Mamamayang Venezuelan, ipinagtanggol si Maduro at kanilang soberanya
Noon mismong Enero 3, araw ng armadong paglusob ng pwersang militar ng US sa Venezuela, at pagdukot sa presidente nito na si Nicolas Maduro, at sa kanyang asawa na si Cilia Flores, humugos sa lansangan ang naghihimagsik na mamamayang Venezuelan. Binatikos nila ang atake sa kanilang soberanya at iginiit ang agad na pagbabalik ng kanilang presidente at unang ginang.
“Ang layunin ng atakeng ito ay walang iba kundi agawin ang estratehikong mga rekurso ng Venezuela, partikular ang langis at mga mineral, sa tangkang wasakin ang independensya sa pulitika ng bansa. Hindi sila magtatagumpay,” ayon sa gubyernong Venezuelan sa unang upisyal na pahayag nito matapos ang agresyon. Mariin nitong itinakwil at kinundena ang agresyong militar na tumarget sa teritoryo at iba’t ibang sibilyan at militar na pasilidad sa bansa. Mahigit 80 Venezuelan ang naiulat na napatay sa pang-aatake.
Ilang oras matapos ang pagdukot, buong pagmamayabang na idineklara ni Donald Trump na ang US na ang “magpapatakbo” ng Venezuela, kabilang ang malalawak na rekurso nito sa langis. Ang pagtatanggal kay Maduro ay buong sinuportahan ng hayok sa langis at rekursong mga bansa sa European Union, gayundin ng Japan, Australia at ibang mga tutang estado ng US. Agad silang nanawagan ng “mapayapang transisyon” para iluklok ang isang papet na estado na magbubukas sa Venezuela sa pandarambong ng malalaking kumpanya sa langis. Sinuportahan din ito ng mga sosyal demokratang grupong nagkukunwaring kontra sa agresyon pero nakikoro sa pagbibigay-katwiran sa pagdukot kay Maduro.
Binatikos ng Partido Komunista ng Pilipinas ang agresyong militar ng imperyalismong US sa Venezuela. Tinawag nitong “hibang na pasista” si Trump sa pag-utos ng paglusob sa Venezuela. Anang Partido, tiyak na sisilaban nito ang patriyotikong galit ng mamamayan ng Venezuela.
Di pagagaping paninindigan
“¡Maduro, aguanta, que el pueblo se levanta!” (Maduro, kapit lang, umaaklas ang mamamayan!) ang sigaw ng mga Venezuelan sa lansangan. Daan-daang libo ang bumubos sa Caracas at ibang bahagi ng bansa para ipahayag ang kanilang suporta at iparating ang kanilang pagmamahal kay Maduro at kay Flores, ang tinaguriang “unang kombatant” ng bansa. Nagsunog sila ng mga bandila ng US.
“Nawa’y maintindihan ng mga ekstremista na ang mga bombang hiningi nila (sa US) ay pumatay at papatay sa lahat ng mga Venezuelan, Chavista man o hindi,” pahayag ng isang raliyista. Ang mga “ekstremista” na tinukoy niya ay ang mga partidong pinondohan ng US na pinamumunuan ng tau-tauhan nitong si Maria Machado. Matagal nang hiniling ni Machado na salakayin ng US ang Venezuela para pabagsakin ang gubyernong Maduro at iluklok siya at kanyang mga kasapakat sa estado. Magkagayunpaman, hindi siya ipinwesto ni Trump. Labis na kinamumuhian si Machado ng kanyang mga kababayan.
Noong Enero 4, nanumpa bilang pansamantalang presidente si Delcy Rodriguez, bise presidente ng Venezuela, alinsunod sa konstitusyon ng bansa. Pinakilos din ng sandatahang lakas ang malawak na milisyang itinayo nito para sa depensa ng inang bayan.
Internasyunal na suporta
Mabilis at mariin ang pagkundena sa agresyon ng US at pagdukot kina Maduro at Flores sa Latin America, Africa at iba pang mga bansa. Agad na tumindig para kay Maduro at sa Venezuela ang Cuba, Nicaragua at Colombia. Nagpahayag naman ng mariing pagtutol ang Brazil, Uruguay at Mexico sa ginawang pananalakay. Itinuturing nila ang agresyon bilang atake hindi lamang sa Venezuela kundi sa buong Latin America at mga bansang lumalaban sa imperyalistang hegemonya ng US. Sa mga bansang ito, humugos ang mga mamamayan sa lansangan para suportahan ang mga Venezuelan.
Nagkaroon ng kasabay na mga rali sa harap ng mga embahada ng US sa Germany, Spain, Belgium, France, Greece at Turkey. Sa loob ng US, tinuligsa ng mga Amerikano ang agresyon ng sarili nilang gubyerno sa mga pagkilos sa labas ng White House, sa New York (kung saan dinala si Maduro) at ilan pang syudad.
Sa Pilipinas, nagmartsa patungo sa embahada ng US sa Maynila ang mga progresibong grupo sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan at Philippine-Bolivarian Venezuela Friendship Association noong Enero 5. Kinundena nila ang agresyon ng US at nagbigay sila ng suporta sa mamamayang Venezuelan at kanilang gubyerno.