Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Unang Kabanata: Pagriripaso sa Kasaysayan ng Pilipinas



Read in English

Amado Guerrero
July 30, 1970


Ang pangunahing dahilan ng pagbabago sa lipunan ay ang pag-unlad ng panloob na mga kontradiksyon ng pwersa sa produksyon at ng relasyon sa produksyon, ang kontradiksyon ng mga uri, at ang kontradiksyon ng luma at ng bago. Ang pag-unlad ng mga kontradiksyong ito ang nagpapasulong sa lipunan at nagbibigay ng lakas para mapalitan ng bago ang lumang lipunan.-- MAO ZEDONG

I. Ang Pilipinas at Ang Sambayanan

Ang Pilipinas ay isang kapuluang may klimang tropikal at mabundok na tereyn. Matatagpuan ito sa itaas ng ekwador at napapaligiran ng Karagatang Pasipiko, Dagat ng Tsina at Dagat ng Selebes. May siyam na raa't animnapu't limang (965) kilometro ito mula sa timog-silangang baybayin ng kontinente ng Asya at pahabang nakalatag mula hilaga patimog na ang nasa hangganan sa hilaga'y ang Tsina at ang nasa timog naman ay Indonesya at Hilagang Kalimantan.

Dahil sa pusisyong dyograpiko ng Pilipinas, ang mamamayang Pilipino ay talagang malapit sa sentro ng pandaigdigang rebolusyonaryong kilusan sa Timog-silangang Asya. Kahit parang napapaligiran ng karagatan ang Pilipinas at katabi ng kontinenteng Asya at direktang nakaharap sa imperyalismong EU na Numero Unong kaaway ng mamamayan ng daigdig, ang sambayanang Pilipino ay pwedeng umasa sa malaki at di magagaping pampulitikang likurang binubuo ng Republikang Bayan ng Tsina at lahat ng rebolusyonaryong sambayanan ng Asya.

May pitong libo't sandaang (7,100) malalaki at maliliit na pulo ang Pilipinas na may kabuuang sukat na tatlumpung milyong (30,000,000) ektarya. Ang dalawang pinakamalaking pulo ay ang Luson at Mindanaw na prinsipal ding mga rehiyon. Ang Luson ay may kabuuang sukat na labing-apat na milyong (14,000,000) ektarya at sampung milyong (10,000,000) ektarya naman ang Mindanaw. Ang ikatlong prinsipal na rehiyon ay ang grupo ng malalaki at maliliit na pulong tinatawag na Kabisayaan na nasa sentro ng kapuluan. Umaabot sa mahigit labimpitong libong (17,000) kilometro ang bali-balikong baybayin ng buong bayan. Sa pana-panahon, ang lahat ng pulo ay binabaha ng mga ilog na umaagos mula sa bundok. Matao ang mga kapatagan at lambak.

Dahil sa mga kabundukan na karamiha'y dating bulkan, sa maraming ilog at sa klimang tropikal, matabang-mataba ang lupaing pang-agrikultura ng Pilipinas na bumabagay sa maraming klase ng pananim na makakain at magagamit sa industriya. Napakaraming mapapagkunan ng yaman sa kagubatan at karagatan, gayundin ng yamang mineral at enerhiya. Kagubatan ang mahigit sangkatlo ng lupain. Kabilang sa nakukuhang mineral ang bakal, ginto, tanso, nikel, langis, karbon, kromyum at napakarami pang iba. Pwedeng kontrolin ang prinsipal na mga ilog para laging mapatubigan ang mga bukirin at para makapaghatid din ng elektrisidad sa bawat parte ng bayan. Sagana sa isda ang mga ilog, lawa't dagat. Napakaraming mainam na daungan at kipot na pwedeng pakinabangan sa pagtatayo ng industriya sa pagbabarko at paglalayag.

Kung ang mamamayang Pilipino mismo ang gagamit at lilinang sa likas na yaman ng Pilipinas para sa sariling pakinabang, sobra-sobra pa ito para sustinihin ang populasyong makailang beses ang laki kaysa ngayon. Gayunman, ang mamamayang Pilipino ay pinipigilan ng imperyalismong EU, katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismo na gamitin ang likas na yaman nila para sa sariling bentahe. Sa ngayon, ang likas na yamang ito ay nililinang ng imperyalismong EU at lahat ng alipuris nito para sa sarili nilang ganansya at ayon sa makikitid nilang pakana na nakakapinsala sa masang anakpawis.

