Koresponsal Pagiging doktor sa hukbong bayan

,

Sa loob ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), iba’t iba ang propesyon na natututunan ng mga Pulang mandirigma. Sa pagsusulong ng digma, gumaganap din sila bilang mga titser, abugado, artista, mang-aawit, nars o duktor at iba pang trabaho, lahat para sa interes ng masang api.

Ito ang natutunan ni Kasamang Sey, isang kabataang mandirigmang kasalukuyang kumikilos sa rehiyon ng Bicol. Mula pagkabata, pangarap na niyang maging duktor pero alam niyang hindi kaya ng kanyang mga magulang na pag-aralin siya ng medisina.

“Gasino naman ang dalawang ektaryang lupa sa limang magkakapatid na sa hirap ng buhay ay isang kahig, wala halos matuka,” aniya. Alam ni Ka Sey na “milyones” ang kailangan para makapag-aral at makapagtapos sa burges na paaralan. Literal lamang siyang “nakatuntong” sa kolehiyo dahil hindi kayang tustusan ng kanyang kakarampot na sahod mula sa    pagiging “working student” ang mga gastusin sa eskwela.

Hindi bago kay Ka Sey ang rebolusyonaryong kilusan. Aktibong mga kasapi ng Partido sa lokalidad ang kanyang mga magulang. Lumaki siyang madalas nilang nakakasalamuha ang mga kasama.

“Nabighani” siya sa BHB, dahilan ng kanyang pagsapi sa hukbong bayan. “Iba talaga ang dating ng NPA s’akin. Sa tuwing pumupunta ako sa kanila at kapag umuwi na ako sa bahay parang may kulang sa akin,” aniya. “Parang love at first sight.”

Sa loob ng hukbo, unti-unting niyang napalalim ang kanyang pag unawa sa mga bagay-bagay. Kasama ang kapwa niya mandirigma, pinag-aralan niya ang lipunan at rebolusyon, nangahas isapraktika ang mga natutunan sa mga ito.

“Pero ang pinaka-eksayting, dito pwede ko palang ituloy ang pangarap ko—ang maging doktor!” ani Ka Sey.

Kamakailan, nagtapos siya, kasama ang 11 pa mula sa iba’t ibang yunit ng BHB-Bicol, ng pagsasanay medikal na inilunsad sa isang larangang gerilya ng Norben Gruta Command. Malaking tagumpay ito sa pagsulong ng rebolusyonaryong gawain. Inihanda nito ang mga Pulang mandirigma para magbigay ng libreng serbisyong medikal sa masang magsasaka.

Sa kanyang pagtatapos, naging ganap nang kombat medik si Ka Sey.

Pagiging doktor sa hukbong bayan