PANG-ORGANISASYONG PATNUBAY AT BALANGKAS NG MGA ULAT
Mga Kaukulang Probisyon sa Saligang Batas ng Partido Komunista ng Pilipinas
Artikulo II
Pagsapi
Seksiyon 1. Sinumang mamamayan o naninirahan sa Pilipinas na hindi kukulangin sa 18 taong gulang, naniniwala sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung, sa Programa at
Saligang Batas ng Partido at sumasang-ayong kumilos nang
buong sigasig sa isa sa mga organisasyon ng Partido at
magbayad ng butaw sa pagpasok at regular na buwang butaw ay
maaaring tanggaping kasapi ng Partido.
Seksiyon 2. Ang pagsapi sa Partido ay may bisa sa batayang
indibidwal lamang at alinsunod sa mga sumusunod na paraan ng
pagsasaayos ng pagtanggap ng mga kasapi:
a. Ang mga manggagawa, manggagawang pambukid,
maralitang magsasaka, maralitang mangingisda at
maralitang tagalunsod ay maaaring maging kasapi ng
Partido batay sa rekomendasyon ng sdalawang
kasaping mabuti ang katayuan sa Partido, pagkaraang
tanggapin ayon sa desisyon ng pulong ng sangay o,
kung hinihingi ng kalagayan, ng komiteng
tagapagpaganap ng sangay, at pagkaraan ng anim na
buwang pagiging kandidatong kasapi.
b. Ang mga panggitnang magsasaka, panggitnang
mangingisda, manggagawa sa opisina, artesano,
maliliit na mangangalakal, intelektwal o
propesyunal, estudyante at iba pang bahagi ng
petiburgesya ay maaaring maging kasapi ng Partido
batay sa rekomendasyon ng dalawang kasaping may
isantaong mabuting katayuan sa Partido, matapos
tanggapin sa pamamagitan ng desisyon ng komiteng
tagapagpaganap ng sangay o grupo ng Partido sa
isang organisasyong pangmasa at pagkaraan ng
isantaong pagiging kandidatong kasapi.
k. Yaong mga may katayuang panlipunan na bukod sa mga
nabanggit sa subseksiyon a at b ay maaaring maging
kasapi batay sa rekomendasyon ng dalawang kasaping
may tunuy-tuloy na tatlong taong mabuting katayuan
sa Partido, matapos tanggapin ng komiteng
tagapagpaganap ng sangay o grupo ng Partido sa
isang organisasyong pangmasa at pagkaraan ng
dalawang taong pagiging kandidatong kasapi.
Seksiyon 3. Ang bawat kasapi ng Partido na nagrekomenda sa
isang tao upang maging kasapi ng Partido ay dapat magbigay
ng isang makatotohanan at may-pananagutang ulat sa Partido
tungkol sa ideolohiya, rekord na pampulitika at personal na
katangian at kasaysayan ng buhay ng taong nagnanais sumapi.
Dapat niyang turuan ang kanyang inererekomenda ng sapat na
pagkaunawa sa Marxismo- Leninsimo-Kaisipang Mao Tsetung, Sa
Programa, Saligang Batas, mga patakaran at desisyon ng
Partido. Dapat pormal na sagutin ng inirerekomenda ang
isang pamantayang balangkas ng mga katanungang inihanda ng
Partido.
Bago gumawa ng anumang desisyong tumatanggap sa
kandidatong kasapi, ang kinauukulang komiteng tagapagpaganap
o grupo ng Partido ay dapat humirang ng isang nanunungkulan
sa Partido upang gumawa ng pinakamalawak na pakikipagpalitan ng kuru-kuro sa taong nagnanais sumapi sa Partido, nang sa
gayo'y makilala siya at mapatotohanan ang lahat ng kaukulang
impormasyon.
Seksiyon 4. Sa mga natatanging kalagayan, ang mga nakatataas
na komite ng Partido at mga grupo ng Partido sa mga
organisasyong pangmasa ay maaaring tuwirang tumanggap ng
bagong kasapi.
Seksiyon 5. Ang mga kinauukulang organo ng Partido ay dapat
magbigay sa mga kandidatong kasapi ng panimulang kaalaman
hinggil sa Marxsmo-Leninismo- Kaisipang Mao Tsetung at
hinggil sa Programa at Saligang Batas ng Partido, magtakda
ng pagsubok sa gawaing pamPartido at mamahala sa kanilang
pag-unald sa pulitika.
