Pandarambong ng mga burukrata-kapitalista at lokal at dayuhang korporasyon sa Bicol

,

Kasalukuyang nahaharap ang masang Bikolnon sa kaliwa’t kanang pandarambong at pang-aagaw ng lupa ng mga lokal na burukrata-kapitalista, panginoong maylupa at dayuhang korporasyon para sa ekoturismo, pagmimina, renewable energy at kumbersyon ng lupa. Dahil dito, libu-libong magsasaka at mangingisda ang humaharap sa banta ng pagpapalayas at pang-aagaw ng kabuhayan sa buong rehiyon.

Gamit ang pusisyon sa lokal na gubyerno at kaban ng bayan, mabilis na nagkamal ng lupa, negosyo, at rekurso ang mga burukratang kapitalista, na mga panginoong maylupa rin tulad ng mga angkan ng Escudero, Hamor, Co, Salceda, Villafuerte, Alsua, Mitra, Cua at Kho. Sangkot din sila sa mga maaanomalyang proyekto sa imprastruktura sa kanilang nasasakupan at iba pang rehiyon, sa pamamagitan ng pagmamay-ari o pakikisosyo sa mga kumpanya sa konstruksyon.

Pinalaganap, pinasaklaw at pinamadali ang pagpapalit-gamit ng mga lupang pang-agrikultura tungo sa residensyal, komersyal, at industriyal na gamit upang palabasing umuunlad ang rehiyon. Dumami rin ang mga resort na pagmamay-ari o pinopondohan ng mga lokal na burukrata. Sa ngalan ng ekoturismo at mga proyektong renewable energy, inilalako nila ang likas na yaman ng Bicol sa mga dayuhan at burgesyang kumprador.

Naisasagawa ang pangangamkam ng lupa sa Bicol sa tulong ng mga ahensya ng gubyerno tulad ng Department of Agrarian Reform, Department of Environment and Natural Resources, Department of Agriculture at mga lokal na pamahalaan, habang pinuprotektahan ang mga operasyon at proyekto ng militar at pulis.

Pangangamkam ng lupa ng mga magsasaka

Hindi bababa sa 11 kumpanya ang may operasyong mina sa Camarines Norte. Kabilang dito ang Mt. Labo Exploration and Development Corp. (MLEDC) at Galeo Equipment Corp. Ang MLEDC ay nagmimina ng tanso at ginto sa 3,482 ektarya sa Labo at may bagong aplikasyon para sa 2,980 ektarya sa Mt. Labo, na sumasaklaw sa watershed ng prubinsya. Ang kumpanya ay pagmamay-ari ng SRM Gold Inc (40% subsidiaryo ng RTG Mining Inc, kumpanyang nakabase sa Australia), at ng TVI Resources Dev. Phils. Inc. (60% nito ay kontrolado ng TVI Pacific Inc, kumpanyang nakabase sa Canada at 40% ng Prime Resource Holding Inc. ng pamilyang Villar).

Sa Camarines Sur, daan-daang magsasaka ang mapalalayas dahil sa pag-aangkin ng Wanderlust Land Development Corp. ni Luis Raymund Villafuerte, gubernador ng prubinsya, sa 1,014 ektaryang lupa sa Barangay San Ramon at Salvacion sa bayan ng Siruma. Samantala, sa Bula, 200 residente ng Barangay Fabrica at Pawili ang napipintong mapalayas dahil sa ng alitan sa lupa sa pagitan ni Conrado Colarina ng Ruby Shelters Builders and Development Corporation at ng pamilyang Tan, pawang mga hindi lehitimong residente sa lugar.

Sa Masbate, nagpapatuloy ang operasyon ng mina ng Filminera Resources Corp. (pinagsanib na negosyo ng B2Gold Corp. na mula sa Canada at Zoom Mineral Holdings) sa Aroroy. Pinalalawak pa ito sa 1,755 ektaryang bulubundukin sa bayan ng Mobo, Milagros at Uson. Pinapailalim sa batas militar ang mga komunidad sa palibot ng minahan upang pigilan ang paglaban ng mga residente.

Noong 2023, pinalayas ni Gubernador Antonio Kho ang 94 pamilya ng magsasaka sa mga barangay ng Cabungahan, Calapayan at Villaluna sa bayan ng Cawayan at inangkin ang mga lupain sa Pio V. Corpuz, Placer, at Cataingan para sa kanyang interes sa rantso, ekoturismo, at pagmimina.

Higit 21,000 residente rin ang mapalalayas dahil sa planong Masbate International Tourism and Economic Zone ng Empark Land Development Inc.sa mga bayan ng Dimasalang at Palanas.

Sa Albay, binakuran at inangkin ng Sunwest Corp ng pamilyang Co ang lupain sa paanan ng Mayon Volcano, habang daan-daang mag-aalimango at mangingisda ang naapektuhan ang hanapbuhay dahil sa coastal road project at reklamasyon sa bayan ng Gubat sa Sorsogon.

Mapanirang proyektong renewable energy

Simula 2022, naitala ang hindi bababa sa 77 proyektong renewable energy (solar, wind at geothermal) ang nakaplano at kasalukuyang itinatayo sa buong rehiyon. Pinakamarami ang sa Camarines Sur na mayroong 27 proyekto, kasunod ang Camarines Norte na may 21. Ilan sa pinakamalaki at pinakamapinsala sa kabuhayan ng mamamayang Bikolnon ang dalawang offshore windfarm sa San Miguel Bay sa Camarines Sur, na pagmamay-ari ng Copenhagen Infrastructure New Market Fund Corp. (kumpanyang nakabase sa Denmark) at ACEN Corp. ng Ayala Group; at ng Nexif Ratch Energy (kumpanyang nakabase sa Singapore at Thailand). Tinatayang nasa 5,000 hanggang 6,000 mangingisda ang mawawalan ng hanapbuhay dahil sa proyekto.

Ilan sa mga proyekto sa rehiyon ay pagmamay-ari ng mga burgesyang kumprador na mga Sy, Villar, Consunji, Aboitiz, Ang at Lopez, habang ang ilan sa mga kumpanya ay nakabase sa China, Israel, Singapore, Thailand, Denmark at Australia.

Pandarambong ng mga burukrata-kapitalista at lokal at dayuhang korporasyon sa Bicol