Mga proyektong wind farm sa Rizal at Samar, tinutulan
Nagbuklod ang mga residente ng ilang bayan sa Rizal at sa Samar para tutulan ang pagtatayo ng mga windmill farms sa kanilang prubinsya. Ang mga proyektong ito ay itinutulak ng Vena Energy, kumpanyang nakabase sa Singapore, isa sa pinakamalaking korporasyon sa “renewable energy” sa buong rehiyong Asia Pacific.
Sa Rizal, nagprotesta ang mga residente ng Talim Island, isang isla sa gitna ng Laguna de Bay, noong Pebrero 28 para ipatigil ang pagtatayo ng Talim Wind Power Project sa isla. Anila, dapat agarang ipahinto ang proyekto dahil nagdudulot ito ng matinding pagbaha at pagguho ng lupa bunga ng pagkasira sa kalikasan at kabundukan. Nasa likod ng proyektong windmill ang Island Wind Energy Corporation (IWEC), subsidyaryo ng Vena Energy.
Ayon sa mga residente, nagsimula noong 2025 ang konstruksyon ng proyekto sa kabundukan ng isla. Dalawang taon bago nito, sinimulan ang pagpuputol ng mga punong kahoy bilang paghahanda para sa konstruksyon. Naglabas ng manipesto ng pagtutol ang mga residente ng isla sa pangunguna ng grupong Kasama sa Pangangalaga ng Isla Talim o Kapit sa Talim.
Sa Samar, napigilan ng mga residente ng Calbayog City ang tangkang pagpapatayo ng Vena Energy ng mga windmill sa loob ng Calbayog Pan-as-Hayiban Protected Landscape (CPHPL), isang watershed area na pinagkukunan ng inuming tubig ng syudad.
Noong Pebrero 24, inanunsyo ng kumpanya na hindi na ito magtatayo ng anumang istruktura tulad ng windmill sa loob ng CPHPL. Kasunod ito ng anim na buwang tuluy-tuloy na paggigiit ng mga residente sa kumpanya at lokal na gubyerno dahil sa mapaminsalang epekto ng proyekto sa kanilang kabuhayan at kapaligiran. Kabilang dito ang petisyon na pinirmahan ng libu-libong residente ng lungsod.
Gayumpaman, pumayag pa rin ang lokal na gubyerno na ikalat na lamang ang mga windmill sa mga baryo na saklaw ng mga distrito ng Tinambacan at Oquendo. Nagsimula nang magpapirma ang kumpanya ng “certificate of no objection” (sertipiko ng hindi pagtutol) sa mga barangay na nakatakdang maapektuhan ng proyekto. Sa harap nito, nanawaganan ang mga grupo sa mamamayan na maging mapagbantay sa mga tangka ng Vena Energy na sirain ang mga puno at tanim na pinagkukunan ng hanapbuhay ng mamamayan.