Terorismong militar bago nagtapos ang 2025

,

Walang pakundangan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine National Police (PNP) sa paghahasik ng terorismo at pag-atake sa mga komunidad at mamamayan kahit sa panahon ng Pasko at Bagong Taon. Bago nagtapos ang 2025, naitala ang mga kaso ng pagpatay, pagdukot, pag-aresto at iba pang paglabag sa karapatang-tao.

Pagpatay. Malapitang binaril ng mga tauhan ng AFP ang babaeng lider-magsasaka na si Warlita Jimenez, 55, sa Sityo Makilo, Barangay Camansi, Kabankalan City sa Negros Occidental noong Disyembre 23, 2025. Ang biktima ay asawa ng lider-magsasakang si Joseph Jimenez na pinatay ng 15th IB noong Nobyembre 30, 2022.

Pagdukot. Dinukot ng mga pwersa ng estado ang tauhan ng National Democratic Front-Cagayan Valley (NDF-CV) na si Scarlet Lyne Gayo. Huling nakita si Gayo sa Cavite noong Disyembre 9, 2025 at hindi pa rin makontak hanggang sa kasalukuyan. Nag-aalala ang NDF-CV sa kaligtasan at buhay ni Gayo.

Pag-aresto. Sa Occidental Mindoro, inaresto ng pinagsamang pwersa ng mga pulis at 76th IB si Ramon “Monet” Alcantara sa Barangay San Vicente, Abra de Ilog noong Disyembre 23, 2025. Pinararatangan siyang sangkot sa isang engkwentro ng 76th IB at BHB. Si Alcantara ay aktibong tumututol sa pagmimina sa Mindoro at nagsusulong ng karapatan ng mga katutubong Mangyan para sa kanilang lupang ninuno. Tumakbo siya sa pagka-meyor ng Abra de Ilog noong eleksyong 2022.

Sa Baguio City, inaresto ng mga pulis ang tagapagsalita ng Kilusang Mayo Uno-Cordillera na si Mike Cabangon noong Disyembre 27, 2025. Kumakaharap siya sa kasong “terorrism financing.” Nakalaya siya matapos magpyansa.

Sa Maynila, muling inaresto ng mga pulis noong Disyembre 18, 2025 si Ryan Ombrog sa kasong panununog. Si Ombrog ay kabilang sa mahigit 270 inaresto matapos ang protestang kontra korapsyon noong Setyembre 21, 2025.

Pamamaril. Sa Leyte, nagreklamo noong Disyembre 2025 ang mga residente ng Barangay Villa Corazon, Burauen sa paulit-ulit na walang patumanggang pamamaril ng CAFGU (Citizen Armed Force Geographical Unit) sa komunidad. Ilang beses na umanong nang bigla-biglang nagpaputok ang mga ito sa kanilang kampo sa kalagitnaan ng gabi o madaling araw. Ikinababahala rin ang mga residente ang paglalasing ng mga tauhan ng CAFGU sa mismong kampo militar.

Panggigipit. Ilang araw bago ang pagdiriwang sa Pasko, dinumog at naglunsad ng walang tigil na atake ang 62nd IB sa mga komunidad sa Guihulngan City at Moises Padilla sa isla ng Negros. Sa loob ng 10 araw mula Disyembre 13, 2025 ay nagsagawa ang mga elemento nito ng iligal na pagpasok at paghahalughog sa mga bahay, pananakot at pambabanta, at pagpatay sa isang kalabaw.

Terorismong militar bago nagtapos ang 2025