Mga hamon sa sektor ng agham at teknolohiya na atrasado at dominado ng imperyalista

,

Ipinagbunyi ng mga rebolusyonaryo at progresibong siyentista, inhinyero, teknolohista, mga propesyunal at kabataang estudyante sa sektor ng agham at teknolohiya ang ika-50 anibersaryo ng Liga ng Agham para sa Bayan (LAB) noong Disyembre 26, 2025. Sa nakaraang limang dekada, nakamit nito ang iba’t ibang tagumpay sa organisasyon, paglahok sa armadong pakikibaka, at paglilinaw sa mga isyu ng agham, teknolohiya at praktikal na silbi ng mga ito sa rebolusyon. Sa kasalukuyan, nagpupunyagi ang LAB sa muling pag-aaral sa kasaysayan ng pakikibaka nito upang patuloy ng pagtibayin ang mga kalakasan at iwasto ang mga pagkukulang sa nakaraang mga taon.

Isa sa mga hakbang ng LAB ang pagbubuo ng pangkalahatang pagsisiyasat tungo sa higit pang pagpapaunlad ng kaalaman sa sektor. Sa okasyon ng anibersaryo nito, naglabas ang LAB ng espesyal na ulat kaugnay sa kalagayan ng agham at teknolohiya sa bansa. Nasa ibaba ang pagbubuod sa mga puntong inilahad sa naturang pagsisiyasat.

Imperyalistang kontrol

Ang mga higanteng imperyalistang korporasyon ang may monopolyo sa kapital, pananaliksik, produksyon at pamamahagi ng syensya at teknolohiya. Kinokontrol ng mga ito ang pandaigdigang komunikasyon, kabilang ang internet at social media (Facebook, Youtube, X/Twitter) at higanteng kumpanya tulad ng Meta, Microsoft at Apple na nakabase sa US. Pinagkakakitaan nila ang mga teknolohiyang ito, kasabay na ginagamit sa paniniktik, sarbeylans, at disimpormasyon upang supilin ang pakikibaka ng mamamayan.

Idinidikta ng mga imperyalistang kapangyarihan ang direksyon ng pandaigdigang pananaliksk sa syensya at teknolohiya. Hindi pinapayagan ng mga ito ang pag-unlad ng sektor sa mga malakolonyang bansa dahil magreresulta ito sa kumpetisyon taliwas sa interes at labas sa balangkas ng imperyalismo.

Kalagayan ng syensya at teknolohiya sa Pilipinas

Ang Pilipinas ay nananatiling tagasuplay ng hilaw na materyales at murang lakas-paggawa, at taga-angkat ng yaring produkto at teknolohiya ng mga kumpanyang dayuhan.

Napakababa ng gastusin sa pananaliksik at pagpapaunlad ng agham at teknolohiya: 0.16% lamang ng gross domestic product sa panahong 2020–2022. Napakaliit ng badyet ng Department of Science and Technology (₱28.7 bilyon noong 2025).

Ang lokal na industriya ay limitado sa pagkilatis sa produkto at pagbabago ng mga proseso. Walang batayang mga pananaliksik o pagpapaunlad ng mga produkto sa bansa. Pinipigilan ang pagpapaunlad ng mga produkto, bagay na sumusupil sa pagkamalikhain ng lokal na sektor. Pinananatiling tagagamit at tagakumpuni lamang ng inaangkat na teknolohiya ang mga lokal na teknisyan.

Sa agrikultura, mababa ang mekanisasyon. Nakatuon ang pananaliksik para manatiling palaasa sa dayuhang kemikal, abono, binhi, at genetically-modified na mga pananim (o mga GMO) upang palakihin ang kita ng malalaking kumpanya.

Mababa ang kalidad ng edukasyong STEM (Science, Technology, Engineering, at Mathematics). Kulang ito ng mga pasilidad, laboratoryo at kwalipikadong guro. Kakaunti ang kumukuha ng kurso sa natural sciences dahil sa mababang sweldo at kakulangan ng trabaho dulot ng kawalan ng batayang mga industriya.

Bansot at palaasa sa dayuhan

Tambakan ng lipas na at mapanirang teknolohiya ang Pilipinas—mula Green Revolution hanggang mga plantang nukleyar at diesel, at megadams. Mahina ang imprastrukturang digital. Noong 2019, 82% ng kabahayan ang walang internet, mabagal ito na nasa 6.05 Mbps lamang, kumpara sa pandaigdigang abereyds na 11.03 Mbps. Lalo pang lumalala ang cybercrime, scam, sarbeylans, at mga data leak sa ilalim ng mga batas tulad ng SIM Registration Act at Cybercrime Prevention Act.

Sa pamamagitan ng kontrol sa teknolohiya, eksklusibong kontrol sa suplay at pagpepresyo nito, patuloy na nakapagkakamal ng tubo ang mga kumpanyang US. Ipinasok na rin ng US ang teknolohiyang militar nito sa Pilipinas bilang paghahanda sa inter-imperyalistang gera nito sa China. Pinahintulutan na ng papet na rehimeng Marcos ang pagpapatayo ng pabrika ng bala at mga imbakan ng gamit pandigma sa kabila ng panganib na dala ng mga ito sa bansa.

Sa kabuuan, ang atrasadong agrikultura at industriya ang nagbabansot at nagpapanatili sa palaasang sektor ng agham at teknolohiya. Katuwang ng imperyalismo ang reaksyunaryong estado sa pagkontrol nito. Ang tunay na pag-unlad ng agham at teknolohiya ay mangyayari lamang sa pamamagitan ng pambansang industriyalisasyon at modernisasyon ng agrikultura, na makakamtan sa pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba.

Mga hamon sa sektor ng agham at teknolohiya na atrasado at dominado ng imperyalista