Mga protesta kontra makinaryang pandigma ng US

,

Magkasunod na protesta ang inilunsad ng iba’t ibang grupo laban sa Balikatan at mga imperyalistang gera ng US sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Noong Abril 22, nagmartsa ang mga grupong pangkalikasan at iba pang organisasyon mula Taft Avenue, Manila patungo sa US Embassy bilang paggunita sa Earth Day. Kinundena nila ang rehimeng US-Marcos sa pagpasok nito sa “Pax Silica” at pinananagot ang US at Israel sa panggegera ng mga ito sa Middle East na nagdulot ng malubhang pinsala sa lipunan at kalikasan sa Asia.

Noong Abril 28, nagtungo rin sa embahada ng US ang mga estudyante at lider Moro sa ilalim ng Youth for Justice and Peace para ipanawagan ang pagtatapos ng gera ng US sa Iran. Panawagan nila ang pagbasura sa Enhanced Defense Cooperation Agreement na pinirmahan noong Abril 28, 2014.

Noong Abril 23, nagtipon ang mga organisasyon ng akademiko, progresibo, relihiyoso, mga alagad ng sining at iba pa para ilunsad ang Stop the US-Israel War in Iran Campaign Network. Isinagawa ito sa Bulwagang Tandang Sora sa University of the Philippines-Diliman, Quezon City. Itinayo ang network para magsilbing malawak na alyansa ng mga grupo at indibidwal na tutol sa gerang agresyon ng US sa Iran, Palestine at Lebanon. Itinatayo ang katulad na mga network sa antas ng rehiyon at lokalidad sa bansa.

Mga protesta kontra makinaryang pandigma ng US