Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Ikatlong Kabanata: Ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan



Read in English

Amado Guerrero
July 30, 1970


Ang lahat ng uri at saray na inilahad ay komprehensibong sumasaklaw sa lipunang Pilipino. Imposibleng igiit ng sinuman sa Pilipinas ngayon na hindi siya kabilang sa alinmang uri o alinmang saray sa loob ng isang uri. Ang bawat tao ay kabilang sa isang tiyak na uri at taglay niya ang tatak ng uring iyon.

Kung iguguhit ang saligang istruktura ng lipunang Pilipino, lalabas na isang piramid o korteng bubong, na nasa matulis sa tuktok ang kumakatawan sa wala pang isang porsyento ng buong populasyon ang malaking burgesya at panginoong maylupa, kasama ang pinakamalaki nilang mga ahenteng pampulitika, ang malalaking burukratang kapitalista. Nasa ibaba nila ang parang napakanipis na hiwang kumakatawan sa pambansang burgesya. Sumusunod sa kanila ang makapal-kapal na hiwang kumakatawan sa mga pitong porsyento - ang parte ng petiburgesya (di kabilang ang mga panggitang magsasaka) sa populasyon. Sa lenggwahe ng sosyolodying burges, tinatawag ng panggitnang uri ang pambansang burgesya at ang petiburgesya, kabilang ang mga pangginang magsasaka. Ang mahigit siyamnapung porsyentong (90%) ng piramid, mula ibaba pataas, ay kumakatawan sa masang anakpawis - ang proletaryado at ang uring magsasaka.

Ayon sa Magkasanib na Komisyong Lehislatibo-Ehekutibo sa Buwis ng Pilipinas (Philippine Joint Legislative-Executive Tax Commission) noong 1960, walumpu't walo tuldok tatlong porsyento (88.3%) ng mga pamilyang Pilipino ang kumikita ng mababa sa dalawang libo, limang daan piso (P2,500); walong porsyento ang kumikita mula dalawang libo, limang daang piso (P2,500) hanggang apat na libo, siyam na raa't siyam napu't siyam na piso (P4,999); dalawa tuldok anim na porsyento, mula limang libong piso (P5,000) hanggang siyam na libo, siyam na raa't siyamnapu't siyam na piso (P9,999); at isa tuldok isang porsyento, mula sampung libong piso (P10,000) pataas. Tinatantya na ang mga kumikita ng sandaang libong piso (P100,000) pataas ay ikasampung parte ng isang porsyento ng lahat ng pamilya sa Pilipinas, at kilala silang may pinakamalaking parte sa kita at ari-arian ng bansa. Kahit sariling istatistiks ng reaksyonaryong gobyerno ang ginagamit, hindi pa rin nito maitago ang malaking agwat ng kita ng mga uring mapagsamantala at ng pinagsasamantalahan. Ang ibig sabihin ng agwat na ito ay hungkag ang pinagsasabi ng mga reaksyonaryo na may demokrasya. Mula noong 1960, kung isasaalang-alang ang patuloy na implasyon at dalawang biglaang debalwasyon, lumala nang husto ang kabuhayan ng mamamayan. Ang kita nila ay masyado nang napag-iwanan ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Pwedeng mangyari na maikaklasipika ang isang tao sa dalawa o higit pang kategorya ng uri. Dahil sa malakolonyal at malapyudal na katangian ng ekonomya, ang isang kabilang sa uring panginoong maylupa ay pwedeng kabilang din sa malaking burgesya o sa panggitnang burgesya. Pwedeng tukuyin ang prinsipal na katangian ng uri ng taong ito batay sa kanyang prinsipal na pinagkakakitaan. Kapag isa ring pambansang burges ang isang panginoong maylupa, magkahiwalay at tamang hinaharap ang kanyang interes bilang panginoong maylupa at interes sa industriya o komersyo. Ang isang miyembro ng intelihensya ay pwedeng magmula sa pamilyang panginoong maylupa, pambansang burges o mayamang magsasaka, pero naghahanapbuhay siya bilang petiburges ng lungsod. Sa esensya, kinikilala siyang miyembro ng petiburgesya ng lungsod.

