Pagpapalayas at demolisyon sa mga magsasaka at maralitang-lunsod
Sunud-sunod ang pagpapalayas sa mga magsasaka at demolisyon sa maralitang-lunsod ng mga mang-aagaw ng lupa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa Zambales, hindi bababa sa 22 magsasaka at kanilang pamilya ang napalayas dahil sa demolisyon at pang-aagaw ng lupa sa Purok 3, Barangay Balaybay, Castillejos noong Pebrero 23. Ayon sa mga magsasaka, mayroon silang hawak na Certificate of Land Ownership Award mula sa Department of Agrarian Reform para sa 21 ektaryang lupang inaagaw. Matapos ang pagsabog ng bulkang Pinatubo noong 1991, inianunsyo rin ng noo’y gobernador ng Zambales na iginagawad sa kanila ang lupain. Mula pa 1934, nililinang na ng kanilang angkan ang naturang lupa.
Sa Davao City, 600 pamilya ang nawalan ng bahay nang gibain ang kanilang komunidad sa Arroyo Compound, Golden Valley, Matina Crossing noong Pebrero 27. Maraming residente ang napilitang wasakin ang sariling bahay para isalba ang mga materyales at kanilang kagamitan. Isinagawa ang demolisyon sa kabila ng kawalan ng matinong plano para sa relokasyon ng lokal na gubyerno ng Davao City. Wala ring inialok na kumpensasyon sa mga sisiraing bahay ang kumpanyang umangkin sa lupa.
Sa Taguig City, naglunsad ng kilos-protesta ang mga residente ng Panday Creekside, Barangay Palingon-Tipas sa harap ng city hall noong Pebrero 23 para tutulan ang bantang demolisyon sa kanilang komunidad. Nanawagan sila sa lokal na gubyerno na irespeto ang kanilang karapatan sa katiyakan sa paninirahan sa Panday Creekside.
Noong Marso 5, nabalot ng pangamba ang komunidad sa loob ng SPD Compound, Western Bicutan nang biglang sumugod dito ang 150 tauhan ng Philippine Navy na may kasamang pulis at mga upisyal ng barangay. Napag-alaman ng mga residente na balak magtayo ng AFP ng baraks para sa Navy sa compound. Nasa 400 pamilya o 2,500 residente ang mapapalayas, karamihan apat na dekada na sa lugar.