Laban ng mga guro para sa karapatan at kagalingan, sumusulong sa mga unibersidad
Nagkakaisang lumalaban ang mga guro at empleyado ng mga pribado at pampublikong unibersidad para itaguyod ang kanilang mga karapatan at kagalingan. Sa pamamagitan ng pakikipagnegosasyon para sa kanilang collective bargaining agreemement (CBA), ipinaglalaban ng mga unyon ng mga guro ang makatarungang sweldo, mga benepisyo at iba pang karapatan.
Noong Marso 25, nagtungo sa upisina ng National Conciliation and Mediation Board (NCMB) ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Intramuros sa Maynila ang University of Santo Tomas Faculty Union (USTFU) para magsampa ng notice of strike. Nagdesisyon ang unyon na isampa ito matapos ang higit isang taong hindi pagkakasundo sa administrasyon sa usapin ng CBA para sa 2021-2026.
Nagdeklara ang unyon ng deadlock noong Marso 14 dahil sa hindi katanggap-tanggap na mga alok ng administrasyon. Kabilang sa iginigiit ng USTFU ang 100% benepisyo sa kalusugan para sa lahat ng kasapi ng unyon, mas mataas na badyet para sa mga promosyon, at iba pang benepisyo.
Naglunsad ng gabi ng panalangin at pakikiisa ang USTFU sa kampus noong Marso 26, isang araw matapos magsampa ng pabatid sa welga. Dumalo at nakiisa sa kanilang pagkilos ang mga kasapi ng Ugnayan ng mga Nagkakaisang Manggagawa ng UST Hospital at mga kabataang Tomasino.
Sa Lyceum of the Philippines University (LPU), nagdesisyon na rin ang Lyceum Faculty Association (LFA) na magsampa ng notice of strike noong Marso 26 dahil sa deadlock sa negosasyon para sa CBA. Iginigiit ng LFA sa CBA ang dagdag sahod, alawans, at pagpapatanggal ng sapilitang pagreretiro matapos ang 20 taong serbisyo ng mga guro.
Liban sa UST at LPU, kasalukuyan ring gumugulong ang negosasyon ng mga unyon ng kaguruan sa Siliman University at Centro Escolar University.
Samantala, napaatras ng mga empleyado ng Benguet State University (BSU) na nakapailalim sa sistemang Job Order (JO) at Contract of Service (COS) ang isang hindi makatarungang kasunduan na ipinipilit sa kanila ng administrasyon. Noong Marso 24, pinilit ng BSU ang mga JO/COS na pumaloob sa kasunduan na nagsasaad na makatatanggap lamang sila ng sweldo sa panahong mayroong sapat na pondo ang unibersidad.
Bago pa ang kontrobersyal na kontrata, pamalagian nang naaantala ang sweldo ng mga kontrakwal. Ayon sa mga ulat, hindi pa nila natatanggap ang sweldo para sa Pebrero habang may ilang hindi pa nakatatanggap ng para sa Enero.
Sa pagkakalantad ng kanilang kalagayan sa publiko, napilitan ang BSU na maglabas ng pahayag at paglilinaw hinggil dito. Nagdahilan ang administrasyoon ng unibersidad na sadyang kulang sa kasalukuyan ang pondo ngunit tiyak umanong babayaran nila ang mga JO/COS.
Sa mga laban at pakikibakang ito ng mga guro, nagpahayag ng buong suporta sa kanila ang Alliance of Concerned Teachers at mga balangay nito.