalong sinusigurado ng di pantay na kasunduang ito na makokontrol ng imperyalismong EU ang AFP. Sa pamamagitan ng JUSMAG, ang reaksyonaryong AFP ay binibigyan ng imperyalismong EU ng direksyong pang-istratehiko at pang-istap, lohistika, pagsasanay at koordinasyon sa paniniktik. Ang AFP ay direktang kinokontrol ng mga adbayser na militar ng EU. Pahiram ng JUSMAG ang karamihan sa kagamitan at pasilidad militar ng AFP. Sa loob ng reaksyonaryong armadong pwersa, likas na likas ang pagkapapet sa imperyalismong EU. Ayon sa programang kontra-insureksyon, laging inuudyukan ang reaksyonaryong armadong pwersa na manalakay at mang-abuso sa rebolusyonaryong masa para sa kapakanan ng imperyalismong EU at mga lokal na mapagsamantalang uri. Sa katunayan, ang JUSMAG ang utak sa pagkakalikha ng mga yunit ng mamamatay-tao tulad ng "Monkees", "BSDU", "home defense forces", "special forces" at iba pa. Ang mga tauhang militar ng EU sa JUSMAG ay lantarang sumasama sa mga kampanya ng "pangungubkob at panunupil" sa mamamayan, sa Partido at sa hukbong bayan.

d. Kasunduan sa Kooperasyon sa Ekonomya at Teknika, 1951. Ayon sa kasunduang ito, ang gobyerno ng EU ay magpapatupad kunwari ng programa sa pang-ekonomya at teknika na tulong sa papet na gobyerno ng Pilipinas. Naglalagay ng mga adbayser na Amerikano sa bawat istratehikong sangay ng papet na gobyerno para pangasiwaan at impluwensyahan ang mga patakaran, maglunsad ng imperyalistang propaganda, magsagawa ng pang-ekonomya't pampulitikang paniniktik, at siguraduhin ang "tulong" ay magbubunga agad ng ganansya para sa mga pribadong empresa ng EU mula sa mga dayuhang pautang, kaloob at panumbas na pondong piso, sa pamamagitan ng maramihang pagbili ng mga kalakal mula sa EU at sobra-sobrang bayad ng mga kontratista at eksperto ng EU. Karaniwang ang mga ahensya ng AID (at mga ahensyang nauna rito) ay mga ahente ng mga monopolyo ng EU at pati ng CIA. Sa ilalim ng Upisina ng Kaligtasang Publiko ng AID at ng direktang lokal na ahente nito, ang Komisyon sa Pulisya (Police Commission), inaarmasan at sinasanay ang lokal na pulisya para salakayin at lansagin ang mga makabayang aksyong masa laban sa imperyalismong EU, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Sa katunayan, ang AID ang utak ng pagkakalikha ng mga "iskwad na anti-riot", "ronda", "pansagupang pwersa ng probinsya", at iba pa.

e. Kasunduan ng EU at RP sa Pagdedepensahan, 1951. Pinapayagan ng di pantay na kasunduang ito na gamitin ng Estados Unidos ang mga tropang agresor para makialam sa mga usaping panloob ng Pilipinas sa pagdadahilang ginagarantiyahan ang "kapayapaan" at "seguridad ng isa't isa". Pag-uulit na lamang ang imperyalistang dokumentong ito dahil may sapat nang mga probisyon sa mga saligang tratadong militar tungkol sa mga base at tulong militar ng EU, na pumapayag na maglunsad ang imperyalismong EU, kahit kailan nito gusto, ng agresyon laban sa mamamayang Pilipino. Walang saysay na magmakaawa sa imperyalismong EU ang ilang reaksyonaryong Pilipino na isama sa tratado ang isang probisyon tungkol sa "awtomatikong pagganti". Tuwing mamimiligro ang makasariling interes ng imperyalismong EU, hindi ito nag-aatubiling maglunsad ng agresyon laban sa mamamayan tulad ng ginawa nito sa Byetnam, Laos, Kampuchea, Palestina, Taylandia, Republikang Dominikano, Cuba at marami pang iba.

g. Kasunduan sa Maynila, 1954. Sa Maynila, nilikha ng tratadong ito ang SEATO para sa "panrehiyong depensa" ng Timog-Silangang Asya. Kabilang dito ang dalawang gobyernong papet ng imperyalismong EU sa Timog-Silangang Asya: ang Pilipinas at ang Taylandia. Pinaghaharian ito ng mga kapangyarihang imperyalista na pinamumunuan ng Estados Unidos. Ayon sa tratadong ito, ang Pilipinas ay pwedeng kaladkarin ng imperyalismong EU sa mga gerang agresyon sa Timog-Silangang Asya. Sa kabilang banda, makakaladkad naman ng imperyalismong EU ang iba pang papet na gobyerno par magsagawa ng subersyon at agresyon laban sa mamamayang Pilipino. Napatunayan na noong Gera sa Korea at sa Byetnam na direkta mang tukuyin o hindi ang isang partikular na tratado sa panrehiyong depensa, madaling mauutusan ng imperyalismong EU ang reaksyonaryong gobyerno ng Pilipinas na magpadala ng mga mersenaryong tropang Pilipino sa ibang bayan.

