Mga Mindoreño, lumalaban sa pagwasak sa kapaligiran at para sa kabuhayan

,

Kumilos ang masang Mindoreño sa dalawang magkahiwalay na pagkakataon para labanan ang pangwawasak sa kapaligiran at para ipagtanggol ang kanilang kabuhayan.

Noong Marso 23, nagtipon ang mga residente ng Barangay Talabaan, Mamburao, Occidental Mindoro noong Marso 23 para sa isang prayer rally laban sa mapangwasak at mapanlinlang na operasyong dredging ng PERRC Construction and Development Corporation.

Ayon sa Mindoro Forum Network (MFN), sinimulan ng kumpanya ang dredging sa tabing ng “river restoration” ng Ilog ng Pagbahan. Gayunpaman, hindi ito naghukay sa itinakdang lugar sa bukana ng ilog. Sa halip, naghukay ito sa karagatan na ilang kilometro mula sa baybay ng barangay. Dahil dito, hindi na makapalaot ang mga mangingisda. Wala na silang nahuhuli dahil natataboy ang mga isda ng ingay sa halos 18 oras na paghuhukay ng barko nito.

Noong Pebrero 25, pansamantalang ipinatigil ng Pamahalaang Bayan ng Mamburao ang dredging ng kumpanya matapos makatanggap ng mga reklamo mula sa mga residente ng Barangay Talabaan. Sa kanilang pagkilos, panawagan nila na permanente nang ipatigil ang operasyon ng kumpanya at ipreserba ang karagatan, laluna ang mga bahura dito. Nanawagan rin sila sa gubyerno na ipagtanggol ang mga mangingisda at kanilang kabuhayan.

Samantala, sama-samang nagtirik ng kandila ang mga myembro ng Samahan ng mga Magsasaka sa Guinobatan (SMG) at MFN sa harap ng city hall ng Calapan City, Oriental Mindoro noong gabi ng Marso 28 para manawagan sa lokal na gubyerno na pigilan ang pagbabakod ng isang korporasyon sa Barangay Guinobatan. Isang araw bago nito, dumating ang tauhan ng MENAKOR Corporation at sapilitang nagtayo ng bakod sa bisa ng permit na ibinigay ng barangay. Inaangkin ng MENAKOR, na pagmamay-ari ni Jolly Lim Ting, ang 158 ektaryang lupa sa barangay.

Ayon sa mga residente, walang isinagawang wastong konsultasyon sa kanila ang barangay. Lubhang apektado ng pagbabakod ang mga lupa, kabuhayan at tirahan ng mga residenteng ilang henerasyon nang nanirahan at nagtrabaho dito.

Ayon sa SMG, 1998 pa nang magsimulang ipamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga magsasaka ng Guinobatan ang Certificate of Land Ownership Award o CLOA. Pero hanggang ngayon, patuloy na nahaharap sa pang-aagaw ng lupa ang mga magsasaka. Tinatayang 600 pamilya ang mapapalayas sa pang-aagaw na ito.

Mga Mindoreño, lumalaban sa pagwasak sa kapaligiran at para sa kabuhayan