Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Ikalawang Kabanata: Mga Pundamental na Suliranin ng Sambayanang Pilipino



Read in English

Amado Guerrero
July 30, 1970


4. Ang Saklaw ng Pyudal at Malapyudal na Pagsasamantala

a. Kung Gaano Kalaki ang Problema sa Lupa25

Lalong nabaon sa hirap ang uring magsasaka sa loob ng nakaraang pitumpung (70) taon ng direkta at hindi direktang paghahari ng imperyalismong EU sa Pilipinas. Inaamin ng reaksyonaryong gobyerno na naging dalawampu't dalawang porsyento (22%) ang mga kasama noong 1918 mula labingwalong porsyento (18%) noong 1903, tatlumpu't limang porsyento (35%) noong 1933, tatlumpu't pito tuldok apat na porsyento (37.4%) noong 1948, apatnapu't walong porsyento (48%) noong 1956, hanggang maging limampung porsyento (50%) noong 1961. Ayon sa sensus sa agrikultura noong 1960, animnapu't tatlong porsyento (63%) ng mga magsasaka sa palayan ay mga kasama na karaniwa'y nagbubungkal ng tigdadalawa tuldok anim (2.6) na ektarya. Noong 1963, kasama ang walong milyon (8,000,000) sa dalawampu't pitong milyong (27,000,000) Pilipino. Lahat ng datos na ito ay mula sa mga ahensya sa istadistika ng reaksyonaryong gobyerno ay kailangan pang beripikahin sa pamamagitan ng pagsasarbey sa kanayunan. Pero naipapahiwatig na ng mga ito ang napakaabang kalagayan ng malawak na mayorya ng magsasakang Pilipino.

Noong 1903, tuldok walong porsyento (0.8%) lamang ng populasyon ang nagmamay-ari ng tatlumpu't limang porsyento (35%) ng kabuuang lupang sakahan. Pagkaraan ng limampung (50) taon, lalong lumiit ang porsyento ng mga nagmamay-ari ng mas maraming lupain. Noong 1953, tuldok tatlumpu't anim na porsyento (0.36%) na lamang ang nagmamay-ari ng apatnapu't isa't kalahating porsyento (41.5%) ng kabuuang sakahan.

Noong 1954, mga labintatlong libo, walong daa't limampu't siyam (13,859) na panginoong maylupa (madalas nauulit sa listahan ang kanilang mga pangalan) ang nagmamay-ari ng limampu (50) hanggang sanlibong (1,000) ektaryang lupang pang-agrikultura. Labing-isang libo pitong daa't pitumpung (11,770) panginoong maylupa ang nagmamay-ari ng 50 hanggang dalawang daang (200) ektarya; sanlibo, apat na raa't limampu't lima (1,455) ang nagmamay-ari ng dalawang daa't isa (201) hanggang limang daang (500) ektarya; apat na raa't dalawampu't tatlo (423) ang nagmamayari ng limandaa't isa (501) hanggang 1,000 ektarya; at dalawang daa't dalawampu't isa (221) ang nagmamay-ari ng mahigit 1,000 ektarya. Ang sandakot na mga mapagsamantalang ito ay nagmamay-ari ng dalawang milyon, apat na raang libong (2,400,000) ektarya sa kabuuang limang milyon, pitong daang libong (5,700,000) ektaryang lupang sakahan. Ang 221 pinakamalaking panginoong maylupa ang nagmamay-ari ng mahigit kalahating milyong (500,000) ektarya o halos sampung porsyento (10%) ng kabuuang lupang sakahan sa Pilipinas.

Noong 1968, sa listahan ng mga asesor ng probinsya, mga sampung libo, pitong daa't animnapu't tatlong (10,763) panginnong maylupa (madalas ding nauulit sa listahan ang kanilang mga pangalan) ang nagmamay-ari ng 50 hanggang mahigit 1,000 ektaryang lupang pang-agrikultura. Walong libo, siyam na raa't labing apat (8,914) ang mga panginoong maylupang nagmamay-ari ng 50 hanggang sandaa't siyamnapu't siyam (199) na ektarya; sanlibo, dalawang daa't dalawampu't walo (1,228) ang nagmamay-ari ng dalawang daan (200) hanggang apat na raa't siyamnapu't siyam (499) na ektarya; apat na raa't labimpito (417) ang nagmamay-ari ng limang daan (500) hanggang 1,000 ektarya; at dalawang daa't apat (204) ang nagmamay-ari ng mahigit 1,000 ektarya. Ang kabuuang propriedad nila ay malamang na umabot sa tatlong milyong (3,000,000) ektarya, o mababa nang kaunti sa limampung porsyento (50%) ng kabuuang lupang pang-agrikultura sa Pilipinas ngayon.

