Asembliya ng CNL-Compatriots, inilunsad
Matagumpay na nailunsad noong Oktubre 2025 sa US ang pagtatatag ng Christians for National Liberation-Compatriots (CNL-Compatriots). Ang balangay ang pinaka-unang sub-sektor sa ilalim ng Compatriots na naglunsad ng pandaigdigang asembliya.
Nagtipon sa asembliya ang nasa 120 lider ng pananampalataya mula sa iba’t ibang balangay at selula ng CNL-Compatriots, at mga tagamasid mula sa Compatriots-National Democratic Front, Kabataang Makabayan-Compatriots, Makibaka-Compatriots at iba pa. Naglunsad din ng kasabay na pagtitipon sa iba’t ibang bansa ang mga balangay ng CNL-Compatriots.
Sa pagtitipon, tinalakay ang naganap na kongreso ng Compatriots nitong taon at ang naging pag-unlad ng rebolusyonaryong kilusan sa hanay ng mga Pilipinong migrante. Nagbigay din ng pahayag ang lider ng CNL sa Pilipinas. Pinag-aralan at tinalakay dito ang mga dokumento ng organisasyon, kabilang ang oryentasyon, programa, tatlong-taong programa, at kampanya. Naglunsad din ng eleksyon at nagbuo ng komiteng tagapagpaganap at konseho sa antas balangay at pandaigdig.