Cuba, matatag na naninindigan laban sa panggigipit ng US
Noong Pebrero 26, hinarang ng mga pwersa ng Cuba sa hangganan sa teritoryong karagatan nito ang isang speedboat na may sakay na 10 paramilitar mula sa US. Nagpaputok ang grupo, kaya napilitan ang mga Cubano na gumanti. Apat ang namatay at anim ang nasugatan sa mga ito. Kinundena ng Cuba ang tangkang pagpasok ng mga paramilitar na may layuning maghasik ng terorismo sa isla at magdulot ng ligalig sa mamamayan.
Naganap ang tangkang panggugulo sa gitna ng pagpataw ng US ng panibagong serye ng malulupit na sangsyon laban sa Cuba. Noong Enero, epektibong ipinatupad ng US ang isang “oil embargo” kung saan pinagbawalan ng presidente nito na si Donald Trump ang lahat ng mga bansa na magsuplay ng langis sa Cuba.
Ang pagkakait ng langis ay tinawag ni Miguel Díaz-Canel, presidente ng Cuba, na “kriminal, garapalan at di makatao.” Matindi ang epekto nito sa transportasyon, mga ospital at pasilidad medikal, eskwelahan, turismo, at produksyon ng pagkain ng bansa. Noong Pebrero, dalawang beses na iligal na hinarang ng coast guard ng US ang paglalayag ng mga barkong nagdadala ng langis mula sa Mexico at Venezuela tungo sa Cuba.
Sa gitna nito, bumuhos ang suporta at pakiisa sa Cuba. Nagpadala ng tone-toneladang suportang materyal ang Mexico, isa sa mga bansang binantaan ng US ng mas matataas na taripa kung patuloy itong magpapadala ng langis sa Cuba. Nagpadala rin ng ayudang materyal, pinansya at pagkain ang Chile, Russia, China, Vietnam at Spain.