Pitong daa't labimpitong (717) malalaking panginoong maylupa ang nagmamay-ari ng 50 hanggang mahigit 1,000 ektarya sa Hilagang Luzon; sanlibo, walong daa't siyamnapu't siyam (1899) sa Gitnang Luzon; dalawang libo, walong daa't dalawampu't pito (2,827) sa Timog Luzon; tatlong libo, sandaa't limampu (3,150) sa Kabisayaan; at dalawang libo, sandaa't pitumpu't isa (2,171) sa Mindanaw. Batay pa rin sa mga datos na ito sa listahang ginawa ng mga probinsyal na asessor ng reaksyonaryong gobyerno. Lumalabas sa imbestigasyon sa iba't ibang parte ng kanayunan na may mga hindi inilista. Sa anu't anuman, malinaw na ipinakikita ng listahan kung gaano kalaki ang ari-arian ng malalaking panginoong maylupa sa Pilipinas.

Narito ang dalawampu't limang (25) probinsyang may pinakamaraming malalaking panginoong maylupa, ayon sa pagkakasunud-sunod:

  1. Iloilo
  2. Negros Occidental
  3. Quezon
  4. Camarines Sur
  5. Nueva Ecija
  6. Cagayan
  7. Capiz
  8. Negros Oriental
  9. Masbate
  10. Pampanga
  11. Zamaboanga del Norte
  12. Tarlac
  13. North Cotabato
  14. Bulacan
  15. Mindoro Oriental
  16. Bataan
  17. Bukidnon
  18. Zambales
  19. Albay
  20. Romblon
  21. Batangas
  22. Agusan
  23. Davao del Norte
  24. Aklan
  25. Pangasinan

Ang bawat probinsya sa Pilipinas ay dumaranas ng sakit na pyudalismo at may sariling mga panginoong maylupa, at kung gayo'y may mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid. Sa mga probinsyang pinakamaliliit ang populasyon at teritoryo, ang malalaking panginoong maylupang nagmamay-ari ng 50 o higit pang ektarya ay labing isa (11) sa Batanes, labindalawa (12) sa Camiguin at labing isa (11) sa Surigao del Norte. Sa mga probinsyang bulubundukin, labing isa (11) ang malalaking panginoong maylupa sa Kalinga-Apayao, labinlima (15) sa Mountain Province, walo (8) sa Ifugao at pito (7) sa Samar Esta. Maliliit na probinsya ang Romblon at Sulu pero sandaa't animnapu't isa (161) ang malalaking panginoong maylupa sa Romblon at sandaa't labingwalo (118) naman sa Sulu.

Sa pambansang saklaw, agad na nating maibibilang sa malalaking panginoong maylupa ang nagmamay-ari ng 50 o higit pang ektarya. Batay sa mas masusing kaalaman sa problema sa lupa, ibig sabihi'y sa mga kongkretong kelasyon kaugnay ng ari-ariang lupain, matutukoy natin kung sinu-sino ang malaki, panggitna at maliit na mga panginoong maylupa sa mga lugar na kulang sa 50 ektarya ang karaniwang pag-aari ng mga panginoong maylupa. Marami-raming panginoong maylupa ang nagmamay-ari ng sampu (10) hanggang apatnapu't siyam (49) na ektarya. Hindi lamang ang laki ng ari-arian ng panginoong maylupa ang salik sa pag-iral ng pyudalismo. Dapat itong tandaang mabuti sa pagsusuri ng sitwasyon sa mga probinsyang makapal ang populasyon at mas kakaunti ang lupa. Sa mga probinsyang ito'y napakataas ng halaga ng lupa kaya wala kahit katiting na pag-asang magmay-ari ng sariling lupa ang mga maralitang magsasaka at iba pang malaproletaryado.