Batay sa Sensus ng 1970, umaabot na ngayon sa tatlumpu't pitong milyon (37,000,000) ang tao sa Pilipinas, at dumarami ang bilang nang tatlo at kalahating porsyento (3.5%) tauntaon. Pitumpu't limang porsyento (75%) ang naninirahan sa kanayunan sa kundisyong atrasado't pyudal. Kung ang mga Pilipino ay hindi naging biktima ng pagsasamantalang dahuyan at pyudal, hindi lamang sila pwedeng magkaroon ng kabuhayang umaasa sa sarili kundi pwede ring maging mahusay sa lahat ng larangan ng gawain sa lipunan. Ang populasyong ito ay pwedeng maging makapangyarihang pwersa sa kaunlaran imbis na maging "problema" tulad ng maka-Malthus na interpretasyon ng mga reaksyonaryong walang tigil ang dakdak tungkol sa "sobrang laki ng populasyon" para pagtakpan ang pundamental na mga problema -- ang imperyalismong EU, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Ilang lahi ang pinagmulan ng mga Pilipino. Lahing Malayo ang walumpu't limang porsyento (85%) ng lahing pinagmulan ng mga Pilipino. Indones at Tsino ang iba pang mahalagang salik sa lahi ng mamamayan. Mayroon ding salik na Arabe, Indian, Espanyol, Amerikano at Negrito, pero maliit na porsyento lamang ang mga ito.

Maraming teorya tungkol sa kung paano nagkaroon ng tao sa kapuluan noong kauna-unahang panahon. Pwede nating tukuyin ang pinakanatatanggap sa mga ito.

Ang katutubo sa Pilipinas ay ang Ita o Negrito, mga taong pandak at maitim na unang tumawid sa Pilipinas noong panahong pleistocene nang may lupa pang nalalakaran papunta rito, mga dalawampu't limang libo hanggang tatlumpung libong (25,000-30,000) taon na ang nakakaraan. Sumunod sa kanila ang unang dagsa ng mga dayong Indones, na mula sa Timog-silangang Asya ay nagdala ng kultura ng maagang yugto ng Panahong Bato (Stone Age), mga lima hanggang anim na libong (5,000-6,000) taon na ang nakakaraan. Dumating noong 1,500 B.C. ang ikalawang dagsang Indones mula sa Indotsina at timog Tsina na nagdala ng kultura ng huling yugto ng panahong neolithic o kulturang gumagamit na ng bronse at tanso.

Ang mga Malayo, ang lahing pangunahing pinagmulan ng mga Pilipino, ay dumating sa tatlong malalaking dagsa. Sa panahong saklaw ng 300 at 200 B.C. dumating ang unang dagsa ng Malayong galing sa katimugan na nagdala ng impluwensyang pangkultura mula sa India. Dumating ang ikalawang dagsa noong unang siglo hanggang siglong 1200, at sila ang naging pangunahing ninuno ng mga Tagalog, Ilokano, Kapampangan, Bisaya at Bikolano. Dahil mayroon na silang sistema sa pagsulat, sila ang unang nakapag-iwan ng mga istorikong tala. Ang ikatlong dagsa ng mga Malayo na dumating mula ikalawang hati ng siglong 1300 hanggang siglong 1400 ay kasama ng mga Arabeng mangangalakal at guro ng relihiyon na naglatag ng pundasyon ng Islam sa Sulu at Mindanaw.

Hindi bababa sa sampung porsyento (10%) ng populasyon ngayon ang mga pambansang minorya. Hanggang nitong nakaraang ilang dekada ay sila ang naninirahan sa mas malaking parte ng kapuluan bago sila inumpisahang itaboy at apihin ng mga mangangamkam ng lupa. Nahiwalay sila sa iba pang mamamayan at ang pangunahing dahilan nito ay ang sobinismong Kristiyano na ginamit ng kolonyalismong Espanyol at imperyalismong EU, tulad ng sa kaso ng mga Moro sa Mindanaw at mga di Kristiyanong tribo na nakatira sa bundok sa buong bayan. Mayroon ding rasismong Malayo na pinalaganap ng mga dayuhan at pyudal na mapagsamantala sa mamamayan. Madalas ay nakatuon ito sa mga Tsino at Ita.

