Pananagutan at hustisya sa mga biktima ni Duterte
Nagtipon sa Liwasang Bonifacio ang mga myembro ng progresibong grupo noong Marso 28 para magtirik ng kandila, hindi para gunitain ang ika-80 kaarawan ni Rodrigo Duterte, kundi para manawagan ng pananagutan at hustisya para sa mga biktima ng pinakamalalala niyang krimen laban sa sambayanang Pilipino. Ang hiling nila, hatulan siyang may sala sa krimen sa sangkatauhan ng pagpatay sa isasagawang paglilitis ng International Criminal Court (ICC).
Umaasa silang aarestuhin na rin ang iba pang kasapakat ni Duterte sa mga krimeng ito, laluna si Ronald “Bato” dela Rosa, at iba pang berdugong mga hepe ng pulis. Siningil rin nila ang administrasyong Marcos sa nagpapatuloy pa ring mga paglabag sa karapatang-tao at idinudulot nitong kahirapan sa mamamayan.
Pangunahing kalahok sa pagkilos ang mga pamilya ng mga biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang, mga magsasakang mula sa Central Luzon, mga estudyante, guro, at iba pa. Pinangunahan ang pagkilos ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). Naglunsad rin ng protesta sa araw na iyon ang mga grupo sa Tarlac, Quezon, at sa Iloilo City.
Sa ibayong dagat, inilunsad ng Bayan-Europe ang Duterte Panagutin Campaign Network sa The Hague, The Netherlands noon ding Marso 28. Nagkaroon din ng mga protesta sa Australia, Hong Kong, Japan, Belgium, France, Switzerland, United Kingdom, Canada at United States.
Samantala, kinwestyon ng mga migranteng manggagawa ang panawagan ng kampong Duterte para sa “Zero Remitance Week” o pagtigil ng pagpapadala ng pera ng mga OFW sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas bilang porma ng pagsuporta kay Duterte. Sa halip, nanawagan sila ng suporta para sa karapatan at kagalingan ng mga OFW, at hindi para sa isang mamamatay-tao.
Pag-usad sa ICC
Tuluy-tuloy na umuusad ang kaso ni Duterte sa ICC bago ang muli niyang pagharap sa Pre-Trial Chamber (PTC) 1 sa Setyembre.
Noong Marso 21, inatasan ng PTC 1 ang Victims Participation and Reparations Section (VPRS) ng ICC na magmungkahi ng proseso ng aplikasyon at pagpaparehistro ng mga biktima. Paraan ito ng ICC para makalahok ang mga biktima sa buong proseso, mula sa simula ng imbestigasyon hanggang sa pagkakaloob ng reparasyon pagkatapos ng paghatol.
Bahagi ng mga tungkulin ng VPRS ang sumusunod: 1) pagbigay ng impormasyon sa mga biktima tungkol sa kanilang mga karapatan at pagtulong sa kanila na lumahok sa proseso ng ICC; 2) pagsuporta at paggabay sa mga biktima para makamit ang reparasyon o bayad-pinsala at pagtiyak na may akses sila sa proseso ng reparasyon na maaaring nasa anyo ng pera, restitusyon, ari-arian, rehabilitasyon o simbolikong kilos; at 3) makipag-ugnayan sa Trust Fund for Victims para bigyan ng komprehensibong suporta ang mga biktima sa buong hudisyal na proseso.
Iniharap naman noong Marso 24 ng Office of the Prosecution ang 181 pirasong ebidensya sa kampo ni Duterte para sa kanilang pagsusuri. Pangunahing abugado ni Duterte si Nicholas Kaufman, isang British-Israeli. Ang ganitong pagbibigay ng mga ebidensya ay alinsunod sa proseso ng “pagsisiwalat” na tinitiyak na ipinaaalam ang mga ebidensya sa nasasakdal. Ayon sa mga taga-usig, laman ng dokumentong ipinadala nila ang mga materyal at ulat na isinaad sa inilabas na mandamyento de aresto laban sa kanya.
Samantala, kinastigo ng dalawang batikang abugado sa karapatang-tao ang panlilinlang ni Vice President Sara Duterte sa sinabi niyang hindi dapat kasuhan ng krimen laban sa sangkatauhan ang kanyang ama dahil 43 kaso lamang ang pinagbatayan ng mandamyento de aresto. Ani Atty. Kristina Conti, “simplistiko” ang pahayag ni Duterte na maaring makakumbinsi ng ilan pero hindi ng korte. Ani Conti, ang 43 kaso na inilatag ng prosekusyon sa paghingi nito ng mandamyento ay kumakatawan lamang sa laganap na mga atake, para lamang ilabas ang mandamyento de aresto. Sa katunayan, maaari pa umanong madagdagan ang isasampang kaso kay Duterte sa muli niyang pagharap sa korte sa Setyembre.
Samantala, kabi-kabila rin ang palabas ni Sen. Imee Marcos sa dalawang beses niyang paglulunsad ng mga pagdinig sa Senado noong Marso 20 at Abril 3 ukol sa pag-aresto at pagkulong kay Duterte ng ICC. Nais palabasin ng senadora na mali, labag sa soberanya at inhustisya ang pagdakip kay Duterte.