Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Unang Kabanata: Pagriripaso sa Kasaysayan ng Pilipinas



Read in English

Amado Guerrero
July 30, 1970


3. Ang Papet na Rehimeng Magsaysay, 1954-57

Pinuri ng imperyalismong EU at mga lokal na mapagsamantalang uri si Magsaysay, bilang kalihim ng pambansang depensa sa ilalim ng papet na rehimeng Quirino, sa pagkatalo ng rebolusyonaryong kilusang masa. Pinalabas ng propaganda ng EU na "tao ng masa" at "tagapagligtas ng demokrasya" si Magsaysay at puspusan siyang sinuportahan na maging presidente kapalit ng makahayop niyang pagsupil sa masa at pagyurak sa mga demokratikong karapatan. Sa kabilang banda, sinisi nang husto si Quirino sa pagkakaroon ng gerang sibil, pagpapataw ng batas militar at paglaganap ng katiwalian sa reaksyonaryong gobyerno.

Mula sa Partido Liberal ay lumipat si Magsaysay sa Partido Nacionalista para tumakbo laban kay Quirino sa eleksyon noong 1953. Sa nangyaring ito, inilantad ng imperyalismong EU na walang anumang saligang pagkakaiba ng dalawang reaksyonaryong partido. Si Magsaysay ang naging ikatlong presidente ng papet na republika sa kabila ng pagpilit ni Quirino na manipulahin para sa kanyang sarili ang pera at pasilidad ng gobyerno. Sa pamamagitan ng Organisasyon sa Komersyo ng mga Amerikano sa Pilipinas (American Chamber of Commerce of the Philippines o ACCP), gumamit ng napakaraming pera ang mga monopolyo ng EU para itaguyod si Magsaysay sa eleksyong wala pang kapantay sa pagiging magastos at bulok. Ginamit na dahilan ng mga upisyal ng militar ng EU ang awtoridad ng JUSMAG at pumuwesto sila hanggang sa antas ng kumpanya sa reaksyonaryong armadong pwersa para lamang siguraduhing mahahalal ang paborito nilang tuta.

Sa sandaling paghahari ni Magsaysay, kinumpleto niya ang pagdurog sa Partido at hukbong bayan ng buong kasamahan niyang ginawa sa pamamagitan ng pagsasamantala sa mga patakarang anti-komunista at anti-Leninista ng liderato ni Jesus Lava na awtomatikong pumalit sa liderato ni Jose Lava noong 1951. Ayaw ng liderato ni Jesus Lava na matuto sa mga pagkakamali ng naunang liderato ng Partido, at patuloy nilang idinispusisyon ang hukbong bayan sa adbenturistang paraan, istratehikong "kontra-opensiba" ang pinili nilang itawag sa yugto ng armadong pakikibaka noon. Sa paglabag ng mga yunit sa tamang linyang masa sa halos lahat ng lugar, nahiwalay sila at grabeng nang-abuso para lamang makakuha ng pagkain. Dahil sa lalong pagkahiwalay sa pulitika, lalo lamang dumami ang nakakapinsalang pagkatalong militar.

Sumurender kay Magsaysay ang traydor na si Luis Taruc noong 1954. Bumaling naman sa pagiging palasuko mula sa adbenturismo ang liderato ni Jesus Lava, na patuloy na hindi makapagsagawa ng matagalang digmang bayan sa tamang paraan. Noong 1955, ang liderato ni Jesus Lava ay naghahandang iwanan ang kanayunan sa pagsasabi na parlamentaryong pakikibaka ang pangunahing porma ng pakikibaka. Binuwag ang mga yunit ng hukbong bayan na kaya pa nilang impluwensyahan at ginawang "brigadang pang-organisasyon" daw ang mga ito.

