Pangangamkam at pagpapalit-gamit ng lupa, nilabanan ng mga magsasaka ng Central Luzon
Noong Marso 24-28, nagtayo ng kampong protesta ang mga magsasaka mula sa Central Luzon sa harap ng Department of Agrarian Reform sa Quezon City para iparating ang mariin nilang pagtutol sa malawakang pagpapalit-gamit at pangangamkam ng lupa at pasismo ng estado sa rehiyon. Sa loob ng limang araw, pinangunahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang mga programa at talakayan, kasama ang kanilang mga tagasuporta mula sa iba’t ibang demokratikong sektor. Tinapos ang kampuhan sa pamamagitan ng paglahok sa protesta sa Liwasang Bonifacio para panagutin si Rodrigo Duterte sa kanyang mga krimen laban sa sangkatauhan. Sa huling gabi ng kampuhan, nagsindi sila ng mga kandila para sa mga biktima ng hindi bababa sa 22 masaker sa hanay ng mga magsasaka ng rehimeng Duterte, kasabay ng mga biktima nito sa huwad na gera sa droga.
Tinatawag na Kamalig ng Bigas ng Pilipinas ang Central Luzon dahil sa mataas na produksyon nito ng bigas (20% sa buong bansa). Ito ang may pinakamalawak na erya para sa produksyon ng palay (705,078 ektarya) at may pinakamataas na ani na 5.13 metriko tonelada kada ektarya.
Sa nagdaang mga dekada, libu-libong ektarya ng mga palayan ang kinumbert para sa gamit residensyal, komersyal at industriyal. Pinupog rin ang rehiyon ng mga proyektong imprastruktura, karamihan malalawak na daan, na nagresulta sa pagpapalayas sa mga magsasaka at pagsira sa mga lupang sakahan. Sa datos ng estado, nabawasan nang hanggang 29% ang saklaw na erya ng mga sakahan sa rehiyon sa pagitan ng 1991 at 2012, sa tantos na halos 9,000 ektarya kada taon. Sa pagitan naman ng 2012 at 2022, dagdag na 82,269 ektarya pang mga sakahan ang nawala, katumbas ng 18.44% sa kabuuang lupang pang-agrikultura sa rehiyon.
Ayon sa KMP, tinatrato ng gubyerno ang Central Luzon bilang blangkong papel para sa imprastruktura at mga proyektong real estate. Binatikos nila ang pinsalang hatid sa kabuhayan at ekolohiya ng programang Build Better More (2023-2028) ng rehimeng Marcos, na pagpapatuloy sa Build, Build, Build (2017-2022) ng rehimeng Duterte. Labimpito sa pangkabuuang 149 “flagship project” nito ay nasa Central Luzon. Labindalawa sa mga ito ay imprastrukturang pangtransportasyon (paliparan at daan) at walo ay nasimulan na ng konstruksyon. Ang New Clark City, isang dambuhalang proyektong sumasaklaw ng halos 10,000 ektarya, ay hindi isinama sa pinangalanang mga “flagship project” kahit nasa proseso na ito ng implementasyon.
Alinsunod sa datos ng gubyerno noong 2022, nakalaan sa mga proyektong ito ang 99% ng ₱1.54 trilyong pamumuhunan na bumubuhos sa rehiyon. Ang 56% ng pamumuhunang ito ay dayuhang utang (tinaguriang “official development assistance” mula sa Japan) at 41% ay nakapailalim sa iskemang public-private partnership o sosyohan sa malalaking burgesyang komprador.
Dalawa sa “flagship project” ng rehimen ang Central Luzon Link Expressway (CLLEX) at North Luzon East Expressway (NLEE). Tulad sa naunang mga expressway, sumagasa ang mga ito sa mga palayan. Popondohan ng dayuhang pautang mula sa imperyalistang institusyong JICA ang parehong proyekto.
Sa pag-aaral ng KMP, umaabot sa 704 ektarya ng mga sakahan ang mawawala dahil sa mga proyektong ito. Mangangahulugan ito ng pagbagsak ng ani ng palay nang hanggang 4,641 metriko tonelda, katumbas ng 3,017 metriko toneladang bigas, kada taon. Ayon sa mga magsasaka, ang kabawasang ito ay sapat para pakainin ang itinuturing ng estado na “food poor” sa mga prubinsya ng Bataan, Pampanga at Aurora sa buong taon.
Isinapanganib din ng mga proyektong ito ang natitirang sakahan sa matatagal at madalas na pagbaha dahil nabawasan nito ang kapasidad ng lupa na sipsipin ang tubig-ulan.
Liban sa mga proyektong ito, nagsabwatan ang rehimeng Marcos at pinakamalalaking burges-kumprador para sa panibagong serye ng pagpapalit-gamit ng lupang pang-agrikultura sa rehiyon. Kabilang dito ang 290 ektaryang mga sakahan na lalatagan ng proyektong residensyal-industriyal na Crescendo ng Ayala Lanc Inc; mga sakahan sa tabi ng expressway na planong tayuan ng mga komersyal na tindahan ng SM Prime; at ang 200-ektarya sa Tarlac City na ikukumbert tungong “economic zone” ng Aboitiz Infracapital.
Ayon sa KMP, pagsusugal sa katiyakan sa pagkain ng bansa at pagsasapanganib ng milyun-milyong Pilipino sa mga sakuna ang pagpapahintulot sa mga korporasyon na hawanin ang mga lupang pang-agrikultura.