Sigaw ng mamamayang Amerikano kay Trump, “Hands off!”
Daan-daan libong mamamayang Amerikano, karamihan mga manggagawa, ang bumuhos sa mga lansangan at parke noong Abril 5 sa hindi bababa 50 estado sa US para kundenahin ang samutsaring anti-mamamayang mga patakaran ni Donald Trump at ng kanyang bilyunaryong tagapayo na si Elon Musk. Tinatayang umabot sa 250,000 ang lumahok sa 1,200 protesta at pagtitipon sa buong bansa.
Tinagurian ang mga aksyon bilang protestang “Hands Off!” (o Huwag mo kaming salingin!). Panawagan nilang itigil na nina Trump at Musk ang mga atake sa kanilang mga trabaho, karapatan at kagalingan. Isa sa pinakamalaking pagtitipon sa National Mall sa Washington DC, malapit sa White House, upisyal na tahanan at tanggapan ng presidente.
Inorganisa ang mga protesta ng mahigit 150 grupo, kabilang ang mga organisasyon sa karapatang sibil, mga unyon ng manggagawa, mga tagapagtaguyod ng LGBTQ+, mga beterano, at mga aktibista sa halalan. Ang mga kalahok ay nagpahayag ng pagkadismaya sa mga tangka ni Trump na paliitin ang pamahalaang pederal, pagsisante sa mahigit 200,000 trabaho sa gubyerno at malalaking pagbabawas sa mga panlipunang benepisyo.
Ipinahayag din ng mga nagprotesta ang kanilang pagkamuhi sa mga patakaran ni Trump tulad ng malakawakang deportasyon ng mga imigrante, pagbabawas sa pondo para sa edukasyon at kalusugan, at pag-aalis ng mga proteksyon para sa LGBTQ+. Mariin nilang kinundena ang papel ni Musk, ang pinakamalaking oligarko sa mundo, sa Department of Government Efficiency, na nagpatupad sa pagsisisante sa hindi bababa sa 30,000 empleyado ng gubyerno.
Sinasalamin ng mga protestang “Hands Off” ang matindi at malawak na galit ng paparaming Amerikano kay Trump, tatlong buwan pa lamang mula nang maupo siya sa White House sa pangalawang pagkakataon. Naglunsad rin ng mga protesta ang mga Amerikano na nasa labas ng US, tulad sa France, Germany, United Kingdom at Portugal.