Maaaring pahabain o paikliin ng pulong ng Partido, ng
komite ng Partido o grupo ng Partido ang panahon ng pagiging
kandidatong kasapi batay sa paggawa at sigasig ng
kandidatong kasapi.
Maaaring iurong ang pagiging kandidatong kasapi kung
maliwanag na hindi matugunan ng kandidatong kasapi ang mga
pangangailangan ng pagiging isang kasapi ng Partido.
Artikulo III
Mga Karapatan at Tungkulin ng mga Kasapi
Seksiyon 1. Ang mga tungkulin ng mga kasapi ng Partido ay
ang mga sumusunod:
a. buuin ang pagkakaisa at lakas ng Partido sa
pamamagitan ng pagtataas sa antas ng kanilang
pagkakaunawa sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao
Tsetung at sa pamamagitan ng pagalalapat ng
unibersal na teoryang ito sa mga konkretong
suliranin ng Partido at ng demokratikong rebolusyon
ng bayan;
b. ipauna ang kapakanan ng Partido o ng masa ng
sambayanan sa kapakanang pansarili, maglingkod sa
masa ng sambayanan nang walang pasubali, matuto sa
kanila at ipaliwanag sa kanila ang mga patakaran at
desisyon ng Partido at gumawa ng maagap na
pag-uulat sa Partido hinggil sa mga pangangailangan
at mithiin ng mga mamamayan;
k. bakahin ang makabagong rebisyonismo at lahat ng
maling tunguhin ng pag-iisip at pagkilos sa loob ng
Partido;
d. sumunod sa Saligang Batas at Programa ng Partido;
e. Tupdin nang lubusan ang linya ng Partido at lahat
ng partikular na tungkuling iniaatas sa kanila;
g. alamin nang buong husay ang kanilang takdang gawain
at maging uliran sa disiplina, masikhay na paggawa,
pagpapakumbaba at simpleng pamumuhay sa mga
organisasyon ng Partido, organisasyong pangmasa at
sa hanay ng mga mamamayan;
h. gumawa ng pamumuna at pagpuna-sa-sarili upang
maipaliwanag ang mga kamalian mga kahinaan,
magsikap nang buong husay na pangibabawan at iwasto
ang mga ito at pagbutihin ang kanilang gawaing
pampulitika;
i. magtrabaho sa isang partikular na organisasyon ng
Partido at laging dumalo sa mga pulong;
l. laging dumalo sa mga kurso ng pag-aaral at laging
magbasa at magpalaganap ng mga lathalain ng
Partido;
m. maging tapat sa Partido at maglahad ng lahat ng
kinakailanagang katibayan upang makabuo ng tumpak
na desisyon;
n. maagap na magbayad ng butaw; at
ng. maging handa sa anumang bagay o pangyayari sa loob
at labas ng Partido na ikanganganib ng Partido at
bakahin ang lahat ng bagay na makapipinsala sa
kapakanan ng Partido at ng mga mamamayan.
Seksiyon 2. Ang mga karapatan ng mga kasapi ng Partido ay
ang mga sumusunod:
a. malayang lumahok sa mga talakayan sa mga pulong ng
Partido hinggil sa mga teoretikal at praktikal na
suliraning may kinalaman sa linya, mga patakaran at
desisyon ng Partido;
b. maghalal at mahalal sa loob ng Partido;
k. magharap ng mga mungkahi, pahayag o karaingan sa
anumang organisasyon, organo ng Partido sa anumang
antas;
d. pumuna sa anumang organisasyon, organo o sinumang
kasapi ng Partido sa mga pulong ng Partido;
e. maglinaw o tumutol sa katangian ng kandidato para
sa anumang tungkulin o komite;
g. maghabol ng anumang desisyon sa nakatataas na
organo ng Partido hanggang sa Komite Sentral at
Pambansang Kongreso; at
h. humiling na humarap sa anumang pulong na tinawag
upang masuri ang kanilang mga katangian, gawain o
anumang aksiyong pandisiplina na ipapataw sa kanila
maliban kung masasangkot ang kaligtasan ng Partido.
Seksiyon 3. Ang mga tungkulin at karapatan ng mga
kandidatong kasapi ay katulad din ng sa mga ksapi ng
Partido, maliban sa wala silang karapatang maghalal o
mahalal at walang tinig sa paggawa ng desisyon sa loob ng
Partido.