Noong 1954, sinabotahe ng papet na rehimeng Magsaysay ang walang tigil na paggigiit ng bayan na pawalang-bisa ang Batas Bell sa Kalakalan, sa pakikipagnegosasyon na baguhin lamang ang batas. Sa gayon, ginawa ang Kasunduang Laurel-Langley. Pinalala ng bagong tratadong ito ang pang-ekonomyang pagkaalipin ng Pilipinas sa imperyalismong EU sa pamamagitan ng pagpayag na magkaroon ng karapatang pariti ang mga monopolyo ng EU sa lahat ng klase ng negosyo. Inayos ang sistemang kota at binigyan ng ispesyal na trato ang hilaw na materyales mula sa Pilipinas, na lalo lamang nagpatingkad sa kolonyal at agraryong katangian ng ekonomya. Kahit pormal na iginiit ang independensya ng piso, ang totoo'y kontrolado pa rin ito ng dolyar ng EU.

Kitang-kita sa pagkontrol sa dayuhang pera ang pagkaalipin ng piso sa dolyar ng EU. Sa pagkakaroon ng Pilipinas ng malakolonyal at malapyudal na ekonomya, kinailangan nitong gamitin ang mga dolyar na kinikita sa pag-eeksport ng hilaw na materyales para makabili ng mga yaring kalakal sa ibang bayan, pangunahin sa Estados Unidos. Para malusutan ang mga prayoridad na itinakda ayon sa mga regulasyon sa pagkontrol sa dayuhang pera at mga batas sa taripa tungkol sa pag-iimport ng "esensyal" na mga kalakal, ang mga yaring kalakal ng EU ay kinakalas muna ng mga monopolyo ng EU at mga komprador bago dalhin sa Pilipinas, at tinatatakang hilaw na materyales na ipoproseso dito. Nagtayo ng mga planta sa pagrereasembol at pag-iimpake para likhain ang ilusyong may lokal na industrialisasyon at pampalit sa pag-iimport.

Ang unang Kasunduan sa mga Kalakal na Pang-agrikultura ay pinirmahan ng papet na rehimeng Magsaysay at ng Estados Unidos noong 1957. Layunin ng kasunduang ito na gamitin ang surplus na agrikultura ng EU para tulungang mapanatili ang kolonyal na sistema ng ekonomya ng Pilipinas, mapamalagi ang lokal na produksyong pang-agrikultura sa kapangyarihan ng imperyalismong EU, makontrol ang mga intermedyang industriya na nangangailangan ng imported na hilaw na materyales na pang-agrikultura, at masuportahan ang propaganda ng imperyalismong EU.

Para pagtakpan ni Magsaysay ang pagkapapet niya sa imperyalismong EU, ginamit niya ang dati nang kolonyal at sobinistang salamangka na tuligsain ang mga magtitinging Tsino, na pumapangatlo lamang (kasunod ang mga Amerikano at Briton) sa lahat ng mga dayuhang komersyanteng lumalahok sa lokal na kalakalan. Kasabay nito, patuloy na ginawang mahirap at magastos na maging mamamayang Pilipino ang mga dayuhang nasyunal na lahing Tsino. Ang mga ito ay kinikilan nang husto ng bandidong pangkatin ni Chiang at mga katutubong burukratang kapitalista. Sa anu't anuman, pinayagan ni Magsaysay na hangga't gusto ay maglabas ng kapital ang lahat ng dayuhang negosyante, laluna ang mga direktang representate ng mga monopolyo ng EU at malalaking komprador.

Para pagtakpan ng rehimeng Magsaysay ang antinasyunal at antidemokratikong katangian ng kanyang rehimen, may pag-aatubiling pinayagan niya na pagtibayin ang batas sa Noli-Fili na nagtatakdang pag-aralan ang mga sinulat ni Rizal. Kunsabagay, ang palalaganapin lamang naman ng batas na ito ay ang lumang tipo ng pambansang demokrasya na may katuturan lamang noong panahon ng demokrasyong burges, bago sumapit ang imperyalismo. Kasabay nito'y nakipagkutsabahan si Magsaysay sa CIA at mga Heswitang Amerikano sa paghahanda ng Batas Anti-Subersyon, na ang layunin ay likhain ang kontrarebolusyonaryong epekto na antikomunista at yurakan ang demokratikong karapatan ng mamamayan na magtipun-tipon at mamahayag.

