Tinig at tindig ng mga mag-aaral kontra taas-matrikula at ibang bayarin

,

Aktibong nagpapahayag ng pagtutol ang mga konseho ng mag-aaral mula sa mga pribadong unibersidad sa buong bansa laban sa mga panukalang pagtaas ng matrikula at ibang bayarin (tuition and other fees increase o TOFI) sa akademikong taon ng 2026-2027. Naglunsad sila ng mga sarbey, pananaliksik, petisyon, dayalogo, protesta at sama-samang pagkilos kasama ang mga estudyante sa loob ng mga kampus.

Pinangunahan ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) ang kampanya kontra TOFI sa pambansang saklaw. Noong Enero, inilatag ng grupo ang 5-puntong kahingian: 0% TOFI, pagpapatupad ng moratoryum sa TOFI, pagbasura sa iba pang bayarin, transparency o pagbubukas ng pinansya ng mga unibersidad at mas mataas na badyet sa pampublikong edukasyon.

Binatikos ng NUSP ang paulit-ulit na pangangatwiran ng mga unibersidad para sa TOFI kabilang ang tumataas na gastos sa edukasyon, pagpapaunlad sa mga pasilidad, at mas mataas na sweldo para sa mga guro at kawani. Anang grupo, sa kasaysayan ng sunud-sunod na mga taas-matrikula ay hindi naman nakatatamasa ng mas maayos na serbisyo sa kampus ang mga estudyante at hindi rin tumataas ang sahod ng mga guro at kawani.

Sa Cordillera, tumindig ang mga estudyante at konseho ng mag-aaral sa panukalang TOFI sa Saint Louis University (SLU), University of Baguio (UB) at University of the Cordilleras. Noong Pebrero 27, nagprotesta ang mga estudyante ng SLU at natulak ang administrasyon na pababain ang unang panukalang 6.5% na pagtaas sa ibang bayarin tungong 5.5% pagtaas habang walang panukala para sa matrikula. Nakakuha rin sila ng pirma at suporta sa manipesto mula sa 46 organisasyon at mahigit 1,200 estudyante.

Sa araw ding iyon, kumilos ang mga estudyante ng UB laban sa panukalang 10% TOFI ng administrasyon. Nakakalap ng suporta sa petisyon kontra TOFI sa unibersidad mula sa 11 organisasyon at 273 estudyante. Nakipagdayalogo rin ang mga konseho ng mag-aaral mula sa SLU at UB sa CHED-Cordillera Administrative Region noong Pebrero 26.

Sa Metro Manila, naipanalo ng mga estudyante ng De La Salle Unviversity (DLSU) at University of the East ang laban kontra TOFI. Inianunsyo ng parehong unibersidad na hindi ito magpapatupad ng TOFI. Ibinunga ito ng walang tigil na kampanya at pagkilos ng mga estudyante, konseho ng mag-aaral at mga progresibong grupo mula pa noong 2025.

Sa Cavite, naitulak ng mga estudyante ng DLSU-Dasmariñas ang administrasyon na huwag magpanukala ng pagtaas sa matrikula habang magkakaroon pa ng bagong konsultasyon para sa posibleng pagtaas ng ibang bayarin sa unibersidad.

Sa Cebu, tumutol sa TOFI ang mga estudyante ng University of San Carlos at Cebu Institute of Technology-University (CIT-U). Noong Pebrero 25, naglunsad ng marsta sa kampus sa Talamban ang mga taga-USC laban sa 6.7% TOFI. Sa halip na pakinggan at magsagawa ng dayalogo, hinaras at tinangkang pigilin ang protesta. Samantala sa CIT-U, ipinatawag at binantaan ng suspensyon ang mga estudyanteng nanguna at pumirma sa manipesto kontra TOFI.

Taun-taon tuwing Pebrero, tumatanggap ang Commission on Higher Education (CHED) ng mga petisyon para sa panukalang TOFI. Ang “karapatan” na ito para magtaas ng singil ay alinsunod sa CHED Memorandum Order No. 03 Series of 2012. Noong Pebrero 28, upisyal nang nagtapos ang yugto ng “konsultasyon” bilang bahagi ng proseso ng pagtaas ng singil. Nasa kamay na ngayon ng CHED ang mga aplikasyon at ang desisyon kung pahihintulutan nito ang TOFI—na sa kasaysayan ay pikit-matang pinapayagan nito.

Sa kabila ng mga “ligal na rekisito” para sa “konsultasyon,” maraming unibersidad ang hindi sumusunod dito. Kaugnay nito, nanawagan ang NUSP sa mga konseho at estudyante na ilantad ang naging proseso ng konsultasyon—pandaraya, pambabraso, limitadong pagpapadalo, o tahasang pagbalewala dito. Hinimok rin sila ng grupo na magpadala ng petisyon sa CHED para umapela laban sa TOFI bilang bahagi ng kasunod na yugto ng proseso.

Sa harap ng higit pang tumataas na presyo ng batayang mga bilihin, makatwirang labanan ng mga estudyante at kanilang magulang ang dagdag na matrikula at ibang bayarin. Sa kasalukuyan, nasa abereyds na ₱130,000 ang kinakailangan kada taon para makapagpa-aral ang isang estudyante sa kolehiyo. May mga tayang umaabot sa ₱2 milyon ang kailangang gastusin para makatapos sa isang 4-taong kurso sa kolehiyo sa mayor na mga unibersidad ng bansa.

Tinig at tindig ng mga mag-aaral kontra taas-matrikula at ibang bayarin