Galit at paghihiganti, tugon ng mamamayan ng Iran sa agresyong US-Israel

,

Nagpupuyos sa galit ang mga mamamayan sa Iran at Middle East sa pambobomba ng US-Israel sa Iran na pumatay ng maraming sibilyan at nagwasak ng mga imprastruktura. Isa sa pinakaikinagalit nila ang sadya at dalawang ulit na pambobomba sa isang eskwelahan noong Pebrero 28 na pumatay ng 175, karamihan mga batang babae edad 7-12.

Noong Marso 3, daan-daanlibong Iranian ang lumahok sa prusisyon sa Tehran para ilibing ang mga batang babae. Sa gitna ng kanilang pagdadalamhati, kinundena nila ang mga pambobomba ng US at ipinagluksa ang pagkamatay ng kanilang lider na si Ali Khamenei. Ipinanawagan nila ang kamatayan para sa imperyalismong US at Zionistang Israel. Panatsa nilang ipaghihiganti ang pagpatay sa kanilang mga lider at kababayan. Nagkaroon ng katulad na mga pagkilos sa mga prubinsya labas sa Tehran.

Pinabulaanan ng protestang ito ang ipinalalaganap ng imperyalismong US at mga galamay nito sa internasyunal na midya (pati ng lokal na midya sa Pilipinas) na kasinungalingang “nagdiriwang” ang mga Iranian sa pag-atake sa kanilang gubyerno.

Marami sa mga mamamayan sa rehiyon ang galit sa US-Israel at matatag na naninindigan para sa soberanya ng Iran. Nagkaroon ng mga pagkilos sa harap o malapit sa embahada ng US sa Iraq, Yemen, Jordan, Turkey, Oman at Kuwait. May mga protesta na kumukundena sa mga pamboboma ng US sa India, Pakistan, Japan, at South Korea. May katulad na mga protesta sa US, Venezuela at mga bansa sa Europe.

Sa Lebanon, aktibong dumedepensa ang armadong grupong Hezbollah laban sa panibagong serye ng pambobomba ng Israel sa katimugang bahagi nito at sa Beirut.

Sa Pilipinas, nagmartsa tungong emabahada ng US sa Maynila ang mga progresibong grupo sa pangunguna ng Bayan noong Marso 3. Kinundena nila ang gerang agresyon ng US-Israel sa Iran at ipinanawagan ang pagpapalayas ng mga base militar ng US sa Pilipinas. Isang araw bago nito, naglunsad ng protesta bilang pakikiisa sa mamamayan ng Iran ang mga grupong pambansa-demokratiko sa Boy Scout Circle sa Quezon City. Nagpunta rin sila sa Iran Embassy sa Makati City noong Marso 5 para ipaabot sa ambasador ang kanilang pakikiramay sa mamamayang Iranian.

Galit at paghihiganti, tugon ng mamamayan ng Iran sa agresyong US-Israel