Hadlangan ang pag-arangkada ng gera at pasismo ng imperyalismong US
Kasisimula pa lamang ng taon, umarangkada na ang makinaryang panggera ng imperyalismong US, sa pangunguna ng hibang na pasistang si Donald Trump, presidente ng US. Noong Enero 3, sabayang binomba nito ang Caracas, sentrong lungsod ng Venezuela, at ibang karatig na rehiyon, at isinagawa ang operasyong militar para dukutin si President Nicolas Maduro at asawa niyang si Cilia Flores para pwersahang dalhin sila sa US.
Kung anu-anong ang hinabi ni Trump na paratang kontra kay Maduro, katulad ng inimbentong “drug cartel” na kanya daw pinamumunuan, para bigyang matwid ang tahasang iligal na operasyon. Ngunit alam ng buong mundo ang totoong dahilan: ang langis ng Venezuela na pinaglalawayan at inaangkin ni Trump na “kanila.” Umamin din si Trump, nang ideklarang “patatakbuhin namin ang Venezuela at kokontrolin ang kanyang langis.”
Lantarang armadong agresyon para sa pandarambong ang pagsalakay ng imperyalistang maton sa bansang nagtatanggol ng kanyang kalayaan. Matapos dukutin si President Maduro, binabantaan naman ngayon ni Trump ang humaliling si Delcy Rodriguez, upang pwersahing sumunod sa kanyang dikta. Nagkakaisa ngayon ang mamamayan ng Venezuela sa pagtindig at paglaban. Sa lansangan, nagkakaisang sigaw nila, “Ibalik sa amin si Maduro!”
Malawakan ding binatikos ng maraming bansa ang pananalakay ng US dahil sa paglabag nito sa mga internasyunal na batas at panuntunan ng United Nations. Nagpahayag ng “pagkabahala” maging ang mga kapwa at alyadong imperyalista ng US, bagaman pinipili nilang tumabi lamang. Mayroon namang mga grupong maka-US na “nag-aalala” sa agresyon ng US, subalit tahimik na pumapalakpak rin sa pagdukot ng US sa anti-imperyalistang si Maduro.
Ang agresyong militar ng US sa Venezuela ay hindi una, at tiyak na hindi huling pangyuyurak nito sa mga malayang bansa sa iba’t ibang panig ng mundo. Mula nagtapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang US ay nanakop, nanlusob, nanghimasok, pumatay sa mga lider, nagkudeta, nagluklok at sumuporta sa mga maka-US na pasistang diktadura sa hindi bababa sa 30 bansa, kalakhan sa Latin America, pati na sa Asia kabilang ang Middle East. Binabantaan din ngayon ng US ang Iran, na katulad ng Venezuela, ay mayaman sa langis, at piniling isabansa ito. Pinagbabantaan din ng pasistang hibang ang Mexico, Canada, at Greenland.
Sa ilalim ng bagong pinirmahang National Security Strategy (NSS) ni Trump, idineklara nito ang balak na gawing “pinakamakapangyarihan at pinakanakamamatay” ang pwersang militar ng US. Idineklara ni Trump ang planong pagbakod sa Latin America, na itinuturing nilang “aming bakuran.” Isa itong banta laban sa Cuba, Colombia, Brazil at iba pang bansang nagtataguyod ng kanilang karapatan sa sariling pagpapasya.
Ang tahasang pagsalakay ng US sa Venezuela ay bagong antas ng pagsahol ng pasistang terorismo ng US, sa harap ng tumitinding imperyalistang kontradiksyon. Ipinakita ng pasistang si Trump na walang batas na sasagka sa kanyang kahibangan. Labis na nangangamba ang mga karibal at alyado ng US na gamitin ang langis ng Venezuela bilang sandatang pampulitika at pang-ekonomya laban sa kanila sa anyo ng pag-impluwensya sa pandaigdigang suplay at presyo.
Sa pangunguna ng US, palaki nang palaki ngayon ang inilalaang pondo sa gastusing militar. Pumasok na sa bagong antas ng militarisasyon ang imperyalistang Japan sa pagbuhos nito ng wala pang kapantay na laki ng pondo sa produksyong militar. Papalaki rin ang gastusing militar ng mga imperyalistang bansa sa Europe. Kaanib man ng US sa NATO, ang France at Germany ay tumututol sa itinutulak ng US na kasunduan sa Ukraine, dahil labis ang ibinibigay nitong kontrol sa US sa rekurso ng bansa, sa disbentahe ng mga imperyalista sa Europe.
Tanda ng lumalalim na krisis ng imperyalismo ang tumitinding pag-aagawan ng pinakamalaking kapangyarihan para sa mapagkukunan ng murang hilaw na materyales, at mapaglalagakan ng sobrang kapital sa anyo ng pagpapautang at pamumuhunan. Agawan sa teritoryo ang dahilan ng sumisiklab na mga digmaan sa iba’t ibang panig ng mundo, mula sa gerang proksi ng US sa Ukraine laban sa Russia, pagdurog ng US at Zionistang Israel sa Gaza, pagsaklot ng mga imperyalista sa Syria, pambobomba ng US sa Yemen at Somalia, at pakikipaggirian ng US sa China sa South China Sea.
Sa kontekstong ito, lubos na mauunawaan ang papalaking presensya ng mga pwersang militar ng US sa Pilipinas, ang pagdami ng mga base militar nito sa iba’t ibang panig ng bansa, ang paglalagak ng malalakas na sandata, ang permanenteng paglalayag ng mga pwersang nabal nito sa karagatan ng bansa, ang walang tigil na mga ehersisyong militar at pang-uupat ng sigalot sa Taiwan. Itinayo ng US ang Task Force Philippines upang pahigpitin ang kontrol nito sa Armed Forces of the Philippines at tibayan ang pangunahing haligi ng paghahari nito sa Pilipinas. Sa susunod na limang taon, plano ng US na magbuhos ng $2.5 bilyong ayudang militar hanggang sa 2030.
Lahat nang ito’y walang kinalaman sa “pananaig ng batas” o “kalayaan sa paglalayag” sa karagatan. Matapos ng ipinakita ng US sa Venezuela na pag-apak sa mga pandaigdigang panuntunan, mga hangal at bulag na papet ng US na lamang (ang AFP, si Marcos, at mga grupong tulad ng Akbayan) ang pumapalakpak sa pagpupulis-pulisan ng US sa South China Sea.
Lalong walang kinalaman ang presensya ng US sa ipinamamaraling pagtatanggol ng kalayaan ng Pilipinas. Taliwas dito, ang paparaming mga sundalong Amerikano at iba pang dala nitong dayuhang tropa sa Pilipinas ang pinakamalaking pagyurak sa kasarinlan ng bansa. Hindi lamang ginagamit ng US ang bansa para sa kanyang imperyalistang interes, kinakaladkad din nito ang Pilipinas sa gerang taliwas sa kapakanan ng bayan. Pinalalakas nito ang AFP para magsilbi nitong katuwang sa pagsiil sa sambayanang lumalaban.
Sa harap ng tumitinding imperyalistang sigalot, agresyong militar, pasismo at pang-uupat ng gera ng imperyalismong US, dapat pag-ibayuhin ng sambayanang Pilipino ang kanilang pakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Kasabay nito, dapat makiisa sa pinakamalawak na hanay ng mamamayan sa buong daigdig para sagkaan ang arangkada ng gera at pasismo sa buong mundo.