Gayunman, hindi lamang pamantayang pangkabuhayan ang dapat gamitin sa pagkaklasipika ng mga indibidwal. Nahuhubog ang rebolusyonaryo o kontrarebolusyonaryong katangian ng isang indibidwal sa takbo ng pakikibaka, laluna pagdating sa usapin ng pagiging proletaryong rebolusyonaryo. Walang isinisilang na Pula kahit sa mga anakpawis. Sa mga inaapi't pinagsasamantalahan, pwedeng magkaroon ng sandakot na iskirol na dahil sa kontrarebolusyonaryong aktitud ay napupunta sa panig ng mga kaaway ng mamamayan. Sa mga miyembro ng petiburgesya, may pwedeng maging abanteng elemento sa rebolusyonaryong pakikibaka. Kahit sa mga miyembro ng mga mapagsamantalang uri may mga bukod-tanging kaso ng mga indibidwal na nagbabago at sumasama sa mga rebolusyonaryo. Kung gayon, dapat bigyan ng nararapat na importansya ang pamantayan ng paninindigang pampulitika at ang proseso ng pagbabago ng ideolohiya.

Dapat tayong magkaroon ng komprehensibong pananaw na diyalektikong relasyon ng basihang pang-ekonomya at ng super-istruktura. Batay sa mga uri at saray, kailangan din natin ang paulit-ulit na pagsusuri sa mga uri nang sa gayo'y magkaroon tayo ng tamang pagsapol sa mga pagbabago sa pampulitikang aktitud dahil sa bagong materyal na kundisyon, at gayundin sa mga pagbabago sa materyal na kundisyon dahil sa mga pagbabago sa pampulitikang aktitud. Kongkretong pagsusuri sa kongkretong kundisyon ang diwa ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong.

Mga Natatanging Grupong Panlipunan

Walang grupong panlipunan sa Pilipinas na maihihiwalay sa pagsusuri sa mga uri. Kapag binibigyan ng Partido ng ispesyal na atensyon ang mga grupong panlipunan tulad ng mga mangingisda, pambansang minorya, setler, kababaihan at kabataan, hindi ito ginagawa para palabuin o pawalan ng halaga ang makauring nilalaman kundi para bigyan ng nararapat na atensyon ang partikular na kundisyong taglay o kailangang ng bawat grupong panlipunan.

1. Dahil sa pagiging pulu-pulo ng Pilipinas, natatangi ang laki ng grupong panlipunan ng mga mangingisda. Bukod sa mangingisda sa dagat, mayroon ding mga mangingisda sa malalaking ilog at lawa. Ang pangingisda ay hindi lamang pandagdag na hanapbuhay ng uring magsasaka. Mayroon pangingisda lamang ang hanapbuhay at mahahati sila sa tatlong seksyon: mayaman, panggitna at maralita.

Ang mga mayamang mangingisda ay gumagamit ng sariling bangkang de-motor, malalaking lambat at kagamitan sa pangingisda, bumibili ng lakas-paggawa ng mga maralitang mangingisda at kumikita ng higit sa sapat para sa pangangailangan ng pamilya. Ang mga panggitnang mangingisda ay gumagamit ng sariling bangkang de-motor, lambat na katamtaman ang laki at kagamitan na di kasing husay ng sa mayamang mangingisda, sa pangisdaang munisipal lamang nangingisda, at kumikita ng sapat lamang para sa pamilya. Ang mga maralitang mangingisda ay pwedeng may sariling bangka at kagamitan na mahina ang klase, sa may baybayin pangunahing nangingisda, at hindi kumikita ng sapat para sa pamilya kaya kailangan pang humanap ng ibang hanapbuhay, kadalasa'y sa pagsasaka bilang pantulong na hanapbuhay; o pwedeng ibinebenta nila ang kanilang lakas-paggawa sa mga mayamang mangingisda at kapitalista sa pangingisda.

Ang mga mangingisda ay direktang pinagsasamantalahan ng mga kapitalista ng EU at Hapon na nangingisda sa dagat at gumagamit ng malalaking troler at mga plota (kabilang ang mga bapor na imbakan ng isda at bapor na pabrika ng de-latang isda) na sumisimot sa mga pangisdaan; ng mga panginoong maylupang nagbabakod at umaangkin sa pangingisda na nagdidikta ng presyo; at ng abusadong mga upisyal ng gobyerno na basta na lamang kumukuha ng buwis na pero o isda. Pwedeng suportahan ng mga mangingisda, laluna ng mga maralita at panggitna, ang antiimperyalista at antipyudal na pakikibaka. Importanteng-importante sila sa pagkakawing at pagdedepensa sa mga pulo at sa pagpapakain sa mamamayan. Pwede nilang payamanin ang teorya at praktika ng digmang bayan sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa pakikidigmang dagat at pakikidigmang inilulunsad sa mga ilog, lawa at wawa.

2. Dapat bigyan ng ispesyal na pansin ang pangangailangang magkaroon ng awtonomong gobyerno ang mga pambansang minorya na umaabot sa limang milyon (5,000,000) o mga labing-apat na porsyento (14%) ng populasyon. Ang pinakamarami, tatlo't kalahating milyon (3,500,000), ay ang tinatawag na mga tribung Muslim (na mas tamang tawaging Magindanao, Maranao, Tausog, at iba pa). Kasunod ang mga tribung Igorot na kalahating milyon (500,000).