Masahol pa ang pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa mga lugar na kakaunti ang lupa, tulad ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, mga probinsyang bulubundukin, Cebu at Samar Este, kaysa ilang lugar, halimbawa, sa Gitnng Luzon na may nakamit nang mga demokratikong pag-unlad ang armadong kilusang magsasaka. Nitong nakaraang pitumpung (70) taon, sa mga lugar na kakaunti ang lupa karaniwang nanggagaling ang mga manggagawang para sa mga asyenda sa ibang lugar, at ang mga setler sa prontera. Nanggagaling sa Ilocos ang maraming manggagawang bukid sa mga asyenda sa Gitnang Luzon at kahit sa Laguna, at nanggagaling naman sa Cebut at mga probinsya ng Panay, Samar at Letye ang maraming manggagawang bukid sa mga asyenda sa Negros at Mindanao. Maraming Bisaya at Ilokano na kulang sa lupa ang naghohomisted o nakikisama sa Mindanao.

b. Mga Pundamental na Porma ng Pagsasamantala sa Kanayunan

Kabilang sa mga pundamental na porma ng pagsasamantala ng panginoong maylupa sa kanayunan ngayon ang pagsingil ng mataas na upa sa lupa mula sa mga maralitang magsasaka at malamay-aring magsasaka, at ang pagpapataw ng masyadong mapang-aping pasahod sa mga manggagawang bukid. Ang mga pundamental na pormang ito ng pagasamantala ay pinagagrabe ng usura, manipulasyon ng mga presyo, pang-aalila at pagpapataw ng tributo. Lagi ring kaagapay ng pagsasamantalang pang-ekonomya ang pang-aaping pampulitika. Ang kongkretong panlipunang pagsisiyasat lamang na isasagawa ng mga rebolusyonaryong kadreng proletaryo ang makakapaglantad nang husto sa mga kasamaan ng pyudalismo at malapyudalismo sa bawat lugar. Gayunman, matutukoy na natin ang ilang laganap na pamamalakad na pwedeng pag-umpisahan ng pag-intindi sa problema.

1) Upa sa Lupa, Usura at Iba Pang Kasamaang Pyudal. Ang upa sa lupa na ibinibigay sa panginoong maylupa ay umaabot pa rin sa walumpu (80), pitumpu (70), animnapu (60), at limampung (50) porsyento ng ani, pero karaniwang sinasabi ng walang masyadong alam na ang partihang "50-50" ay laganap na sistema sa pag-upa ng lupa sa buong bayan. Sa maraming lugar ang 60% upa ang lantaran pa ring idinidikta ng panginoong maylupa na nagsasamantala sa pobre na ngang maralitang magsasaka at sa kawalan ng anumang iba pang oportunidad sa kabuhayan.

Karaniwang ipinagyayabang ng panginoong maylupa na "50-50" ang partihan nila ng mga kasama niya. Pero ang totoo, ipinapakarga niya sa kanila ang lahat ng gastos sa pagsasaka.

Karaniwang-karaniwan nang ang mga kasama ang kumakaraga sa malaking parte o sa lahat ng gastos sa pagibinhi, pag-aararo at pagsusuyod, pagtatanim, patubig, abono, pestisidyo, pag-aani at paggiik. Kahit pa pumarte ng "50-50" sa ganoong gastos ang panginoong maylupa, di pa rin makatwiran at di makatarungan na hindi kwentahin ang talagang tinrabaho ng mga kasama at ibigay sa panginoong maylupa ang upang limampung porsyento (50%) ng ani. Isa pa, kapag sa kanya nanggagaling ang binhi, abono, pestisidyo at iba pang pangangailangan, pinasosobrahan niya ang presyo ng mga ito at pinababayaran sa mga kasama, at dito pa lamang ay sinisipsipan na niya ang mga ito ng dugo. Mataas din ang sinisingil niya sa paggamit ng kanyang mga hayop, o kaya'y pinababayaran na lamang sa mga kasama ang gastos sa hayop na inuupahan sa mayamang magsasaka. Tuwing gagawin niyang de-makina ang alinmang parte sa proseso ng pagsasaka, lagi niyang pinalalaki ang parte niya at binabawasan ang parte ng mga kasama. Pwede niyang mag-isang desisyonan ang "pagpapaunlad" ng lupa, sa patubig o sa dike halimbawa, at pagkatapos ay sa mga kasama pinababayaran ang gastos, na mag-isa niyang kinuwenta, sa pamamagitan ng mas mataas na upa sa lupa. Inoobliga ang mga kasama na ihatid sa panginoong maylupa ang parte niya at ibunton iyon sa kanyang bodega nang walang bayad at madalas pa'y wala nam lamang pakain.