h. Mga Kasunduan sa Kalakal na Pang-agrikultura. Nakapailalim ang mga ito sa Batas Publiko 480 ng EU, na tinatawag ding Batas sa Pagpapaunlad ng Kalakalan at Tulong na Pang-agrikultura. Ayon sa mga kasunduang ito, maididispatsa ng Estados Unidos ang sobra nitong mga produktong pang-agrikultura sa pamamagitan ng pagtatambak ng mga ito sa Pilipinas. Ginagamit ang mga kasunduang ito para mapanatili ang kontrol sa ilang "intermedyang" industriya tulad ng pabrika sa arina at tela na umaasa sa imported na hilaw na materyales. Ginagamit din ang mga kasunduan para manipulahin ang lokal na produksyong pang-agrikultural at pagsilbihin ito sa mga patakaran ng imperyalismong EU. Ang kinikita sa pagbebenta ng mga produktong pang-agrikulturang ito ay ginagamit para suportahan ang mga kampanya sa propaganda at programa sa palitang pang-edukasyon na pinamamahalaan ng embahada ng EU sa Maynila. Nauna rito, ang pagbebenta ng surplus na panggerang materyales ng EU ang naging pangunahing panustos sa mga programang iyon para lasunin ang isip ng mga nangungunang intelektwal na Pilipino.

i. Mga Kasunduan sa Kultura at Edukasyon. Sa sistema ng kultura at edukasyon, mapagpasya ang impluwensya ng mga ahensya ng gobyerno ng EU tulad ng AID, Lupon sa Edukasyon (US Educational Board), Peace Corps at mga pundasyong tulad ng Asia Foundation, Rockefeller Foundation at Ford Foundation. Ang mga programa sa palitan ng tauhan sa iba't ibang sektor at ang mga pondong ibinibigay para magbiyahe, mag-aral, at manaliksik ay ginagamit para dakilain ang "buhay Amerikano" at palaganaapin ang mga ideyang anti-nasyonal at antidemokratiko. Ang mga ispesyal na pondo sa edukasyon na kinuha sa natitirang bayad sa napinsala ng gera ay nakalaan sa pagpapahigpit ng kontrol ng imperyalismong EU sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Sa ilang pagpapautang sa Unibersidad ng Pilipinas, ginagamit ng imperyalismong EU ang WB para tumulong na panatilihin ang mga maka-imperyalistang patakaran sa edukasyon.12 Sa direktang paraan at sa pamamagitan ng mga institusyong nakatago ang tunay na katangian, ang isang napakasamang ahensyang tulad ng CIA ay nagrerekrut ng mga ahenteng Pilipino. Pinag-iibayo ang paggamit sa mga institusyong pangkultura at pang-edukasyon para maniktik at magsagawa ng kontra-insureksyong pananaliksik. Dahil mga monopolistang empresa ng EU ang pinakamalalakas mag-anunsyo, nadidiktahan nila ang lokal na masmidya at naiimpluwensyahan ang kaisipang pampulitika ng napakaraming tao. Sistematikong ginagamit ang mga babasahin, ang radyo at mga libangang odyo-biswal, tulad ng mga pelikulang galing sa Hollywood at mga pelikulang ipinapalabas sa telebisyon, para sirain ang makabayan at progresibong diwa ng mamamayan. Tinustusan din ng iba't ibang institusyong imperyalista ang ilang organisasyong repormista at relihiyoso para palaganapin ang kalituhan sa ideolohiya. Sa dami at pagkakaiba-iba ng napakasamang kaayusan, luma man o bago, hindi na natin maiisa-isa dito ang lahat.

Ang lahat ng ginagastos ng EU kaugnay ng nasabing di pantay na mga tratado at kasunduan ay ikinakategoryang "tulong" sa papet na gobyerno ng Pilipinas. Ayon sa isang pagkukwenta, nagbigay daw ng "tulong" na isang bilyon, siyam na raang milyong dolyar ($1,900,000,000) ang imperyalismong EU mula 1946 hanggang 1967. Ang "tulong" na ito ay ang mga tulong militar, pautang na di militar, rehabilitasyon sa napinsala ng gera, at iba pang pautang at perang ibinigay, kabilang ang gastos ng EU para sa Peace Corps at pensyon sa pag-aaral.