Seksiyon 4. Ang mga kandidatong kasapi o kasapi ng Partido
ay malayang magbitiw sa Partido. Ang bawat pagbibitiw ay
lubusang ipaliwanag sa loob ng kinauukulang komite ng
Partido.
Seksiyon 5. Ang bawat kasapi ng Partido, anuman ang kanyang
kahusayan at panunugkulan, na hindi tumupad sa kanyang
tungkulin o hindi gumagalang sa mga karapatan ng kanyang mga
kasama ay pupunahin at bibigyang-aral. Ang malulubhang
paglabag sa mga karapatan at tungkulin ay bibigyan ng
karampatang hakbang na pandisiplina.
a. Ang anumang
aksiyong pandisiplina sa mga kasapi ng Partido ay
pagpapasiyahan ng sangay o grupo sa isang organisasyong
pangmasa na kinabibilangan nila; ngunit kung ang
kaparusahang ipapataw ay pagtitiwalag, kinakailangan ang kapahintulutan ng sumusunod na nakatataas na komite ng
Partido.
b. Ang anumang aksiyong pandisiplina sa isang
kasapi ng komite ng Partido ay pagpapasiyahan ng
komperensiyang naghalal sa kanya sa gayong katungkulan o ng
isang nakatataas na komite ng Partido.
k. Ang anumang aksiyong pandisiplina sa isang kagawad ng Komite Sentral ay pagpapasiyahan ng isang panlahatang pulong ng Komite
Sentral.
Seksiyon 6. Ang mga aksiyong pandisiplina ay ipapataw
alinsunod sa kabigatan ng paglabag sa disiplina ng Partido
at ang mga ito ay alinsunod sa mga sumusunod: babala,
mahigpit na babala, pagtanggal mula sa gawaing naunang
itinakda, pagbibigay ng pagsubok na gawain, suspensiyon o pagtitiwalag mula sa Partido.
Artikulo VII
Batayang Organisasyon ng Partido
Seksiyon 1. Ang sangay bilang isang batayang organisasyon ng
Partido ay itatatag saanman may tatlong kasapi ng Partido na
sama-samang kumikilos bilang isang kolektibong pangkat
alinsunod sa pook ng paninirahan, pook ng gawain at pook ng
pag-aaral. Itatatag ang mga sangay ng Partido sa mga
pabrika, minahan, plantasyon o asyenda, baryo, paaralan,
kalye, tanggapan at mga pook ng pananahanan at sa bawat kompanya ng hukbong bayan. Kung sa mga nabanggit na lugar
ay kulang sa tatlo ang kasapi, ang mga kasping ito ng
Partido ay dapat makipag-ugnay sa pinakamalapit na batayang organisasyon ng Partido.
Seksiyon 2. Kung lampas sa 15 ang kasapi ng isang sangay ng
Partido, ang lahat ng kasapi ay hahatiin sa mga grupo ng
sangay alang-alang sa kaligtasan, maliban kung ang sangay ay
nasa isang rebolusyonaryong base. Ang bawat grupo ng sangay
ay hindi dapat lumampas sa 10 kasapi.
Seksiyon 3. Ang pinakapundamental na tungkulin ng batayang
organisasyon ng Partido ay ang pagpapaunlad ng
pinakamahigpit na ugnayan sa pagitan ng Partido at ng masa
ng sambayanan.
Ang mga pangkalahatang pamnanagutan ng sangay ay:
a. tumupad ng gawaing pampropaganda at
pang-organisasyon sa hanay ng masa upang mapairal
ang linya ng Partido at ang mga patakaran at
desisyon ng mga nakatataas na organo ng Partido;
b. alamin sa masa ang kanilang mithiin at kahilingan,
gumawa ng mga napapanahong ulat sa mga nakatataas
na organo ng Partido, magbigay patnubay at lumahok
sa buhay-pampulitika, pang-ekonomiya at pangkultura
ng mga mamamayan;
k. mangalap ng tulong na materyal at moral para sa
sandatahang pakikibakang inilulunsad ng Bagong
Hukbong Bayan;
d. mangalap ng mga bagong kasapi ng Partido at mga
Pulang mandirigma, mangolekta ng butaw ng mga
kasapi ng Partido, magsuri ng mga ulat mula sa mga
kasapi ng Partido at pangalagaan ang disiplina at
kaligtasan ng Partido sa hanay ng mga kasapi;
e. magbuo ng mga kurso sa pag-aaral para sa mga kasapi
ng Partido at palaganapin ang mga lathalain ng
Partido;
g. magrekomenda ng mga kasapi ng Partido para sa
pagsasanay na pangkadre sa Rebolusyonaryong
Paaralan ng Kaisipang Mao Tsetung.
