Makibaka para lumaya ang Pilipinas sa kontrol militar ng US

, ,

Pinaiinit nang pinaiinit ngayon ng imperyalismong US ang hidwaang imperyalista sa buong mundo. Idineklara kamakailan ng imperyalistang gubyerno ng US ang tinagurian nitong “deterrence strategy” o “estratehiya ng pagsagka” laban sa “agresyon ng China” sa South China Sea, para diumano “kamtin ang kapayapaan sa pamamagitan ng lakas” at “iwasan ang gera.”

Ang deklarasyon ay ginawa ni Defense Sec. Pete Hegseth ng US nang bumisita sa Pilipinas noong huling linggo ng Marso. Hindi mapigilan ang pagkawag ng buntot ni Marcos at mga tuta ng Amerikanong upisyal sa pangunguna ni Defense Sec. Gilbert Teodoro, na nag-alok sa US na gamitin ang bansa para sa estratehiya nito. Ito ay matapos silang pangakuan na itutuloy ang planong pagbibigay ng $500 milyong ayudang militar.

Paglipas ng ilang araw, sa utos ng US, inianunsyo ni Gen. Romeo Brawner, hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na palalawakin ang saklaw ng operasyon ng AFP lagpas pa sa dulong isla ng Mavulis sa Batanes. Inutusan niya ang Northern Luzon Command na maghanda sakaling may “paglusob sa Taiwan.” Ang totoo, nais ng US na ipwesto doon ang mas maraming sundalong Pilipino para magsilbing taga-alalay sa mga tropang Amerikanong balak ipwesto malapit sa Taiwan.

Dapat puspusang itakwil at labanan ng sambayanang Pilipino ang pagpapagamit ng rehimeng Marcos sa estratehiya ng imperyalismong US at pagpapakaladkad sa Pilipinas sa mga operasyong militar ng US. Walang ibang ireresulta ito kundi ang pagpapakat ng paparaming tropa, barkong nabal at kagamitang pandigma ng US sa Pilipinas, katulad ng ginagawa nito sa Japan, South Korea at iba pa. Nakatuon ito sa pagpapaigting ng paghahanda at pang-uudyok ng US ng gera sa rehiyong Asia-Pacific, alinsunod sa estratehikong layunin nitong “pigilan” ang paglago ng kapangyarihan ng karibal nitong China.

Ang pagsasagasa ng US ng estratehiya nito ay yumuyurak sa kasarinlan ng Pilipinas. Iginagapos nito ang Pilipinas sa mga plano ng US at inaalisan ang bansa ng kakayahang gumawa ng sariling pagpapasya sa mga usaping panlabas. Sa pagkiling ni Marcos sa mga planong militar ng US, sinasarhan niya ang iba’t ibang posibleng landas, laluna ang mapayapa at diplomatikong daan, ng pagharap sa China para lutasin ang mga hidwaan para sa tumbasang pakinabang. Kahit pa isapeligro ang buhay ng daanlibong Pilipino, nagpapagamit ngayon si Marcos at ang AFP sa US sa plano nitong painitin ang sitwasyon sa Taiwan sa tangkang upatin ang China na gumawa ng agresibong hakbanging militar.

Hinahayaan ni Marcos na pahigpitin nang pahigpitin ng US ang kontrol sa AFP sa pamamagitan ng tinataguriang joint trainings para umalalay sa mga tropang Amerikano at maging palaasa sa mga suplay mula sa militar ng US. Pinalalabas nilang “magkabalikat” sila ng mga AFP, gayong ang katotohanan ay ginagamit ng US ang AFP bilang mga pyesa sa estratehiya nitong ipataw ang hegemonya o kapangyarihan sa Asia.

Ang “estratehiya ng pagsagka” ng US ay isa lamang tabing para bigyang-matwid ang pagpapakat ng mga tropang militar nito sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa halip na pigilan, lalo lamang nitong itinataas ang posibilidad na sumiklab ang gera. Ipinakikita ng kasaysayan na ang ilang taong agresibong pagpakat ng US ng mga pwersang militar at mga kagamitang pandigma sa silangang bahagi ng Ukraine, sa ngalan ng pagsagka sa ekspansyunismo ng Russia, ay nag-udyok ng gera noong 2022.