Sa mga tubuhan na dati'y palayan at maisan, nahaharap ang mga kasama sa mga posibilidad na gaya ng tuluyang pagpapatalsik, pagiging manggagawang bukid o kaya'y pagtanggap ng ispesyal na klase ng partihan. Dapat ay "50-50" ang partihan ng panginoong maylupa at ng kasama batay sa netong halaga pakaraan awasin ng asukarera ang apatnapu-limampung porsyento (40%-50%) ng kinabyaw na asukal at pagkaraan ding awasin ang abono, paggamas, pagtatabas at paghahatid sa asukarera. Ang panginoong maylupa lamang ang nagkukwenta sa lahat ng gastos sa pagsaka at siya lamang ang nakakaalam sa dami at puresa ng asukal at pulot na nakukuha sa pagkakabyaw. Madalas ay nagsisinungaling pa ang panginoong maylupa at sinasabi niya sa kasama na pareho silang minalas, samantalang ang totoo'y nakatiba siya nang malaki.

Ang usura ay isang pangunahing pyudal na paraang ginagamit ng maraming panginoong maylupa para dagdagan ang kanilang parte sa ani at magkaroon ng mas maraming lupa. Pwede silang pumayag sa anumang sistema ng partihan pero humihingi sila ng interes mula sandaang porsyento (100%) sa tatlong buwan hanggang limampung porsyento (50%) bawat buwan kapag pinauutang nila ang mga kasama para sa gastos sa pagsasaka o para sa ikabubuhay ng pamilya ng mga ito. Nakakapili ang mga panginoong maylupa kung pera ang sisingilin o katumbas ng parte ng ani ng kasama, depende kung alin ang magbibigay ng mas malaking ganasya sa panahon ng bayaran ng utang. Ang mga negosyante at ilang mayamang magsasaka, kasama ng mga panginoong maylupa, ay nang-uusura din sa mga maralitang magsasaka matagal pa bago ang susunod na anihan. Sa pangunahin, ang usura ay resulta ng katotohanang halos hindi mapagkasya ng mga maralitang magsasaka ang kanilang parte sa ani at wala silang maialok na kolateral kundi ang parte nila sa susunod na anihan.

May mga batas na pinagtibay ang reaksyonaryong gobyerno tungkol sa pamamahagi ng ani na sumasaklaw lamang sa mga kasama sa palayan at tubuhan; mayroon din tungkol sa pagpapautang. Pero ang mga ito ay hindi pinakikinabangan ng uring magsasaka. Ang nangyayari'y sakal-sakal pa rin ng uring panginoong maylupa ang mga kasama sa pamamagitan ng kinaugaliang pyudal na pamamalakad. Hindi nakasulat ang mga kasunduan ng panginoong maylupa at kasama at pwedeng basta na lamang itakda o baguhin ng panginoong maylupa ang mga kondisyon. Laging namimiligro ang mga kasama na mapatalsik o mapalipat sa mga mahinang klase o mas maliit na sakahan. Hindi nila kayang magpasangkot sa matagal na hablahang siguradong hindi nila maipapanalo sa loob at labas ng korte. Laging handa ang mga berdugo ng panginoong maylupa at ang mga reaksyonaryong tropa at pulis na tanggalin sila sa pagiging kasama sa paraang pinakamalupit.