May pinagtibay na batas si Magsaysay na gumagarantya daw sa pwesto ng mga maralitang kasama. Ang tunay na layunin nito ay siguraduhin sa mga panginoong maylupa na may pribilehiyo silang panatilihin ang malalawak na lupain nila at itaguyod ang patakaran ng estado na pamalagiin na pang-agrikulturang dependyente ng imperyalismong EU ang Pilipinas. Ipinagpatuloy ni Magsaysay ang programa sa pag-aayos sa mga usapin tungkol sa lupa pero pinagtakpan lamang nito ang pangangamkam ng lupa ng mga mapagsamantalang uri sa mga prontera. Nilikha ang Pangasiwaan sa Panustos sa Pautang at Kooperatibang Pang-agrikultura (Agricultural Credit and Cooperative Financing Administration o ACCFA) sa layuning tulungan daw ang buong uring magsasaka, pero lumabas na isa lamang itong pakana para makontrol ng mga panginoong maylupa, usurerong komersyante, burukrata at mayamang magsasaka ang mga huwad na kooperatiba at malinlang ang mga maralita at panggitnang magsasaka.

May pagkakataon noong panahon ng papet na rehimeng Magsaysay na inilabas ng gobyerno ng EU ang opinyong Brownell na pormal na umaangkin sa mga base militar ng EU sa Pilipinas. Sa galit ng buong sambayanang Pilipino sa pag-angking ito ng mga imperyalista, napilitan ang reaksyonaryong Korte Suprema na kunwari'y tanggihan ang pag-angking ito. Gayunman, hindi tinutulan ng korte ang imperyalistang pribilehiyo ng Estados Unidos na okupahin nga ang mga base militar, tamasahin ang mga karapatang ekstrateritoryal at labagin ang integridad ng teritoryo ng Pilipinas.

Noong 1954, itinaguyod ng papet na rehimeng Magsaysay ang kumperensyang idinaos sa Maynila na naglabas ng tratadong nagtatatag sa Organisasyon ng Tratado sa Timog-Silangang Asya (Southeast Asia Treaty Organization o SEATO) na kontrolado ng mga imperyalista. Ang mayorya sa mga gobyernong myembro (Estados Unidos, Britanya, Pranses, New Zealand, Australia at Pakistan) ng organisasyon ay hindi man lamang kabilang sa Timog-Silangang Asya. Inangkin ng SEATO ang pribilehiyong yurakan ang soberanya ng mamamayan sa Timog-Silangang Asya at idepensa ang mga reaksyonaryong gobyerno. Dahil dito, ang SEATO ay nagkaisa na namang mababaw na dahilan para pakialaman ng imperyalismo ang mga usapin sa Pilipinas at manipulahin ang papet na gobyerno ng Pilipinas laban sa iba pang mamamayan ng Timog-Silangang Asya. Kasabay nito, pinayagan ng SEATO ang imperyalismong EU na dalhin sa Pilipinas ang mga alyado niyon at salakayin ang mamamayan sa ngalan ng pagdedepensa raw sa rehiyon.

Ayon sa patakarang agresyon ng EU sa Byetnam, kinilala ng papet na rehimeng Magsaysay ang bogus na Republika ng Timog Byetnam, na lantaran at direktang paglabag sa mga Kasunduan sa Geneva. Ginamit ang mga base militar ng EU sa Pilipinas para ilunsad ang mapanghimasok at agresibong mga aktibidad ng imperyalismong EU sa buong Asya. Idinistino sa buong Indotsina ang mga Pilipinong ahente ng CIA na nagkukunwaring mga tauhang teknikal ng masasamang grupong tulad ng Operation Brotherhood at Eastern Construction Company na ginagastusan ng CIA.

Noong 1956, inutusan ng imperyalismong EU ang papet na rehimeng Magsaysay na makipagkasundo sa Hapon tungkol sa bayad sa napinsala ng gera at pagtibayin ang Tratado ng San Francisco. Ginawa ang kasunduang Ohno-Garcia tungkol sa bayad sa napinsala ng gera, na nagpapasok sa Hapon sa ekonomya ng Pilipinas sa pamamagitan ng sistema ng paghahatid ng mga kalakal na bayad sa napinsala ng gera. Habang yumuyuko sa sosyohan ng EU at Hapon ang papet na rehimeng Magsaysay, mahilig itong gumawa ng mga agresibong pahayag laban sa mga kilusan sa pambansang pagpapalaya at mga bayang sosyalista, laluna sa Republikang Bayan ng Tsina, at mahilig ding sumang-ayon sa bawat agresibong kilos ng imperyalismong EU sa buong mundo.

