PANG-ORGANISASYONG PATNUBAY AT BALANGKAS NG MGA ULAT
PATNUBAY PARA SA MGA REBOLUSYONARYONG ORGANISASYONG PANGMASA
Ang mga organisasyong pangmasa ng mga (1) manggagawa,
(2) magsasaka, (3) mangingisda, (4) kabataan, (5)
kababaihan, (6) bata, (7) alagad ng sining at (8)
mangangalakal na nakatalaga sa rebolusyonaryong layunin ay
maaaring itatag sa mga lokalidad ng mga kadre ng Partido sa
isang lokal na sangay ng Partido, ng isang grupo ng Partido
sa isang iskwad ng hukbong bayan o sa isang pambansa,
panrehiyon o panlalawigang organisasyong pangmasa. Ang mga
lokal na organisasyong dating naitatag na ng masa ay maaari
ring gawing mga organisasyong nakatalaga sa rebolusyonaryong
layunin sa halip na magtatag pa ng bagong organisasyon.
Ang mga tunay na pangalan ng mga rebolusyonaryong
organisasyong pangmasa ay ang mga sumusunod: (1) Samahan ng
mga Manggagawang Makabayan, (2) Samahan ng mga Magsasakang
Makabayan, (3) Samahan ng mga Mangingisdang Makabayan, (4)
Samahan ng mga Kabataang Makabayan, (5) Samahan ng mga
Kababaihang Makabayan, (6) Samahan ng mga Batang Makabayan,
(7) Samahan ng mga Makabayang Alagad ng Sining at (8)
Samahan ng mga Makabayang Mangangalakal. Upang ikubli ang
katangiang ilegal ng mga organisasyong pangmasag ito
samantalang kumikilos nang legal, maaaring gamitin ang ibang
pangalan.
Upang matiyak ang rebolusyonaryong katangian ng mga
lokal na organisasyong pangmasang ito, ang mga kadre ng
Partido ay dapat magtatag ng mga grupo ng Partido sa loob ng
mga ito. Inaasahang pamumunuan nang wasto ng mga grupo ng
Partido ang mga lokal na organisasyong pangmasa.
Upang mahusay na matupad ang kanilang mga
rebolusyonaryong tungkulin, ang mga lokal na organisasyong
pangmasa ay dapat buong pusong tumulong sa paglikha,
pagpapatibay at pagkilos ng mga lokal na organo ng
kapangyarihang pampulitika laluna sa kanayunan. Ang mga
namumunong aktibista sa mga lokal na organisasyong pangmasa
ay dapat isama sa mga lokal na organo ng kapangyarihang
pampulitika.
Ang liderato ng bawat oranisasyong pangmasa ay
karaniwang kinabibilangan ng tagapangulo, pangalawang
tagapangulo, kalihim, ingat-yaman at iba pa o kaya'y mga
katumbas nito. Yayamang maaaring gamitin ang mga
organisasyong naitatag na, dapat magkaroon ng pleksibilidad
sa mga posisyon at anyo ng liderato.
|