Hindi kataka-taka kung madalas ay pinababayaran sa mga kasama ang kabuuan o bahagi ng parte ng katiwala. Madalas silang ipatawag ng katiwala para magtrabaho sa konstruksyon nang walang bayad o wala ring bayad na magpaalila sa panginoong maylupa, o sa katiwala mismo, o sa reaksyonaryong lokal na gobyerno. Ang mga katiwala at gwardya ng asyenda ay gumaganap ng mapang-aping papel na tuta.

Sa Batas sa Pakikisamang Partihan sa Palayan (Rice Share Tenancy Act) ng 1933, idineklarang kontra sa "patakarang publiko" ang kasunduan sa pakikisama na kulang sa limampung porsyento (50%) ng netong ani ang tinatanggap ng kasama. Kasabay nito'y itinakda na magkakabisa lamang ang batas sa isang probinsya kung ang mayorya ng konsehong munisipal, na kontrolado ng mga panginoong maylupa, ay maghaharap ng petisyong ipatupad ang nasabing batas laban sa interes mismo ng kanilang uri. Dahil halatang-halata ang mga palusot na nasa batas, nag-astang bayani ang panginoong maylupang si Quezon at pinasusugan niya iyon noong 1936 para mabigyan siya ng kapangyarihang iproklama ang unti-unting pagkakaroon ng bisa ng batas. Ang resulta'y gumawa siya ng pasikat na mga proklamasyon sa sampung (10) probinsya lamang, na sa palagay niya'y kailangang lokohin ang mga magsasaka. Matagal nang wala si Quezon pero kasing-grabe pa rin ng dati ang pagsasamantala ng uring panginoong maylupa sa masang magsasaka.

Ayon sa Batas ng Komonwelt 4113 ng 1933, dapat ipakita ng mga panginoong maylupa sa tubuhan ang mga resibo ng asukarera na nagsasaad ng dami ng tubong inani at dami't puresa ng asukal at pulot na nagmumula sa kabyawan. Hindi ito sinunod. Isa pa, ang mga panginoong maylupa na kadalasang kasosyo sa repinerya ay madaling makipagsabwatan sa asukarera sa pandaraya sa mga kasama. Ang napakalaking pagkakataong manloko ay pinapayagan ng batas na ito na nagbibigay sa panginoong maylupa ng pribilehiyong gumawa ng sariling kwenta sa gastos sa pagtatanim, pag-aalaga at pag-aani.

Sa tangka ng panginoong maylupang si Roxas na lokohin ang mga magsasaka na tanggapin nila ang kanilang pyudal na pagkaalipin, laluna sa mga lugar na malakas ang hukbong bayan, ipinroklama niya noong 1946 na ipapatupad sa buong bayan ang Batas sa Pakikisamang Partihan sa Palayan ng 1933. Pinaaprubahan pa nga niya ang isa pang batas, ang Batas ng Republika Blg. 31, na hinayaan niyang tawagin sa maling pangalang batas "70-30", para akalain na mas malaking parte ang makukuha ng mga kasama. Itinatakda ng batas na ito na mapupunta lamang sa kasama ang limampu't limang porsyento (55%) ng ani kung sa kanya ang hayop at mga kagamitan, at pantay na paghahatian nila ng panginoong maylupa ang lahat ng iba pang gastos. Pitumpung porsyento (70%) ng ani ang mapupunta sa kasama kung siya ang kakarga ng lahat ng gastos sa pagtatanim at paglilinang ng lupa. Nagdudumilat pa rin ang katotohanang mahigit limampung porsyento (50%) ang upa sa lupa.

Kahit inuulit na lamang ng panginoong maylupang si Magsaysay ang dating mga batas, pinaaprubahan niya ang Batas sa Relasyong Agraryo (Agrarian Relations Act) ng 1954. Itinakda lamang ang batas sa tatlumpung porsyento (30%) ng netong ani ang upa sa lupa pagkaraang awasin ang gastos sa abono, pestisidyo at pamatay ng damo, pag-aani at paggiik. Limang porsyento ng netong ani ang mapupunta sa nagpapaupa ng hayop; limang porseynto sa nagpapaupa ng kagamitang pansaka; dalawampu't limang porsyento (25%) sa mga nagtatanim; at limang porsyento sa mga nagtratrabaho sa huling pagsuyod. Sa ilang lugar lamang sinunod ang batas na itong "70-30". Sa mga lugar na iyon, naitaas pa nga ng mga panginoong maylupa ang upa sa lupa sa pamamagitan ng sobrang pagpepresyo sa gastos nila, pang-uusura at iba pang walang konsyensyang aktibidad.

