Protestang bayan

,

 

Paglaban sa korap at pasistang 2026 badyet. Nagprotesta ang mga progresibong grupo sa Mendiola noong Enero 5 para batikusin ang korap at pasistang 2026 badyet na pinirmahan ni Ferdinand Marcos Jr noong araw na iyon. Nagrali rin sila noong Disyembre 29, 2025 sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Quezon City nang niratsada ang ratipikasyon ng badyet. Batbat ang badyet ng pork barrel, unprogrammed appropriations, confidential funds na mga pondo para sa kurakot at pasismso.

Kontra pribatisasyon sa Baguio City. Matapos ang ilang buwang pagtutol, napaatras ng mamamayan ang planong pribatisasyon at “mallification” ng pampublikong palengke sa Baguio City. Noong Enero 3, inianunsyo ng lokal na gubyerno na umatras ang SM Prime Holding Inc sa balak nitong kunin ang palengke. Sa Enero 9, nakatakdang pagbotohan ng konseho ng syudad ang pribatisasyon ng naturang palengke. Inaasahang muling magrarali ang mga grupo sa araw na iyon.

Pagtutol sa pagpapasara sa palengke sa Pasay City. Kinundena ng mahigit 200 manininda at higit 500 manggagawa, kargador, at traysikel drayber ang pagsasara sa Wowee Market sa Pasay City noong Disyembre 19, 2025. Ipinasara ito ng lokal na gubyerno dahil sa sinasabing mga paglabag at kakulangan ng mga permit. Daan-daang ang mawawalan ng kabuhayan, at magpakakaitan ng mas murang bilihin ang mga nakaasa ditong residente.

Kontra-demolisyon sa komunidad sa Pasig City. Nanindigan ang mga residente ng Leona Compound sa Nagpayong, Barangay Pinagbuhatan, Pasig City noong Enero 5 laban sa pagpapalayas ng lokal na gubyerno. Planong tayuan ng ospital at paaralan ang naturang lugar. Tutol ang mga residente sa demolisyon lalo’t walang nakatakdang paglilipatan nila.

Balik-Luneta ng alyansang kontra korapsyon. Muling nagtungo sa Luneta Park sa Maynila ang Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) para alayan ng bulaklak at bigyan-pugay si Dr. Jose Rizal sa anibersaryo ng araw ng kanyang kamatayan noong Disyembre 30, 2025. Ang Luneta Park ay naging saksi sa protestang kontra korapsyon ng 100,000 katao noong Setyembre 21, 2025 at higit 20,000 katao noong Nobyembre 30, 2025 sa pangunguna ng KBKK at mga grupo sa ilalim nito.

Protestang bayan