Sa ngayon, mahigit sandaan (100) ang lenggwahe at dyalekto sa Pilipinas. Ang siyam na lenggwaheng sinasalita ng nakakarami ay ang Tagalog, Ilokano, Hiligaynon, Sugbuhanon, Bikol, Kapampangan, Pangasinan, Waray at Magindanaw. Ang Tagalog ang prinsipal na basihan ng pambansang lenggwahe na ngayo'y sinasalita ng mayorya ng mamamayan na iba-iba ang tatas ng pagsasalita.

II. Ang Mamamayan Nang Dumating ang mga Kolonyalistang Espanyol

Bago dumating ang mga kolonyalistang Espanyol, ang mamamayan sa maraming lugar ng Pilipinas ay umabot na sa panlipunang sistemang malakomunal at malaalipin, at sa ilang lugar ay umabot na sa sistemang pyudal, laluna sa Mindanaw at Sulu na pinag-ugatan ng pyudal na pananampalatayang Islam. Ang mga Ita ang may pinakamababang porma ng organisasyong panlipunan, ang primitibong komunal.

Ang baranggay ang tipikal na komunidad sa buong kapuluan. Ito ang saligang yunit sa pulitika at ekonomya na independyente sa iba pang kapareho nito. May ilandaang katao at maliit na teritoryo ang bawat baranggay. Ang bawat isa ay may pinuno na tinatawag na raha o datu.

Ang istruktura ng lipunan ay binubuo ng maliit na nobilidad, ang naghaharing uri na nag-umpisa nang magparami ng lupa na pribado nilang pag-aari o pinamamahalaan para sa angkan o komunidad; panggitnang uri ng mga taong malayang ang tawag ay maharlika, na may sapat na lupang pinagkukunan ng kanilang kabuhayan o kaya'y nagsasagawa ng ispesyal na serbisyo sa mga naghahari at hindi na kailangang magtrabaho sa bukid; at mga uring pinaghaharian, kabilang ang mga timawa na nakikiparte ng ani sa maliit na nobilidad, at ang mga alipin at malaaliping nagtatrabaho nang walang tiyak na parte sa ani. Dalawang klase ang alipin noon: ang may sariling tirahan o aliping namamahay, at ang nakatira sa bahay ng amo o aliping sagigilid. Ang pagiging timawa o alipin ay minamana o kaya'y ipinapataw sa mga di makabayad ng utang at tributo, may nagawang krimen, at nabihag sa gerahan ng mga baranggay.

Ang mga sultanatong Islam sa Sulu at Mindanaw ang kumatawan sa yugto ng pag-unlad sa pulitika at ekonomya na mas mataas kaysa baranggay. Pyudal ang porma ng kanilang organisasyong panlipunan. Mas maraming tao at mas malawak na teritoryo kaysa baranggay ang sinasakop ng bawat isa. Ang sultan ay naghahari sa ilang datu at alam niyang may minana siyang "banal na karapatang" maghari.

Kahit kunwari ay pamamahala ng mga lupang komunal ang ginagampanan ng mga sultan, datu at nobilidad, bukod sa pagiging direktang may-ari ng ilang lupain, naniningil sila ng upa sa lupa sa porma ng tributong panrehiyon, at kihuha nila sa masang anakpawis ang kanilang ikinabubuhay. Sila ang uring panginoong maylupa na pinagsisilbihan ng mga alagad na guro sa relihiyon, iskribyente at namumunong mandirigma.

Lumitaw ang mga sultanato sa loob ng dalawang siglo bago dumating ang kolonyalistang Espanyol. Nabuo ang mga sultanato mula sa tinatawag na ikatlong dagsa ng mga dayong Malayo; sa mga lugar na napili nilang okupahan, tinangka ng mga pinuno nila na gawing Muslim ang mga dati nang naninirahan doon, binili ang mga ito, inalipin o itinaboy. Parehong ginagamit ang mga timawa at alipin para magbungkal ng bukid at maghawan pa ng gubat.

Sa buong kapuluan, napapalaki ang sakop ng mga baranggay sa pamamagitan ng pagpapalawak ng sakahang binubungkal ng mga alipin o timawa, panlulupig sa gera at pag-aasawa ng nobilidad na kabilang sa iba't ibang baranggay. Ang kumpederasyon ng mga baranggay ay karaniwang resulta ng kasunduan sa kapayapaan, kasunduan sa palitan ng kalakal, o alyansa laban sa panloob at panlabas na kaaway.