Lalo lamang nitong itinutulak ang karera sa armas, kung saan papalaki nang papalaking rekursong pampubliko ang winawaldas sa pagpapaunlad at produksyon ng mga sandatang pandigma, sa halip na inilalaan sa mga kailangang serbisyong panlipunan.

Ang patakarang “pagsagka” ng US ay alinsunod sa tinatawag nitong Indo-Pacific Strategy para palibutan ang China sa pamamagitan ng pagpapakat ng lakas militar, partikular na sa mga karagatan sa silangang bahagi nito. Ang ganitong estratehiya ay lalo lamang hahantong sa papatinding tensyong militar sa South China Sea at ibang bahagi ng rehiyon, kasabay ng pagsisikap ng China na tumbasan ang mga aksyon ng US sa pamamagitan ng pagpakat ng sarili nitong mga pwersang nabal at pangkaragatan. Lumalaki ang posibilidad ng maling kalkulasyon na maaaring humantong sa pagsiklab ng armadong salpukan.

Ginagamit ng US ang Pilipinas na malaking base militar para sa forward-deployment o abanteng pagpupwesto ng mga opensibong sandatang panggera. Noong nakaraang taon, ipinwesto ng US ang Typhon missile system, sa bandang hilagang Luzon. Lingid sa publiko itong inilipat sa ibang lokasyon, at pinangangambahang nasa isang isla sa Batanes. Sa darating na Balikatan war exercises, na nakatakdang lahukan ng aabot sa 10,000 tropang Amerikano, planong ipwesto ng US ang sandatang NMESIS (Navy Marine Expeditionary Ship Interdiction System), isang kontra-barkong missile system, na kayang magpalipad ng misayl sa layong 185 kilometro. Plano ding dalhin at gamitin ng US Navy sa Pilipinas ang mga “unmanned surface vehicle.”

Kung paniniwalaan ang mga pahayag ni Hegseth, nakatakdang ituon ng US sa ilalim ng gubyernong Trump ang papalaking pansin nito sa Asia, kabilang sa Middle East, at ililipat dito ang paparaming pwersa mula sa Europe. Isa ito sa dahilan na gusto nang tapusin ni Trump ang gera sa Ukraine upang hindi na ito matali doon.

Sa harap ng sitwasyong ito, dapat mahigpit na magbuklod ang sambayanang Pilipino at malakas na ipahayag ang patriyotikong sigaw para bumaklas mula sa kontrol militar ng US. Ang kontrol militar na ito ay nasa anyo ng presensya ng libu-libong mga tropang Amerikano sa mga base militar nito sa Pilipinas, paggamit sa bansa para sa paglulunsad ng sunud-sunod at walang patlang na mga pagsasanay sa gera, pagpupwesto ng mga sandatang pandigma sa mga EDCA site, pagbibigay ng ayudang militar sa kampanya ng pambobomba at pag-istraping ng AFP laban sa BHB at masang magsasaka, at pagdikta sa “AFP modernization” na nag-oobliga sa AFP na sa US lamang bumili ng kagamitan, dahilan na lalo itong nakatali at nakasalalay sa US.

Dapat ubos-kayang magprotesta ang sambayanang Pilipino laban sa planong Balikatan war games, na lalong kakaladkad sa bansa sa imperyalistang tunggalian sa pagitan ng US at China. Dapat puspusang itulak ang kahingian para sa demilitarisasyon ng South China Sea, at ang pagresolba ng mga hidwaang pangkaragatan sa pamamagitan ng mapayapang dayalogo. Dapat manindigan ang sambayanan para sa kagyat na paglalansag ng mga base militar, pagpapalayas sa lahat ng tropang Amerikano, pagbabasura sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at lahat ng hindi pantay na tratadong militar, at pagwawakas ng ayudang militar sa mapaniil at pasistang rehimeng Marcos.

Makibaka para lumaya ang Pilipinas sa kontrol militar ng US