Walang kahihiyang ipinagmalaki ng papet ng rehimen ang katotohanan na ang pinuno nitong si Magsaysay ay tuta ng imperyalismong EU. Sa harap ng anti-imperyalistang pagbatikos ni Senador Claro Mayo Recto, nawalan ng saysay ang pagtatangka ng rehimen na tatakang "positibong nasyonalismo" ang pagkaalipin nito.

4. Ang Papet na Rehimeng Garcia, 1957-61

Bise-presidente si Carlos P. Garcia nang maging presidente ng papet na republika sa pagkamatay ni Magsaysay noong 1957, at nahalal siyang presidente sa ilalim ng Partido Nacionalista noong taong ding iyon. Sa saligan, papet siya ng imperyalismong EU at punong representate ng mga lokal na mapagsamantalang uri. Hinding-hindi gumawa ng anumang mapagpasyang hakbang ang kanyang rehimen para lagutin ang kadenang kolonyal at pyudal na gumagapos sa sambayanang Pilipino. Sa halip, pinayagan pang manatili ito.

Dahil sa pagkontrol sa dayuhang pera at sa pag-iimport, naging magiit sa pulitika ang panggitnang burgesya na pabor sa tinatawag nilang makabansan industrialisasyon. Ang ilang Pilipinong nagmamanupaktura at gumagamit ng lokal na hilaw na materyales ay galit na galit sa pagtatayo ng mga planta sa pagrereasembol at pag-iimpake na isinasagawa ng mga monopolyo ng EU at mga komprador para makaiwas sa taripang ipinapataw na dapat sana'y naglilimita sa pag-iimport ng mga kalakal na ginagawa na rito. Ang mga bentahe ng proteksyon ay nakita rin ng mga nagmamanupakturang umaasa sa iniimport na hilaw na materyales, gaano man karami ang mga ito, at humingi pa sila ng dagdag na proteksyon.

Ang mga adhikaing pampulitika ng pambansang burgesya ay napakahusay na ipinahayag ni Recto na nakapukaw din naman sa interes ng petiburgesya na sumama sa kilusang anti-imperyalista.

Bilang pagbibigay sa lumalakas na kilusang anti-imperyalista sa hanay ng mamamayan, ibinandera ng papet na rehimeng Garcia ang islogang "Pilipino Muna". Pero ginawa lamang ito para pagtakpan ang pagkapapet ng rehimen sa imperyalismong EU. Walang ibang kahulugan ang islogan kundi ang unahin ang mga negosyanteng Pilipino sa mga dayuhang negosyanteng hindi Amerikano sa pamamahagi ng mga dolyar ng EU para sa mga operasyong eksport-import. Ang saligang palagay pa rin ay dapat magpaalipin sa dolyar ng EU ang mga negosyanteng Pilipino. Kahit may mga batas at listahan ng prayoridad na nagpapasigla sa mga industriyang "bago" at "kailangan" at naglilimita sa pag-iimport ng ilang kalakal na pwedeng gawin dito, lalo lamang sumigla ang pagtatayo ng ilang planta sa pag-aasembol at pag-iimpake, mga plantang subsidiyaryo ng EU na nagsasabing hilaw na materyales daw ang mga yaring kalakal na iniimport nila.

Kahit lantarang sinusulsulan ng papet na rehimeng Garcia ang mga komersyanteng Pilipino na patalsikin ang mga komersyanteng Tsino sa pagtitingi, laluna sa pangangalakal ng bigas at mais, pinayagan naman ang malalaking komprador na Kuomintang na magkaroon ng malaking parte sa negosyong eksport-import at pakyawan, at pinayagan ding iuwi sa Taiwan ang kanilang kapital. Lahat ng Tsinong nakatira sa Pilipinas ay pinilit magpakita ng katapatan sa bandidong pangkatin ni Chiang o kung hindi'y paghihigantihan sila.