Ayon sa pinakahuling batas sa pakikisama, ang Kodigo sa Reporma sa Lupang Pang-agrikultura, "papawiin" ang pakikisamang partihan sa pamamagitan ng pagpapailalim sa masang kasama sa sistemang "buwisan" sa mga "distrito ng reporma sa lupa" na isa-isang ipinroklamaa ng Pambansang Konseho sa Reporma sa Lupa. Sa sistemang "buwisan", nakikipagkontrata sa panginoong maylupa ang mga kasama na magbabayad sila ng pirmihang taunang "buwis" na pera o butil na katumbas ng dalawampu't limang porsyento (25%) na taunang netong ani na kekwentahin batay sa normal na ani sa loob ng tatlong taon bago pumasok sa kontrata. Kahit parang napababa ng kodigo ang upa sa lupa, hindi totoong ganito ang nangyayari, dahil inaako ng mga kasama, sa kontratang "buwisan" ang lahat ng gastos sa pagsasaka, at masahol pa, binabayaran nila ang pirmihang taunang buwis kahit mahina ang ani o nasira ito ng anumang kalamidad tulad ng baha, tagtuyot o peste. Ito ang dahilan kung bakit parang salot na kinasusuklaman ng masang magsasaka ang Kodigo sa Reporma sa Lupang Pang-agrikultura. Ang sistemang "buwisan" ay walang iba kundi bagong porma ng pakikisamang partihan at sa maraming bagay-bagay ay mas masahol pa kaysa mga dating porma ng pakikisama.

Ilang taon na ang nakaraan mula nang pagtibayin ang Kodigo sa Reporma sa Lupang Pang-agrikultura pero wala pa ring malaking pagbabago sa partihan sa iba't ibang parte ng bayan. Iniulat ng Pangasiwaan sa Lupa na mula 1966 hanggang 1969 ay labintatlong libo, tatlong daa't pitumpu't pito (13,377) lamang sa milyun-milyong kasama ang "namumuwisan". Ang bagal-bagal ng mismong Pambansang Konseho sa Reporma sa Lupa ang pagpoproklama ng mga "distrito ng reporma sa lupa" dahil sa kabuua'y hindi ang huwad na programa sa reporma sa lupa ang inuuna ng reaksyonaryong gobyerno kundi ang iba pang programa. Ang proklamasyon ng mga "distrito ng reporma sa lupa" ay mangangailangan ng masa malaking pagpipinansya ng iba't ibang ahensya sa "reporma sa lupa". Kahit sa mga lugar na napipinansyahan nang mabuti ang mga ahensyang ito, hindi rin naman nababawasan ang pyudal at malapyudal na pang-aapi at pagsasamantala sa masang magsasaka.

Matagal nang inaprubahan ang isang batas laban sa pang-uusura na nagsasaad na limitado sa labindalawang porsyento (12%) ang maksimum na taunang interes sa utang na may garantya at limitado sa labing-apat na porsyento (14%) ang sa utang na walang garantya. Itinayo rin ang mga institusyon sa pagpapautang tulad ng ACCFA at ng mga pribadong bangkong rural. Pero ang mga pautangang ito ay pinagkukunan lamang ng kapital na ginagamit ng mga negosyante, panginoong maylupa at burukrata sa negosyo at pagbili ng lupa. Dahil biktima ng usura at manipulasyon sa presyo ng kalakal ang mga magsasakang maylupa, nababangkrap sila at nawawalan ng lupa. Madalas, ang mga bangkong rural ay nagsisilbing instrumento sa pagkabangkrap ng maraming may-aring magsasaka. Pinabababa ang halaga ng lupa nila kapag ginagamit na kolateral. Dahil walang maialok na kolateral ang mga maralitang magsasaka bukod sa parte nila sa susunod na ani, madali silang mabiktima ng mga napakaganid na usurero.