Ang malawak na mayorya ng mga pambansang minorya ay naninirahan sa mga liblib na lugar at mga lugar na pinababayaan at inaabuso nang husto ng reaksyonaryong gobyerno. Ang mga pambansang minorya ay matagal nang biktima ng sobinismong Kristyano at pang-aapi ng mga reaksyonaryo. Hinding-hindi pwedeng magpataw o magbigay ng impresyon na nagpapataw sa kanila ng isang bagay na labas sa kanilang awtonomong pangangailangan. Kinikilala ng Partido ang karapatan nilang magpasya sa sarili. Mapapagkaisa lamang sila at ang iba pang mamamayang Pilipino batay sa pagkakapantay-pantay at respeto sa kanilang kultura o lahi.

Mas mabigat ang pasanin ng mga pambansang minorya sa Pilipinas kaysa iba pang mamamayang Pilipino. Hanggang ngayong primitibong komunal pa ang pamumuhay ng karamihan sa mga Negrito at biktima sila ng rasistang diskriminasyon. Kinakamkam ng mga sobinistang Kristyano at Malayo ang kanilang mga lupa sa mga kapataga't lambak at kahit sa kabundukang pinagtatabuyan sa kanila. Basta't magustuhan ay inaabuso at pinapatay ang mga katutubong ito. Kahit ang mga pambansang minorya sa Mindanao, na ang inabot na yugto sa pag-unlad ng lipunan ay hindi mahuhuli sa inabot ng iba pang mamamayang Pilipino, ay biktima ng pinakasobrang kriminal na pang-aabuso ng mga sobinistang Kristyano at ng reaksyonaryong gobyerno. Ang lupain ng mga ninuno nila ay kinakamkam ng mga imperyalista, komprador, panginoong maylupa at burukratang kapitalista sa pamamagitan lamang ng pagmamanipula ng mga titulo ng lupa at lubos na pagbabale-wala sa katutubong mga kostumbre at batas nila. Ang pangangamkam ng lupa ang kasamaang ipinapadanas ng malalaking nag-iispekulasyon sa lupa, magtotroso, may-ari ng rantso, kumpanya sa minahan at panginoong maylupa sa lahat ng katutubong pambansang minorya sa Pilipinas. Palagi na lamang silang napapalayas sa kanilang lupa sa pamamagitan ng armas. Marami sa kanila ang naitaboy sa pinakaliblib na lugar, at ang mga ito ay pwedeng gawing makapangyarihang mga base para sa rebolusyonaryong pakikidigma.

Sa Pilipinas, ang minoryang Tsino ay biktima rin ng sobinismong Malayo. Kung ang minoryang Tsino sa Pilipinas ay ikukumpara sa mga minoryang Tsino sa ibang bayan sa Timog-Silangang Asya, sila ang pinakakaunti at umaabot lamang sa sandaa't dalawampung libo (120,000).32 Sinasadya ng reaksyonaryong gobyerno na gawing mahirap ang naturalisasyon ng mga Tsinong nasyonal, para makikilan sila nang husto ng bandidong gang ni Chiang at ang mga burukratang kapitalistang Pilipino, at magamit silang madaling target ng sobinistang pagtuligsa, sa layuning huwag pagtuunan ng atensyon ang imperyalismong EU at militarismong Hapones. Lalo itong binibigyan ng diin ng pangyayaring sinusupil ng reaksyonaryong gobyerno ang iginigiit ng mamamayan na isabansa ang lahat ng dayuhang empresa, pag-aari man ng EU o ng iba pa. Magkakakutsaba ang mga imperyalista ng EU, Pilipinong reaksyonaryo, malaking burges na ahente ng bandidong gang ni Chiang at modernong rebisyonista sa pasistang pakana na ipain ang mayorya ng Tsinong nasyonal, na kabilang sa panggitnang burgesya at petiburgesya, malaproletaryado at proletaryado, sa sobinistang pagkamuhi ng mga matong sumisigaw ng mapandigmang islogan na "nasyonalismo" para matakpan ang kanilang pagkapapet sa imperyalismong EU.

Ang tamang patakaran sa lahat ng pambansang minorya ay panghawakan lagi ang proletaryong paninindigan at gumawa ng kailangang pagsusuri sa mga uri. Ito lamang ang paraan para puspusang makasanib sa kanila ang Partido. Sa pagpapalitaw ng mga kadre ng Partido at Pulang mandirigma sa mga pambansang minorya, hindi lamang ang buong papet na estado ang maibabagsak ng Partido kundi pati ang mga lokal na tirano sa mga teritoryo ng mga pambansang minorya.

