Pagbasura sa 12% VAT, ipinanawagan ng kababaihan

,

Sumugod at nagprotesta ang alyansang Gabriela sa pambansang upisina ng Department of Finance sa Pasay City noong Marso 4. Ipinanawagan nila ang pagbasura sa 12% value added tax (VAT) at excise tax sa harap ng walang patid na pagtaas ng presyo ng langis.

Bago nito, pinangunahan ng alyansa ang mga serye ng protesta kontra VAT sa nagdaang mga linggo sa Metro Manila at ilang mga prubinsya. Nagsagawa rin sila ng mga asembliya at porum para talakayin ang VAT. Inilunsad rin ng grupo ang isang signature campaign na target na makakalap ng 12,000 pirma laban sa VAT.

Anito, ang 12% VAT ay malaking pabigat sa sambayanang Pilipino. Pinarurusahan umano nito ang bawat Pilipino laluna ang mga nanay na nagsisikap na pagkasyahin ang sahod na malayong mababa sa halaga ng nakabubuhay na antas.

Muling nabuhay ang panawagan para sa pagbasura sa VAT sa gitna ng malawakang pagkundena ng mamamayan sa mga anomalya at korapsyon ng rehimeng Marcos. Nalulustay sa korapsyon ang bilyun-bilyong pisong ibinabayad na buwis ng mamamayan.

Ang serye ng mga aktibidad ng Gabriela ay bahagi ng kampanyang “VAT Tanggalin, Kurakot Panagutin” na sentrong tema ng mga protesta sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis sa darating na Marso 8.

Pagbasura sa 12% VAT, ipinanawagan ng kababaihan