Sa Kodigo sa Reporma sa Lupang Pang-agrikultura, ang Administrasyon sa Pautang na Pang-agrikultura (Agricultural Credit Administration o ACA) ang gumaganap sa dating tungkulin ng ACCFA. Walang pundamental na pagbabago kundi ang pangalan lamang. Ang ACA, tulad ng pinalitan nito, ay pundamental na pinagkukunan pa rin ng kapital para sa negosyo at usura, at para sa mga huwad na kooperatibang kontrolado ng mga panginoong maylupa, burukrata at mayamang magsasaka. Pundamental na nagsisilbi sa mga panginoong maylupa ang limitadong kapital ng ACA. Kahit ipagpalagay na ginagamit nga ang kapital na ito para pagsilbihan ang mga maralitang magsasaka, napakaliit nito kaya hindi mapapagsilibihan ang kahit isang porsyento man lamang ng napakaraming maralitang magsasaka. Panakip lamang ang ACA para sa buong mapagsamantalang sistema sa pagbabangko, sa gobyerno man o sa pribado, na kontrolado at minamanipula ng uring panginoong maylupa para mamantini ang paghahari ng kanilang uri sa kanayunan.

2) Mapang-aliping Pasahod sa mga Sakahan. Dahil sa pangkalahata'y nagmumula ang mga manggagawang bukid sa mga lugar na kulang ang lupa at minsanan lamang ang pagtatanim, mas pinagsasamantalahan sila kaysa mga maralitang magsasaka na kaya pa ring mabuhay sa lupang tinatrabaho nila bilang kasama. Ang mga manggagawang bukid ang malaking parte ng relatibong surplus sa lakas tauhan sa kanayunan. Alam ng mga asendero at kontratista sa paggawa ang gipit nilang kalagayan. Batay dito'y ipinapasok sila ng mga asendero at kontratista sa paggawa sa pinakamasahol na relasyong mapagsamantala, kahit ang laki-laki ng ganansya ng asendero sa pang-agrikulturang produksyong pang-eksport.

Sa mga asyenda ng tubo, pina-iiba pa ng panginoong maylupa ang regular na manggagawang bukid at sakada. Sa gayon, responsable lamang siya ng empleyo ng mas kakaunting regular na manggagawang bukid sa buong taon. Dahil itinuturing na pana-panahon o pansamantala lamang ang mas maraming mangagawang bukid, naipapagawa sa kanila ang pinakamabigat na trabaho sa pinakamababang sahod sa loob ng iilang buwan ng pagtatabas. Sa katunayan, ang ilan sa mga "pansamantalang" manggagawang bukid na ito ay nakatira malapit sa asyenda kahit hindi panahon ng trabaho, samantalang ang iba naman ay dumarating lamang sa panahon ng pagtatabas. Sa iba't ibang lugar, piso hanggang tatlong piso ang karaniwang arawang sahod. Hindi bagay sa tao ang kanilang tirahan at sa tindahan sa asyenda sila bumibili ng kanilang mga pangangailangan sa presyong mataas ang patong o kaya'y umuutang sa mataas na interes.

Kahit noong mas nangangailangan ang EU ng asukal mula sa Pilipinas at ilang beses tumaas ang presyo ng kalakal na ito dahil sa Rebolusyong Cubano, hindi binigyan ng katumbas na dagdag sa sahod ang mga manggagawang bukid kundi lalo pa silang itinali sa dati nang sahod na sobra ang baba. Hindi lamang ito, lalo pang pinaliit ang kanilang sahod ng patuloy na implasyon at ng debalwasyon ng piso noong 1962.

Noong 1963, sinigurado ng Kodigo sa Reporma sa Lupang Pang-agrikultura na P3.50 ang magiging minimum na arawang sahod ng mga manggagawang bukid. Hindi ito sinusunod ng mga asendero. Pero mabilis namang bumababa ang halaga ng piso mula noon. Pagkaraan ng pinakahuling debalwasyon ng piso, pormal na itinaas ng Konggreso sa P4.75 ang minimum na pasahod sa sakahan. Kulang ang tatlumpu't limang porsyentong (35%) dagdag na ito para punuan ang mahigit animnapung porsyentong (60%) debalwasyon ng piso. Walang tigil ang debalwasyong ito. Pero siguradong tulad ng dati'y hindi susundin ng mga asendero ang sarli nilang batas hanggang walang inilulunsad na mabagsik at matinding pakikibakang pampulitika't pang-ekonomya ang mga manggagawang bukid.

