Editoryal

Tuligsain at labanan ang imperyalistang pagsalakay ng US sa Iran

, ,

Mariing tinutuligsa ng rebolusyonaryong mamamayang Pilipino ang imperyalismong US at ang Zionistang estado ng Israel sa walang-habas na pambobomba sa Iran na sinimulan noong Pebrero 28. Ito ay tahasang pagyurak sa kasarinlan ng isang nagsasariling bansa, at garapalang paglabag sa umiiral na internasyunal na batas. Ito na ang ikalawang pagsalakay ng US at Israel sa bansa mula Hulyo 2025, sa utos ng kapwa pasistang hibang na sina Donald Trump ng US at Benjamin Netanyahu ng Israel.

Gamit ang mga asintadong misayl, isinagawa ang asasinasyon sa pinuno at ilampung upisyal ng gubyerno ng Iran. Binomba ang mababang paaralan sa lungsod ng Minab na ikinasawi ng mahigit 160 batang estudyanteng bababe. Pinuntirya ang mga istrukturang plantang nukleyar, gayundin ang mga gusali ng gubyernong sibilyan, mga ospital, at maging mga pinangangalagaang pangkasaysayang lugar. Mahigit 1,000 Iranian na ang iniulat na napatay sa unang limang araw ng oras-oras na pambobomba, na mistulang salamin ng karumal-dumal na pagdurog ng Israel sa Gaza at henosidyo sa mamamayang Palestino.

Nasa Iran ang buong karapatan na ipagtanggol ang sarili nito laban sa pagsalakay ng US at Israel. Nagpalipad ito ng sariling mga misayl na umasinta sa mga base militar ng US sa Saudi Arabia, Kuwait, UAE, Bahrain at iba pang bansa sa Middle East, at laban sa iba’t ibang pasilidad sa Israel.

Ang pagkalat ng apoy ng armadong sigalot ang sadyang bunga ng imperyalistang agresyon. Lalo pa ito ngayong pinalawak ng US nang binomba at pinalubog sa baybayin ng Sri Lanka ang isang di armadong barkong nabal ng Iran na bisita sa mga ehersisyong nabal na pinasinayaan ng India, mahigit 3,200 kilometro ang layo sa Iran. Naghahambog si Trump na hawak ng US ang napakalaking arsenal na aniya’y sapat para sa gerang “walang katapusan.” Binomba at nilusob din ng mga tropang Israeli ang Lebanon at pinalayas ang mamamayan sa mahigit 50 bayan, sa layuning sakupin ang katimugang bahagi ng bansa.

Asal-bwitre ang mga monopolyo kapitalista, laluna ang malalaking kumpanya sa langis, na sinamantala ang gera para isirit ang presyo ng krudo at repinadong langis. Higit na malalang krisis ang lilikhain nito, laluna sa mga atrasadong bansa tulad ng Pilipinas. Pinangangambahan ng mahigit dalawang milyong Pilipinong migrante sa Middle East na kumalat at magtagal ang gera. Ilanlibo ang piniling umuwi kahit walang kabuhayang naghihintay.

Walang anumang buladas ang makapagbibigay-matwid sa walang pakundangang paghahasik ng malawak na terorismo ng US at Israel sa Iran. Sinimulan ito ng US na walang hawak na ebidensya sa paratang na ang Iran ay “gumagawa ng sandatang nukleyar.” Katulad ito ng huwad na “sandata ng malawakang pagpuksa” na dahilan sa paglusob ng US sa Iraq noong 2003. Katulad din ng inimbento ni Trump na isang “narco-terrorist state” ang gubyerno ng Venezuela nang nilusob at binomba ito noong Enero 3, at dinukot ang presidente nitong si Nicolas Maduro at asawa niyang si Cilia Flores.

Umaastang maton ang imperyalismong US na handang salakayin ang alinmang bansang hindi susunod sa kanyang mga dikta. Ipinagmamalaki at iwinawasiwas nito ang “pinakamakapangyarihang pwersang militar sa buong mundo” para paluhurin ang lahat sa kanyang paghahari-harian. Inilalantad nito na malaking kabulastugan ang matagal nang ibinabalandrang “rules-based order” para gipitin ang iba’t ibang bansang karibal nito. Ang totoo, hindi magpapapigil ang imperyalismong US sa anumang internasyunal na batas o alituntuning hindi tugma sa kanyang interes sa ekonomya at heyopulitika.

Sa walang habas na paglusob sa Iran, malinaw na pakay ng imperyalismong US na agawin ang kontrol sa mayamang rekursong langis nito, na ikatlo sa pinakamalaki sa buong mundo. Nais ni Trump na durugin ang gubyerno ng Iran na tumatangging yumuko sa kagustuhan ng mga monopolyo kapitalistang Amerikano. Nais ng US na ipataw ang kanyang kapangyarihan sa Iran at sa buong Middle East.

Ang buhong na pagsalakay ng US sa Iran ay salamin ng tumitinding tunggalian ng mga imperyalistang kapangyarihan. Pagsiko ito ng US sa karibal na China, na pangunahing bumibili ng langis ng Iran. Bahagi ito ng tulak ng imperyalismong US na baguhin ang kaayusan sa mundo upang palakihin ang yaman at rekursong tuwirang hawak nito. Sa gitna ng di malutas na krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, ginagatungan ng US ang mga imperyalistang tunggalian at pinapaypayan ang mga gera sa iba’t ibang panig ng mundo.

Dapat suportahan ang mamamayan ng Iran sa pagtatanggol ng kanilang kalayaan at karapatan sa pambansang pagpapasya. Manawagan sa mga manggagawa at mamamayang Amerikano at Israeli na labanan at ibagsak ang mga hibang na pasistang sina Trump at Netanyahu. Makipagkaisa sa mamamayan ng Palestine, Lebanon, Venezuela, Cuba, North Korea, Nicaragua at iba pang bansang ginigipit ng US. Buuin ang pinakamalawak na nagkakaisang prente laban sa imperyalistang gera.

Ilantad at labanan ang operasyong disimpormasyon ng US na bumibiktima sa sambayanang Pilipino. Iwaksi ang mga kasinungalingan nina Trump at Netanyahu. Dapat manindigan ang sambayanang Pilipino laban sa panghihimasok militar ng US sa Pilipinas at tutulan ang paggamit sa bansa para sa pananalakay at panggegera. Palakasin ang sigaw para lansagin ang mga base militar at pasilidad ng US sa ilalim ng EDCA, palayasin ang mga tropang Amerikano sa bansa, alisin ang mga sandatang iniimbak nito, at wakasan ang mapang-upat at mapangwasak na mga war exercises.

Dapat ipaglaban ng sambayanang Pilipino ang tunay na kalayaan mula sa kontrol at panghihimasok ng US. Ang paghahari at pandarambong ng US sa Pilipinas, kasabwat ang mga lokal na naghaharing uri at gamit ang AFP bilang instrumento ng panunupil, ang pangunahing sagka sa pag-unlad ng Pilipinas at dahilan ng paghihirap ng malawak na masa ng sambayanan.

Dapat isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan pangunahin ng armadong pakikibaka para wakasan ang paghahari ng imperyalismong US at ng mga papet nito sa Pilipinas. Sa pagtatagumpay ng matagalang digmang bayan, maitaitayo ang gubyernong magtataguyod sa pambansang kalayaan. Ito ang pangunahing ambag ng sambayanang Pilipino sa pakikibaka para wakasan ang imperyalistang gera at pang-aapi sa buong daigdig.

Tuligsain at labanan ang imperyalistang pagsalakay ng US sa Iran