Kasunduang GRP-MILF, binabalahura ng rehimeng Marcos
Hindi natuwa ang liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pagtatalaga ni Ferdinand Marcos Jr kay Abdulraof Macacua bilang bagong pansamantalang punong ministro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA). Ayon sa pahayag na inilabas ng Komite Sentral nito, walang ginawang konsultasyon si Marcos at taliwas ito sa rekomendasyong panatilihin ang kasalukuyang punong ministro na si Ahod Ebrahim (Al Haj Murad). Mas malapit sa rehimeng Marcos si Macacua, na isa ring lider ng MILF.
Sa utos ni Marcos, si Murad ay hinirang na isa na lamang sa 80 panrehiyong kinatawan, bagay na hindi niya tinanggap. Itinalaga si Murad sa BTA noong 2019 ng noo’y presidente Rodrigo Duterte. Siya ang kasalukuyang pinuno ng MILF at commander-in-chief ng Bangsamoro Islamic Armed Forces, ang armadong bisig ng MILF.
Labag sa pinal na kasunduang pangkapayapaan na isinabatas bilang Bangsamoro Organic Law (BOL) ang tahasang pakikialam ng rehimeng Marcos sa internal na proseso ng MILF. Binabalahura nito ang mga probisyon kung saan nakasaad ang “prinsipyo ng awtonomiya” ng grupo. Naipasa ang batas na ito sa panahon pa ng rehimeng Aquino, pero hanggang ngayon ay hindi pa ito lubos na naipatupad dahil hindi pa nailulunsad ang unang eleksyon para sa pagbubuo ng awtonomiyang gubyernong Bangsamoro.
Labag din sa BOL ang pagtatalaga ni Marcos sa 34 lamang sa 41 na tauhan ng MILF sa BTA. Nakasaad sa BOL na ang BTA ay pamumunuan pangunahin ng MILF, sekundaryo ng mga pwersa ng Moro National Liberation Front at malayong pangatlo ng di-Moro na mga katutubong mamamayan. Nawala ang mayoryang pusisyon ng MILF nang palitan ni Marcos ang 70 tauhan nito noong Marso 3.
Sa pakikialam ng rehimen sa BTA, pinahihina ni Marcos ang kredibilidad ng pamunuan ng MILF. Sa pagtalikod at pagwawalang-bahala nito sa mga rekomendasyon ng MILF, epektibong inalisan ni Marcos ng karapatan ang MILF na pamunuan ng BTA na ngayon ay namamahala sa BARMM. Sinisira rin nito ang tiwala ng mamamayang Moro sa proseso ng kapayapaan.
Sa pagwawalambahala ng Gubyerno ng Pilipinas sa mga probisyon ng BOL, ipinamamalas nito ang katusuhan ng GRP, at ng rehimeng Marcos sa partikular, sa pinapasok nitong mga kasunduan sa pakikipag-usapang pangkapayapaan.