Seksiyon 4. Ang mga pulong ng sangay ay idaraos kahit
minsan lamang isang buwan. Ang mga ito ay dadaluhan lamang
ng mga puno ng mga grupong pansangay kung sa pook na hindi
matatag at walang proteksiyon ay mahirap dumalo ang lahat ng
kasapi ng sangay.
Ang mga pulong ng sangay ang maghahalal ng komiteng
tagapagpaganap ng sangay, kalihiman, kalihim at mga
pangalawang kalihim at hihirang ng mga puno ng mga grupo ng
sangay. Lahat ng ito'y manunungkulan sa loob ng isang taon.
Ang mga pulong ng sangay ang magpapatibay ng mga
kahilingan sa pagsapi sa Partido, tatanggap at tatalakay sa
mga ulat ng mga kasapi at komite ng sangay, at magpapasiya
sa gawain ng buong sangay.
Seksiyon 5. Ang isang kasapi ng Partido ay maaaring
mapabilang sa dalawang sangay at magbayad ng butaw sa isa
lamang, kung siya ay may kapahintulutan ng isang nakatataas
nna komite ng Partido. Ang isang kasapi ng Partido na
lumilipat mula sa isang sangay tungo sa isa pang sangay ay
dapat magkaroon ng pahintulot ng komite ng seksiyong
nakatataas sa sangay na kanyang pinanggagalingan.
Artikulo VIII
Mga Grupo ng Partido sa mga Organisasyong Pangmasa
Seksiyon 1. Ang mga grupo ng Partido ay lihim na lilikhain
sa bawat antas na maari itong likhain sa mga organisasyon ng
mga manggagawa at sa mga organisasyong pangmasa ng mga
magsasaka, kabataan, estudyante, kababaihan, manggagawang
pangkultura, propesyunal, artesano, at iba pa na katatagpuan ng kahit tatlong kasapi ng Partido. Kabilang sa mga
pananagutan ng mga grupong ito ng Partido ay ang
pagpapatupad sa mga patakaran at pasiya ng Partido,
pagpapalakas sa pakikipagkaisa sa mga aktibistang di kasapi
ng Partido at pagpapaunlad ng mahigpit na ugnayan sa pagitan
ng Partido at masa sa loob ng mga organisasyong pangmasa.
Seksiyon 2. Ang mga kasapi ng Partido sa mga institusyong
burges na malawak ang nasasakupan ay lihim ding magbubuo ng
mga grupo ng Partido. Kabilang sa kanilang mga pananagutan
ang pagpapatupad sa mga patakaran at pasiya ng Partido,
pangangalap ng impormasyong mahalaga para sa Partido,
pagbubunyag sa mga kamalian at kahinaan ng mga
mapagsamantalanag uri at pangangalap ng mga kasapi ng
Partido mula sa hanay ng petiburgesyang tagalunsod.
Seksiyon 3. Ang bilang ng kasapi sa mga grupo ng Partido ay
itatakda ng mga komite ng Partido na namumuno sa kanila.
Ang grupo ng Partido sa bawat antas ng mga organisasyong
pangmasa ay magkakaroon ng isang kalihim isang pangalawang
kalihim.
Seksiyon 4. Ang katayuan at mga karapatan ng mga grupo ng
Partido sa Pambansang Kongreso at sa mga komperensiya ng
Partido ay pagpapasiyahan ng Komite Sentral.
Artikulo IX
Ang Kaugnayan ng Partido sa Bagong Hukbong Bayan
Seksiyon 1. Ang Partido, sa pamamagitan ng Komisyong
Militar nito na napapailalim sa Komite Sentral at sa
pamamagitan ng mga Kadre nito sa bawat antas, ay siyang
mamumuno at mamamatnubay sa Bagong Hukbong Bayan sa
konkretong pagsasagawa ng Kaisipang Mao Tsetung at
maghuhubog ng pinakamauunalad na mandirigma upang maging mga
kasapi ng Partido.
Seksiyon 2. Ang mga alituntunin ng Bagong Hukbong Bayan ay
walang pasubaling kikilala sa pamumuno ng Partido at ng
Komisyong Militar nito at magtatakda sa pagtatalaga ng mga
pinunong pampulitika sa bawat sanadatahang yunit ng Bagong
Hukbong Bayan.
