Pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga sakdal laban kay Duterte sa ICC, natuloy na

,

Muling nasariwa sa alaala ng mga Pilipino ang brutal na pamamaslang sa gera kontra droga sa pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga sakdal laban kay Rodrigo Dutete sa International Criminal Court (ICC). Idinaos ang pagdinig sa The Hague, The Netherlands noong Pebrero 23-24 at Pebrero 26-27.

Sa loob ng apat na araw, nagtagisan ang mga abugado ng taga-usig, kasama ang abugado ng mga biktima sa isang panig, at ng depensa ni Duterte sa kabilang panig, sa harap ng mga huwes ng Pre-trial Chamber 1 ng ICC. Naghapag sila ng mga argumento at kontra-argumento kung bakit kailangang ituloy sa paglilitis ang mga kaso ng dating pangulo.

Sa panig ng prosekusyon, inilinaw nitong higit pa sa sapat ang mga batayan para ituloy ang paglilitis. Sistematikong inihapag ng mga abugado nito ang paunang ebidensya na nagpapatunay sa “sentral na papel” ni Duterte sa malawakan at sistematikong atake sa mga sibilyan sa maralitang mga komunidad mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019.

Bilang “indirect co-perpetrator,” signipikante ang pananagutan ni Duterte sa pagbubuo at pagpapalaganap ng brutal na pamamaslang, paglalagay sa matataas na pusisyon ng mga tagapagtaguyod sa kampanya, pagbibigay ng mga pabuya, paglikha ng kultura ng kawalang pakundangan at pag-uutos sa pulis at miltar na pumatay. Inilatag nila ang mga dokumento at testimonya ng mga saksi. Ipinarinig din nila ang mga talumpati ni Duterte kung saan direktahan niyang iniuutos ang mga pagpatay sa mga “suspek,” na inilusot sa mga pahayag na sila ay “nanlaban.” Anila, may buong plano si Duterte at mga kasapakat nito na pumaslang ng mga sibilyang walang kakayahang lumaban.

Inilahad naman ng mga abugado ng mga biktima ang pinsalang idinulot ng mga pamamaslang sa mga biktima at kanilang mga komunidad. Binigyan-diin nila na kabilang sa mga sistematikong pinatay ay mga bata, taliwas sa inilahad ng depensa na tanging si Kian de los Santos ang menor de edad na napatay sa gera kontra droga. Hinikayat nila ang mga huwes na pakinggan ang mga biktima at bigyan sila ng pagkakataon na malitis ang kaso sa korte.

Sa kabilang panig, muling kinwestyon ng abugado ni Duterte ang batayan ng mga sakdal at ang awtoridad ng ICC sa mga ito kahit naglabas na ng hatol ang korte kaugnay dito. Iginiit ng depensa ni Duterte na walang batayan ang mga kaso laban sa kanya dahil wala diumanong naganap na malawakan at sistematikong patayan. Kinwestyon niya ang mga proseso, ebidensya at mismong mga salaysay ng mga saksi. Inulit niya ang argumentong ang mga biktima ay napatay sa “lehitimong operasyon ng pulis,” at na ang mga napatay ay “kaunti lamang” kumpara sa mga inaresto. Inilarawan niya ang mga berbal na pahayag ni Duterte sa mga pagpatay bilang “pagmamalabis lamang” o hyperbole. Pilit din niyang pinalalabas na ang pagkakaso sa ICC ay panggigipit lamang ng kasalukuyang rehimeng Marcos, sa kabila ng itinulak ang imbes-tigasyon noon pang 2018.

Sagot ng piskal, ang mismong pagkwestyon ng depensa sa interpretasyon ng mga ebidensya at salaysay ng mga saksi ay malaking dahilan na kung bakit kailangang idaos ang paglilitis. Sigaw ng mga biktima ay hustisya. Panawagan nilang litisin at panagutin si Duterte sa kanyang mga krimen.

Matagal nang hinihintay ng mamamayang Pilipino ang pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga sakdal. Sa pagbubukas ng pagdinig, daan-daang Pilipino ang nagmartsa sa The Hague para ipanawagan sa ICC na litisin si Duterte at hatulan siya ng nararapat sa kanyang mga krimen. Kasama nila ang ilan sa mga pamilya ng mga biktima at kanilang mga abugado.

Sa Pilipinas, nagkaroon ng mga pagkilos at sabayang panonood ng iba pang mga pamilya at kanilang mga tagasuporta sa livestream ng pagdinig. Nagkaroon ng katulad na sabayang panonood sa Cebu. Batay sa malakas na presentasyon ng kaso ng prosekusyon at mahinang kontra-argumento ng depensa, tiwala ang mga pamilya na tutuloy sa paglilitis ang kaso. Ilalabas ng Pre-Trial Chamber 1 ang desisyon nito 60 araw matapos ang pagdinig, o bandang dulo ng Abril.

Pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga sakdal laban kay Duterte sa ICC, natuloy na