Tulad ng makikita sa porma ng organisasyong panlipunan na naabot na, ang mga naninirahan sa Pilipinas noong wala pang kolonyalismo ay may panloob nang basihan para lalong umunlad ang lipunan. Sa baranggay man o sultanato, may tiyak na paraan ng produksyon na siguradong uunlad pa hanggang mapawi at mapalitan ng bago. May mga tiyak na uri na ang pagtutunggalian ay siguradong magiging dahilan ng pag-unlad ng lipunan. Sa katunayan, ang tunggalian ng mga uri sa loob ng baranggay ay humahantong na noon sa gerahan ng mga baranggay. Sa maraming bagay, ang baranggay ay kapareho ng mga syudad-estadong Griyego, at ang sultanato ay kapareho naman ng pyudal na komonwelt ng ibang bayan.

Nakapaglinang na ng malalawak na sakahan ang mamamayan. Sa kapatagan o sa kabundukan, nakapagpaunlad na sila ng sistema ng patubig. Ang mga payaw, o hagdan-hagdang palayan sa bundok ng mga Ifugao, ay resulta ng henyo ng mamamayan sa inhinyerya; kung pagdudugtung-dugtungin ay labinsiyam na libo, tatlong daa't walong (19,308) kilometro ang haba ng kamangha-manghang tanawing ito. Mayroon na noong paghahayupan, pangingisda at paggawa ng alak. Mayroon na ring pagmimina; pagmamanupaktura ng mga kasangkapang metal, sandata at palamuti; pagtotroso; paggawa ng paraw at paghahabi. Mabilis na umuunlad ang paggawa ng handikrap. Inumpisahan na ring gamitin ang pulbura sa pakikidigma. Nang dumating ang mga Espanyol ay mayroon nang komunidad na Muslim, hanggang sa Maynila sa hilaga, na gumagamit ng kanyon.

Gumamit ng armas ang mga naghaharing uri para panatilihin ang sistema ng lipunan, ipilit ang kanilang independensya sa ibang baranggay o itaboy ang mga dayuhang mananalakay. Makikita pa rin ang kanilang sistema ng batas sa mga batas ng Muslim at sa tinawag na Kodigo ni Kalantyaw, isang sinaunang dokumentong pinagdududahan na ngayon pero malamang na isa ring behikulo ng tradisyong pabigkas. Ang mga ito'y pamantayan ng antas na naabot na ng kanilang kultura. Mayroon nang nakasulat na literatura, kabilang ang mga epiko, awit, bugtong at salawikain; iba't ibang porma ng instrumentong musikal at sayaw; at mga likhang-sining, kabilang ang mga kampanya, tambol, gong, kalasag, sandata, kasangkapan sa trabaho at sa bahay, bangka, suklay, pipa, kalikot at basket na mahuhusay ang disenyo. Naglililok ng mga imaheng kahoy, buto, garing, sungay o metal. Sa mga lugar na pinamamayanihan ng pagsamba sa anito at sarisaring diyos, ginagaya ang hugis na mga halaman at hayop, at sa mga lugar naman na pinamamayanihan ng pananampalatayang Muslim, ginagawa ang mga disenyong dyometriko at arabesko. Ang Sucesos de las Islas Filipinas ni Morga, isang talaan ng mga nadatnan dito ng mga kongkistador na Espanyol, ay ginamit ni Dr. Jose Rizal na katibayan ng mga nagawa ng mga "indyo" noong wala pang kolonyalismo.

Nagkalakalan na noon ang mga pulo, mula Luzon hanggang Mindanaw at mula Mindanaw papuntang Luson. Laganap ang pakikipagkalakalan sa mga kalapit-bayang tulad ng Tsina, Indotsina, Hilagang Borneo, Indonesya, Malaya, Hapon at Taylandya.1 Ang mga mangangalakal mula pa sa India at Gitnang Silangan ay nag-uunahang makipagkalakalan sa mga naninirahan sa kapuluan noong wala pang kolonyalismo. Noon pa mang siglong 800, ang Sulu ay isa nang importanteng sentro ng kalakalan, at nagtitipun-tipon dito ang mga barkong pangalakal mula sa Kampuchea, Tsina at Indonesya. Ang mga mangangalakal na Arabeng dumadaong sa Guangzhou ay nagdadala sa Tsina ng mga kalakal mula sa Sulu. Noong siglong 1300, dumaong sa Look ng Maynila, sa Mindoro't Sulu ang isang malaking plota ng animnapung (60) sasakyang-dagat mula sa Tsina. Bago ito, panapanahong naglalayag at dumadaong sa iba't ibang lugar sa baybayin ng kapuluan ang mga barkong nangalakal ng Tsina. Umiiral ang sistema ng direktang palitan ng kalakal o ginagamit ang ginto at gong para presyuhan ang mga kalakal.