Ayon sa pakana ng imperyalismong EU na buhaying muli ang militarismong Hapones, ang papet na rehimeng Garcia ay dali-daling nakipagnegosasyon at nakipagkasundo sa Hapon tungkol sa Tratadong Hapon at RP sa Pagkakaibigan, Komersyo at Nabigasyon. Kahit naantala ang pagpapatibay ng panukalang tratado dahil sa matinding pagtutol ng bayan, ginagamit nang dahilan ng mga kumpanyang Hapones ang kasunduan sa bayad sa napinsala ng gera para makapagtayo ng mga upisinang "tagapag-ugnay", makapagsarbey sa bayan at makalahok sa negosyong eksport-import.

Noong matatapos na ang dekadang 1950, pinilit ng imperyalismong EU na alisin ng papet na rehimeng Garcia ang kontrol sa dayuhang pera. Pinayagan ng imperyalismong EU ang pagkontrol sa dayuhang pera bilang isa lamang taktikal at pansamantalang paraan para mapigilan ang mabilis na pagkasaid ng dolyar na EU at matulungang pigilan ang ganap na pagbasak ng kolonyal na ekonomya sa panahong lumalakas ang rebolusyonaryong kilusang masa. Ngayon ay gusto ng imperyalismong EU na magkaroon ng mas "paborableng sitwasyon" para sa dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas, at walang limitasyong pag-uwi ng sobra-sobrang ganasya niyon. Gustong remedyuhan ng imperyalismong EU ang sariling problema sa balanse sa bayaran sa pamamagitan ng ibayong pag-eeksport ng labis na produkto, pang-uusura at direktang pamumuhunan sa mga negosyo na makakaganansya nang sobra-sobra. Isa pa, sa pag-aalis ng kontrol sa dayuhang pera ay mapapatagal ang mga pribilehiyo ng mga imperyalista sa kolonyal na ekonomya kahit matapos ang Kasunduang Laurel-Langley sa 1974.

Ginamit ng imperyalismong EU ang Bangko Mundyal (World Bank o WB) at ang Internasyonal na Pondo sa Pananalapi (International Monetary Fund o IMF) para magsagawa ng pang-ekonomyang sarbey at magrekomenda ng kagyat at ganap na dekontrol bilang pundasyon ng "pag-unlad". Dahil lumalakas uli ang kilusang anti-imperyalista, hindi agad maalis ni Garcia ang kontrol sa dayuhang pera. Bago niya gawin ang hakbang ng bahagyang dekontrol noong Disyemre 1960, kinailangan siyang tuligsain nang buong bagsik ng imperyalismong EU dahil sa pagpapatuloy ng mga pagbabanta na ikukudeta ng pangkating CIA na malapit sa namatay na si Magsaysay. Sa tantya ni Garcia, masisiyahan na sa hakbang na iyon ang imperyalismong EU habang hinihintay ang eleksyong presidensyal ng 1961. Gayunman, nagdesisyon na ang imperyalismong EU na patalsikin si Garcia at palitan siya ng isa ring papet na pulitikong hindi mag-aatubiling sumunod sa mga kaliit-liitang utos nito.

Nakita rin ang katusuhan ng papet na rehimeng Garcia sa panlolokong ginawa sa negosasyong bawasan ang siyamnapu't siyam (99) na taong kontrol ng EU sa mga base militar sa Pilipinas. Kahit ipinapahayag na nagkasundo ang Pilipinas at Estados Unidos na paikliin sa dalawampu't limang (25) taon ang paghawak ng EU sa mga base, hinding-hindi sinusugan ang Tratadong EU at RP sa mga Base Militar, at pagkaraan ng ilang taon ay iniulat na hindi makita sa mga rekord ng Kagawaran sa Usaping Panlabas ang katitikan ng mga miting tungkol sa pagpapaikli sa panahon ng paghawak ng EU sa mga base. Taktika lamang ang panlolokong ito sa negosasyon para may maisagot sa lumalakas na anti-imperyalistang paggigiit na ganap na alisin ang mga base militar ng EU. Tumindi ang EU ang krimeng pagpatay sa mga Pilipino sa loob ng mga base, at nang pigilan ng mga kumander ng base ang pag-usig sa mga maysala, sa pamamagitan ng pagpipilit sa hurisdiksyon ng EU.

