4 na taktikal na opensiba, inilunsad ng BHB-Masbate
Pinagkumbinang operasyong haras, demolisyon at pamamarusa ang isinagawa ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate (Jose Rapsing Command) sa loob ng siyam na araw para bigwasan ang pinagsanib na pwersa ng militar, pulis at mga CAFGU.
Noong Marso 24, pinasabugan ng mga Pulang mandirigma ang detatsment ng CAFGU sa Barangay Manlut-od, Placer. Dalawa ang namatay at dalawa ang nasugatan sa mga pasista.
Noong Marso 22, isang operasyong haras ang inilunsad ng Pulang hukbo sa isa sa mga hedkwarters ng militar sa Barangay Estampar, Cataingan. Pinaputukan rin ng mga Pulang mandirigma ang tropa ng militar na nakahimpil sa Barangay San Vicente, Dimasalang noong Marso 15.
Noong Marso 17, pinaralisa ng BHB-Masbate ang isang mixer truck sa Barangay Santa Cruz, Placer na pag-aari ng isang kumpanya sa konstruksyon dahil sa paglabag sa panuntunan ng rebolusyonaryong kilusan.
Sa Bukidnon, pinatawan ng sangsyon ng BHB ang isang negosyanteng mangangamkam ng lupa sa Barangay Siloo, Malitbog noong Abril 5. Sinunog ng Pulang hukbo ang isang gusali at makina na ginagamit sa pagpuproseso ng kamoteng kahoy na tinatayang ₱3 milyon. Nakumpiska rin ng hukbo ang isang baril at dalawang radyo.
Aktibong depensa. Sa Camarines Sur, dalawang beses na nakapagtanggol ang BHB-West Camarines Sur (Norben Gruta Command) sa pag-atake ng mga sundalo ng 81st IB at 16th IB noong Pebrero 23 at 24 sa bayan ng Ragay. Hindi bababa sa 11 sundalo ang napatay at pito ang nasugatan. Nabuwal ang Pulang mandirigma na si Angelo “Ka Kim” San Diego.
Sa Negros Occidental, nakapagtanggol rin ang yunit ng BHB-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) laban sa pag-atake ng 79th IB noong Marso 18 sa Barangay General Luna, Toboso. Tatlong sundalo ang iniulat ng 79th IB na nasugatan sa labanan ngunit tinatayang mas marami pa ang napinsala.