III. Ang Kolonyalismo at Pyudalismong Espanyol

Noong umpisa, dahil walang pagkakaisa sa pulitika ang lahat o ang mayorya ng mamamayan sa kapuluan, hakbang-hakbang na naipataw ng mga kongkistador na Espanyol ang kanilang gusto sa pamamagitan ng iilandaang kolonyal na tropa. Ginamit ni Magellan ang karaniwang taktikang manghati't maghari nang kampihan niya si Humabon laban kay Lapulapu noong 1521. Inumpisahan niya ang sistema ng panlalansi sa ilang baranggay para yakapin ng mga ito ang pananampalatayang Kristyano at pagkatapos ay ginamit ang mga ito laban sa iba pang baranggay na lumalaban sa kolonyal na paghahari. Gayunman, mula 1565 at pagkaraan nito ay si Legazpi ang nagtagumpay na lokohin ang maraming pinuno ng baranggay, halimbawa'y si Sikatuna, supilin ang di mapasunod na mga baranggay sa pamamagitan ng dahas, at itatag sa patnubay ng simbahan ang mga unang pamayanang kolonyal sa Kabisayaan at pagkaraa'y sa Luson.

Kolonyal at pyudal ang klase ng lipunang nabuo sa mahigit tatlong siglo ng paghahari ng Espanya. Isa nitong lipunan na pundamental na pinaghaharian ng uring panginoong maylupa, kabilang ang kolonyal na mga upisyal na Espanyol, mga ordeng Katoliko at mga lokal na pinunong papet. Nanatili sa katayuang timawa ang masa ng mamamayan, at inagawan ng ari-arian kahit ang mga maharlika.

Noong 1570, inumpisahang pagsama-samahin ng mga kolonyalistang Espanyol ang mga nilupig na baranggay, at ginawang mas malalaking administratibo't pang-ekonomyang yunit na tinatawag ng engkomyenda. Ang mga engkomyenda, na malalawak na lupain, ay ibinigay ng hari ng Espanya sa mga kolonyal na upisyal at mga ordeng Katoliko kapalit ng kanilang "kapuri-puring serbisyo" sa paglupig sa mga katutubo. Noong siglong 1600, unti-unting pinawi ang sistemang engkomyenda ng lokal na administrasyon nang maging posible nang magbuo ng mga regular na probinsya, at pagkaraang maitatag na ng sitemang iyon ang malawakang pribadong pagmamay-ari ng lupa ng mga kolonyalista.

Habang kunwari'y nangangalaga ang mga engkomyendero sa kapakanang ispiritwal ng mamamayan, nangulekta sila ng tributo, nagpatrabaho nang sapilitan at sapilitan din nilang pinagsundalo ang mga katutubo. Basta na lamang nila pinalalawak ang lupaing ibinigay ng hari, inaagaw pati ang lupang nililinang na ng mamamayan, at sa pamamagitan ng sapilitang pagpapatrabaho ay nakakapagpabungkal sila ng mas malalawak na lupain. Madaling nagawang lupang pang-agrikultura ng mga kolonyalista ang mga lupang nahawan sa gubat dahil sa pagtotrosong kailangan ng iba't ibang proyekto sa konstruksyon.

Ginawa ang mga gusaling publiko, bahay, simbahan, kuta, daan, tulay, at barko para sa kalakalang galyon at mga ekspedisyong militar. Para magawa ang mga ito kinailangang pagtrabahuhin ang maraming tao sa pagtitibag ng bato, pagpuputol at paghahakot ng troso, paggawa ng tabla, paggawa ng ladrilyo at iba pang gawain sa konstruksyon sa malalapit o malalayong lugar.

