Militarisasyon sa isla ng Mindoro, umigting sa bagong taon

,

Nagpahayag ng taos pusong pakikiramay ang National Democratic Front (NDF)-Mindoro sa pamilya, mga kaibigan at mahal sa buhay ni Jerlyn Rose Doydora matapos siyang masawi nang atakehin ng sakit dulot ng walang habas na pambobomba ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Isa pang kabataang-mananaliksik, si Chantal Anicoche, ang nawawala nang mapawalay sa kanyang mga kasama sa panahon ng pambobomba. Naganap ang pambobomba sa Sityo Mamara, Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Enero 1.

Si Doydora ay bahagi ng grupo ng kabataan na nagpaabot ng hangarin na makapanayam ang mga katutubo at magsasaka sa Mindoro at ang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Nais nilang alamin ang kongkretong kalagayan ng masa, ang dahilan ng armadong sigalot at ang tunay na solusyon para makamit ang kapayapaan. Si Doydora ay estudyante ng Pamantasan ng Lunsod ng Maynila. Si Anicoche ay gradweyt ng University of Maryland, Baltimore County sa US.

Nasawi rin sa pambobomba ang tatlong batang Mangyan-Iraya habang nasugatan ang kanilang ina. Napinsala ang kabuhayan ng mga katutubo at magsasaka sa komunidad. Namatay sa bomba ang mga alagang hayop, kabilang ang dalawang baka at tatlong baboy.

Napilitan naman ang 188 pamilya na magbakwit at tumigil sa Cabacao High School dahil sa matinding militarisasyon. Liban dito, may 15 pamilya na pansamantalang nakikituloy sa kanilang mga kalapit na kamag-anak.

Sa kabuuan, 12 bomba ang ibinagsak mula sa apat na attack helicopter ng AFP sa atakeng tumagal ng tatlong oras. Pagkatapos ng pambobomba ay walang patumangga itong nang-istraping sa lugar. Tahasan itong paglabag sa internasyunal na makataong batas na nagbibigay ng pinakamataas na pag-iingat sa buhay at kabuhayan ng mga sibilyan.

Sa gitna ng daan-daang tropang ibinuhos ng AFP, aktibong nakadepensa ang yunit ng BHB na nasa lugar. Dalawang sundalo ang napatay at dalawa rin ang nasugatan sa dalawang magkasunod na engkwentro. Nakamaniobra papalayo ang yunit nang walang dagdag na pinsala.

Matinding militarisasyon

Ayon sa NDF-Mindoro, ang naranasang terorismo ng mga residente at katutubo sa Abra de Ilog noong bagong taon ay isa lamang sa di na mabilang na paglabag sa karapatang-tao ng AFP, PNP at CAFGU sa komunidad sa mga nagdaang taon.

Kasalukuyang nakadeploy sa isla ang nasa 10 at kalahating batalyon ng pinagsamang AFP, PNP at CAFGU. Kabilang dito ang 76th IB, 1st IB, 59th IB, at 5th Scout Ranger Batallion sa ilalim ng 203rd IBde at 2nd ID.

Nagsisilbi ang mga ito na protektor ng mga dayuhan at lokal na burgesyang kumprador na ilang dekada nang nang-aagaw ng lupang ninuno ng mga katutubong Mangyan. Kasabwat naman ng mga kumprador ang lokal na gubyerno at mga ahensya tulad ng National Commission on Indigenous Peoples at Department of Environment and Natural Resources.

Isa sa mga proyekto na planong itayo sa Abra de Ilog ay ang US$25 milyon na natural gas power plant ng Rise Capital Group Nash Oil, Gas, and Power Inc., isang kumpanyang Amerikano. Plano din magtayo ng 40 megawatts na wind farm, na may lawak na 18,711 ektarya sa Barangay Wawa ang kumpanyang Alternergy Holdings Corporation na pinondohan ng Asian Development Bank.

Sa Sityo Malatabako, Barangay San Vicente, pwersahang pinalalayas ng Pieceland Corporation ang mga Mangyan-Iraya sa komunidad. Plano ng kumpanya na tayuan ng subdivision ang 36 ektaryang lupang ninuno.

Samantala, sa Barangay Monteclaro, San Jose, ang komunidad ng Mangyan-Buhid sa mahabang panahon ay nakararanas ng pang-aagaw ng lupa. Matatagpuan dito ang operasyong kwari at mina ng Tamaraw Reservation Expansion Project na ipinagtatanggol ng militar.

Ayon sa NDF-Mindoro, sa kabila ng todo-todong terorismo ng estado, matapang na lumalaban ang mga Mindoreño para sa kanilang kagalingan at karapatan. Patunay ang kanilang pakikibaka sa nagpapatuloy nilang pag-aasam ng panlipunang hustisya, kalayaan at demokrasya.

Militarisasyon sa isla ng Mindoro, umigting sa bagong taon