Umabot sa limang daa't labindalawang milyon, apat na raang libong dolyar ($512,400,000) ang tulong militar, kabilang na ang kita sa pagbebenta ng surplus na gamit militar ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ng Gera sa Korea, ang bayad sa pagpapaupa ng kagamitang militar, ang bayad sa mga Amerikanong adbayser na militar at Pilipinong mersenaryo noong Gera sa Korea at sa Byetnam, ang suporta sa pagsupil sa rebolusyonaryong kilusang masa, at ang patuloy na pagsasanay sa AFP na idepensa ang mga interes ng mga imperyalista ng EU, komprador, panginoong maylupa at burukrata. Umabot sa tatlong daa't pitumpu't limang milyon, limang daang libong dolyar ($375,500,000) ang mga pautang na di militar, na karamiha'y ginamit sa propaganda ng EU sa ilalim ng programang "Pagkain para sa Kapayapaan" at ng AID (at mga ahensyang nauna rito), at sa pagsuporta sa reserbang dolyar ng Bangko Sentral sa ilalim ng Eximbank. Umabot sa apat na raa't pitumpu't tatlong milyong dolyar ($473,000,000) ang bayad para sa rehabilitasyon sa napinsala ng gera, na karamiha'y napunta sa mga empresa ng EU, organisasyong relihiyoso, burukratang kapitalista at lokal na mapagsamantalang uri. Umabot sa tatlong daa't limampu't dalawang milyon, dalawang daang libong dolyar ($352,200,000) ang iba pang pautang at perang ibinigay, na karamiha'y ginastos sa mga adbayser at delegasyon ng EU, sa pagsasanay ng ilang Pilipino sa pagkapapet sa pamamagitan ng pensyon sa pag-aaral, sa pagsasagawa ng iba't ibang kontra-insureksyong aktibidad na kunwari'y pang-ekonomya't teknikal na tulong at serbisyo sa pagpapaunlad ng agrikultura, sa pagsuporta sa Peace Corps, at sa pagbili ng pinamahal na mga kalakal mula sa EU sa pamamagitan ng AID at iba pang organisasyon ng EU. Sinasabing "tulong" kahit ang propaganda ng Ahensya ng EU sa Impormasyon (US Information Agency o USIA) at Tinig ng America (Voice of America o VOA).

Nakikita sa mga operasyon ng AID at mga ahensyang nauna rito ang todo-todong panloloko ng "tulong" ng EU. Mula 1951 hanggang 1968, nagbigay ang AID at mga ahensyang nauna rito ng halagang limampu't apat na milyon, sandaang libong dolyar ($54,100,000) sa reaksyonaryong gobyerno ng Pilipinas. Sa loob ng panahon ding iyon, pinapaglaan ang reaksyonaryong gobyerno ng Pilipinas ng panumbas na pondong piso na umabot sa halos limang daang milyong piso (P500,000,000). Idinikta ng mga adbayser at ekspertong Amerikano kung paano gagamitin hindi lamang ang kakatiting na dolyar na ibinigay nila kundi pati ang malaking panumbas na pondong piso. Pinatungan nila ang presyo ng mga kalakal na sa Estados Unidos lamang binibili, sinobrahan ang bayad sa serbisyo nila bilang mga propagandista at tagapagbenta para sa EU, kinolekta ang importanteng datos tungkol sa Pilipinas, lalo pang inimpluwensyahan ang lokal na burukrasya na manatiling papet, sinanay sa kontra-insureksyon ang mga nangungunang upisyal at ahensya ng pulisya13 at ikinalat ang kasinungalingan na may mabuting-loob ang gobyerno ng EU.

Sa Pilipinas, tulad sa alinmang kolonya o malakolonyang pinaghaharian ng imperyalismong EU, may nakatalagang "pangkat pambayan" (country team) na nagkokoordina at namamahala sa iba't ibang ahensya rito ng imperyalismong EU. Binubuo ito ng embahador ng EU bilang pinuno, at ng pinuno ng istasyon ng CIA, director ng USIA, direktor ng USAID at pinuno ng JUSMAG, bilang mga myembro.

Minamanipula ng imperyalismong EU, bukod sa sariling mga direktang ahensya, ang iba't ibang ahensya ng UN, kasunduan sa rehiyon, at kasunduan ng Pilipinas at iba pang bayan sa Ikatlong Daigdig. Tinutulungan ng mga ito ang mga direktang ahensya ng imperyalismong EU na wasakin ang pambansa-demokratikong interes ng sambayanang Pilipino.

__________________________

11 Bukod pa ang mga ito sa malalawak na lugar na inookupahan ng VOA, mga istasyon ng radar, istasyong tumutunton sa satelayt at paliparan, na nasa labas ng mga base militar ng EU pero direktang kontrolado ng EU.

12 Ang WB ay desididong gawing grabe ang pagkakautang ng Pilipinas sa mga dayuhan sa pamamagitan ng mga "pautang para sa edukasyon" at paggamit sa mga pautang na ito para siguraduhing makokontrol ng EU ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Kasama ang mga pundasyon at ahensya ng EU, pinasimunuan ng WB ang paglikha ng Komisyon ng Presidente sa Pagsasarbey ng Edukasyon sa Pilipinas (Presidential Commission to Survey Philippine Education o PCSPE) para maorganisa uli ang mga unibersidad at kolehiyo ng estado at maiayon sa mga pangangailangan ng mga imperyalista ang mga patakaran, programa at proyekto ng Pilipinas sa edukasyon.

13 Lahat ng ahensya ng pulisya, kabilang ang PC, ay pinasusunod sa Ulat Walton ng 1967 ng Upisina sa Kaligtasang Publiko ng AID.

__________________________

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.