Itinayo sa Maynila ang sentral na gubyerno para pamahalaan ang kolonya. Ang gubernador-heneral ang pinuno nito at sinisigurado niya na ang mamamayang Pilipino ay pilit na pinagbabayad ng buwis, pinagtatrabaho nang walang sahod at hinihingan ng sarplas na produktong pang-agrikultura na sapat para mapakain ang mga parasitikong kolonyal na upisyal, prayle at sundalo. Sa isang banda'y may mga sundalo ang gubernador-heneral para pairalin ang kolonyal na kaayusan. Sa kabilang banda, kasabwat niya ang mga prayle para panatilihin ang mamamayan sa pagkaalipin ng isipan at pagkaaliping pang-ekonomya. Sa loob ng maikling panunungkulan ng gubernador-heneral, mabilis siyang nakakapagpayaman dahil siya ang punong nagpapakarga ng kalakal sa mga galyong nagpaparoo't parito sa Maynila at Acapulco at siya rin ang nagbibigay ng permiso na magkarga ang mga komersyante.

Mula noong huling parte ng siglong 1500 hanggang unang parte ng siglong 1800, ang sentral na gubyerno at mga isip-negosyanteng ordeng relihiyoso ay direktang kumikita nang malaki sa ilang kalakal mula sa Tsina at iba pang kalapit-bayan sa kalakalang Maynila-Acapulco. Sa katagalan, humina ang kalakalang ito at napalitan ng mas pinagtutubuang pag-eeksport ng asukal, abaka, kopra, tabako, indigo at iba pa na ikinakarga sa iba't ibang dayuhang barko pagkaraan ng unang hati ng siglong 1700 at noong buong siglong 1800. Ipinilit sa masang anakpawis ang malawakang pagtatanim ng pang-eksport na mga pananim na iyon para mapalaki ang ganansya ng kolonyalismong Espanyol.

Sa antas ng probinsya, ang alkalde-mayor ang kolonyal na pinuno. Siya ang may hawak ng kapangyarihang ehekutibo at panghusgado, nangungulekta ng tributo sa mga bayan at nagtatamasa ng pribilehiyong monopolisahin ang kalakalan sa probinsya, at nang-uusura. Minamanipula niya ang pondo ng gubyerno at inuutangan ang obras pias, ang pondong "pangkawanggawa" ng mga prayle, para makalahok sa maruming kalakalan at sa pang-uusura.

Nasa antas ng munisipalidad ang gubernadorsilyo, ang pinakamataas na pinunong papet na pormal na inihahalal ng prinsipalya. Ang prinsipalya ay binubuo ng mga kasalukuyan at dating gubernadorsilyo at ng mga pinuno ng baryo na tinatawag na kabesa de baranggay. Sa esensya, makikita sa prinsipalya na naipaloob sa kolonyal na sistemang Espanyol ang lumang liderato ng baranggay. Nagiging myembro ng prinsipalya ang sinuman kung may ari-arian, nakakasulat at nakakabasa, namana ang pusisyon, at syempre, kung sunud-sunuran sa mga dayuhan tirano.

Ang pinakaimportanteng regular na mga tungkulin ng gubernadorsilyo at ng mga kabesa de baranggay na pinamumunuan niya ay ang pangungulekta ng tributo at ang sapilitang pagpapatrabaho. Panagot ang ari-arian nila sa anumang kakulangan sa kanilang paglilingkod. Gayunman, karaniwa'y ang mga kabesa de baranggay ang sinisisi ng gubernadorsilyo. Para hindi mabangkrap ang mga papet na upisyal na ito at manatili silang nagugustuhan ng mga amo nilang kolonyal, sinisigurado rin nila na masang magsasaka ang pangunahing pumapasan sa bigat ng kolonyal na pang-aapi.

