Bagong salinlahi ng mga rebolusyonaryo sa Eastern Visayas
Sumisibol ang bagong salinlahi ng mga tagapagmana ng rebolusyonaryong kilusan sa Eastern Visayas sa harap ng malalaking hamon sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Tuluy-tuloy ang pagsisikap ng Kabataang Makabayan (KM) sa rehiyon para paramihin ang mga kasapi nito at itayo ang mga balangay saanman maaari. Ilan sa myembro ng KM sa rehiyon sina Ka Terry, Ka Patrick, Ka Roan at Ka Owen.
Si Ka Terry, ay mag-aaral sa isang kolehiyo. Hinaharap nila ang panggigipit ng administrasyon, pangre-redtag at paniniktik ng militar. Sa kabila nito, batid niyang malalampasan nila ang mga pagsubok sa pag-oorganisa. “Sa tamang paghahanda, koordinasyon, at pag-iisip, mapangingibabawan namin ang mga hadlang sa pag-oorganisa,” aniya.
Bilang mapagmasid na mag-aaral, namulat si Ka Patrick sa kalagayan ng lipunan at lumahok sa mga pakikibakang masa. Nang nirekrut sa KM, napagtanto niya na ang pagsali sa grupo ang sunod na hakbang na dapat niyang gawin. Dahil sa kakulangan sa karanasan, nagkaroon ng kahirapan si Ka Patrick sa pag-oorganisa sa mga kapwa kabataan. “Pero kahit na mahirap nakakaya pa rin naming mag-organisa ng mga pagkilos,” ayon sa kanya.
Pasismo ng estado ang nagmulat kay Ka Roan na bagtasin ang landas ng rebolusyonaryong pakikibaka. Napukaw siya ng nasaksihan niyang pagdakip ng mga ahente ng estado sa ordinaryong mga taong lumalaban. Naging kasapi siya ng KM at nagpasyang ilaan ang buong panahon sa pag-oorganisa. Nagpunyagi sila sa pag-oorganisa sa kabila ng pananaig ng takot sa maraming estudyante.
“Talagang pinanindigan nalang namin ito at hindi talaga namin iniwan ang tungkuling iniatas sa amin,” aniya. Naging susi umano sa pagbwelo nila ang pangangalap ng mahuhusay na praktis mula sa ibang lugar at pag-angkop nito sa kanilang karanasan.
Namulat si Ka Owen, sa mga suliranin ng lipunan nang nabalitaan ang pagpaslang ng militar kay Chad Booc, isang boluntir na guro sa mga Lumad sa Mindanao. Sa higit na pagkaunawa sa matinding pasismo ng estado, kamakailan lamang ay nagpahayag siya ng kagustuhang makipamuhay sa yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Binigyang inspirasyon siya mismo ng kamag-anak na bahagi ng hukbong bayan. “Idol ko ang BHB. Marami na akong nakilala na kabataang bahagi na ngayon ng hukbo at alam kong ang kanilang dahilan. Estado na mismo ang nagtutulak sa mamamayan na mag-armas. Ito lang ang paraan para mabago ang sistema,” aniya.
___
Halaw sa Larab, rebolusyonaryong pahayagan sa Eastern Visayas.