Magsasaka sa Samar, napatay sa pamamaril ng 3rd IB

,

Napatay ng mga sundalo ng 3rd IB sa walang patumanggang pamamaril ang magsasakang si Jaime Pabillar, 44 taong gulang, sa Barangay Cagtoto-og, San Jorge, Samar noong Pebrero 2. Si Pabillar ay nasa loob ng kanyang bahay kasama ang asawa, anak at apo nang paulanan ng bala ang mga sundalo.

Pinabulaanan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command) ang paratang ng 3rd IB na si Pabillar ay isang Pulang mandirigma. Inilinaw ng hukbong bayan na si Pabillar ay isang sibilyan na nasa loob ng bahay na pansamantalang tinuluyan ng yunit ng BHB. Nasa baryo ang hukbo upang mag-imbestiga sa kalagayan ng mga residente na sinasalanta ng pag-ulan at militarisasyon.

Nang nagpaputok ang 3rd IB sa dirkesyon ng bahay, hindi gumanti ng putok ang mga Pulang mandirigma at mabilis na tumakas. Pagsisikap ito ng yunit na ilayo sa kapahamakan ang masang nagpatuloy sa kanila sa bahay.

Sa Barangay Bay-ang, pinagbabaril ng 52nd IB ang tatlong magsasaka noong Pebrero 20. Matapos nito, sinaktan sila, hinalungkat ang mga gamit at isinailalim sa interogasyon. Pinagbantaan silang huwag magsusumbong. Kasunod ito ng panganganyon at hiwalay na insidente ng pang-iistraping sa mga kalapit na barangay noong Pebrero 16.

Magsasaka sa Samar, napatay sa pamamaril ng 3rd IB