Sa paraan ng klasikong pyudalismo, umiral sa buong istrukturang kolonyal ang pagkakaisa ng simbahan at estado. Lahat ng taong sakop ng kolonya ay kontrolado ng mga prayle mula duyan hanggang hukay. Ekspertong ginagamit ng mga prayle ang pulpito at kumpisalan para sa kolonyal na propaganda at pag-iispiya. Ginagamit ang mga iskwelahan ng katesismo para lasunin ang isip ng kabataan laban sa sarili nilang bayan. Noong 1611 pa itinatag ang Universidad Real y Pontifica de Santo Tomas, pero mga Espanyol at criollo o mestiso lamang ang tinatanggap dito hanggang noong huling hati ng siglong 1800. Hindi kinailangan ng kolonyal na burukrasya ang mga katutubo para sa matataas na propesyon. Ikinakalat ng mga prayle sa masa ang isang panatikong kulturang lulong sa nobena, aklat-dasalan, buhay ng mga santo, iskapularyo, pasyon, moro-morong anti-Muslim, at magagarbong pyesta at prusisyong panrelihiyon. Sinusunog at sinisira ng mga prayle ang mga katibayan ng kulturang umiral noong wala pang kolonyalismo dahil kagagawan daw ng demonya ang mga ito, at kinukuha lamang ang mga bagay sa katutubong kultura na makakatulong sa pagpapadali ng kolonyal na indoktrinasyon na ginagawa noong idad medya (500 A.D.-1500).

Sa matiryal na basihan at pati sa superistruktura, todo-todo at pinakamapang-api ang kontrol ng mga prayle sa mga bayang nasa malalawak na lupaing pag-aari ng mga ordeng relihiyoso. Sa kolonyal na sentro at sa bawat probinsya, malawak ang kapangyarihang pampulitika ng mga prayle. Pinangangasiwaan nila ang iba't ibang gawain tulad ng pagbubuwis, pagsesensus, pagkuha ng istatistiks, pagpapatakbo ng iskwelahang primarya, pangangalaga ng kalusugan, pagpapaandar ng obras publikas at pagkakawanggawa. Kinukumpirmahan nila ang mga sedula, ang kundisyon ng mga lalaking napipiling magserbisyo sa militar, ang badyet ng munisipalidad, ang eleksyon ng mga upisyal sa munisipalidad at pulisya, at ang iksamen ng mga batang nag-aaral sa mga iskwelahan ng parokya.

Nakikialam ang mga prayle sa eleksyon ng mga upisyal ng munisipalidad. Sa katunayan, sa laki ng kanilang kapangyarihan ay pwede nilang ipalipat, ipasuspindi, o ipaalis sa katungkulan ang mga kolonyal na upisyal, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas, kabilang ang gubernador-heneral. Alinsunod sa kanilang pyudal na interes, nagagawa nga nilang patayin ang gubernador-heneral nang hindi sila napaparusahan, tulad ng ginawa nila kay Salcedo noong 1668 at kay Bustamante noong 1719. Kung ganoon sila kahayop sa mga upisyal mismo nila, mas hayop pa sila sa pang-uusig at panunupil sa katutubong rebelde na kinokondena nilang "erehe" at "subersibo".

Noong buong panahon ng kolonyal na rehimeng Espanyol, sumiklab sa buong kapuluan ang puta-putaking pag-aalsa laban sa tributo, sapilitang pagpapatrabaho, monopolyo sa kalakalan, sobrang upa sa lupa, pangangamkam ng lupa, pagpapataw ng pananampalatayang Katoliko, di makatwirang tuntunin at iba pang kalupitan ng mga kolonyal na naghahari, kabilang man sa gubyerno o sa simbahan. Naganap ang di kukulangin sa dalawang daang (200) pag-aalsa na iba't iba ang saklaw at tagal. Lumaganap at lumakas ang mga ito at lumikha ng isang dakilang rebolusyonaryong tradisyong sa sambayanang Pilipino.

Pinakatampok na mga pag-aalsa noong unang siglo ng kolonyal na paghahari ang pinamunuan ni Sulayman noong 1574 at ni Magat Salamat noong 1587-88 sa Maynila, at ni Magalat noong 1596 sa Cagayan. Noong mag-umpisa ang siglong 1600, ang mga Igorot sa gitnang parte ng kabundukan ng Hilagang Luson ay nagrebelde laban sa pagtatangkang kolonisahin sila, at ginamit nila ang paborableng tereyn ng kanilang lupang sinilangan para panatilihin ang kanilang independensya. Noong 1621-22, halos magkasabay na nag-alsa si Tamblot sa Bohol at si Bangkaw sa Leyte. Sumiklab din ang mga pag-aalsa sa Nueva Viscaya noong 1621 at sa Cagayan noong 1625-27.