Seksiyon 3. Ang Bagong Hukbong Bayan ang pangunahing sandata
ng Partido sa demokratikong rebolusyon ng bayan at sa
susunod na yugto ng sosyalismo. Buong tibay na
pinagbubuklod sa saligang alyansa ang uring manggagawa at uring magsasaka. Sa kanayunan, lilikhain nito ang mga
nagsasariling pamahalaan sa pamamagitan ng pagbubunsod ng
sandatahang pakikibaka, paglulunsad ng rebolusyong agraryo
at pagbubuo ng mga baseng pambukid.
Seksiyon 4. Isang sangay ng Partido sa bawat kompanya at
isang grupo ng Partido sa bawat iskwad ang bubuuin sa loob
ng Bagong Hukbong Bayan. Ihahalal ang mga namumunong komite
mula sa sangay hanggang sa pinakamataas na pormasyong
militar.
Seksiyon 5. Ang Bagong Hukbong Bayan ay magbubuo ng tatlong
pangunahing anyo ng sandatahang lakas: mga regular na
puwersang makilos, mga yunit ng gerilya at mga yunit ng
milisya o ng pagtatanggol sa sarili. Ito ay puwersa sa
pakikibaka, sa propaganda at sa produksyon.
Seksiyon 6. Pauunlarin ng Partido ang pinakamahigpit na
ugnayan sa pagitan ng hukbo at mga mamamayan, ng Partido at
hukbo, at ng mga pinuno at mga kawal batay sa
rebolusyonaryong diwang proletaryo.
Seksiyon 7. Mahigpit na susundin ng Bagong Hukbong Bayan
ang Tatlong Pangunahing Alituntunin ng Disiplina at Walong
Puntong Dapat Tandaan.
Ang Tatlong Pangunahing Alituntunin ng Disiplina ay:
1) Sumunod sa mga utos sa lahat ng ikinikilos.
2) Huwag kumuha ng kahit isang karayom o hibla ng
sinulid sa masa.
3) Ibigay sa kinauukulang pamunuan ang lahat ng bagay
na nasamsam.
Ang Walong Puntong Dapat Tandaan ay:
1) Maging magalang sa pagsasalita.
2) Bayaran nang husto ang bibilhin.
3) Isauli ang lahat ng hiniram.
4) Bayaran ang anumang nasira.
5) Huwag saktan o murahin ang mga mamamayan.
6) Huwag manira ng mga pananim.
7) Huwag pagsamantalahan ang mga babae.
8) Huwag pagmalupitan ang mga bihag.
Artikulo X
Ang Pananalapi ng Partido
Seksiyon 1. Ang Partido ay tutustusan ng mga butaw sa
pagsapi at regular na butaw ng mga kasapi, ng mga
produktibong gawain ng Partido at ng mga walang kondisyong
kontribusyon.
Seksiyon 2. Ang mga maralitang tagalunsod at tagabukid ay
magbabayad ng itinakdang buwang butaw na limampung sentimo.
Seksiyon 3. Ang sinumang nagnanais pumasok sa Partido ay
kinakailangang magbayad ng butaw sa pagsapi na katumbas ng
halaga ng isang buwang butaw. Ang mga butaw ay babayaran
nang buwanan at katumbas ng dalawa't kalahating porsiyento
ng kabuuang kinikita ng isang kasapi. Gayunma'y maaaring
baguhin ang pagbabayad ng butaw batay sa mga indibidwal na
kalagayan katulad ng walang palagiang kita, mas malaki o mas
mababang kita, o mas malaking pangangailangan ng pamilya.
Seksiyon 4. Maaaring hilingan ng mga natatanging buwis ang
mga kasapi sa kapahintulutan ng kinauukulang komite ng
Partido.
Seksiyon 5. Ang mga kasapi ng Partido na nagkaroon ng
trabaho sa tulong ng Partido sa mga tanggapan sa labas ng
Partido ay magbibigay ng kanilang kita sa Partido at
tatanggap ng halagang pagpapasiyahan ng Partido ayon sa patakaran at sa pangangailangan ng mga kasapi.
Seksiyon 6. Ang Komite Sentral ay tatanggap ng 80
porsiyento ng mga butaw sa pagsapi, butaw ng mga kasapi at
iba pang buwanang kita at siyang maghahati- hati ng halaga
para sa mga komite sa iba't ibang antas. Ang 20 porsiyento
ay maiiwan sa sangay ng Partido.
Back to top
|