Pananagutan, panawagan sa pagguho ng tambakan sa Rizal
Hustisya at pananagutan ang panawagan ng mga progresibong grupo at residente ng Rodriguez, Rizal para sa mga namatay, nawawala at nasaktan sa pagguho ng tambakan ng basura sa Barangay San Isidro noong Pebrero 20.
Gumuho ang tinatayang 420,000 metriko kubiko ng basura sa Phase 5 ng Rizal Provincial Sanitary Landfill na sumasaklaw sa anim na ektaryang lupa. Ang tambakan ay pinatatakbo ng Green Leap Solid Waste Management, Inc, subsidyaryo ng International Solid Waste Integrated Management Specialist Inc.
Ayon sa mga residente, hindi bababa sa 100 katao ang naapektuhan ng pagguho, 50 sa kanila ay naiulat na nawawala at isa ang kumpirmadong namatay. Kinundena ng mga residente ang tahasang cover-up ng kumpanya at lokal na gubyerno na ipinagpipilitang dalawa lamang ang nawawala at isa ang namatay. Nanawagan sila ng imbestigasyon para matukoy ang dahilan ng pagguho at kung sino ang mayroong pananagutan dito. Hiling din nila ang makatarungang suporta ng gubyerno sa mga naapektuhan ng pagguho.
Noong Pebrero 22, nagpunta sa tambakan ang Kadamay at iba pang progresibong grupo para maglunsad ng protesta at magtirik ng kandila. Ilang araw makalipas, naghain ng resolusyon sa House of Representatives ang Makabayan Bloc para paimbestigahan ang insidente. Samantala, naglabas ng atas ang Department of Environment and Natural Resources para pansamantalang ipasara ang tambakan simula noong Pebrero 24.
Bago ang kamakailang insidente, naiulat na dito ang anim na beses na pagguho sa tambakan, sunog noong Abril 2025 at pana-panahong pagtagas at pagbaha ng leachate o nakalalasong likido mula sa tambakan.