Ang pinakalaganap na mga pag-aalsa noong siglong 1600 ay ang pinamunuan ni Sumuroy sa mga probinsya sa katimugan at nina Maniago, Malong at Almazan sa mga hilagang probinsya ng kapuluan. Ang pag-aalsa ni Sumuroy ay nag-umpisa sa Samar noong 1649 at kumalat pahilaga hanggang Albay, Camarines at Masbate, at patimog hanggang Cebu, Camiguin, Zamboanga at Hilagang Mindanaw. Noong 1660, nag-umpisa ang magkakasabay na pag-aalsa nina Maniago sa Pampanga, Malong sa Pangasinan at Almazan sa Ilocos. Pinalaganap ni Malong ang pag-aalsa niya hanggang Pampanga, Ilocos at Cagayan. Sa Oton, Panay, may sumiklab ding lokal na pag-aalsa na pinamunuan ni Tapar noong 1663.

Noong buong panahon ng kolonyal na paghahari ng Espanya, walang humpay na lumalaban ang mga Moro sa Mindanao, pati ang mga naninirahan sa bundok sa halos lahat ng pulo, laluna ang mga Igorot sa Hilagang Luson. Bukod sa pursigidong anti-kolonyal na mga mandirigmang ito, lumaban din sa mga dayuhang tirano ang mamamayan ng Bohol sa loob ng walumpu't limang (85) taon mula 1744 hanggang 1829. Noong umpisa ay pinamunuan sila ni Dagohoy at pagkatapos ay ng mga pumalit sa kanya. Noong malakas na malakas sila, umabot sila sa dalawampung libong (20,000) tao at nakapagtatag ng sariling buyerno sa kanilang mga base sa bundok.

Sa kabila ng mga unang pagkatalo ng mamamayan ng Pangasinan at Ilocos, paulit-ulit silang nag-alsa laban sa kolonyal na paghahari. Lumalaganap sa buong Pangasinan ang pag-aalsang pinamunuan ni Palaris noong 1762-64, at ang pinamunuan ni Diego Silang noong 1762-63 (at pagkatapos ay ng kanyang asawang si Gabriela, pagkaraang pataksil siyang patayin) ay lumaganap mula Ilocos pahilaga sa Lambak ng Cagayan at patimog sa Pangasinan. Sinubok na samantalahin ng mga pag-aalsang ito ang pag-agaw ng Britanya sa Maynila at ang pagkatalo ng Espanyol sa Pitong Taong Gera.

Noong siglong 1700, lalong naging matingkad sa mga anti-kolonyal na pag-aalsa ang katangiang mulat na paglaban ng mamamayan sa pyudalismo. Dati-rati ay madalas na nagiging dahilan ng pag-aalsa ang paghihirap at pagdurusa na nagmumula sa sapilitang pagtatrabaho. Naghimagsik ang mamamayan, laluna sa Gitna at Timog Luson dahil sa di makatwirang pagpapalawak ng mga lupain ng mga prayle sa pamamagitan ng madayang pagsukat sa lupa at dahil din sa di makatwirang pagtataas ng upa sa lupa. Isang pag-aalsa ang pinamunuan ni Matienza na tahasang lumaban sa mga nang-aabusong agraryo ng mga Heswita na walang pakundangang nangangamkam ng lupa ng mamamayan. Lumaganap ang pag-aalsang ito mula Lian at Nasugbu sa Batangas hanggang Laguna, Cavite at Rizal na mga kalapit na probinsya ng Batangas. Sa mga probinsya ng kapuluan sa labas ng Gitna at Timog Luson, naging mas madalas pag-umpisahan ng mga pag-aalsa ang mga monopolyo at pangungumpiska ng kolonyal na gubyerno noong matatapos na ang siglong 1700 at noong siglong 1800. Noong 1807, nag-alsa ang mga Ilokano laban sa monopolyo sa alak. Nag-alsa sila uli noong 1814 sa Sarrat, Ilocos Norte, at pinatay nila ang ilang panginoong maylupa.

Sa pagsupil ng mga kolonyalistang Espanyol sa lahat ng pag-aalsang nauna sa Rebolusyong Pilipino ng 1896, pinilit nilang magsundalo ang maraming magsasaka para labanan ang kanilang mga kauri. Sa gayon, naging prinsipal na porma ng pang-aapi ang sapilitang pagseserbisyo sa militar habang bumibilis at lumalaganap ang mga pag-aalsa.

__________________________

1 Ang modernong mga pangalan ng mga bayang ito ang ginamit para madaling maintindihan.

__________________________

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.