Kabulukan ng AFP, litaw sa gitna ng girian ng naghaharing mga pangkatin

,

Nitong nakaraan mga buwan, tumampok ang kabulukan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa sunud-sunod na pagkakabunyag ng mga anomalya at pagkakasangkot ng mga tauhan nito sa malawakang korapsyon. Litaw sa mga kaganapang ito ang pagsisilbi ng AFP bilang mga tauhan ng korap na mga burukratang kapitalista, at galamay ng iba’t ibang naghaharing mga pangkatin.

Pinakahuli dito ang pagharap sa publiko ng pangkating Duterte sa 18 lalaking nagpakilalang “dating Marines” na nagsabing sangkot sila sa pagdadala ng bilyun-bilyong pisong kikbak para kay Ferdinand Marcos Jr at mga kasapakat niyang sina House Speaker Martin Romualdez at Rep. Zaldy Co.

Nagpagamit sila sa mga Duterte at kaalyado nitong kampo ng dating pangulong Gloria Arroyo para itaon ang kanilang “pagbubunyag” sa ikalawang araw ng pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga sakdal kay Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC). Pinaratangan nila ang mga imbestigador ng ICC na tumanggap ng suhol, para sirain ang kredibilidad ng kanilang imbestigasyon. Pinangalanan nila ang mga senador at kongresista na nasa kampo ng pangkating Marcos na tumanggap ng suhol. Idinawit nila ang mga nagsiwalat ng mga krimen at korapsyon ng pamilyang Duterte, tulad ng mga kongresista ng Makabayan at si Leila de Lima, isa sa mga unang nagpaimbestiga sa mga pamamaslang sa Davao. Mariing itinanggi ng mga pinangalanan ang mga paratang sa kanila.

Tulad ng inaasahan, todo puri sa mga “Marines” ang bise presidente na si Sara Duterte. Bahagi ito sa pagtatangka ng kanyang pangkatin na gatungan ang ligalig sa loob ng AFP, at mahikayat na “mag-atras (ito) ng suporta” sa rehimeng Marcos.

Mabilis na pinatatahimik ng pamunuan ng AFP ang mga nagpapahayag ng “disloyalty” o kawalang katapatan sa pangulo, tulad ng isang aktibong koronel na nanawagang mag-resign si Marcos. Isa pang retiradong heneral na nagpahayag ng pagkontra kay Marcos ang inaresto sa kasong sedisyon.

Anim na araw bago lumantad ang dating mga sundalo, nag-anunsyo si Sara Duterte na tatakbo siya sa pagkapresidente sa 2028. Panakot ito ng mga Duterte sa mga kongresista at senador laban sa pagpapasa sa reklamong impeachment laban sa kanya. Sa kabila nito, dalawang reklamong impeachment ng Kongreso ang idineklara noong Marso 2 na naglalaman ng sapat na batayan. Ibig sabihin, muling mauungkat ang mga kaso ng korapsyon sa confidential at intelligence funds at iba pang anomalya ng bise presidente.

Bayarang pwersa

Sa gitna ng matinding girian, todo buhos ang suhol at pabor ng rehimeng Marcos sa AFP para bilhin ang katapatan ng mga upisyal at tauhan nito. Noong 2025, iniutos ni Marcos ang pagtataas sa alawans pampagkain ng mga sundalo mula ₱150 tungong ₱350. Isiningit ang badyet para rito sa pulong ng bicameral committee noong 2024 matapos magreklamo ang hepe ng AFP na si Romeo Brawner na “kulang” ang alawans ng mga sundalo. Personal pang tinawagan nina noo’y House Speaker Martin Romualdez at noo’y tagapangulo ng komite sa badyet na si Zaldy Co si Brawner para ipaabot sa kanya na naisingit na sa badyet ang para sa kanyang mga tauhan. Walang katulad na pagtaas sa alawans ng ibang kawani ng gubyerno sa kabila ng magkaparehong mga hinaing at reklamo.

Noong Disyembre 2025, naglabas ng isa pang kautusang ehekutibo si Marcos para itaas nang 15% ang batayang sweldo ng mga sundalo at iba pang unipormadong tauhan ngayong 2026-2028. Ginawa niya ang anunsyo matapos nabunyag na nagkaroon ng panawagan sa loob ng AFP na patalsikin siya sa isang kudeta sa gitna ng matinding galit ng mamamayan sa isyu ng korapsyon.

Sa badyet para sa 2026, naglaan si Marcos ng ₱50 bilyong pondo para sa “modernisasyon” ng AFP na kukunin sa pondo para sa unprogrammed appropriations, ang sarili niyang pork barrel. Dagdag ito sa pondo para sa “modernisasyon” na nalimos niya sa US kapalit ng pagbabase ng mga tropang Amerikano sa bansa na pagyurak sa pambansang soberanya.

Kabulukan ng AFP, litaw sa gitna ng girian ng naghaharing mga pangkatin