Noong panahon ng papet na rehimeng Garcia, patuloy na ginamit ang mga base militar ng EU sa paglulunsad ng agresyon laban sa mamamayan ng Timog-Silangang Asya. Nong 1958, ginamit ang mga base para suportahan ang maka-Kanang rebelyon laban sa sambayanang Indones at paigtingin ang pakikialam ng EU sa Indotsina. Iwinasiwas ng papet na rehimeng Garcia ang islogang "Ang Asya para sa mga Asyano" at tinangkang itayo ang Asosasyon ng Timog-Silangang Asya (Association of Southeast Asia o ASA) para kunwari'y itaguyod ang panrehiyong kooperasyon sa larangan ng ekonomya at kultura. Sa katunayan, ang ASA ay paraan lamang para makoordina ang isang sona ng malayang kalakalan para sa imperyalismong EU at mapalakas ang SEATO na niyayanig na ng malubhang kontradiksyon ng imperyalismong EU at ng Pakistan pati na ang kontradiksyon ng imperyalismong EU at ng Pransya.

Ang pagsulong uli ng anti-imperyalistang rebolusyonaryong kilusang masa ay lalong naging kapansin-pansin noong panahon ng papet na rehimeng Garcia, nang lubusin ng isang malakas na demonstrasyong pinangungunahan ng mga kabataaang lalaki at babae ang bulwagan ng papet na Konggreso noong Marso 14, 1961, at bulabugin ang antikomunistang bistang idinadaos noon ng Komite sa mga Anti-Pilipinong Aktibidad (Committee on Anti-Filipino Activities o CAFA). Ang aksyong masang ito ang naging hudyat ng pag-uumpisa ng isang rebolusyon sa kultura na may pambansa-demokratikong katangian pagkaraang isurender ng reaksyonaryong pangkating burges nina Lava at Taruc ang inisyatiba sa mga rebolusyonaryo sa loob ng mahigit dalawang dekada. Nabigo ang CAFA sa tangkang gamitin ang Batas Anti-Subersyon para takutin ang mga istudyante, titser at lahat ng mamamayan sa pagpapahayag ng kanilang pambansa-demokratikong adhikain.

Noon pa mang 1958, pinagtibay na ang Batas Anti-Subersyon sa napakasamang hangaring bigyan ng nakakamatay na dagok ang Partido Komunista ng Pilipinas. Kasabay ng anti-Komunistang maniobrang iyon ng reaksyonaryong gobyerno, inabuso naman ni Jesus Lava ang kanyang posisyon bilang pangkalahatang kalihim ng Partido nang mag-isa niyang desisyonang lansagin ang Partido sa pamamagitan ng patakaran niyang "iisang pila", isang patakaran pumapawi kahit sa kaliit-liitang porma ng demokratikong sentralismo sa loob ng Partido. Kontroladong-kontrolado ng mga reaksyonaryo ang superistruktura sa Pilipinas, kaya agad nilang tinutuligsang "komunista" ang alinmang tunguhing intelektwal na kontra sa laos nang ideolohiya na "malayang pag-iinisyatiba" na masugid na itinataguyod ng Grand Alliance na pinamumunuan ng mga ahente ng CIA at mga pusakal na kleriko-pasistang tulad nina Manahan at Manglapus.

Nanatili at lumawak ang saklaw ng lahat ng makinaryang pangkultura na itinatag ng imperyalismong EU at simbahang Katoliko noong mag-umpisa ang papet na republika. Patuloy na minanipula ng CIA ang mga panatiko sa pinakamalaking relihiyon sa pamamagitan ng pangkatin nina Manahan at Manglapus at mga Heswitang Amerikano. Noong 1961, dinala sa Pilipinas ng imperyalismong EU ang Kwerpo sa Kapayapaan (Peace Corps) bilang isa pang kasangkapan para palalain ang pangkultura't pampulitikang subersyon ng Pilipinas.


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.