Ayon sa "listahan ng mga karapatang" nasa isang buong kabanata ng Kodigo sa Reporma sa Lupang Pang-agrikultura, sinisigurado sa mga manggagawang bukid ang karapatang organisahin ang sarili, magwelga, magtrabaho nang di lalampas sa walong oras pwers kung sila'y kumporme at kung babayaran ang obertaym nila nang may dalawampu't limang porsyentong (25%) dagdag sa regular na sahod, humingi ng danyos kung mamatay o masaktan habang nagtatrabaho, humingi ng bayad kung masaktan, mamatay o magkasakit kahit hindi sa oras ng trabaho, at magkaroon ng seguridad sa trabaho. Ang lahat ng karapatang ito ay buong lupit na nilalabag ng mga asendero.

Kung walang pagkakaisa at rebolusyonaryong kamalayan ang mga manggagawang bukid, madali silang siklut-siklutin ng mga panginoong maylupa dahil pwedeng ipitin ng mga ito ang sahod ng manggagawang bukid sa unang buwan at karaniwang ang kontratista sa paggawa ay taong may awtoridad (alkalde, hepe ng pulisya, konsehal o kapitan ng baryo) sa lugar na pinagririkrutahan ng mga manggagawang bukid. Isa pa, ang mga manggagawang bukid ay itinatali ng kontratista sa pamamagitan ng pagpapautang ng pera sa pamilya nila at ng arbitraryong pagkukwenta ng gastos sa transportasyon, pagkain at iba pa na utang ang turing at pinapatungan ng interes na hanggang tatlong daang porsyento (300%) habang papunta pa lamang sa asyenda ang mga manggagawang bukid.

Ang kontratista sa paggawa ay may saligang partisipasyon sa pagsasamantala ng panginoong maylupa sa pamamagitan ng komisyong kinukuha niya sa bawat tonelada o bawat araw na makumpleto ng mga manggagawang bukid. Kapag nasa asyenda na ang mga manggagawang bukid, kadalasa'y pinatutuloy sila sa maruruming tirahan at dinadaya sa rasyong pagkain at sa timbang o bilang ng tubong tinabas, hinakot o ikinarga. Kapag nagkakasakit sila, mas masuwerte pa sa kanila ang kalabaw. Basta na lamang sila pinalalayas. Mabuti pa ang kalabaw at inaalagaan.

Dapat masusing imbestigahin ng mga kadre ang kondisyon ng manggagawang bukid sa iba't ibang lugar na malawakang natatamnan ng tubo, niyog, abaka, tabako, goma, saging, pinya at mga gulay sa batayang kapitalista dahil iba-iba sa bawat lugar ang porma ng mga mapagsamantalang relasyon. Gayunman, karaniwa'y tumatanggap lamang ng ilampung piso buwan-buwan ang mga manggagawang bukid sa panahon ng anihan, sa arawan man sila binabayaran o sa pakyawan.

Dahil marami-rami rin ang manggagawang bukid na nagtatrabaho para sa mayamang magsasaka, dapat din silang bigyan ng masusing pansin. Mapapabuti pa rin ang sahod nila kahit hindi tinutuligsa bilang kaaway ang nagpapatrabaho sa kanila kundi ninunyutralisa lamang.

__________________________

25 Walang maipalalit sa aktwal na imbestigasyon sa bawat baryo, kahit ang mga datos na ibinibigay sa seksyong ito ay nakabatay sa pinakamakabuluhan nang rekord na pwedeng makuha sa reaksyonaryong gobyerno. Nadiskubre ng awtor na may mga grabeng pagkakaiba ang mga rekord na ito at ang realidad sa ilang probinsya. Ang totoo, mas malaki ang problema tungkol sa konsentrasyon ng lupa sa kamay ng iilan.

__________________________

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.