3. Ang mga setler sa mga bulubundukin at kagubatan sa Pilipinas ay isang importanteng penomenon dahil sa malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino. Importante sila dahil sila'y inaapi, marami at nasa tereyn na paborable sa armadong pakikibaka. Matatantyang di kukulangin sa sampung porsyento (10%) ng populasyon ng magsasaka sa buong Pilipinas ay mga setler na wala pang dalawampung (20) taong naninirahan sa kanilang lugar. Sa ilang probinsya, ang mga setler ang mayorya ng lokal na populasyon.

Ang mga setler sa mga bulubundukin at kagubatan ay mga magsasakang nawalan ng lupa at walang makitang trabaho sa bukid o pabrika sa lubar na pinanggalingan nila. Kahit sa umpisa ay mayroon silang kapirasong lupang binubungkal at itinuturing na sa kanila, karaniwa'y nabubuhay sila bilang maralitang magsasaka o nakakababang-panggitnang magsasaka, at hinahadlangan ng reaksyonaryong gobyerno at iba't ibang lokal na mapagsamantala na magkaroon ng pormal na titulo sa kanilang lupa. Kadalasa'y nagiging biktima sila ng pangangamkam ng lupa, kapabayaan ng gobyerno, pang-uusura, manipulasyon ng komersyante, "lagay" sa mga lokal na burukrata at maton, at mga bandido. Para sa sariling pakinabang ng mga panginoong maylupa at upisyal na reaksyonaryong gobyerno, madala na inuudyukan ng mga ito na maghidwaan ang mga komunidad ng mga setler at ng mga katutubo.

4. Ang kababaihan ang kalahati ng populasyon ng Pilipinas at kabilang sila sa iba't ibang uri. Kung gayon, ang malawak na mayorya ng babaeng Pilipino ay kabilang sa mga uring inaapi at pinagsasamantalahan. Pero dagdag sa makauring pang-aapi, dinaranas nila ang pang-aapi ng kalalakihan. Dapat lalong magsikap ang mga lalaking rebolusyonaryo para magkaroon ang kababaihan ng pinakamalawak na partisipasyon sa demokratikong rebolusyon ng bayan. Hindi nila dapat maging aktitud na sapat nang ang mga lalaki ang nasa rebolusyonaryong kilusan. Ang totoo'y pyudal ang aktitud na ito at gagrabe lamang ang lumang impluwensya ng angkan at simbahan sa kababaihan kung ipepwera sila sa rebolusyonaryong kilusan. Pwedeng gampanan ng kababaihan ang mga pangkalahatan at ispesyal na tungkulin sa rebolusyon. Epektibo itong paraan para makalaya sila sa sakmal ng pyudal na konserbatismo at pati sa dekadenteng burges na paglalarawan sa kababaihan bilang mga bagay na pang-aliw lamang.

5. Ang kabataan ang mayorya ng populasyon ng Pilipinas. Mahaba na ang natatalakay natin tungkol sa kabataang istudyante na sa kabuua'y kabilang sa petiburgesya. Dapat nating tandaan na kabilang sa uring manggagawa at uring magsasaka ang mayorya ng kabataan. Natural lamang na kabataan ang mayorya ng kadre ng Partido at regular na mandirigma sa hukbong bayan. Hindi dapat maging arogante sa mga kabataan ang mga nakatatanda at hindi naman dapat mawalan ng respeto sa mga nakatatanda ang mga kabataan. Ang rebolusyonaryong karanasan ng mga nakatatanda ay dapat mahusay na maisanib sa rebolusyonaryong sigla at talas ng mga kabataan. Importanteng umasa sa kabataan sa matagalang rebolusyonaryong pakikibaka. Sa pagmomobilisa sa kabataan, nasisiguradong walang tigil na lilitaw ang mga magpapatuloy sa rebolusyonaryong kilusan.

__________________________

32 Ang datos na ito ay galing sa mga rekord ng Kawanihan sa Imigrasyon at iba pang rekord ng reaksyonaryong gobyerno. Para mapalaki ang tinatawag na problemang Tsino, karaniwang pinipilit ng mga sobinista na anim na raang libo (600,000), o umaabot pa sa tatlong milyon (3,000,000) ang mga Tsinong nasyonal sa Pilipinas. Ibinibilang nila na Tsinong nasyonal ang mga anak ng Pilipino't Tsino kahit pinili na ng karamihan sa mga ito na maging mamamayang Pilipino ayon sa mga batas ng Pilipinas.

__________________________

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Multimedia]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.