Ika-56 anibersaryo ng BHB, ipinagdiwang sa mga syudad at sentrong bayan
Naglunsad ng iba’t ibang aktibidad ang mga organisasyong bahagi ng National Democratic Front (NDF) sa mga syudad at sentrong bayan bilang pagdiriwang sa ika-56 na anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong Marso 29. Binigyang pugay nila ang mga Pulang mandirigma at kumander ng BHB sa kanilang hindi natitinag na rebolusyonaryong diwa sa pagsusulong ng armadong pakikibaka sa kanayunan.
Sa Maynila, nagkasa ng raling-iglap ang higit 60 myembro ng Kabataang Makabayan (KM) sa Earnshaw Avenue, Sampaloc noong Marso 31. Bitbit ng mga myembro ng KM ang mga larawan nina Kasamang Jose Maria Sison, Kasamang Benito Tiamzon at Kasamang Wilma Austria-Tiamzon. Pinarangalan nila ang tatlo, sampu ng maraming iba pa, na nagbuwis ng kanilang buhay at nag-alay ng panahon para sa pagsusulong ng rebolusyong Pilipino.
Noong Marso 30, isang martsa ang inilunsad ng KM, Liga ng Agham para sa Bayan, Katipunan ng mga Gurong Makabayan, Revolutionary Organization of Lumads, Cordillera People’s Democratic Front, at Katipunan ng mga Samahang Manggagawa sa loob ng University of the Philippines-Diliman sa Quezon City.
Nagkaroon din ng maiksing programa ang KM-Kira Mindoro sa loob ng Polytechnic University of the Philippines (PUP)-Manila noong Marso 29. Bitbit nila ang isang malaking balatengga, at mga bandila ng Partido, BHB at ng NDF na kanilang isinabit sa ika-apat at ikalimang palapag ng gusali sa kampus matapos ang programa.
Kabi-kabila rin ang operasyon-dikit at operasyon-pinta ng mga rebolusyonaryong organisasyon para sa anibersaryo. Nakita ang mga pinta, poster, istiker at iba pang likhang-sining ng KM sa PUP-Manila, De La Salle University-Manila, College of Saint Benilde at Rizal Avenue sa Maynila.
Nagpinta rin at nagkabit ng mga poster ang Christians for National Liberation sa kahabaan ng Aurora Boulevard Extension sa Quezon City. Inilunsad rin ng KM-SMR ang pagpapaskil ng mga pahayag at istiker sa mga unibersidad sa rehiyon ng Davao, balwarte ng mga Duterte.
Naglabas din ng pahayag ang iba’t ibang panrehiyong balangay ng NDF at mga organisasyon sa ilalim nito para batiin ang anibersaryo ng BHB. Gayundin, bumati sa anibersaryo ang ilang internasyunal na mga partido at organisasyon kabilang ang Friends of the Filipino People in Struggle, Cairde na Filipínigh Committee ng Anti-Imperialist Action Ireland at Communist Party of Australia (Marxist-Leninist).