NMESIS, gamit-militar ng US, itatambak sa Pilipinas

,

Sinalubong ng protesta ng mga progresibong grupo ang pagbisita sa Pilipinas ng bagong kalihim sa depensa ng US na si Peter Hegseth noong Marso 28. Nasa bansa si Hegseth hanggang Marso 29, para pulungin ang mga upisyal sa depensa at militar ng Pilipinas para itulak ang mapandigmang adyenda ng US sa Pilipinas at sa Asia.

Isa sa adyenda ni Hegseth ang pagtatambak ng mga gamit-militar ng US sa bansa, alinsunod sa ekstratehikong layunin nitong kubkubin ang China gamit ang first-island chain. Matapos ipwesto ang Typhon Missile System sa hilagang Pilipinas, balak naman ng US na ipwesto sa bansa ang NMESIS (Navy Marine Expeditionary Ship Interdiction System).

Ang NMESIS ay isang sistema ng misayl na anti-ship o pampasabog ng barko. Nakakarga ito sa isang unmanned ground vehicle (malaking trak) na tinatawag n ROGUE Fires Carrier at may kargang Naval Strike Missile (NSM). Ang mga NSM ay mga misayl na maaaring lumipad nang hanggang 185 kilometro na mga “stealth feature” para hindi ito matukoy. Ang sistemang ito ay ginagamit ng US Marine Corps para sa malayuan na mga atake laban sa mga barko mula sa lupa.

Kasabay ng NMESIS, magdedeploy ang US mga unmanned surface vessel na gagamitin ng US sa South China Sea. Pangkaraniwang maliliit at portable ang mga “drone” na pandagat na ito, at nakadisenyo para sa masungit na panahon sa karagatan at masisikip na daluyan ng tubig. Kargado ang mga ito ng mga sensor, kamera, sistemang ISR at sonar. Maaari itong direkta o hindi direktang kontrolin ng tao. Ginagamit ito para sa paniniktik, sarbeylans, rekorida at pagdidirehe ng trapik sa dagat.

Ang mga gamit na ito ay hahawakan ng binuong Littoral Rotational Force-Luzon ng 3rd Marine Littoral Regiment ng US. Tulad ng mga naunang “rotational force,” magiging pamalagian ang presensya nito sa karagatan at mga baybay ng Pilipinas, taliwas sa reaksyunaryong konstitusyon na nagbabawal sa presensya ng mga dayuhang tropa. “Ipakikilala” ang permanenteng pwersang ito sa darating na Balikatan 2025, kung saan mangunguna ito sa gagawing “full battle test” kung saan gagamitin ng US ang Pilipinas bilang lunsaran nito ng digma laban sa China.

NMESIS, gamit-militar ng US, itatambak sa Pilipinas