Mga pagdiriwang sa ika-57 anibersaryo ng PKP, sampal sa mukha ng rehimeng US-Marcos

,

Patunay ang mga pagdiriwang sa bansa at ibayong-dagat sa ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ng patuloy na pagpupunyagi ng buong rebolusyonaryong kilusan. Malaking sampal sa mukha ng rehimeng US-Marcos na sa iba’t ibang lugar ay iwinagayway ang Pulang bandila na may ginintuang maso’t karit para bigyang pugay ang halos anim na dekadang pamumuno ng Partido sa demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas.

Ang mga pagdiriwang ay inilunsad ng mga sangay at komite ng Partido, mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at mga balangay at alyadong organisasyon ng National Democratic Front (NDF). Samantala, nagpaabot rin ng pagbati sa PKP ang mga partido at organisasyon mula sa ibang bansa.

Sa mga pagtitipon, naging tampok ang pagtalakay sa mensahe ng Komite Sentral ng Partido para sa anibersaryo. Pinarangalan rin sa mga aktibidad na ito ang mga martir ng sambayananan sa nagdaang mga dekada.

Sa mga larangang gerilya, nagtanghal ng sandata ang mga Pulang mandirigma ng BHB para magpugay sa Partido, kahit pa patuloy ang operasyong kombat ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Iniulat ang mga pagdiriwang ng BHB sa Cagayan Valley, Southern Tagalog, Negros Island, Eastern Visayas, at North Central Mindanao. Magpapatuloy sa susunod na mga araw ang mga aktibidad ng iba’t iba pang yunit.

Sa Southern Tagalog, nailunsad ng BHB sa mga larangang gerilya sa Batangas, Quezon at Isla ng Mindoro ang mga serye ng pagtitipon. Magkahiwalay na pagdiriwang ang inilunsad sa mga isla ng Samar at Leyte, sa Eastern Visayas. Sa North Central Mindanao, ginamit na pagkakataon ang pagdidirwang para konsolidahin ang mga Pulang mandirigma at makapaglunsad ng programang pangkultura. Maghahatinggabi na nang matapos ang aktibidad.

Ayon sa mga ulat, kitang-kita sa mga Pulang mandirigma ang naging positibong epekto ng pag-aaral sa pahayag ng Komite Sentral. Nakatulong umano ito para iwaksi ang mga bagahe na nagpapabigat at nagpapabagal sa makabuluhang pag-usad ng kani-kanyang mga gawain. Sa mga okasyong ito, mahigpit na ipinatupad ng BHB ang tigil-putukang iniatas ng Komite Sentral sa itinakdang mga araw.

Sa mga sentrong urban at lungsod, naglunsad ng mga martsa, lihim na pagtitipon, operasyon pinta at operasyon dikit (OP-OD) at iba pang aktibidad ang mga balangay at alyado ng NDF. Nagsimula ang mga ito noong ikatlong linggo ng Disyembre 2025 at nagpatuloy hanggang nitong Enero.

Sa Metro Manila, magkasunod na martsa ang inilunsad sa Maynila at Pasay City noong Disyembre 21 at 22, 2025. Kabilang sa mga grupong lumahok sa protesta ang Kabataang Makabayan (KM), Artista at Manunulat ng Sambayanan (Armas), Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka), Revolutionary Council of Trade Unions, Makabayang Kawaning Pilipino at Compatriots.

Sa Central Luzon, naisagawa ang pagtitipon noong Disyembre 26, 2025 sa isang hindi tinukoy na lokasyon. Sa Rizal, inilunsad ng NDF ang pagtitipon noong Disyembre 30, 2025 na sinundan ng pagsasabit ng dalawang higanteng balatengga noong Enero 2 sa Antipolo City.

Sa pangunguna ng Compatriots Philippines, mahigit 100 katao ang dumalo sa isang programang pangkultura sa isang lokasyon sa Southern Tagalog. Dumalo rito ang mga myembro ng grupo mula sa Rizal, Bulacan, at Metro Manila, at mga kapamilya ng mga martir ng sambayanan. Ilang araw bago nito, nagsabit ng mga balatengga ang grupo sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Sa Australia, naglunsad ng pagtitipon at operasyon-dikit ang Compatriots-NDFP-Australia at Compatriots-KM-Narmm. Mahigit 300 naman ang lumahok sa online broadcast ng NDF International Office para basahin ang pahayag ng Komite Sentral.

“Ang pagpupunyagi at dedikasyon [ng Partido] na gampanan ang makasaysayang tungkulin sa pagsusulong ng adhikain ng bayan ay nagbigay inspirasyon at patuloy na nakapagbibigay inspirasyon sa masa na magbangon,” ani Ka Elias Dipasupil, pangkalahatang kalihim ng NDF. Dagdag niya, higit na napalalakas ng Partido ang pamumuno nito sa masang Pilipino sa pagpupunyagi sa kasalukuyang kilusang pagwawasto.

Maraming iba pang balangay at alyado ng NDF ang naglabas ng pahayag para sa anibersaryo ng Partido.

Mga pagdiriwang sa ika-57 anibersaryo ng PKP, sampal sa mukha ng rehimeng US-Marcos