Mga Pilipinong migrante, tagumpay sa laban sa seguridad sa trabaho
Bunga ng kampanya ng Migrante Manitoba at suporta ng komunidad, matagumpay na naipaglaban ng 17 Pilipinong mekaniko sa Winnipeg, Manitoba sa Canada ang kanilang karapatan sa seguridad sa trabaho. Tinanggal sila sa trabaho ng 4Tracks Ltd nang walang ligal na dahilan matapos lamang ng tatlong linggo sa kumpanya.
Narekrut ang mga Pilipinong mekaniko sa Pilipinas ng Venture Management bilang mekaniko ng trak. Pagdating sa Canada, pinagampan sila ng trabaho ng lampas sa napagkasunduan at sa hindi ligtas na kundisyon. Kabilang dito ang pagpapatraabaho sa kanila sa panahon ng taglamig nang walang sapat na proteksyon. Pinagamit sila ng mabibigat na kasangkapan, kabilang ang para sa paghihinang, nang walang tamang pagsasanay o kagamitan. Pinatira sila sa masisikip na kwarto, habang ang ilan ay napilitan na sa sahig humiga na tanging karton lang ang sapin. Dumanas din sila ng berbal na pang-aabuso at pananakot upang pigilan sila na lumaban.
Sa US, matagumpay na napigilan ng Tanggol Migrante Movement ang planong deportasyon kina Kuya G noong Disyembre 7, 2025 at Tita Rebecca noong Enero 2. Sila ay mga Pilipinong imigrante na idinetine ng Immigration and Customs Enforcement. Habang nakakulong ay nakaranas sila ng medikal na kapabayaan na nagdulot ng matinding karamdaman at kumplikasyon sa sakit. Ayon sa mga duktor, lubhang delikado sa kanilang kalusugan at maaaring mauwi sa kamatayan kung ipipilit silang ibiyahe.