Magsasaka, dinukot ng militar sa Masbate
Dinukot at isinakay sa van ng mga kasapi ng 96th Military Intelligence Company (MICO) ng 9th ID ang isang residente at magsasaka sa Barangay Cabangcalan, Placer, Masbate noong Marso 29, alas-6 ng umaga. Kinilala ang biktima na si Junior Tuling, 56 anyos.
Dati nang biktima ng sapilitang “pagpapasuko” ng militar si Tuling. Noong 2021, sapilitan siyang “pinasuko” ng mga sundalo sa kasagsagan ng paglulunsad ng Retooled Community Support Program (RCSP). Sa Masbate, marami na ang katulad ni Tuling na “sumurender” at matapos tumangging magpagamit sa militar bilang ahente sa paniktik o mag-CAFGU ay ginigipit ng mga sundalo.
Nanawagan ng tulong ang pamilya at kamag-anak ni Tuling upang alamin ang kanyang kinaroroonan. Hiling nila na mapanagot ang mga berdugong militar at mabigyang hustisya ang biktima. Nanawagan sila sa lokal na upisyal ng barangay na umaksyon at gumawa ng mga hakbang upang tuntunin ang biktima at tiyakin ang kanyang kaligtasan.
Sa isang hiwalay na insidente noong Marso 27, binugbog ng mga tauhan ng 96th MICO si Totong Cuyos, magsasaka at residente sa Barangay Cabrera, Dimasalang. Liban dito, naiulat sa ikalawang distrito ng Masbate ang laganap na pagnanakaw ng militar sa mga sibilyan na pinalalabas na kagagawan ng Bagong Hukbong Bayan.
Pag-aresto. Sa Quezon, inaresto ng 85th IB at mga pulis ang mga sibilyan na sina Darwin Palo at Jay-Ar Molantes sa Lucena Grand Terminal, Lucena City noong Marso 27. Ang mga biktima ay papunta sana sa Bulacan upang doon magtrabaho.
Si Palo, magsasaka mula sa bayan ng Lopez sa Quezon, ay binansagan ng mga pulis na isa sa mga “most wanted” na kriminal sa rehiyon ng Calabarzon. Ayon sa kanila, humaharap si Palo sa anim na patung-patong na kaso kabilang ang maramihang tangkang pagpatay at paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020. Pinararatangan din siyang kolektor ng BHB-Quezon para sa sinasabing “permit-to-campaign” ngayong eleksyong 2025. Samantala, hindi iniulat ng mga pulis ang pagkakadakip kay Molantes.
Pekeng pagpapasuko. Muling pinalabas ng mga pulis ng Cebu na “sumuko” sa kanila ang isang 25-anyos na lalaking magsasaka na residente ng Barangay Bonbon, Aloguinsan, Cebu noong Marso 28. Pinalalabas ng mga pulis na siya ay “tagasuporta ng BHB.” Ayon sa mga residente ng Barangay Bonbon, kung saan mayroong laban sa lupa ang San Roque Farmers Association, dati nang pinalabas na “sumuko” ang naturang magsasaka.
Samantala, pinuntahan ng mga sundalo sa ilalim ng 31st Civil Military Operations (CMO) ang bahay ng tagapangulo ng San Roque Farmers Association (SRFA) sa Barangay Bonbon noong Marso 11. Hinaras at niligalig ng pitong sundalo si Pio Del Rosario para pigilan siya sa pagkundena at paglalantad sa militarisasyon at pang-aapi sa kanilang komunidad.